Martes, Oktubre 20, 2020

Ako'y tibak

Ako'y tibak

ako'y tibak na wala sa dulo ng bahaghari
pagkat nakikibakang ang kasama'y dukhang uri
upang lupigin ang bata-batalyong naghahari
upang pagsasamantala't pang-aapi'y mapawi

adhika'y karapatan ng tao't ng kalikasan
naggugupit ng plastik, inaaral ang lipunan
nageekobrik, bakit may mahirap at mayaman
magbukod ng basura, maglingkod sa sambayanan

hangad na maitayo ang lipunang makatao
na walang pagsasamantala ng tao sa tao
dukha man, karapatang pantao'y nirerespeto
bawat isa'y makipagkapwa, may wastong proseso

isinasabuhay ko ang proletaryong hangarin
upang pagsasamantala't pang-aapi'y durugin
sa kabila ng karukhaa'y may pag-asa pa rin
tayo'y magekobrik, bulok na sistema'y baguhin

ako'y karaniwang tao lang na hilig ay tula
na sinusulat ay buhay ng manggagawa't dukha
nasa Kartilya ng Katipunan nga'y nakatala
ang niyakap kong prinsipyo't tinanganang adhika

- gregoriovbituinjr.

Martes, Oktubre 6, 2020

Ang tunay na kahulugan ng pagsisilbi

Ang tunay na kahulugan ng pagsisilbi

naramdaman ko sa piling ng masang inaapi
kung anong tunay na kahulugan ng pagsisilbi
sa bayan, sa paglilingkod ialay ang sarili
katuturan ng buhay ay natagpuan ko rini

hungkag ang buhay sa lugar na napakatahimik
di ako bagay doon habang iba'y humihibik
ng panlipunang hustisya't dama'y paghihimagsik
nais ko pa ring magsilbi, sa puso'y natititik

di ko nais aksayahin ang buhay ko sa wala
isa akong frontliner na sa sigwa'y sasagupa
isang tibak akong kasangga'y uring manggagawa
at sekretaryo heneral naman ng maralita

ang nais ko'y ialay ang natitira kong buhay
sa bawat pakikibaka't sa prinsipyo kong taglay
bilang paralegal ng dukha'y nagpapakahusay
kaya mananatiling tibak hanggang sa mamatay

- gregoriovbituinjr.

Sa unang anibersaryo ng kamatayan ni Ka Pedring Fadrigon

nabigla kami sa biglaan mong pagpanaw noon
dahil ama ka ng maralita't ng asosasyon
unang anibersaryo ng kamatayan mo ngayon
at ginugunita ka, pangulong Pedring Fadrigon

sa mga lider-maralita, pangalan mo'y sambit
mga tulong sa kapwa dukha'y di ipinagkait
lider na kaysipag hanggang kamataya'y sumapit
ang batikang Ka Kokoy Gan ang sa iyo'y pumalit

kayhusay sa pagkilos at tunay kang nagpapagal
pagkat ipinaglaban ang maralita't ang dangal
ang pagiging lider mo'y ipinakita sa asal
kaya dapat isulat yaong naiwan mong aral

buhay na buhay nga ang kolum mong Tinig ng Dukha
sa ating pahayagang Taliba ng Maralita
na sadyang pumukaw sa puso't diwa ng dalita
habang iyong tangan ang ating prinsipyo't adhika

sa aming paggunita sa unang anibersaryo
ng iyong pagkamatay, K.P.M.L. ay narito
O, Ka Pedring Fadrigon, kami sa iyo'y saludo
maraming salamat sa mga payo't pangaral mo

- gregoriovbituinjr.
10.06.2020

Lunes, Oktubre 5, 2020

Ang nais kong buhay


Ang nais kong buhay

nais kong buhay ay ang may panlipunang hustisya
isang buhay na punung-puno ng pakikibaka
di sa payapang tahanang parang retirado ka
gayong kayraming isyung nagbibigay ng pag-asa

ang unang taludtod ng Kartilya ng Katipunan
ay sinasabuhay ko sa maghapon at magdamag:
"Ang buhay na di ginugol sa malaking dahilan
ay kahoy na walang lilim o damong makamandag!"

nasa pakikibaka yaong hanap kong esensya
ng buhay na itong batbat ng kawalang hustisya
nasa paglilingkod sa uring manggagawa't masa
at nasa pagbabago nitong bulok na sistema

para sa akin, walang katuturan ang tahimik
na buhay, na animo'y nakabiting patiwarik
nais ko'y bakahin ang mapagsamantalang switik
at ang mata ng mga mapang-api'y magsitirik

nais kong itayo'y isang lipunang makatao
na walang pagsasamantala ng tao sa tao
ito ang tangan kong paninindigan at prinsipyo
kung di ito ang tatanganan ko, di ako ito

- gregoriovbituinjr.

Sabado, Setyembre 19, 2020

Pagpupugay sa kapwa organisador

ako'y isang organisador saanman mapadpad
itinataguyod ang layon at sistemang hangad
sa misyong ito'y dapat may tikas at abilidad
prinsipyong yakap mo sa masa'y iyong ilalahad

ikinakampanya'y isang makataong lipunan
kung saan walang pagsasamantala't kaapihan
inaalam ang mga problema't isyu ng bayan
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan

hangarin ng organisador ay pagkakaisa
at pagkapitbisig ng di lang isa o dalawa
kundi ng libu-libo, kundi man ng milyong masa
upang tuluyang baguhin ang bulok na sistema

yakap niya ang prinsipyo ng uring manggagawa
at tungkulin nito bilang hukbong mapagpalaya
alay ng organisador ang buhay, puso't diwa
tungo sa pagdurog sa mga ganid na kuhila

mabuhay kayong mga organisador ng bayan
nagsasakripisyo sa adhikang may katuturan
kumikilos upang bulok na sistema'y palitan
at makamit ng bayan ang hustisyang panlipunan

- gregoriovbituinjr.

Lunes, Setyembre 14, 2020

Pagpupugay sa ika-27 anibersaryo ng BMP

Pagpupugay sa ika-27 anibersaryo ng BMP

ako'y nagpupugay sa mga kasaping obrero,
kasaping samahan, staff, at pamunuan nito
ng ating Bukluran ng Manggagawang Pilipino
sa pangdalawampu't pito nitong anibersaryo

nakikibakang tunay bilang uring manggagawa
marubdob ang misyon bilang hukbong mapagpalaya
sadyang matatag sa pagharap sa anumang sigwa
lalo na't bulok na sistema ang sinasagupa

pangarap itayo'y isang makataong lipunan
nilalabanan ang mapagsamantala't gahaman
nakikibaka para sa hustisyang panlipunan
hangad ay pantay na kalagayan sa daigdigan

ninanasa'y isang lipunang walang mga uri
wala ring elitista, asendero't naghahari
isang lipunang walang pribadong pagmamay-ari
magkasangga ang manggagawa, anuman ang lahi

kaya hanggang kamatayan, ako'y inyong kakampi
lalo't kayo'y kasangga ko sa labanang kayrami
di pagagapi, kalagayan man ay anong tindi
tuloy ang laban, sa pakikibaka'y magpursigi

ako'y taaskamao't taospusong nagpupugay
sa B.M.P. na sosyalistang lipunan ang pakay
mabuhay ang B.M.P., mabuhay kayo! mabuhay!
magkapitbisig, ipagwagi ang layuning tunay!

- gregoriovbituinjr.
09.14.2020

Miyerkules, Setyembre 9, 2020

Kung makakatulong ang tula sa pakikibaka

katulad din ng pag-ibig sa bayang tinubuan
at buong pagyakap sa Kartilya ng Katipunan
iwing prinsipyo'y tatanganan at paninindigan
upang kinakatha'y mabasa rin ng kabataan

kung makakatulong ang tula sa pakikibaka
dahil marami o may ilan ditong nagbabasa
itutula ko ang pagsasamantala sa masa
habang nananawagan ng panlipunang hustisya

kung bawat titik at parirala'y magiging tinig
kung bawat taludtod at saknong ay maiparinig
isusulat ang katotohanang nakatutulig
upang manggagawa't maralita'y magkapitbisig

huwag nating hayaang lagi tayong nakalugmok
halina't palitan na natin ang sistemang bulok
pagkat pagsasamantala nga'y nakasusulasok
para sa katarungan ay lumaban nang mapusok

aking itutula ang kalagayan ng dalita
at mga pakikibaka ng uring manggagawa
narito akong alay ang kakayahang tumula
na hanggang sa huling hininga'y kakatha't kakatha

- gregoriovbituinjr.

Biyernes, Agosto 7, 2020

Tibak sa gabay ng Kartilya ng Katipunan

 "Ang buhay na hindi ginugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim kundi man damong makamandag." ~ unang taludtod ng Kartilya ng Katipunan


tibak akong nabubuhay sa gabay ng Kartilya

ng Katipunan at kumikilos para sa masa

na ipinaglalaban ang panlipunang hustisya

asam na ginhawa'y kamtin ng bayang umaasa


ayokong matulad lang sa kahoy na walang lilim

na iwing buhay nga'y payapa ngunit naninimdim

ako'y aktibista, abutin man ng takipsilim

kumikilos kaharapin man ay ubod ng talim


pariralang "Iisa ang pagkatao ng lahat!"

ay mula kay Gat Emilio Jacinto na sumulat

ng akdang Liwanag at Dilim na sadyang nagmulat

sa akin at sa iba nang ito'y aming mabuklat


kaya ang pagtatayo ng lipunang makatao

ay pangarap na ipinaglalaban ng tulad ko

sino bang di kikilos kung pangarap mo'y ganito

na walang pagsasamantala ng tao sa tao


kaya buhay ko'y laan na sa marangal na layon

kaya sosyalismo ni Jacinto'y ginawang misyon

sakali mang tumungo sa madugong rebolusyon

ay masaya na akong mamamatay kahit ngayon


- gregbituinjr. 

Oo, kaming aktibista'y mapang-usig

 oo, mga aktibistang tulad ko'y mapang-usig

lumalaban upang mapagsamantala'y malupig

nakikibaka upang hibik ng api'y marinig

sa manggagawa't dukha'y nakikipagkapitbisig


inuusig namin ang paglabag sa karapatan

at mga pagyurak sa dignidad ng mamamayan

nakikibaka para sa hustisyang panlipunan

lumalaban sa mga kapitalistang gahaman


hangad naming itayo ang lipunang makatao

na walang pagsasamantala ng tao sa tao

na karapatan at dignidad ay niterespeto

na ginagalang ang due process o wastong proseso


nakikibaka laban sa pribadong pag-aari

pagkat ugat ng kahirapan at pang-aaglahi

inuusig ang mga mapang-api't naghahari

at nilalabanan ang mapagsamantalang uri


oo, kaming mga aktibista'y tinig ng dukha

nakikibakang kakampi ng uring manggagawa

kaming tibak na kawal ng hukbong mapagpalaya

upang makamit ng bayan ang asam na ginhawa


- gregbituinjr.

Linggo, Hulyo 26, 2020

Munting pagtalakay hinggil sa teorya ng alyenasyon ni Marx

Munting pagtalakay hinggil sa teorya ng alyenasyon ni Marx
Nalathala sa tatlong bahagi sa tatlong isyu ng Taliba ng Maralita
Maikling salaysay ni Greg Bituin Jr.

I

May sinulat noon si Karl Marx hinggil sa teorya ng alyenasyon, o yaong pakiramdam mo’y hindi ka na tao kundi bahagi ng makina. O pagkahiwalay mo sa reyalisad bilang isang taong may dignidad at karapatan. Sinasabing ang salitang alyenasyon ay tumutukoy sa “pagkakahiwalay ng tao mula sa kanyang sarili at mula sa kanyang mga kakayahan”.

Ang sinulat ni Marx ay tumutukoy sa manggagawa, hindi pa sa katauhan ng isang tao. Pag-isipan natin at aralin ito, lalo na sa konteksto ngayong maraming manggagawa ang nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19. Marami ang pinabalik sa trabaho subalit wala namang masakyan patungong trabaho. Sa Negros, tinanggal ang mga manggagawang nagtanong lang kung sasagutin ba ng kumpanya ang kanilang ospitalisasyon sakaling sila’y magkasakit pagkat pinapasok sila ng wala man lang mass testing.

Ayon kay Marx, may apat na batayan ng alyenasyon. Ito ang (a) alyenasyon ng manggagawa; (b) alyenasyon ng manggagawa mula sa gawain sa produksyon; (c) alyenasyon ng manggagawa mula sa  kanilang esensya bilang tao o ispesye; at (d) alyenasyon ng manggagawa mula sa ibang manggagawa. 

Ipinaliwanag ni Marx kung paano, sa ilalim ng kapitalismo, mas maraming tao ang umaasa sa kanilang "lakas-paggawa" upang mabuhay. Sa kasalukuyang lipunan, kung nais ng taong kumain, dapat siyang magtrabaho at makakuha ng sahod. Kaya, kung sa pagkahiwalay ng manggagawa ay nagiging animo’y "alipin siya ng paggawa", ang manggagawa ay dobleng nakahiwalay: "una, may natatanggap siyang isang bagay sa paggawa, iyon ay nakatagpo siya ng trabaho. Masaya nga niyang sinasabi: “Sa wakas, may trabaho na ako!” Ikalawa, tumatanggap na siya ng sahod.

Ang teyoretikal na batayan ng alyenasyon sa loob ng kapitalismo'y ang manggagawa ang laging nawawalan ng kakayahang matukoy ang kanyang buhay at kapalaran kapag tinanggalan ng karapatang mag-isip ng kanilang sarili bilang direktor ng kanilang sariling mga aksyon. Naramdaman ko ito noon bilang makinista ng tatlong taon sa isang metal press department. Basta pinagawa ang trabaho, kahit di mo nauunawaan, gagawin mo. Bakit ba ang isang proseso'y lagi kong ginagawa araw-araw, habang ang iba'y ibang proseso ng iisang produkto. Lalo na sa assembly line.

Mas mauunawaan mo pa ang buhay ng isang artisano, na kanyang ginagawa ang isang produkto't kanyang ipinagbibili sa kanyang presyo. Sa kapitalismo, ang kapitalista ang bibili ng iyong lakas-paggawa, hindi sa presyo mo, kundi sa presyong itinakda nila. Kaya para kang ekstensyon ng makina. Ito'y dahil na rin sa kumpetisyon ng mga kapitalista, kung saan ay hindi saklaw ng manggagawa. Basta magtrabaho ka at suswelduhan ka.

Ang disenyo ng produkto at kung paano ito ginawa ay tinutukoy, hindi ng mga gumagawa nito (ang mga manggagawa), ni ng mga konsyumador ng produkto (ang mga mamimili), kundi ng uring kapitalistang bukod 

sa kinikilala ang mano-manong paggawa ng manggagawa, ay kinikilala rin ang intelektuwal na paggawa ng inhinyero at ng tagadisenyo nito na lumikha ng produkto upang umayon sa panlasa ng mamimili upang bilhin ang mga kalakal at serbisyo sa isang presyong magbubunga ng malaking kita o tubo.

Bukod sa mga manggagawa na walang kontrol sa disenyo-at-paggawa ng protokol, kontrolado ng kapitalista ang manu-mano at intelektwal na paggawa kapalit ng sahod, kung saan ang nakikinabang sa kongkretong produkto ay ang mga bumili, at ang kapitalistang kumita.

II

Mabuti pa raw noong panahon ng mga artisano. Gumagawa ang artisano ng produkto na gustong-gusto niyang gawin, may sining, pinagaganda, pinatitibay, upang pag ibinenta niya'y kumita ng malaki. Subalit iba na sa panahon ng kapitalismo.

Sa kapitalistang mundo, ang ating paraan ng pamumuhay ay batay sa palitan ng salapi. Kaya wala tayong ibang pagpipilian kundi ibenta ang ating lakas paggawa kapalit ng sahod.

Ayon kay Marx, dahil dito, ang manggagawa "ay hindi nakakaramdam ng kontento at hindi nasisiyahan, dahil hindi malayang malinang ang kanyang pisikal at lakas ng isip ngunit pinapatay ang kanyang katawan at nasira ang kanyang isipan. Kaya't naramdaman lamang ng manggagawa ang kanyang sarili sa labas ng kanyang trabaho, at ang kanyang trabaho ay naramdaman sa labas ng kanyang sarili". 

Dagdag pa niya, "Dahil ang paggawa ay panlabas sa manggagawa, hindi ito bahagi ng kanilang mahahalagang pagkatao. Sa panahon ng trabaho, ang manggagawa ay malungkot, hindi nasisiyahan at natutuyo ang kanilang enerhiya, ang trabaho ay "pumapatay sa kanyang katawan at nasira ang kanyang isip". Ang nilalaman, direksyon at anyo ng produksiyon ay ipinataw ng kapitalista. Ang manggagawa ay kinokontrol at sinabihan kung ano ang gagawin dahil hindi nila pagmamay-ari ang paraan ng paggawa."

Ang isipan ng tao ay dapat na malaya at may kamalayan, sa halip ito ay kinokontrol at pinamunuan ng kapitalista, "ang panlabas na katangian ng paggawa para sa manggagawa ay lilitaw sa katotohanan na hindi siya sarili ngunit ibang tao, na hindi ito pag-aari, na sa loob nito, siya ay hindi, hindi sa kanyang sarili, kundi sa iba pa. Nangangahulugan ito na hindi siya malaya at kusang makalikha alinsunod sa kanyang sariling direktiba dahil ang porma at direksyon ng paggawa ay pagmamay-ari ng ibang tao.

Ang halaga ng isang tao ay binubuo sa pagkakaroon ng pag-iisip ng mga dulo ng kanilang mga aksyon bilang mga napakahalagang ideya, na naiiba sa mga aksyon na kinakailangan upang mapagtanto ang ideyang isinubo lang sa kanila.

Maaaring tukuyin ng tao ang kanilang mga hangarin sa pamamagitan ng isang ideya ng kanilang sarili bilang "ang paksa" at isang ideya ng bagay na kanilang nalilikha, "ang bagay". Sa kabaligtaran, hindi tulad ng isang tao, hindi natutukoy ng hayop ang sarili bilang "paksa" o ang mga produkto nito bilang mga ideya, "ang bagay". Kumbaga'y hindi nila naiisip ang mangyayari sa hinaharap, o isang sadyang intensyon. Sapagkat ang Gattungswesen ng isang tao (likas na katangian ng tao) ay hindi umiiral nang nakapag-iisa ng mga tiyak na aktibidad na nakondisyon ng kasaysayan, ang mahahalagang katangian ng isang tao ay maisasakatuparan kapag ang isang indibidwal — sa kanilang naibigay na pangyayari sa kasaysayan — ay malayang ibigay ang kanilang kalooban sa mga panloob na pangangailangan na mayroon sila na ipinataw sa kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang imahinasyon at hindi ang panlabas na hinihiling na ipinataw sa mga indibidwal ng ibang tao.

Ayon pa kay Marx, anuman ang pagkatao ng kamalayan (kalooban at imahinasyon) ng isang tao, ang pagkakaroon ng lipunan ay nakondisyon ng kanilang pakikipag-ugnayan sa mga tao at mga bagay na nagpapadali ng pamumuhay, na sa panimula ay nakasalalay sa pakikipagtulungan sa iba, sa gayon, ang kamalayan ng isang tao ay natutukoy nang magkakaugnay (sama-sama), hindi subjectively (nang paisa-isa), dahil ang mga tao ay isang hayop sa lipunan. 

Sa kurso ng kasaysayan, upang matiyak na ang mga indibidwal na lipunan ay inorganisa ang kanilang mga sarili sa mga pangkat na may iba't ibang kaugnayan sa paraan ng paggawa.

Isang uri o pangkat ang nagmamay-ari at kinokontrol ang paraan ng paggawa samantalang ang isa pang uri sa lipunan ay nagbebenta ng lakas-paggawa.

Gayundin, nagkaroon ng isang kaukulang pag-aayos ng likas na katangian ng tao (Gattungswesen) at ang sistema ng mga pagpapahalaga ng uring nagmamay-ari at ng uring manggagawa, na pinapayagan ang bawat pangkat ng mga tao na tanggapin at gumana sa nabagong katayuan ng quo ng paggawa- relasyon."

III

Itinuturing ng kapitalismo ang paggawa bilang isang komersyal na kalakal na maaaring ibenta sa kumpetisyon ng merkado ng paggawa, sa halip na bilang isang nakabubuong aktibidad na sosyo-ekonomiko na bahagi ng kolektibong pagsisikap na isinagawa para sa personal na kaligtasan at pagpapabuti ng lipunan. 

Sa isang kapitalistang ekonomiya, ang mga negosyong nagmamay-ari ng mga paraan ng paggawa ay nagtatag ng isang kumpetisyon ng pamilihan ng paggawa na nangangahulugang katasin sa manggagawa ang lakas-paggawa sa anyo ng kapital. 

Ang pagkamada ng kapitalistang ekonomiya ng mga ugnayan ng produksiyon ay nagtutulak sa panlipunang tunggalian sa pamamagitan ng pagtrato sa manggagawa laban sa manggagawa sa isang kumpetisyon para sa "mas mataas na sahod", at sa gayon ay maiiwasan ang mga ito mula sa kanilang kaparehong interes sa ekonomiya; ang epekto ay isang maling kamalayan, na kung saan ay isang anyo ng kontrol na ideolohikal na isinagawa ng kapitalistang burgesya sa pamamagitan ng pangkulturang hegemonya nito.  

Bukod dito, sa kapitalistang moda ng produksyon, ang pilosopikong sabwatan ng relihiyon sa pagbibigay-katwiran sa mga relasyon ng produksiyon ay nagpapadali sa pagsasakatuparan ng pagsasamantala at pagkatapos ay pinalala ang pagkakaiba-iba (Entfremdung) ng manggagawa mula sa kanilang katauhan; ito ay isang sosyo-ekonomikong papel ng independiyenteng relihiyon bilang “opyo sa masa”.

Sa teoryang Marxista, ang Entfremdung (pag-iiba) ay isang nakapundasyong panukala tungkol sa pag-unlad ng tao tungo sa pagkilala sa sarili. Tulad ng paggamit nina Hegel at Marx, ang pandiwang Aleman ay entäussern ("upang masira ang sarili ng sarili”) at entfremden ("upang maging hiwalay") ay nagpapahiwatig na ang salitang "alyenasyon" ay nagsasaad ng paghiwalay sa sarili: na maiiwasan mula sa mahahalagang tao likas na katangian. Samakatuwid, ang pagkahiwalay ay kakulangan sa pagpapahalaga sa sarili, ang kawalan ng kahulugan sa buhay ng isang tao, bunga ng pagiging mapilit na mamuno ng isang buhay na walang pagkakataon para sa katuparan sa sarili, nang walang pagkakataon na maging aktuwal, upang maging isang sarili.

Sa akdang The Phenomenology of Spirit (1807) ay inilarawan ni Hegel ang mga yugto sa pagbuo ng tao ng Geist ("Espiritu"), kung saan ang mga kalalakihan at kababaihan ay umusbong mula sa kamangmangan patungo sa kaalaman, ng sarili at ng mundo. Sa pagbuo ng proporsyon ng espiritu-sa-tao ni Hegel, sinabi ni Marx na ang mga posteng ito ng pagiging ideyalismo - "espiritwal na kamangmangan" at "pag-unawa sa sarili" - ay pinalitan ng mga materyal na kategorya, kung saan ang "espiritwal na kamangmangan" ay nagiging "pag-iiba" at ang "pag-unawa sa sarili" ay naging pagsasakatuparan ng tao ng kanyang Gattungswesen (species-essence).

Sa Kabanata 4 ng The Holy Family (1845), sinabi ni Marx na ang mga kapitalista at proletaryado ay pantay na magkahiwalay, ngunit ang bawat uring panlipunan ay nakakaranas ng alyenasyon sa ibang anyo.

Kahit sa panahong ito ng pandemya, nakakaranas ang mga manggagawa ng alyenasyon, na para bagang hindi sila tao kung ituring kundi ekstensyon ng makina, na kung magkasakit ang manggagawa, ay parang piyesa lang sila ng makinang basta papalitan.

Nakita natin ito sa balita doon sa lalawigan ng Negros, sa Hiltor Corporastion na isang forwarding company, nang magtanong lang ang mga manggagawa kung matutulungan ba sila ng kapitalista kung sila’y magkakasakit, agad silang tinanggal sa trabaho. Ganyan kagarapal ang iho-de-putang mga kapitalista sa kanilang manggagawang nagbigay naman ng limpak-limpak na tubo sa kumpanya.

Hangga’t patuloy ang nararanasang alyenasyon ng manggagawa sa kanilang trabaho, dapat nilang maisip na kaya nilang kontrolin ang mga makina, at gamitin nila ito upang muling kamtin ang kanilang pagkataong nawala sa kanila nang maging mga manggagawa. 

Ang teorya ng alyenasyon ni Marx ay mahalagang paalala sa ating dapat tayong magsama’t magkapitbisig bilang kolektibong nakikibaka para sa ating katauhan.

* Ang tatlong serye ng artikulong ito ay nalathala sa tatlong isyu ng pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Ang I ay nalathala sa Taliba isyu # 35 (Hunyo 16-30, 2020), mp. 16-17; ang II sa Taliba isyu # 36 (Hulyo 1-15, 2020), mp. 16-17; at ang III ay sa Taliba isyu # 37 (Hulyo 16-31, 2020), mp. 18-19.
Magdagdag ng caption




Lunes, Hulyo 20, 2020

Simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka

niyakap ko nang panuntunan bilang aktibista
sa loob ng nagdaang higit dalawang dekada
ang simpleng pamumuhay, puspusang pakikibaka
para sa karapatan at panlipunang hustisya

panuntunang yakap-yakap ng buong puso't diwa
upang makapaglingkod sa manggagawa'y dalita
upang maging bahagi ng hukbong mapagpalaya
upang makiisa rin sa bawat laban ng madla

nais kong ipakita ang buo kong katapatan
sa prinsipyo't adhika ng niyakap kong kilusan
kaya nag-oorganisa ng masa kahit saan
nagsusulat, kumakatha para sa uri't bayan

puspusan ang pakikibaka't simpleng pamumuhay
habang nagpopropaganda, tula man o sanaysay
na tinitiyak ang linya at direksyon ng hanay
sa mga kasama, tuloy ang laban, pagpupugay

- gregbituinjr.
07.20.2020

Pahimakas na tula para kay Ka Miles

Pahimakas na tula para kay Ka Miles

isang taas-kamaong pagpupugay kay Ka Milo
lider ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino
noon at nagsilbing sekretaryo heneral nito
magaling na lider, organisador, at obrero

dating estudyante sa Feati University
na tulad ko'y namulat bilang tibak sa Feati
magaling siyang magsuri, marahil pa'y cum laude
inalay ang buhay at sa uri't bayan nagsilbi

batikan siyang organisador ng manggagawa
matalisik magsulat ng mga isyu ng madla
malinaw, madaling unawain ang kanyang akda
bagamat malalim na puso't diwa'y tinutudla

minsan, nabalita sa dyaryo ang kanyang pangalan
na inaakusahang rebelde ng kapulisan
sumama ako, apat kami, puntang Caloocan
una'y sa presinto, di doon, kundi sa kulungan

ang hepe sa balita'y naroon, kausap nila
naiwan ako sa sasakyan, di na pinasama
matagal sila sa loob, buti't naayos nila
ang gusot na iyon, nangyaring aking naalala

sa tanggapan ng B.M.P.'y nakasamang matagal
pansin kong isang kamay niya'y laging nangangatal
minsan, nagkakasabay sa pagkain ng almusal
sa mga rali pag kasama siya'y tila Marcial

kay Ka Milo nga'y kapansin-pansin ang kanyang ngiti
natutunan sa kanya'y inaral ko ring masidhi
taos-pusong pasasalamat sa huling sandali
pagpupugay sa iyo, Ka Milo, hanggang sa muli

- gregbituinjr.
07.20.2020

Sabado, Hulyo 11, 2020

Mananatili akong tibak hanggang kamatayan

mananatili akong tibak hanggang kamatayan
at tutupdin ang misyon at tungkuling sinumpaan
tungkuling atang sa balikat na di iiwasan
bagkus ay gagampanan ng buong puso't isipan

kaya bilang propagandista'y kakatha't kakatha
angking pilosopiya'y iparating sa madla
itaguyod ang prinsipyong tangan sa kapwa dukha
baguhin ang sistemang bulok ang inaadhika

bawat sanaysay, tula't pahayag ay nakatuon
tungo sa minimithi't inaasam na direksyon
sa paggapi sa mapagsamantala't mandarambong
at kamtin ang hustisyang panlipunang nilalayon

payak na pangarap lang iyan ng tulad kong tibak
itinanim na binhi'y uusbong din sa pinitak
isipin paanong bulok na sistema'y ibagsak
upang manggagawa't dukha'y di gumapang sa lusak

- gregbituinjr.

Huwebes, Hulyo 9, 2020

Ang katwiran ng bituka

Ang katwiran ng bituka

anila, binigyan na ng bahay ang maralita
nang sa iskwater at barungbarong daw makawala
subalit nang nasa relokasyon na'y biglang-bigla
ibinenta ang bahay, bumalik sa dating lupa

ang ibang nakakaalam ay napapailing lang
lalo't di maunawaan ng kinauukulan
bakit muling pumaroon sa dating karukhaan
di pa ba sapat ang pabahay nilang inilaan

kung tinanong muna nila ang mga maralita
kung bahay ba ang problema kaya mukhang kawawa
upang tamang kalutasan sa problema'y magawa
at di sila itaboy sa malayong parang daga

bakit sila mahirap, hanapin ang kasagutan
bakit bahay na binigay ay kanilang iniwan
pagkat di sapat ang bahay kung walang kabuhayan
kayhirap kung danasin ng pamilya'y kagutuman

sa pinagtapunan sa kanila'y walang serbisyo
mag-iigib sila sa sapa o malayong poso
walang kuryente kaya di makapanood dito
mabuti kung may maayos kang de-bateryang radyo

ospital ay kaylayo, paano pag nagkasakit
walang palengke, paano ka kaya magpapansit
wala ring masasakyan, maglalakad ka sa init
sa daang baku-bako, pawis mo'y tiyak guguhit

walang paaralan, saan mag-aaral ang anak
malayo ang bayan, kilo-kilometrong di hamak
tila kayo dagang sa relokasyon itinambak
may pabahay nga, ngunit gagapang naman sa lusak

makakain ba nila ang ibinigay na bahay
di sapat ang may tahanang doon ka humihimlay
paano kung pamilya'y magutom, doon mamatay
kaya unahin ang katwiran ng bitukang taglay

mabuting may makakain, tahanan mo ma'y dampa
ang pamilya'y di magugutom, di kaawa-awa
dapat lagi kayong busog upang di namumutla
kahit bumalik sa iskwater na kasumpa-sumpa

iskwater kasi'y masakit sa mata ng mayaman
at ito'y inayunan naman ng pamahalaan
dahil daw walang bahay, bahay din ang kalutasan
di nakurong dapat unahin ang kalam ng tiyan

tinawag silang mahihirap dahil hirap sila
tinawag silang dukha dahil walang-wala sila
walang pribadong pag-aari, sarili lang nila
di bahay ang problema, kundi kakainin nila

busog kung may pagkukunan lang ng ikabubuhay
ito ang sa pamahalaan ay dapat manilay
at kung may trabahong sapat, di problema ang bahay
mabibili pa ang pagkaing may sustansyang taglay

ang katwiran ng bituka'y huwag balewalain
sa batas at patakaran, ito'y laging isipin
at sa relokasyon, di dapat mahal ang bayarin
ibatay sa kakayahan ng naninirahan din

pabahay, ikabubuhay, serbisyong panlipunan
sa mga negosasyon ay magkasamang tandaan
tatlong sangkap upang maralita'y di magbalikan
sa dating tirahang sa kanila'y pinag-alisan

- gregbituinjr.
07.09.2020

Maikling kwento: Pagdaluhong sa karapatan

Pagdaluhong sa karapatan
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hulyo 1, 2020

"Alam nyo, naulit na naman pala ang nangyari kay Winston Ragos, iyon bang sundalong sinita ng limang pulis noong Abril at binaril ng walang laban ng isang pulis," sabi ni Mang Kulas na naggugupit sa barberya.

"Oo nga, Mang Kulas. Narinig ko rin sa balita kanina," sabi ng estudyanteng si Roberto na ginugupitan ni Mang Kulas.

"Bakit? Anong nangyari? Hindi ko yata narinig sa radyo kanina..." sabat naman ni Mang Lando na isa ring barbero.

"Aba'y pinagbababaril ng mga pulis ang apat na sundalo ng walang laban. Nangyari sa Sulu. Isang major, isang kapitan, at dalawa pang sarhento ang pinaslang, ayon sa balita. Galit na galit nga ang pamunuan ng Philippine Army. Rubout daw," paliwanag ni Mang Kulas.

"Grabe na talaga ang nangyayari sa bayan natin. Sundalong walang laban pa ang pinaslang ng mga pulis. Tapos, sasabihin, nanlaban. Kung sila nga ay di nagkakakilanlanan na umabot pa sa patayan, paano pa ang simpleng mamamayang mapapagkamalan?" ang komento naman ni Mang Lando. "Lalo na ngayong nais isabatas ang Anti-Terror Bill?"

"Dapat nga po huwag maisabatas iyang Terror Bill, dahil marami na tayong batas laban sa krimen. Dadagdagan pa ng mapanggipit na batas sa ating kalayaang magpahayag at yaon bang 'dissenting opinion'." Sagot naman ni Roberto.

Dagdag pa niya, "Nabalita pang 122 kabataan pala ang napaslang ng walang proseso dahil sa War on Drugs, kabilang na sina Danica Mae Garcia, limang taon, at Althea Barbon, apat na taon."

"At ano naman ang kaugnayan niyan?" tanong ni Mang Kulas.

"Para bang polisiya na ng mga pulis ang pumaslang, dahil iyon naman ang sabi ng Pangulo. Ubusin lahat sa ngalan ng War on Drugs. Kaya paslang lang sila ng paslang, tulad ng pagpaslang sa mga sundalo. Kaya dapat huwag maisabatas ang Anti-Terror Bill, dahil baka maraming pagdudahan at mapaslang ng walang due process." Paliwanag pa ni Roberto.

"Kaisa mo ako riyan. Tama ka. Sana'y respetuhin ang karapatang pantao ng bawat mamamayan," sabi naman ni Mang Lando. "May pagkilos pala bukas laban sa Anti-Terror Bill. Nais mo bang sumama? Magkita tayo rito bukas ng alas-otso ng umaga."

"Kung wala pong gagawin, susubukan ko pong sumama. Salamat po sa paanyaya."

"Pupunta tayo sa CHR ground. Doon gagawin."

"Sige po. Salamat po, Mang Kulas, sa gupit. Ito po ang bayad."

"Salamat din sa paliwanag mo. Ingat."

Hulyo 2, 2020

Nagkita-kita sina Roberto at Mang Lando sa Bantayog ng mga Bayani. Doon sila magsisimulang magmartsa patungo sa CHR ground. Sa Commission on Human Rights nila napiling gawin ang pagkilos dahil maaaring di sila galawin pag dito nila ipinahayag ang  kanilang  damdamin  laban  sa Anti-Terror Bill, na instrumento ng rehimen, na maaaring yumurak sa kanilang karapatang magpahayag, at akusahang terorista dahil lumalaban umano sa rehimen. 

Maya-maya lang ay nagmartsa na sila patungong CHR at doon ay nagdaos sila ng maikling programa, may mga talumpati at awitan.

Hulyo 3, 2020

Nabalitaan na lang nina Roberto sa telebisyon na pinirmahan na pala ng pangulo ang Anti-Terror Act of 2020, na mas kilala ngayon bilang Terror Law.

Hulyo 4, 2020

Agad na nagsagawa ng mga pagpupulong ang iba’t ibang grupo upang kondenahin ang anila’y batas na maaaring yumurak sa karapatang pantao. Ang petsang napagkaisahan nila ay Hulyo 7, 2020, kasabay ng ika-128 anibersaryo ng pagkakatatag ng dakilang kilusan ng Katipunan. Dito’y ipapahayag nila na ang Terror Law ang huling tangka ng rehimen upang depensahan ang administrasyon nito laban sa ngitngit ng mamamayan sa mga kapalpakan nito na mas inuna pa ang pagsasabatas ng Terror Law gayong walang magawa upang lutasin ang COVID-19. 

Naghahanda na rin ang mamamayan upang depensahan ang bayan laban sa ala-martial law na karahasan sa hinaharap.

* Ang maikling kwentong ito'y unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 1-15, 2020, pahina 18-19.

Linggo, Hunyo 28, 2020

Maikling kwento: Paghuli sa mga tinuturing na pasaway

PAGHULI SA MGA TINUTURING NA PASAWAY
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

"Galing lang ako sa botika upang bumili ng facemask, pero ubos na raw at walang stock. Kaya umuwi na ako. Sa paglalakad ay bigla na lang akong hinuli at pinalo ng yantok ng pulis. Pasaway daw ako at hindi sumusunod, dahil wala raw akong suot na facemask." Ito ang kwento ni Ka Kiko sa ilan pang nakakulong sa presintong iyon.

"Halos ganyan din ang nangyari sa akin. Wala rin akong mabilhan. Tapos sabi nila, dapat social distancing. Sinunod ko iyon. Pero silang mga alagad ng batas ang hindi sumusunod, dahil mismong dito sa kulungan ay walang social distancing. Para tayong sardinas dito." Ito naman ang sabi ni Efren na nakilala ni Ka Kiko sa loob.

Tahimik lang na nakikinig si Ka Dodong sa kanilang usapan. Subalit siya'y natanong. "Ikaw naman, anong kwento mo?"

Ayaw sana niyang sumabat sa usapan, ngunit nais na rin niyang ikwento ang nangyari sa kanya. Aniya, "May facemask ako, subalit wala akong quarantine pass. Taga-Malabon ako subalit nais kong bumili ng isda sa Navotas. Hinuli ako't ikinulong. Di pa alam ng pamilya ko ang nangyari sa akin."

Matitindi na ang mga usapan sa piitang iyon. Ikinulong sila sa salang walang suot na facemask, walang quarantine pass, at mga pasaway daw sila.

Sumabat naman si Ka Lito na isang manggagawa. Ang kwento niya, bilang lider-manggagawa, hindi niya kinakalimutan ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa na sumasapit tuwing unang araw ng Mayo. Tiniyak nilang may social distancing at sila’y nagpahayag sa social media ng mga panawagang tulad ng Free Mass Testing Now! na nakasulat sa kanilang plakard. Ayon pa sa kanya, walang masama roon dahil "Taon-taon naman ay ipinagdiriwang namin ang Mayo Uno. Ganoon din ngayon, na naka-facemask kami, nag-alkohol, at nag-social distancing, ngunit hinuli pa rin."

Sumabat uli si Ka Kiko, "Ano bang maaasahan natin sa ganitong gobyernong walang pakundangan sa karapatang pantao. Iyon ngang sundalong si Winston Ragos na sinita ng limang pulis ay pinaslang ng pulis, na may sayad din yata, dahil walang facemask. Meron pang batang pinalo ng yantok ng pulis dahil walang facemask. May hinuli ring twalya, imbes facemask, ang isinuot. Paano na ang due process at karapatang pantao?”

Narinig sila ng pulis na nagba-bantay sa kanila. "Mga pasaway kasi kayo, kaya dapat kayong hulihin."

Sinagot tuloy ni Ka Kiko ang pulis na bantay. "Paano kami naging pasaway? Naubusan nga ng facemask sa botika, pasaway?"

"Mas pasaway kayong mga pulis. Sabi ninyo, dapat social distancing, pero dito sa kulungan, naka-social distancing ba kami? Ang hepe nyo ngang si Debold Sinas, nakapag-manyanita pa. Nagkasayahan nang hindi naman nag-social distancing. Tapos, di nakasuhan. Basta pulis, lusot sa kaso kahit lumabag." Dagdag naman ni Efren.

Maya-maya, nakita rin ng mga kamag-anak ni Ka Dodong ang kanyang kinaroroonan. Akala nila'y tuluyang nawala ang kanilang ama. Ayon sa isang dating bilanggong pulitikal, isa itong kaso ng desaparesido dahil sapilitang siyang iwinala, at si Ka Dodong ay resurfaced pagkat muling nakita.

Ilang araw naman ang lumipas, dumating na ang abugadong sumaklolo kay Ka Lito. Laya na siya. Subalit paano ang ibang walang abugado?

Ang sabi ni Atty. Juan sa mga nabilanggo, "Hindi kayo mga pasaway, dahil ang palpak ay ang plano sa kwarantinang ito. Dapat maging makatao. Kung wala kayong facemask, bakit kayo ikukulong? Ang dali-dali, magbigay lang sila ng facemask, wala na sanang problema. Ang problema, imbes na mga doktor o kaya’y mga espesyalista sa karamdaman ang manguna sa pagbaka sa coronavirus na ito, bakit pulis at militar ang nangunguna? Anong malay ng mga iyan sa problema sa kalusugan? Ang dapat, serbisyong medikal, hindi militar. Checkup at hindi checkpoint. Kung walang facemask, dapat magbigay ng facemask. Tulong, hindi kulong. Paana lang kung maipasa ang Anti-Terror Bill? Baka mas tumindi pa ang mga paglabag sa karapatang pantao..."

Bukod sa mga bilanggo, medyo naliwanagan din ang ilang pulis. Humingi ng pasensya. "Sumusunod lang naman kami sa utos mula sa itaas. Sabi nga ni Presidente, shoot them dead laban sa mga pasaway. Mabait pa kami dahil hindi namin kayo pinatay. Sumusunod lang po kami sa utos."

Napailing na lang ang mga bilanggo at ang abugado sa palsong paliwanag ng pulis.

Bago umalis kasama ng abugado, isinigaw ni Ka Lito, "Karapatang pantao, ipaglaban! Free mass testing now!" na ikinagulat man ng mga naroon ay hinayaan na lang silang makaalis.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 16-30, 2020, pahina 18-19.

Ang manipesto ng proletaryado

Ang manipesto ng proletaryado

magandang pagnilayan natin bawat sinasabi
ng isang manipestong sa atin ay kakandili
halina't basahin ito't unawaing maigi
kasulatan itong dapat nating ipagmalaki

pagnilayan natin ang apat nitong kabanata
ipinaliwanag ang lipunan, anong adhika
bakit may pinagsasamantalahan at kawawa?
bakit may mapagsamantala't nang-aping kuhila?

bakit pantay sa lipunang primitibo komunal?
bakit may lipunang aliping ang tao'y animal?
bakit ang magsasaka'y api sa lipunang pyudal?
bakit obrero'y alipin sa lipunang kapital?

bakit tinuring na ang kasaysayan ng lipunan
ay kasaysayan din ng makauring tunggalian?
bakit sistemang kapitalismo'y dapat palitan?
at ang uring manggagawa'y magkaisang tuluyan?

ang panawagan sa dulo ng aklat ay alamin
bakit uring manggagawa'y dapat pagkaisahin?
wala raw mawawala sa manggagawa, basahin
natin, kundi ang tanikala ng pagkaalipin

matapos mabasa ito'y magtalakayan tayo
naunawa mo ba ang papel ng proletaryado?
bakit papalitan ang sistemang kapitalismo?
anong lipunang ipapalit ng uring obrero?

- gregbituinjr.
06.28.2020

Linggo, Hunyo 21, 2020

Paano nga ba ang paggawa ng maikling kwento

paano nga ba ang paggawa ng maikling kwento
kung hindi ka naman nakikipag-usap sa tao
saan mo hahanguin ang mga ikukwento mo?
pulos ba sa haraya, sa pantasya o sa limbo?

di ba't ang kwento'y magandang may pinagbabatayan
lalo na't tunay na buhay ang iyong salalayan
ngunit kung sa kwentong pantasya'y mahusay ka riyan
tulad ng Encantadia, bawat akda'y pagbutihan

minsan, manood ng balita ng tunay na buhay
pag-ibig, aksidente, paglisan, puso'y umaray
makinig din sa tsismisan ng iyong kapitbahay
anong ginawa ng pulis sa ilalim ng tulay

subalit ano nga bang maipapayo ko rito?
basahin mo ang librong Mga Agos sa Disyerto
na sa panitikang pambansa'y isa nang klasiko
lima silang manunulat, may tiglilimang kwento

basahin mo pati kwento sa magasing Liwayway
ano ang mga salik ng kwento: tauhan, banghay,
lunan, panahon, ginamit na salita, magnilay
sa pagbabasa, ang pagkatha'y magiging makulay

kumuha ng bolpen at papel, simulang magsulat
minsan isipin din, sinong babasa't bubulatlat
sagutin bakit sa kwento mo sila'y mamumulat
matapos mabasa'y anong tumimo't nahalungkat?

- gregbituinjr.

Martes, Hunyo 16, 2020

Ang malupit kong pagkukunwari

kunwari'y susunod sa patakaran nila't batas
bilang mabuting mamamayang nais lagi'y patas
kunwari'y aktibistang tulog na papungas-pungas
ngunit tungong ideyolohiya ang nilalandas

kunwari'y mabuting Kristyano ngunit ateista
na pag niyayang magsimba'y sasamahan ko sila
kunwari'y mapayapang mamamayan sa tuwina
ngunit pag may isyu, kasama ako sa kalsada

kunwari'y pambatang panitikan ang sinusulat
tungkol sa pabula't mabuting ugali sa lahat
iyon pala'y sistemang bulok na ang inuulat
upang sa ideyolohiya'y maagang mamulat

kunwari'y makatang bawat tula'y may paglalambing
na animo'y laging naroroon sa toreng garing
ngunit inilalarawan sa tula'y trapo't sakim
at sistemang bulok na dapat duruging magaling

kunwari'y magtatrabaho bilang simpleng obrero
subalit organisador pala sa loob nito
dahil prinsipyo kong yakap ay ibabahagi ko
at lipunang manggagawa'y panghawakang totoo

- gregbituinjr.

Hanggang sa kamatayan

hanggang sa kamatayan, ang misyon ko'y tutuparin
bilang tagagampan ng ideyolohiyang angkin
upang uring manggagawa'y aming papanalunin
at ang bulok na sistema'y tuluyan nang durugin

di na magbabago ang tungkulin kong sinumpaan
hukbong mapagpalaya ang babago sa lipunan
mapunta man sa lalawigan o ibang bansa man
ito'y misyong tutuparin hanggang sa kamatayan

maging barbero man ako, sakristan, kusinero
maging basurero, labandero, o inhinyero
maging lingkod bayan man o tiwaling pulitiko
nakatuon bawat gagawin tungo sa misyon ko

dapat nang maimulat ang hukbong mapagpalaya
na iyang bulok na sistema'y tuluyang mawala
malaki ang papel dito ng uring manggagawa
at ng tulad kong ang ideyolohiya'y panata

- gregbituinjr.

Linggo, Hunyo 14, 2020

Ang pagkamatay ni George Floyd na naging mitsa ng protesta sa US

Ang pagkamatay ni George Floyd na naging mitsa ng protesta sa US
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Black Lives Matter. Muling nabuo ang malaking protesta ng mga Itim sa Amerika bunsod ng pagkamatay ni George Floyd. Hindi ito tulad sa Pilipinas, na di pa agad masabing Brown Lives Matter, dahil Pilipino rin ang pumapatay sa kapwa Pilipino sa mga nagaganap sa salvaging o E.J.K (Extra-Judicial Killings) sa bansa.

Si George Floyd ay isang Egoy (Amerikanong Negro) na nakita sa video at litrato na nakadapa sa gilid ng isang police car, pinosasan ang mga kamay sa likod at dinaganan ng tuhod ng pulis na Puti ang kanyang leeg. Ang pulis, si Derek Chauvin, at tatlo pang pulis, ang umaresto kay Floyd, dahil diumano sa pekeng pera. Nangyari iyon sa Minneapolis noong Mayo 26, 2020.

"I can't breathe! (Hindi ako makahinga!)" ang paulit-ulit niyang sinasabi. Namatay siya sa kalaunan.

Kinabukasan ay sinibak agad ang apat na pulis. Ayon sa awtopsiya, homicide ang ikinamatay ni Floyd. Sa madaling salita, namatay siya sa kamay ng pulis na si Chauvin. Kinasuhan si Chauvin ng third-degree murder at second-degree manslaughter.

Dahil sa nangyari, nagkaroon ng malawakang protesta sa pagkamatay ni Floyd, at laban sa karahasan ng mga pulis na Puti laban sa mga Egoy, sa iba't ibang lugar ng Amerika, maging sa ibang panig ng mundo.

Bago iyon, bumili si George Floyd ng kaha ng sigarilyo sa Cup Foods sa Minneapolis, at nagbayad ng $20. Nang makaalis na siya pasakay ng kanyang SUV, tumawag ng pulis ang may-ari ng Cup Foods sa hinalang peke ang perang ibinayad ni Floyd. Kaya dumating ang mga pulis at inaresto si Floyd.

Sa ating bansa, marami nang pinatay ang mga pulis sa War in Drugs. Ang nangyari kay Kian Delos Santos, kung ikukumpara kay Floyd, ay nagpaputok din ng maraming protesta para sa hustisya.

Kung nagalit ang mga tao sa pagpatay na iyon ng pulis, na mitsa ng libu-libong protesta, sa ating bansa naman, sa takot pagbintangang kumakampi sa adik, ang kawalang proseso at kawalang katarungan ay tila binabalewala. Ayaw lumabas sa kalsada, ayaw iprotesta ang mga mali.

Dapat kumilos din tayo laban sa inhustisya. Dapat kumilos din tayo laban sa kawalang paggalang sa due process at karapatang pantao.

Nakagawa man ng pagkakamali si George Floyd, hindi siya dapat namatay, o "di-sinasadyang" pinatay. Isa siya ngayong inspirasyon sa pakikibaka laban sa racismo, karahasan ng mga Puti laban sa mga Itim, at laban sa police brutality.

Sa ating bansa, kung napanood natin ang dokumentaryong "On the President's Order", isa itong dokumentaryo sa War on Drugs at panayam sa mga totoong pulis at totoong pamilya ng biktima ng pagpaslang.

Ang pakikibaka para sa hustisyang panlipunan ay ipinakita sa pagkamatay ni George Floyd sa Amerika, habang si Kian delos Santos naman, bilang naging kinatawan ng iba pang pinaslang. Kung maisasabatas pa sa ating bansa ang Terror Bill, baka mas lalong umabuso ang mga nasa kapangyarihang nang wala pang Terror Bill ay marami nang pinaslang nang walang paggalang sa due process.

Nawa'y makamtan ng mga biktima ng pamamaslang ang hustisya!

* Ang artikulong ito'y unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal ng publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2020, pahina 18-19.

Sabado, Hunyo 13, 2020

Sa panahon ng mga robot

Sa panahon ng mga robot

sinanay sila upang maging mga ala-robot
sumunod lang sa chain-of-command at huwag sumagot
sinanay sa "yes sir", tiger look na nakakatakot
sinanay raw nang sa laban ay di lalambot-lambot

kaya trato nila sa mga sibilyan ay plebo
na papaluin lang upang disiplinahin ito
hazing sa akademya'y dinala nila sa tao
babanatan agad ang pasaway o kalaboso

kaya sa kwarantina'y walang kara-karapatan
ang mamamayang tinatrato nang parang kalaban
nirerespeto lang nila'y naghahari-harian
tingin sa sarili'y mas mataas kaysa sibilyan

kasangkapan lang sila ng dalahirang rehimen
tanging kakampi niya't sunud-sunurang alipin
kaya sa Terror Bill ay gigil isabatas na rin
na siyang magtatanggol sa pangulong utak-lumpen

ganyan ang utak ng mga robot na palamara
mabuti pang maalis ang lupit ng istruktura
at maitayo ang totoong depensa ng masa
mula sa mamamayang marunong makipagkapwa

karapatang pantao'y kanilang iginagalang
bawal sa kanila ang E.J.K. o pamamaslang
dinadaan sa wastong proseso ang bawat hakbang
sinanay silang magalang, di maging salanggapang

#JunkTerrorBillNow
#AyawNaminSaTerorismoNgEstado

- gregbituinjr.
06.13.2020

Maging alisto sa patalon-talong password sa fb

Maging alisto sa patalon-talong password sa fb

sa pagtipa ng email sa facebook, maging alisto
lalo na't biglang patalon-talon ang password nito
at maiiwan doon sa lalagyan ng email mo
kaya yaong makakakita sa facebook mo'y may clue

aba'y pag kumabit ang password mo sa iyong email
baguhin mo agad ang password mo upang mapigil
ang makaalam nito, baka magamit ng sutil
at palitan ang password mo ng sinupamang taksil

kaya sa password na patalon-talon ay mag-ingat
baka sa internet shop ay maiwanan mong sukat
maging alisto kang lagi nang huwag kang malingat
mahirap nang iba ang sa facebook mo makabuklat

parang lagakan ng iyong talambuhay ang facebook
akda, litrato, alaala'y diyan mo sinuksok
kaya pag-ingatan ito nang di ka rin malugmok
nang di maisahan ng matalinong asal-bulok

- gregbituinjr.
06.13.2020

Biyernes, Hunyo 12, 2020

Sigaw ko'y "Stop Child Labor" tuwing Hunyo a-dose

Sigaw ko'y "Stop Child Labor" tuwing Hunyo a-dose

imbes pekeng araw ng paglaya ang gunitain
World Day Against Child Labor ang alalahanin
pagkat kung Acta de Independencia'y babasahin
sa Kastila'y lumaya, sa Kano'y nagpailalim

kaya ninanais ko pang tuwing Hunyo a-dose
ipaglaban ang mga bata bilang estudyante
pagkat mga batang nagtatrabaho na'y kayrami
sa bansang itong pati bata'y agad naaapi

dapat ang mga bata'y naroon sa paaralan
at di nagkakalkal ng anuman sa basurahan
upang maibenta ang kinalakal na anuman
nang makakain lang ang pamilyang nahihirapan

di sila dapat maging mga batang manggagawa
pagkat kahit sa sahod, bata silang nadadaya
nagtatrabahong laging mura ang lakas-paggawa
pagsasamantala sa kanila'y dapat mawala

karapatan ng bata'y dapat laging irespeto
maglaro, mag-aral, maging bata ang mga ito
tuwing Hunyo a-dose, ikampanya nating todo
"Stop Child Labor Now!" ang isigaw natin sa mundo

- gregbituinjr.
06.12.2020

Linggo, Hunyo 7, 2020

Patuloy akong maglilingkod bilang aktibista

patuloy akong maglilingkod bilang aktibista
bagamat pinagtuunan din ang matematika
ika nga sa chess, kombinasyon ay estratehiya
kasabihan naman sa bilyar, isa-isa muna

subalit kailangang gawin anong nararapat
lalo't nagbabalik-aral din habang nagmumulat
bakasakaling may matanaw na pag-asang sukat
at mapasakan din ang nakitang anumang lamat

prinsipyong tangan ay patuloy kong iparirinig
sa panahon man ng kapayapaan o ligalig
dapat pa ring magsulat ng mga balita't tindig
at sanaysay o tulang sa puso'y nakakaantig

bilang aktibista'y patuloy akong maglilingkod
sa uring manggagawa't masang sa hirap hilahod
tutula't tututol, sa kapital ay di luluhod
pagkat ako'y aktibista hanggang sa aking puntod

- gregbituinjr.
06.07.2020

Sabado, Hunyo 6, 2020

Aldyebra sa panahon ng kwarantina

Aldyebra sa panahon ng kwarantina

habang nagninilay sa panahon ng kwarantina
aking binalikan ang natutunan sa aldyebra
isa lang sa kayraming paksa sa matematika
bakit nga ba kinakailangan ito ng masa?

bakit ba pinag-aaralan ang mga ekwasyon?
ang simpleng aritmetika ba'y di pa sapat ngayon?
elementarya pa lang ay natuto ng adisyon
pati na subtraksyon, multiplikasyon at dibisyon

noong sekundarya nang aldyebra na'y natutunan
batayang pormula o padron ay pinag-aralan
pag numerong may panaklong, multiplikasyon iyan
pag may pahilis na guhit, ito'y dibisyon naman

kaysa aritmetika, aldyebra'y mas komplikado
subalit pag inaral, madali lang pala ito
matututong suriin ang samutsaring numero
paglutas sa problema, lohika, may padron ito

halimbawa, bibili ka sa tindahan ng kape
para sa limang katao, ang bawat isa'y syete
pesos, ang ambag nilang pera'y limampu at kinse
pesos, ano ang ekwasyon, paano mo nasabi?

ang ekwasyon:
limang tao x P7 kape = P65 kabuuang pera minus sukli
5(7)=65-x
x+5(7)=65
x=65-[5(7)]
x=65-35
x=30

magkano naman ang sukli pag nakabili ka na?
tama ba ang sukli mo't di nagkulang ang tindera?
ngunit di mo ibibigay ang animnapu't lima
kundi ang tindera'y susuklian lang ang singkwenta

kaya aldyebra't lohika'y ganyan kaimportante
na sa ating pamumuhay ay tunay na may silbi
balikan na ang aldyebra't iba't ibang diskarte
sapagkat ito nga'y may pakinabang na malaki

- gregbituinjr.

Biyernes, Hunyo 5, 2020

World Environment Day sa panahon ng COVID-19

World Environment Day sa panahon ng COVID-19

dahil sa maraming lockdown dulot ng COVID-19
kayraming tigil sa trabaho't naging matiisin
nasa bahay lang habang pamilya'y nagugutom din
kaytinding kalagayang di mo sukat akalain

subalit kailangang umangkop sa kalagayan
anong gagawin upang maibsan ang kagutuman
hanggang mapagnilayang bumalik sa kalikasan
pagkat ang buhay ay di lang hinggil sa kalakalan

nasa lungsod ka man, maaari ka ring magsaka
magtanim ng gulay sa mga walang lamang lata
bakasakaling pag may lockdown pa'y makasuporta
pagkat may gulay na pang-ulam ang buong pamilya

ika nga, sa kalikasan dapat tayong bumalik
ngayong World Environment Day, huwag patumpik-tumpik
pagpapakatao't mabubuting binhi'y ihasik
habang naipong plastik ay isiksik sa ekobrik

kalusugan ng pamilya'y laging asikasuhin
ang maruming kapaligiran ay ating linisin
huwag hayaang pagtapunan lang ang dagat natin
at tiyakin ding malinis ang ating kakainin

ngayong World Environment Day ay isiping mabuti
ang kalagayang "bagong normal" nilang sinasabi
pagharap sa "bagong búkas" ay huwag isantabi
patuloy na magsuri nang di lamunin ng gabi

- gregbituinjr.
06.05.2020

Huwag maging tuod laban sa terorismo ng estado

"Evil prospers when few good men do nothing." - anonymous

sabi nila, "pag wala kang ginagawang masama
huwag matakot sa Terror Bill" na kanilang gawa
ang kritisismo mo nga'y kanilang minamasama
paano na kaya ang karapatang magsalita
dapat mong ihibik ang hinaing mo'y di magawa

marami ngang walang ginagawa ang inaresto
nitong lockdown dahil daw pasaway ang mga ito
walang Terror Bill, laganap na ang pang-aabuso
may pinaslang pa nga silang isang dating sundalo
dukha nga'y hinuli dahil naghanapbuhay ito

ginawa ang Terror Bill upang kanilang matakot
ang tutuligsa sa ginagawa nilang baluktot
badyet sa pulis at militar nga'y katakut-takot
binawasan ang pangkalusugan gayong may salot
dito pa lang ay kita mo na sinong utak-buktot

tingin ng ilang may tsapa sa sibilyan ay plebo
kaya gayun-gayon lang mamalo ang mga ito
sa mamamayan upang daw maging disiplinado
natutunan ay hazing, manakit ng kapwa tao
walang Terror Bill, ganyan na sila kaabusado

pag kritiko ka, baka bansagan kang terorista
binabaluktot ang batas para lang sa kanila
kita mo ito kina Koko, Mocha't manyanita;
ang paglaban sa Terror Bill ay para sa hustisya
kaya huwag maging tuod, dapat lang makibaka

nais nilang maging pipi tayo't sunud-sunuran
kahit nayuyurakan na ang ating karapatan
nais ng Terror Bill na panunuligsa'y wakasan
lalo't tinuligsa'y buktot at may kapangyarihan
nakaupo sa tronong animo'y santong bulaan

#JunkTerrorBill
* Dissent is not a crime. EJK is!

- gregbituinjr.
06.05.2020 (World Environment Day)

Ilang tanaga sa kwarantina

* ang tanaga ay katutubong tulang may pitong pantig bawat taludtod

nakakatuliro na
ang buhay-kwarantina
gutom na ang pamilya
aba'y wala pang kita

nasok sa pagawaan
ngunit walang masakyan
ganitong kalagayan
nga'y sadyang pahirapan

nasaan ang respeto
nitong ating gobyerno
paano ang obrero
pupunta ng trabaho

kulang ang patakaran
nitong pamahalaan
di ba pinag-isipan
bago lockdown ay buksan

taktika'y di ba sapat?
estratehiya'y salat?
makikita mong sukat
ang trato sa kabalat

tunggalian ng uri
ang tila naghahari
burgesya'y nanatili
ang dukha'y pinapawi

kung ano-ano'y gawa
nitong trapong kuhila
batas na kinakatha
ay di angkop sa madla

di kasi lumululan
ng pangmasang sasakyan
kaya di nagagawan
ng wastong patakaran

pulitiko'y ganito
kasi nga'y asindero
o negosyante ito
pekeng lingkod ng tao

makataong lipunan
ang ating kailangan
kung saan karapatang
pantao'y ginagalang

- gregbituinjr.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2020, pahina 20.

Linggo, Mayo 31, 2020

Sa mga mambabasa ng Taliba ng Maralita

Mayo 31, 2020
Sa mga mambabasa ng Taliba ng Maralita,

Maraming salamat sa inyong pagtangkilik sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Simula nang matagumpay na mailunsad ang Ikalimang Pambansang Kongreso ng KPML, nakapag-umpisa muli tayo ng paglalathala ng Taliba ng Maralita. Noong mag-umpisa ako sa KPML bilang staff noong taon 2001 hanggang Marso 2008, sa akin pinatrabaho ang paglalabas ng Taliba ng Maralita, kaya nakapaglathala tayo ng Taliba ng Maralita noon sa size na 8.5 x 11 o short bond paper bawat pahina, at walong pahina kada labas nito. Nalalathala ito noon ng isang beses kada tatlong buwan, apat na beses sa isang taon, may kulay ang unang pahina. Nang mawala na ako noong Marso 2008 bilang staff, at naging volunteer na lamang, di na nakagawa ng Taliba ng Maralita dahil na rin sa kakapusan ng badyet.

Subalit lumiit ito ngayon, bawat pahina ng Taliba ng Maralita ay kalahati na lang ng short bond paper. Kaya sa isang buong bond paper, ito'y titiklupin na sa gitna. Matapos ang 5th National Congress ng KPML noong Setyembre 16, 2018, at nahalal ang inyong lingkod bilang sekretaryo heneral ng KPML, inumpisahan muli natin ang Taliba ng Maralita, at ginawang isyu number 1 ang Oktubre-Nobyembre 2018 na labas nito. Mula Nobyembre 2018 hanggang Pebrero 2019 ay isang beses kada buwan ang labas nito. Subalit simula ng Marso 2019 hanggang sa kasalukuyan ay dalawang beses bawat buwan na ito nalalathala. Sa ngayon, nakapaglathala na tayo ng tatlumpu't tatlong isyu, at ang huling nalathala ay ito ngang Isyu 33, Mayo 16-31, 2020, at ang susunod ay Isyu 34, Hunyo 1-15, 2020.

Tulad ng karaniwang dyaryong nabibili sa news stand, ibinebenta sa halagang sampung piso (P10.00) ang Taliba ng Maralita, upang maibalik lang ang puhunan. Gayunman, dahil sa higit dalawang buwang kwarantina o lockdown dahil sa COVID-19, ibinahagi na natin sa lahat, na mababasa na ng libre, ang lahat ng isyu ng Taliba ng Maralita na nasa blog na https://talibangmaralita.blogspot.com.

Sa ngayon, naisipan kong gumawa ng ilang patakaran hinggil sa Taliba ng Maralita, at nais ko kayong magbigay ng mungkahi o puna, pagsusuri, o marahil ay mag-ambag ng sulatin, bilang aming mga mambabasa ng Taliba ng Maralita.

Draft Guidelines, o patakaran ng Taliba ng Maralita

- Dapat ipaalam sa Pambansang Lupong Tagapagpaganap (NEC) ang lalamanin ng bawat isyu ng Taliba ng Maralita

- Dalawang beses isang buwan ang labas ng Taliba ng Maralita, tuwing a-kinse at katapusan ng buwan

- Ito ay naglalaman ng dalawampung (20) pahina, sa isang 8.5 x 11 size bond paper, titiklupin kaya bawat pahina ay kalahati ng bond paper, nasa kalahating pulgada ang margin, at 1 pulgada ang gitna (para sa pagtiklop)

- Ang unang pahina ay headline, o tampok na pagkilos ng maralita, o anumang putok na isyu

- Ang ikalawang pahina ay hinggil sa batas at karapatan

- Ang ikatlong pahina ay Editoryal, at may maliit na kahon hinggil sa Taliba ng Maralita

- Ang ikaapat na pahina ay nakalaan sa sulatin ng pambansang pangulo ng KPML, subalit kung wala siyang sulatin, ang pahina 4 ay maglalaman ng pahayag ng KPML sa anumang putok na isyu

- Ang panggitnang pahina o spreadsheet, pahina 10-11, ay hinggil sa mga tampok na lathalain

- Ang pahina 12-13 ay hinggil sa Balita Maralita, at komiks na Mara at Lita

- Ang iba pang pahina, mula pahina 5-9, at 14-19, o labing-isang pahina, ay maglalaman ng iba pang sulatin, tulad ng pahayag ng KPML, mga saliksik, sanaysay, balita mula sa mga kapatid na organisasyon ng BMP, Sanlakas, PLM, ZOTO, Piglas-Maralita, atbp. 

- Paminsan-minsan ay may isang pahinang Bukrebyu at mga sanaysay at salin hinggil sa sosyalismo, o sosyalistang adhikain

- Ang pahina 20 o huling pahina ay panitikan, o mga tula, na siyang masasabing kolum ng sekretaryo heneral ng KPML, na isa ring makata

- Kung kulang ng artikulo, magsaliksik. O kaya naman, dapat may mga reserbang artikulo, salin, bukrebyu, awit na pangmasa, tungkol sa pampublikong pabahay, sulating teoretikal, na ilalagay pag wala nang iba pang pumasok na artikulo

- Tuwing ikalima at ikadalawampu ng buwan ay ilalabas ng sec gen ang plano para sa isyung malalathala sa a-kinse o sa katapusan ng buwan

- Tuwing ikasampu o ikadalawampu't lima ng buwan ang deadline ng mga artikulo

- Sa ika-12 at ika-27 ng buwan ay umpisa na ng layout

- Kung may artikulong ihahabol, dapat sa ika-12 o ika-27 ng buwan ay maihabol na. Kung hindi makahabol, ito'y sa susunod na isyu na ilalathala

- Kung kakayanin, makapaglathala tayo ng mga balita mula sa rehiyon ng KPML at mga kasaping pederasyon at lokal na organisasyon, na sana'y maiambag nila

- Ang mga pahayag o artikulo, hangga't kakayanin ay kunin sa kalahating pahina ng short bond paper, o mas maikli pa kung may litrato, dahil bawat pahina ng Taliba ay kalahati ng 8.5 x 11 na papel, ang font ay size 11, Calibri, Arial o Times New Roman; ito'y upang di mahirapan sa layout bawat pahina

- Sinusunod ng Taliba ng Maralita ang prinsipyo ng creative commons, na maaaring ilathala ang anumang artikulo basta sinabi mo kung saan ang source, kahit di na magpaalam upang ilathala sa Taliba, tulad ng mga press statement, polyeto, litrato, at balita ng mga organisasyon; dahil nais talaga nila itong ipalaganap, at isa lang ang Taliba ng Maralita sa magpapalaganap nito; "Creative Commons aspires to cultivate a commons in which people can feel free to reuse not only ideas, but also words, images, and music without asking permission — because permission has already been granted to everyone." (mula sa https://wiki.creativecommons.org/wiki/Legal_Concepts)

- Imbes na copyright, sinusunod ng Taliba ng Maralita ang copyleft, na ibig sabihin, "which seeks to support the building of a richer public domain by providing an alternative to the automatic "all rights reserved" copyright, and has been dubbed "some rights reserved" (mula sa Wikipedia). Katulad din lang ito ng pagsi-share natin ng anumang sulatin sa facebook upang mabasa ng iba.

- Kung pribadong sulatin ng mga indibidwal na nasa facebook, ito'y dapat munang ipaalam sa nagsulat na ilalathala ang kanyang artikulo; tulad ng pagpapaalam ng Taliba ng Maralita na ilathala ang mga sulatin ng pangulo ng KPML na nasa kanyang facebook

- Dapat eksaktong a-kinse at katapusan ng buwan ay tapos na, at nailathala na ang Taliba ng Maralita

- Dahil lahat ng isyu ng Taliba ng Maralita ay nasa blog na https://talibangmaralita.blogspot.com, maaari na natin itong i-share sa ating mga kamag-anak, kakilala at kaibigan, sa pamamagitan ng facebook upang mabasa ng mga kasapian, mga kapatid na organisasyon, mga kasama, at mga kapwa dukha, at kahit ng pamahalaan

Kung may maidadagdag kayo, mungkahi o puna, bilang mambabasa ng Taliba ng Maralita, kayo po ay inaanyayahang magbigay ng mga mungkahi.

Hindi ko alam, ngunit bilang manunulat, ang Taliba ng Maralita na lang ang tanging publikasyong aking sinusulatan. Kaya parang personal na krusada ko na ito bilang makata't manunulat. At matindi ang inilapat kong disiplina sa aking sarili upang patuloy na malathala ang pahayagang ito sa takdang panahon, walang patid. Mahirap kasi na naturingan kang manunulat nang wala ka namang pinagsusulatang anumang dyaryo o magasin.

Wala na ang mga pinagsulatan ko noong magasing Tambuli ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (1996-1999 kung di ako nagkakamali), magasing Maypagasa ng Sanlakas (na nakadalawang isyu, 1998 at 1999), pahayagang Obrero ng BMP (na higit 40 isyu ang nalathala mula 2003 hanggang 2010), ang magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (na nakapitong isyu noong 2012), ang nag-iisang isyu ng pahayagang Sosyalista ng PLM (bandang 2008 o 2009 kung di ako nagkakamali, lumabas ng SONA ni GMA), ang Siklab ng Super Federation (na naglathala ng ilang artikulo ko at tula). Sa totoo lang, kung may pahayagan ang MASO (Manggagawang Sosyalista) at PAGGAWA (Pagkakaisa ng Uring Manggagawa, magboboluntaryo rin ako, di lang sa pagsusulat, kundi sa layout at pamamahagi.

Kaya nais kong mag-iwan ng tulang medyo personal, ipagpaumanhin. Naiiyak lang ako dahil Taliba ng Maralita na lang ang napagsusulatan ko, dahil wala na ang iba. Kaya bigay todo na ako rito. Na kahit nitong panahong kwarantina ay patuloy ang paglalathala natin ng Taliba ng Maralita. Taos-pusong pasasalamat sa lahat ng mga kasama sa National Executive Committee ng KPML sa kanilang taospusong suporta. Pasensya na sa tula:

pinagbubutihan ko ang paggawa ng Taliba
ng Maralita't ito ang tanging naglalathala
ng aking kathang sanaysay, tula't iba pang akda
tanging dyaryong sinusulatan ko bilang makata

may Aklatang Obrerong naglalathala rin naman
ng mga tula ko sa aklat, aba'y kainaman
subalit bihira nang nagagawa pa ang ganyan
di tulad nitong Talibang talagang pahayagan

kinsenas at katapusan, dapat nalathala na
itong Taliba ng Maralita upang mabasa
ng madla ang mga nilalaman nito tuwina
balita, paninindigan, komiks, isyu't problema

Taliba ng Maralita'y dyaryo ng masa, ninyo
kaya suportahan natin ang pahayagang ito
ito lang ang tangi kong pinagsusulatang dyaryo
kung dito na ako mamamatay, payag na ako

Maraming salamat. Mabuhay kayo!

Greg Bituin Jr.
Tagapangasiwa ng Taliba ng Maralita
Sekretaryo Heneral, KPML