Linggo, Nobyembre 24, 2024

Nilay

NILAY

nais kong mamatay na lumalaban
kaysa mamatay lang na mukhang ewan
ang mga di matiyaga sa laban
ay tiyak na walang patutunguhan

minsan, pakiramdam ko'y walang silbi
sa masa pag nag-aabsent sa rali
tila baga ako'y di mapakali
kung kikilos lang para sa sarili

ngunit ngayon ako'y natitigagal
pagkat sa rali ay di nagtatagal
pagkat nagbabantay pa sa ospital
dahil may sakit pa ang minamahal

siya muna ang aking uunahin
at titiyaking mainit ang kanin
mamahali't aalagaan pa rin
sana siya'y tuluyan nang gumaling

- gregoriovbituinjr.
11.24.2024

Sabado, Nobyembre 23, 2024

Dapat nang kumayod

DAPAT NANG KUMAYOD

kumayod, magtrabaho't maging sahurang alipin
mga solusyon sa problema'y dapat hagilapin

ang buhay ko'y balintuna, aktibista, makata
kaysipag tumula gayong walang pera sa tula

sa masa'y kumikilos kahit na walang panustos
walang pribadong pag-aari, buhay ay hikahos

ang ginagawa'y Taliba, tumula't magsalaysay
kumatha ng mga kwento't pagbaka'y sinabuhay

ngunit ngayon, nahaharap sa problemang pinansyal
mga ipon ay di sapat pambayad sa ospital

naging tao nang nananalasa'y kapitalismo
kumilos upang lipunan ay maging makatao

subalit dapat kumayod, paano magkapera
ng malaki't may ipon para sa emerhensiya

hindi upang yumaman, kundi may ipampagamot
kalusugan ay lumusog, at mapatay ang salot

subalit sinong tatanggap sa akin sa pabrika?
maitatago ko ba ang pagiging aktibista?

maglako o magtinda ng gulay o kaya'y taho
upang makaipon lang, aba'y di iyon malayo

- gregoriovbituinjr.
11.23.2024

Miyerkules, Nobyembre 13, 2024

Pabahay at karapatan, pinaglaban ni Ka Edwin

PABAHAY AT KARAPATAN, PINAGLABAN NI KA EDWIN

mahahalagang isyu ang ipinaglaban
ni Ka Edwin: ang pabahay at karapatan
nais niya'y maayos na paninirahan
at maitayo ang makataong lipunan

di dapat maagrabyado kahit dukha man
mga nanay ng na-EJK, tinulungan
naaapi'y tinuruan ng karapatan
ipinaglaban ang hustisyang panlipunan

mabuting kakosa, mabuting kaibigan
sa mga nakasalamuha n'yang lubusan
sa PhilRight, ZOTO, KPML, PLM man
TFD, Ex-D na kanyang pinamunuan

taaskamaong pagpupugay, comrade Edwin
daghang salamat sa pinagsamahan natin
sa marami, bayani kang maituturing
mga pinaglaban mo'y itutuloy namin

- gregoriovbituinjr.
11.12.2024

* ito ang ikalawang tulang binasa ng makatang gala noong lamay ng Nobyembre 12, 2024
* kuha ng isang kasama ang litrato sa isang pulong ng Ex-D sa Sampaloc, Maynila
* EJK - extrajudicial killings
* ZOTO - Zone One Tondo Organization
* KPML - Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod
* PLM - Partido Lakas ng Masa
* TFD - Task Force Detainees (of the Philippines)
* Ex-D - Ex-Political Detainees Initiative

Sabado, Nobyembre 2, 2024

Sino si Norman Bethune?

SINO SI NORMAN BETHUNE?
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kasintunog ng apelyido kong Bituin ang Bethune (na binibigkas umano na silent e, tulad ng Betun). Nabasa ko noon ang buhay ni Norman Bethune bilang isang doktor na mula sa Canada.

Nabanggit ang kanyang pangalan sa Limang Gintong Silahis o Five Golden Rays na sinulat ni Mao Zedong. Tungkol ito sa pagkilala kay Bethune nang mamatay siya, at binigyan ng luksang parangal.

Isang doktor ng rebolusyong Tsino si Norman Bethune. 

Tulad ng doktor na si Che Guevara, na isinalin ko ang kanyang akdang Rebolusyonaryong Medisina, pumasok sa utak ko si Norman Bethune. Nagsaliksik pa ako hinggil sa kanya, lalo na't naglingkod siya sa Partido Komunista ng Tsina bilang siruhano o surgeon.

Dalawang doktor na naglingkod sa masa, na muling binabalikan ko ngayon, dahil na rin sa pagkakaratay ni misis sa ospital. Habang ako naman ay isang aktibistang nagrerebolusyon kasama ng uring manggagawa. Dalawa silang inspirasyon hinggil sa isyung pangkalusugan bagamat ako'y di naman magdodoktor.

Isinalin ko naman sa wikang Filipino ang Rebolusyonaryong Medisina ni Che Guevara, na isinama ko sa isang aklat ng mga salin ng mga akda ni Che.

Tutukan muna natin si Norman Bethune. At sa mga susunod na susulating artikulo na si Che Guevara.

Ayon sa pananaliksik, si Norman Bethune ay isang Canadian thoracic surgeon, na isa sa mga maagang tagapagtaguyod ng sosyalisadong medisina, at naging kasapi ng Communist Party of Canada. Unang nakilala si Bethune sa internasyonal sa kanyang serbisyo bilang frontline trauma surgeon na sumusuporta sa gobyernong Republikano noong Digmaang Sibil sa Espanya, at kalaunan ay sumuporta sa Hukbo ng Ikawalong Ruta ng Partido Komunista ng Tsina (CCP) noong Ikalawang Digmaang Sino-Hapones. Tumulong si Bethune sa pagdadala ng makabagong gamot sa kanayunan ng Tsina, na ginagamot ang mga may sakit na taganayon at mga sugatang sundalo.

Si Bethune ang nanguna sa pagbuo ng isang mobile blood-transfusion service sa mga frontline operation sa Digmaang Sibil sa Esoanya. Nang maglaon, namatay siya sa pagkalason sa dugo matapos aksidenteng maputol ang kanyang daliri habang inooperahan ang mga sugatang sundalong Tsino.

Kinikilala ang kanyang mga kontribusyong pang-agham noong panahong iyon, at nakakuha ng pansin sa buong mundo. Bilang isang aktibista, pinamunuan niya ang isang krusada upang repormahin ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa Canada, na humihiling ng libreng pangangalagang pangkalusugan para sa lahat. Ang kanyang namumukod-tanging trabaho sa Digmaang Sibil sa Espanya, kung saan inorganisa niya ang kauna-unahang mobile blood transfusion unit, at sa panahon ng digmaang Sino-Hapones, kung saan lubos siyang nakatuon sa kapakanan ng mga sundalo't populasyong sibilyan, ay pagkilos laban sa Pasismo, at sigasig para sa layuning Komunista.

Kinilala ni Mao Zedong ang paglilingkod ni Bethune sa CCP. Sumulat ng iang eulohiya si Mao na inialay kay Bethune noong siya ay namatay noong 1939. Mababasa ang alay na iyon sa Limang Gintong silahis na sinulat ni Mao.

Sa Canada, siya ay inaalala bilang social activist na nakatuon sa kapakanan ng mahihirap at sa reporma ng sistema ng pangangalagang pangkalusugan. Sa People’s Republic of China, iniidolo siya at nananatiling nag-iisang banyagang naging pambansang bayani.

Sinubukan kong isalin sa wikang Filipino ang unang talata ng eulohiya ni Mao Zedong kay Norman Bethune noong 1939:

Sa Alaala ni Norman Bethune
Disyembre 21, 1939

Si Kasamang Norman Bethune, isang miyembro ng Partido Komunista ng Canada, ay humigit-kumulang limampu, nang ipadala siya ng Partido Komunista ng Canada at Estados Unidos sa Tsina; ginawa niyang magaan ang paglalakbay ng libu-libong milya upang tulungan tayo sa ating Digmaan ng Paglaban sa Japan. Dumating siya sa Yenan noong tagsibol ng nakaraang taon, kumilos sa Kabundukan ng Wutai at sa ating matinding kalungkutan, namatay siyang martir habang naririto. Anong klaseng diwa itong ginawa ng isang dayuhan nang walang pag-iimbot na tanggapin ang layunin ng mga Tsino sa pagpapalaya ng kanyang sarili? Ito ang diwa ng internasyunalismo, ang diwa ng komunismo, na dapat matutunan ng bawat Komunistang Tsino. Itinuro ng Leninismo na magtatagumpay lamang ang rebolusyonaryong Tsino kung susuportahan ng proletaryado ng mga kapitalistang bansa ang pakikibaka para sa pagpapalaya ng kolonyal at malakolonyal na mamamayan at kung ang proletaryado ng mga kolonya at malakolonya ay sumusuporta sa proletaryado ng mga kapitalistang bansa. Isinabuhay ni kasamang Bethune ang linyang Leninistang ito. Tayong mga Komunistang Tsino ay dapat ding sumunod sa linyang ito sa ating praktika. Dapat tayong makiisa sa proletaryado ng lahat ng kapitalistang bansa — Japan, Britanya, Estados Unidos, Alemanya, Italya at lahat ng iba pang kapitalistang bansa — bago posibleng ibagsak ang imperyalismo, palayain ang ating bansa at mamamayan at palayain ang iba mga bansa at mga tao sa mundo. Ito ang ating internasyonalismo, ang internasyunalismo kung saan tinututulan natin ang makitid na nasyonalismo at makitid na patriotismo.

May tatlong talata pa ang nasabing eulohiya, subalit basahin n'yo na lang ang Five Golden Rays ni Mao.

PAGPUPUGAY KAY NORMAN BETHUNE

halos katunog ng Greg Bituin ang Norman Bethune
marahil dahil pareho kami ng nilalayon
upang mapalaya ang mamamayan ng daigdig
sa kabulukan ng sistemang dapat na malupig

nagunita siya dahil ako'y nasa ospital
nang maoperahan si misis at dito'y nagtagal
inspirasyon sa tulad ko ang naging kanyang buhay
isang doktor siyang sa masa'y tumulong na tunay

pagyakap niya sa misyon ay tinutularan ko
maging masigasig sa laban ng uring obrero
maging mapagsikhay upang paglingkuran ang masa
maging tapat sa pagkilos at sa pakikibaka

panawagan noon ni Bethune: libreng kalusugan
para sa lahat! na halimbawang dapat tularan
lalo't abot milyong piso ang babayaran namin
nakabibigla't di mo alam kung saan kukunin

O, Norman Bethune, taas-kamaong pasasalamat
ang ginawa mo't halimbawa'y nakapagmumulat
nawa'y marami pang Norman Bethune sa mga doktor
at sa rebolusyonaryong medisina'y promotor

11.02.2024

* litrato mula sa google

* Pinaghalawan ng mga datos:
The medical life of Henry Norman Bethune, na nakatala sa National Library Medicine na nasa kawing na https://pmc.ncbi.nlm.nih.gov/articles/PMC4676399/ 

Biyernes, Nobyembre 1, 2024

Pambayad ko'y tula

PAMBAYAD KO'Y TULA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nang ilunsad ang The Great Lean Run noong 2016, sabi ko sa mga organizer, wala akong pambayad kundi sampung tula. Dahil doon, pinayagan nila akong makasali at makatakbo sa The Great Lean Run. Matapos ang isang taon, sa nasabing aktibidad noong 2017, nailathala ko na ang mga iyon bilang munting aklat na naglalaman ng mga tula kay Lean. Natupad ko ang pangako kong sampung tula, ngunit dinagdagan ko kaya labinlimang tula iyon pati na mga isinalin kong akda ang naroroon.

Sa gipit naming kalagayan ngayon, anong magagawa ng tula, gayong batid kong walang pera sa tula. Nakaratay si misis sa ospital, dahil sa operasyon, may ilang mga kaibigan at kasamang tunay na nagmalasakit at nagbigay ng tulong. Alam nilang pultaym akong kumikilos habang social worker naman si misis na hina-handle ay OSAEC (online sexual abuse and exploitation of children). Bagamat secgen ako ng dalawang organisasyon, XDI (Ex-Political Detainees Initiative) since July 2017, at KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod) since Sept 2018 ay wala naman akong sinasahod doon. Sa KPML, minsan meron, pero maliit lang, sanlibong piso, subalit madalas wala. Si misis ang may regular na sahod.

Bagamat noon pa'y batid kong walang pera sa tula, maliban kung ang aklat mo ng tula ay maibenta, naiisip kong tulad sa The Great Lean Run, patuloy akong kumatha ng tula, iba't ibang isyu, samutsaring paksa. Subalit tula ba'y maipambabayad ko tulad ng sa librong Lean? 

May mga nagbigay ng tulong sa panahong ito ng kagipitan, nais kong igawa rin sila, di lang isa o sampung tula kundi ang mga isyu't kampanya nila'y ilarawan ko sa tula. At marahil ay bigkasin ko sa pagtitipon tulad ng anibersaryo at rali.

Subalit uso pa ba at pinakikinggan ang pagbigkas ng tula ngayon? Open mike. Spoken word. Rap. FlipTop. Balagtasan.

Gayunman, ang pagtula ang isa sa lagi kong ginagawa. Kumbaga, ito ang bisyo ko, at hindi alak at yosi. Sa katunayan, santula-sang-araw ang puntirya ko. Sana'y matutukan ko pa ang pagsasaaklat ng aking mga katha.

Oktubre 23 naadmit si misis sa ospital. Mula Oktubre 1 hanggang 22 ay nagsasalin ako ng mga tulang sinulat ng mga makatang Palestino. Natigil iyon mula Oktubre 23. Isinasalin ko mula sa Ingles ang mga tula sa Arabik na isinalin sa Ingles, at balak ko iyong ilunsad na aklat para sa Nobyembre 29, International Day of Solidarity with the Palestinian People.

Pangarap ko ring maging nobelista, tulad ni JK Rowling ng Harry Potter, o ni J.R.R. Tolkien ng Lord of the Ring. At sinimulan ko iyon sa pagkatha ng maiikling kwento, na nalalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod o KPML. Maikling kwento muna bago magnobela. Baka doon ang bukas ko bilang manunulat. At baka pag sumikat ang aking nobela ay magkapera. Pangarap na sana'y aking matupad.

Iniisip ko na ring ituloy ang naunsyaming paggigitara upang awitin ang ilan sa nagawa kong tula. Nagbabakasakali. Baka matularan ang ilang katutubong mang-aawit. Hindi pa naman huli ang lahat.

Ayoko sanang magkautang. Ayokong matulad sa mag-asawang nagkautang ng malaki sa kwentong "The Necklace" ng kwentistang Pranses na si Guy de Maupassant, na sampung taon ang binuno upang bayaran ang mamahaling alahas na kanilang hiniram sa mayamang kaibigan, subalit nawala ito. Kaya upang mabayaran iyon ay nagsikap magtrabaho ang mag-asawa ng sampung taon na ang isipan ay nakatutok lang upang mabayaran o kaya'y mapalitan ang nawalang alahas ng kanilang kaibigan. Subalit sa huli ay inamin ng mayamang babae, na nagulat sa ipinagbago ng anyo ng nanghiram na kumare, na hindi totoong mamahalin ang alahas kundi puwet ng baso.

Subalit tiyak may utang na kami sa ospital, malaki. Dahil sa operasyon pa lang o surgery, umabot na iyon ng halos kalahating milyong piso at ang gamot ay mahigit dalawang daang libong piso, di pa kasama roon ang bayad sa mga doktor. Umabot na sa isang milyong piso ang gamutan. Subalit dapat kong gawan ng paraan.

Gawan ng paraan ng isang pultaym na tibak na hindi naman kumikita sa kanyang pagkilos.

Tula ang kaya kong ibayad, bagamat batid kong walang pera sa tula. Natatawa ka na ba sa tulad kong tibak at makata? Nakakatawa, di ba?

Subalit sarili ko ba'y maaaring kolateral upang mabayaran ang ospital? Gayong sino ako?  Hindi sikat, kundi pultaym na maglulupa. Walang sahod subalit masipag sa pagkilos.

Ito ako. Makata. Manunulat. Aktibistang Spartan. Pultaym. Tagagawa ng pahayagang Taliba ng Maralita dalawang isyu bawat buwan. Mga gawaing walang sahod, na niyakap bilang pamumuhay habang tinataguyod ang karapatang pantao, hustisyang panlipunan, at pagkakapantay.

Kaya naisip kong mag-alay ng tula para sa lahat ng mga tumulong sa aming pamilya sa panahong ito ng kagipitan.

ALAY KO'Y TULA

salamat sa lahat ng tumulong
nang maospital ang aking misis
malayo man ang tingin ko ngayon
ay kailangang magtiis-tiis

bagamat ako'y tibak na pultaym
paraan ay ginagawang lubos
sana'y umayos ang pakiramdam
ni misis at siya'y makaraos

pasasalamat ko'y taospuso 
at bumubukal sa puso'y wagas
na sana si misis ay mahango
mula sa sakit niya't maligtas

ngayon salapi'y hinahagilap
upang ospital ay mabayaran
salamat sa lahat ng paglingap
sa asawa kong may karamdaman

11.01.2024

Huwebes, Oktubre 17, 2024

Pangarap

PANGARAP

masasabi mo bang ako'y walang pangarap
dahil di pagyaman ang nasa aking utak
pag yumaman ka na ba'y tapos na ang hirap?
habang pultaym ako't nakikibakang tibak

hindi pansarili ang pinapangarap ko
kundi panlahat, pangkolektibo, pangmundo
na walang bukod o tinatanging kung sino
kundi matayo ang lipunang makatao

iniisip ko nga, bakit dapat mag-angkin?
ng libo-libong ektaryang mga lupain?
upang sarili'y payamanin? pabundatin?
upang magliwaliw? buhay ay pasarapin?

subalit kung ikaw lang at iyong pamilya
ang sasagana at hihiga ka sa pera
ang pinaghirapan mo'y madadala mo ba?
sa hukay, imbes na magkasilbi sa kapwa?

aba'y inyo na ang inyong mga salapi
kung sa pagyaman mo, iba'y maaaglahi
buti pang matayo'y lipunang makauri
para sa manggagawa pag sila'y nagwagi

- gregoriovbituinjr.
10.17.2024

Huwebes, Oktubre 10, 2024

Dalawa pang aklat pampanitikan ngayong Oktubre

DALAWA PANG AKLAT PAMPANITIKAN NGAYONG OKTUBRE
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matapos ang ikalawang araw ng seminar, na bahagi ng limang araw na aktibidad na inilunsad ng isang grupo sa karapatang pantao, nakabili ang inyong lingkod ng dalawang aklat sa Popular Book Store sa Lungsod Quezon. Maaga kaming nakatapos kanina kaya nakahabol pa ako bago magsara ng ikalima ng hapon ang Popular Book Store. Nilakad ko lang mula sa pinagdausan ng seminar.

Inaamin ko, mahilig akong mangolekta at magbasa ng mga aklat-pampanitikan kaya laking tuwa ko nang makita ko ang mga librong iyon. Nabili ko ang nobelang "Barikada" ni Edberto M. Villegas, at "Ang Bulkan at Iba Pang Kuwento" ni Bienvenido A. Ramos. At kumuha na rin ng ilang magkakaibang isyu ng pahayagang Pinoy Weekly dahil libre lang ito. Mabuti nang may nababasang isyu ng masa na hindi basta nakikita sa mga pang-araw-araw na pahayagan.

Ang aklat na "Barikada", na nabili ko ng P100, ay may sukat na 5.5" x 8.5" at umaabot ng 160 pahina. Ito'y nobelang binubuo ng tatlumpu't dalawang kabanata. Ang awtor nito, ayon sa likod na pabalat ng aklat, ay socio-economic consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). May mga aklat na rin siyang nasulat sa Ingles tulad ng Studies in Philippine Political Economy. Siya rin ay propesor sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Manila at Polytechnic University of the Philippines (PUP).

May pagpapaliwanag sa ikatlong pahina ng aklat na animo'y buod o pagpapakilala sa nobela: "Ang panahong sinasakop ng nobelang ito ay mula sa administrasyon ni Presidente Corazon Aquino hanggang sa rehimen ni Gloria Macapagal Arroyo. Mahalagang ipahiwatig na ang Partido Komunista ng Pilipinas ay naglunsad na ng tinatawag na Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong 1992 at natigil ang planong insureksyonismo sa Kamaynilaan. Kaya ang kabanata sa nobela tungkol sa paglunsad ng insureksyon sa Maynila noong panahon ni Arroyo ay bahagi lamang ng imahinasyon o ng kalayaan bilang artista ng may-akda."

Ang aklat namang "Ang Bulkan at Iba Pang Kuwento", na nabili ko sa halagang P225.00, may sukat na 5" x 7", ay katipunan ng labimpitong kuwento, at inilathala naman ng Ateneo De Manila University Press. Umaabot ito ng kabuuang 226 pahina, kung saan ang 18 rito ay naka-Roman numeral habang ang naka-Hindu Arabic numeral naman ay 208 pahina. May Introduksyon ito ni Roberto T. AƱonuevo, na pinamagatang "Kasarian, Silakbo at Kapangyarihan sa mga Kuwento ni Bienvenido A. Ramos." Kasunod nito ay ang Prologo ng may-akda. Si Ramos ay nagsimula bilang manunulat at kagawad ng magasing Liwayway at nakatanggap na rin ng mga parangal tulad ng Palanca Memorial Award for Literature at Gawad Plaridel Lifetime Achievement Award.

Ayon sa Prologo, ang akdang Pakikipagtunggali (Liwayway, Abril 24, 1956) ang siyang batayan ng patnugutan ng lingguhang Liwayway upang siya'y kunin bilang kagawad ng patnugutan nito. Subalit ang kwentong iyon ay hindi niya isinama sa aklat. Kaya ako'y nanghihinayang na hindi iyon mabasa.

Nais kong sipiin ang huling talata sa Prologo ni Bienvenido A. Ramos: "Inuulit ko, wala akong pagpapanggap na ibilang sa uring pampanitikan ang mga kathang kasama sa katipunang ito. Ang natitiyak ko, ang mga kathang ito ay siyang salamin ng ating Lipunan - ngayon man at sa darating na panahon."

DALAWANG AKLAT PAMPANITIKAN NA NAMAN

dalawang aklat pampanitikan na naman
ang maidaragdag ko sa munting aklatan
mga libro itong di basta matagpuan
sa maraming mga komersyal na bilihan

at kumbaga'y bihira ang pagkakataon
upang mabili ang mga aklat na iyon
pambili'y mula sa pamasaheng natipon
ng tulad kong pultaym na tibak hanggang ngayon

nais ko ring maging nobelista't kwentista
kaya inaaral ko ang pagsulat nila
lalo't paglalarawan ng buhay ng masa:
babae, bata, manggagawa, magsasaka

pasasalamat, Bienvenido A. Ramos
at Edberto M. Villegas, sa inyong lubos
inspirasyon na kayo sa akdang natapos
at dagdag-kaalaman sa diwa kong kapos

tula't kwento ko naman ay nalalathala
sa pahayagang Taliba ng Maralita
na diyaryo ng isang samahan ng dukha
na buhay nila'y sinasalaysay kong sadya

10.10.2024

* Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) na ang makatang ito ang siyang kasalukuyang sekretaryo heneral.