Martes, Oktubre 20, 2020

Ako'y tibak

Ako'y tibak

ako'y tibak na wala sa dulo ng bahaghari
pagkat nakikibakang ang kasama'y dukhang uri
upang lupigin ang bata-batalyong naghahari
upang pagsasamantala't pang-aapi'y mapawi

adhika'y karapatan ng tao't ng kalikasan
naggugupit ng plastik, inaaral ang lipunan
nageekobrik, bakit may mahirap at mayaman
magbukod ng basura, maglingkod sa sambayanan

hangad na maitayo ang lipunang makatao
na walang pagsasamantala ng tao sa tao
dukha man, karapatang pantao'y nirerespeto
bawat isa'y makipagkapwa, may wastong proseso

isinasabuhay ko ang proletaryong hangarin
upang pagsasamantala't pang-aapi'y durugin
sa kabila ng karukhaa'y may pag-asa pa rin
tayo'y magekobrik, bulok na sistema'y baguhin

ako'y karaniwang tao lang na hilig ay tula
na sinusulat ay buhay ng manggagawa't dukha
nasa Kartilya ng Katipunan nga'y nakatala
ang niyakap kong prinsipyo't tinanganang adhika

- gregoriovbituinjr.

Martes, Oktubre 6, 2020

Ang tunay na kahulugan ng pagsisilbi

Ang tunay na kahulugan ng pagsisilbi

naramdaman ko sa piling ng masang inaapi
kung anong tunay na kahulugan ng pagsisilbi
sa bayan, sa paglilingkod ialay ang sarili
katuturan ng buhay ay natagpuan ko rini

hungkag ang buhay sa lugar na napakatahimik
di ako bagay doon habang iba'y humihibik
ng panlipunang hustisya't dama'y paghihimagsik
nais ko pa ring magsilbi, sa puso'y natititik

di ko nais aksayahin ang buhay ko sa wala
isa akong frontliner na sa sigwa'y sasagupa
isang tibak akong kasangga'y uring manggagawa
at sekretaryo heneral naman ng maralita

ang nais ko'y ialay ang natitira kong buhay
sa bawat pakikibaka't sa prinsipyo kong taglay
bilang paralegal ng dukha'y nagpapakahusay
kaya mananatiling tibak hanggang sa mamatay

- gregoriovbituinjr.

Sa unang anibersaryo ng kamatayan ni Ka Pedring Fadrigon

nabigla kami sa biglaan mong pagpanaw noon
dahil ama ka ng maralita't ng asosasyon
unang anibersaryo ng kamatayan mo ngayon
at ginugunita ka, pangulong Pedring Fadrigon

sa mga lider-maralita, pangalan mo'y sambit
mga tulong sa kapwa dukha'y di ipinagkait
lider na kaysipag hanggang kamataya'y sumapit
ang batikang Ka Kokoy Gan ang sa iyo'y pumalit

kayhusay sa pagkilos at tunay kang nagpapagal
pagkat ipinaglaban ang maralita't ang dangal
ang pagiging lider mo'y ipinakita sa asal
kaya dapat isulat yaong naiwan mong aral

buhay na buhay nga ang kolum mong Tinig ng Dukha
sa ating pahayagang Taliba ng Maralita
na sadyang pumukaw sa puso't diwa ng dalita
habang iyong tangan ang ating prinsipyo't adhika

sa aming paggunita sa unang anibersaryo
ng iyong pagkamatay, K.P.M.L. ay narito
O, Ka Pedring Fadrigon, kami sa iyo'y saludo
maraming salamat sa mga payo't pangaral mo

- gregoriovbituinjr.
10.06.2020

Lunes, Oktubre 5, 2020

Ang nais kong buhay


Ang nais kong buhay

nais kong buhay ay ang may panlipunang hustisya
isang buhay na punung-puno ng pakikibaka
di sa payapang tahanang parang retirado ka
gayong kayraming isyung nagbibigay ng pag-asa

ang unang taludtod ng Kartilya ng Katipunan
ay sinasabuhay ko sa maghapon at magdamag:
"Ang buhay na di ginugol sa malaking dahilan
ay kahoy na walang lilim o damong makamandag!"

nasa pakikibaka yaong hanap kong esensya
ng buhay na itong batbat ng kawalang hustisya
nasa paglilingkod sa uring manggagawa't masa
at nasa pagbabago nitong bulok na sistema

para sa akin, walang katuturan ang tahimik
na buhay, na animo'y nakabiting patiwarik
nais ko'y bakahin ang mapagsamantalang switik
at ang mata ng mga mapang-api'y magsitirik

nais kong itayo'y isang lipunang makatao
na walang pagsasamantala ng tao sa tao
ito ang tangan kong paninindigan at prinsipyo
kung di ito ang tatanganan ko, di ako ito

- gregoriovbituinjr.