Huwebes, Marso 19, 2020

Ang Hasik ng Katipunan, ang Buklod ng BMP, at ang KASAMA ng KPML

ANG HASIK NG KATIPUNAN, ANG BUKLOD NG BMP, AT ANG KASAMA NG KPML
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

May ninuno pala ang BUKLOD ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at ang dating KASAMA ng grupong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Ito ang HASIK ng KKK o Katipunan nina Gat Andres Bonifacio.

Sa aklat na "Kartilyang Makabayan: Mga Tanong at Sagot Ukol Kay Andres Bonifacio at sa KKK" na sinulat ni Hermenegildo Cruz, ay nabanggit ang pagbubuo ng Hasik na maihahalintulad sa pagbubuo ng Buklod ng BMP, at dating KASAMA (Kapatiran ng mga Sosyalistang Aktibistang Maralita), ng KPML na binago na't ginawa na ring Buklod na ibinatay sa BMP. Sa pahina 21 ng nasabing aklat ay nasusulat: 

25. - Sa papaanong paraan ginagawa ang pagkuha ng kasapi? - Sa bawa't pook ay nagtatayo ng isang wari'y lupon na kung tawagin ay "Hasik" na binubuo ng tatlo katao na parang tatlong tungko. Ang "Hasik" na ito ang siyang sa inot-inot ay nanghihikayat upang may sumapi sa "Katipunan". Pagdamidami na ng mga kasangayon ay saka pa lamang itinatayo ang "Balangay" na pinamumunuan ng isang lupon na ang mga tungkulin ay tulad din ng sa Kataastaasang Lupon. Ang mga "Hasik" na yaon ay di na ipinagpatuloy ng malapit na ang tangkang panahon sa paghihimagsik, pagka't ang mga taong baya'y halos naguunahan nang sila'y mapabilang sa "Katipunan".

Sa aklat na “Andres Bonifacio: Buhay at Pakikibaka” na nalathala noong ika-150 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio noong Nobyembre 30, 2013, pahina 21, ay nakasulat naman:

“Sa larangang pang-organisasyon, isinaayos ang balangkas ng kilusang lihim sa pamamagitan ng sistemang hasik o tatsulok. Ang “Hasik” na ito ang matiyagang nanghihikayat ng bagong miyembro ng Katipunan. Kapag marami-rami na ang kasang-ayon ay saka itinatayo ang “Balangay” na pinamumunuan ng isang lupon na ang mga tungkulin ay tulad din ng sa Kataastaasang Lupon.”

Ang pagbubuo ng Buklod ng BMP ay naisulat ng namayapang Ka Popoy Lagman sa akda niyang PAGKAKAISA na nalathala sa magasing Tambuli ng BMP noong Disyembre 1998. Halina't sipiin natin ang ilang bahagi nito:

"Dapat ay mas madali ang magbuo ng grupo o sirkulong pampulitika ng lima hanggang sampu katao sa bawat kompanya (tawagin natin na mga buklod) kaysa magbuo ng unyon na kinakailangang dumaan sa mga ligal at teknikal na proseso. Upang mapatampok ang pampulitikang tungkulin at katangian ng BMP, mas wasto at mas mahusay na ang magiging ispesyalisasyon nito ay ang pagbubuo ng network ng mga grupo o sirkulong pampulitika sa pinakamaraming kompanyang maaabot nito na mas nakatuon sa pampulitikang pagkamulat, pagkakaisa, pagkakaorganisa at pakikibaka ng masang manggagawa bilang uri."

"Oryentasyon ng mga buklod na ito ang aktibong paglahok sa pang-unyong pakikibaka nang hindi binabago ang prinsipal na diin sa pampulitikang pag-oorganisa. Bawat lider, organisador at aktibista ng BMP ay dapat magkaroon ng mga target na kompanyang tatayuan nila ng mga buklod. Dapat ay walang tigil ang araw-araw na pagbubuo ng mga buklod na ito hanggang sa malatagan natin ang mayorya ng mga kompanya sa buong bansa ng ganitong network ng sosyalistang pagkakaisang makauri bilang preparasyon sa paglubha ng krisis ng globalisasyon at pag-igpaw ng kilusan ng uring manggagawa sa antas ng pampulitikang pakikibaka."

Sa bahagi naman ng KPML, binuo noon ang KASAMA upang maipalaganap ang makauring pagkakaisa ng mga maralita bilang proletaryado at ng uring manggagawa sa kabuuan. Katatampukan ang KASAMA ng pag-oorganisa at pampulitikang pagmumulat. Ayon sa dokumentong Oryentasyon ng KASAMA: "Ang KASAMA ay isang pampulitikang grupo o sirkulo (mga 5-10 katao) ng mga mulat na maralita sa loob ng isang lokal na organisasyon at komunidad na kinikilusan ng KPML, o kaya'y mga indibidwal na maralitang wala pang organisasyon sa isang komunidad."

"Binuo ang KASAMA bilang katuwang ng KPML sa pagkokonsolida sa ating mga kinikilusang komunidad. Pagkat sila ang mga mulat (may mataas na pampulitikang kamalayan) na maralita sa loob ng kanilang mga lokal na organisasyon, pangungunahan nila ang kanilang samahan sa mga pagkilos sa loob at labas ng kanilang mga komunidad, at magsasagawa ng pagmumulat sa hanay ng kasapian at maging sa iba pang organisasyon at mga kalapit pang komunidad. Ang mga KASAMA ang siyang magiging gulugod sa pag-oorganisa at pagkokonsolida ng ating organisasyon at mga komunidad na kinikilusan."

Sa ngayon, napagpasyahan na ng KPML na mas mainam na gamitin ang Buklod, at pinalitan na ang katawagang Kasama bilang pagtalima sa atas ng BMP, kung saan kasaping organisasyon ang KPML, na magtayo ng Buklod sa mga komunidad ng maralita upang palakasin ang sosyalistang kilusan.

Maraming salamat sa Katipunan, at may pinagmanahan pala ang BMP at KPML bilang mga mapagpalayang organisasyon tungo sa pagtatayo ng lipunang walang pang-aapi at walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Mga pinaghalawan:
aklat na "Kartilyang Makabayan: Mga Tanong at Sagot Ukol Kay Andres Bonifacio at sa KKK" na sinulat ni Hermenegildo Cruz, (inilimbag, 1922), pahina 22
aklat na “Andres Bonifacio: Buhay at Pakikibaka” na nilathala ng Bonifacio 150 Committee (B150C)
http://popoylagman.blogspot.com/2009/07/pagkakaisa-akda-ni-ka-popoy-lagman.html
http://kpml-org.blogspot.com/2010/10/ang-pagbubuo-ng-kasama.html

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 16-31, 2020, pahina 18-19.