Biyernes, Pebrero 19, 2021

Ang nagwawalis sa lansangan

Ang nagwawalis sa lansangan

mabuhay ang masang tagapaglinis ng kalsada
mabuhay ang manggawang nag-ayos ng basura
kaysipag sa trabaho kahit umagang-umaga
kapuri-puri matanaw mo lang ang tulad niya

kaya di na madawag ang kagubatan ng lungsod
na sa iyong paglalakad ay di matatalisod
pagkat sila ang dahil ng linis na tinaguyod
tinatahak ang daang sa mata'y kalugod-lugod

kalat mo, kalat ko, kalat ng masa'y winawalis
tinitiyak na kapaligiran ay anong linis
nawawala sa puso ang danas na dusa't amis
lalo't may pandemya pa't maraming di makaalis

maraming salamat sa nagwawalis ng lansangan
tinatanggap mong sahod sana'y maayos din naman
salamat sa pangangalaga ng kapaligiran
at sa tapat mong tungkuling paglingkuran ang bayan

- gregoriovbituinjr.

* Kuhang litrato ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.

Lunes, Pebrero 15, 2021

Ang payo

Ang payo

mag-ingat lagi sa mga gubat mong papasukin
anang isang kasama, pinayo niya sa akin
pag-oorganisa't propaganda'y iyong masterin
nang kayanin ang mga daratal na suliranin

tulad ng chess ay aralin mo ang pasikut-sikot
anong tamang sulong, anong basa mo't iyong sagot
ituring mong isang puzzle, at labanan ang takot
bagong sitwasyon, bagong sistema, masalimuot

gumapang man ang dahongpalay sa iyong katawan
mahulog man sa hukay o ikaw ay magulungan
maging listo sa panganib na di mo mapigilan
magpakatatag, tiyaking malinaw ang isipan

sa welga, makinarya'y huwag hayaang ilabas
obrero'y pagkaisahin laban sa mararahas
pakatandaan, anumang problema'y malulutas
ituring mong gubat mo ang gubat na nilalandas

- gregoriovbituinjr.

* Litratong kuha ng makatang gala habang naglalakbay sa isang lalawigan.

Linggo, Pebrero 14, 2021

Kwento: Babae ka! Hindi babae lang...


BABAE KA! HINDI BABAE LANG...
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Lumabas ako ng bahay upang pumunta ng botika para bumili ng gamot nang makasalubong ko ang isa kong kaklaseng babae noong elementarya. Namumugto ang kanyang mga mata. Marahil maghapong umiyak. 

Nagkatinginan kami, nagbatian. Kinumusta ko siya. Sabi niya, okay lang, sabay ngiti ng matipid. Hanggang tumungo siya at mukhang iiyak. 

Isa iyong araw na hindi kaiba sa karaniwan. Subalit para kay Magdalena, ang araw na iyon ay parang kanyang kamatayan. Dahil binugbog na naman siya ng kanyang kinakasama. Kaya niyaya ko muna siya sa isang restoran sa kabilang kanto. Umorder ako ng paborito kong tapsilog. Softdrinks na lang daw sa kanya. Hanggang kinumusta ko ang kanyang buhay may-asawa. Matagal bago siya umimik. Para bang naghahanap ng tapang na isiwalat ang nasa dibdib.

Barkada ko siya noong elementarya. Lagi kong kalaro, at minsang nakatabi sa klase. Matalino siya, maganda, at magaling. Subalit hindi gayon ang nangyari sa kanyang buhay-pag-ibig. Naipagtapat niya sa akin na malimit siyang bugbugin ng kanyang kinakasama. Ipinakita niya sa akin ang mga pasa sa kanyang braso at likod.

Sinabi ko, "Mali ang ginagawa niya sa iyo. Bakit hindi mo siya iwan?"

Anya, "May anak kami. Siya lang ang kumakayod para sa amin. May mali din kasi ako, minsan ay hindi agad ako nakakapagluto ng hapunan. Nakatulog kasi ako dahil sa pagod sa maghapong paglalaba at sa pag-aalaga kay Baby."

Sabi ko uli, "Mali naman na bugbugin ka agad dahil hindi ka nakapagluto ng hapunan."

Sabi niya, "Wala akong magawa. Babae lang ako. Sa kanya ang bahay at siya ang nabgtatrabaho. Hindi ko naman siya maiwan dahil paano na kami ng anak ko? Saan kami pupunta? Matagal nang patay sina Papa at Mama."

Sabi ko, "Alam mo, klasmeyt, noong magkaklase tayo sa elemtarya, hanga ako sa iyo dahil laging mataas ang grado mo kumpara sa akin. Naalala ko pa nang tinulungan mo ako sa ilang subject, tulad ng Pilipino at Araling Panlipunan."

Bahagya na siyang umimik. Sabi niya, "Wala iyon, nakaraan na iyon. Nagkita nga kami minsan ng ilan nating klasmeyt noon. Bakt wala ka sa reunion?"

"Hindi ko agad nalaman iyon. Tapos na nang malaman ko sa mga litrato n'yo sa pesbuk. Siyanga pala, 'yung kaninang sinabi mo, hindi ako kumporme roon."

"Saan?"

"Sa sinabi mong babae ka lang. Alam mo, klasmeyt, babae ka! Hindi babae lang. Kayo ang kalahati ng daigdig. Kung hindi dahil sa inyo, wala kaming mga lalaki. Kung hindi dahil sa inyo, wala tayong lahat dito. Kaya huwag mong sabihing babae ka lang. Babae ka!"

Matagal na katahimikan. Napaisip siya. Maya-maya ay nagsalita siya.

"Ano namang gagawin ko?" anya.

"Tanda mo ba ang mga bayaning pinag-aralan natin noon sa Araling Panlipunan. Sina Gabriela Silang, Teresa Magbanua, Trinidad Tecson, Tandang Sora, Gregoria de Jesus? Hindi ba't sila'y mga matatag na kababaihan ng kanilang panahon, lider ng kanilang henerasyon upang ipagtanggol ang bayan mula sa pang-aapi at pagsasamantala ng mga dayuhan at kababayang naghahari-harian sa lipunan? Ikaw pa nga ang nagturo sa akin niyan noon sa Araling Panlipunan kaya nakapasa ako, di ba? Tanda mo?"

Napangiti siya.

"Kung okay lang sa iyo, may pulong ang mga kababaihan tulad mo para sa pagkilos ng mga kababaihan sa Marso Otso. Nais kong makasama ka roon. Okay ba sa iyo? Nais kitang tulungan. Pwede mo ring isama ang anak mo kung walang magbabantay. Ano?"

"O, sige, sasama ako. Kailan ba ang miting na iyon?"

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 1-15, 2021, pahina 16-17.

Sabado, Pebrero 13, 2021

Mababasa sa plakard ang tindig nila't damdamin

Mababasa sa plakard ang tindig nila't damdamin

nagso-social distancing din ng tag-iisang metro
ang mga nagraraling talagang disiplinado
nananawagang "Kalusugan, Pagkain, Trabaho!
Hindi Panunupil, Pandarambong, Pang-aabuso!"

tulad ng hawak na plakard ng isang maralita
makatarungang panawagan, layon at adhika
kahit may pandemya, mayroon silang ginagawa
sa ngalan ng hustisya para sa bayan at madla

kumukulo ang dugo bagamat tahimik sila
seryoso sa pakikibaka para sa hustisya
makahulugang mensahe kapag iyong nabasa
ang tangan nilang plakard na laban sa inhustisya

maraming salamat sa kanilang mga pagkilos
pagkat bawat hakbang nila sa puso'y tumatagos

- gregoriovbituinjr.

* Kuha ng makatang gala sa pagkilos sa UP Diliman noong Enero 29, 2021.

Martes, Pebrero 9, 2021

Walang iwanan

Walang iwanan

hindi ako tumatakas at nang-iiwan
upang ang sarili ko'y mailigtas lamang
madakip man ako sa anumang labanan
buti ang gayon kaysa nang-iwan sa laban

sa anumang sitwasyon, dapat maging handa
kahit kaharapin pa'y sangkaterbang tingga
upang ipagtanggol ang manggagawa't dukha
at sa dumaratal na sigwa'y sumalunga

walang iwanan sa laban hanggang mamatay
habang tinataguyod ang lipunang pakay
baybayin man ang matatayog na tagaytay
sisirin ang laot o mabaon sa hukay

walang iwanan ay prinsipyong itinaga,
di sa bato, kundi rito sa puso't diwa

- gregoriovbituinjr.

* Nag-selfie ang makatang gala sa painting ng isang kasamang tibak sa dating tanggapan ng BMP sa QC. 

Lunes, Pebrero 8, 2021

Wala akong konsepto ng sabi nila'y bakasyon

wala akong konsepto ng sabi nila'y bakasyon
kung saan magpapahinga ako't maglilimayon
pagkat nasa isip ko lagi'y pagrerebolusyon
pagkat ayokong masayang lang ang aking panahon
sa bakasyon at di matupad ang atang na misyon

tuloy ang laban at gawaing pag-oorganisa
tuloy-tuloy lang ang layuning dapat maimarka
tuloy lang ang pagpapatupad ng gawaing masa
tuloy ang sa obrero't maralita'y mag-eduka
hanggang sa nilalayon, sila na'y maging kaisa

babawiin ang inagaw nilang tinig at puri
lalo't sanhi ng hirap ay pribadong pag-aari
tatanggalin ang kapritso ng mga naghahari
upang manggagawa't dukha'y maging iisang uri
at lipunang makatao'y kanilang ipagwagi

- gregoriovbituinjr.

Sabado, Pebrero 6, 2021

Tula sa ika-20 anibersaryo ng pagkamatay ni Ka Popoy Lagman

saktong dalawampung taon na ang nakararaan
nang si Ka Popoy Lagman ay pinaslang sa Diliman
hanggang ngayon, naghahanap pa rin ng katarungan
ang pamilya, pati na kasamahan sa kilusan

mantak mong isipin, dalawang dekada na pala
ng paglulupa't tumanda na kaming aktibista
hustisya'y kaybagal subalit kami'y umaasa
sa kalaunan ay makakamit din ang hustisya

- gregoriovbituinjr. 02.06.2021