Linggo, Mayo 30, 2021

Ang pangarap

ANG PANGARAP

nakakagutom ang katarungan
kaya dapat matutong lumaban
upang makamit ang inaasam:
pantay at parehas na lipunan

malupit ang kawalang hustisya
lalo na sa karaniwang masa
sadyang nangwawasak ng pandama
ang dulot ng bulok na sistema

ang mga dukha'y binubusabos
lalo't buhay nga'y kalunos-lunos
sahod ng manggagawa pa'y kapos
tiis-tiis lang, makakaraos

anong dahilan ng mga ito
may tao ba talagang demonyo
o dahil pag-aari'y pribado
kaya maraming hirap sa mundo

ah, kailangan nating magsuri
bakit may burgesya't naghahari
dahil sa pribadong pag-aari
sumulpot ang interes at uri

nakikita na ang kasagutan
bakit sa mundo'y may kahirapan
kung susuriin ang kalagayan
ng pamayanan, bansa't lipunan

pribadong pag-aari'y pawiin
yaman ng lipunan ay tipunin
ipamahaging pantay-pantay din
upang ang lahat ay makakain

kahit isa'y walang maiiwan
kamtin ang hustisyang panlipunan
at ating itatayong tuluyan
ay isang makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.05.30.2021

Salamat sa mga unyon

SALAMAT SA MGA UNYON

salamat sa mga unyon
manggagawa'y nagsibangon
nang tuluyang magkaroon
nitong pagbabagong layon

pagkilos nang sama-sama
ay nagawa't kinakaya
upang kamtin naman nila
ang panlipunang hustisya

sahod ay bayarang wasto
walong oras na trabaho
karapatan, unyonismo
katarungan, makatao

ngunit marami pang hamon:
pagkat kontraktwalisasyon
sa obrero'y lumalamon
ang wakasan ito'y misyon

- gregoriovbituinjr.

* litrato mula sa google

Biyernes, Mayo 14, 2021

Iilang babasahin

IILANG BABASAHIN

sadyang tinipon ko ang ilang babasahin doon
pagkat makasaysayang sulatin ang mga iyon
tungkol sa pakikibaka, tungkol sa rebolusyon
tungkol din sa pagbabago ng sistema't pagbangon

tatlong taon akong naging regular na obrero
at naging tibak mula sa dyaryo sa kolehiyo
binasa noon sina Che Guevara't Fidel castro
at natuto bakit makatwiran ang sosyalismo

dahil kina Lenin, lipunang makatao'y mithi
ang kaapihang pribadong pag-aari ang sanhi
kaya sa aming bibig ay laging namumutawi:
pagsasamantala ng tao sa tao'y mapawi

kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan
sarili'y tanungin: bakit may dukha at mayaman
pag-aralan ngang mabuti't suriin ang lipunan
anong nagdulot ng kaapihan ng sambayanan

bakit dapat pawiin ang pag-aaring pribado
na siyang sanhi ng kahirapan sa buong mundo
ah, dapat ngang itayo ang lipunang makatao
maraming salamat sa mga babasahing ito

babasahing nagpaunlad nitong puso't isipan
upang sistema ng lipunan ay maunawaan
upang mabatid din ang dahilan ng karukhaan
kaya dapat lumaya rito ang sangkatauhan

- gregoriovbituinjr.

Tuloy ang laban

TULOY ANG LABAN

di pa rin nagbago ang nabitiwang pangungusap
na ipagpapatuloy ang niyakap kong pangarap
bilang kasangga ng uring obrero't mahihirap
dahil sa mga pagsasamantalang nagaganap

pawiin ang dahilan ng kaapihan sa mundo
pati na pagsasamantala ng tao sa tao
itayo ang gobyerno ng masa't uring obrero
habang tangan ang isinasabuhay na prinsipyo

simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka
habang nagsisikap pa ring mabago ang sistema
pinanghahawakan ang kinabukasan ng masa
pagbaka upang kamtin ang panlipunang hustisya

isa lang akong simpleng tibak sa mundong nagisnan
na sana kahit munti'y may maiambag sa bayan
nagnanasang itayo ang makataong lipunan
na walang burgesya't mapagsamantalang iilan

tuloy ang laban habang tinutupad ang pangarap
upang tuluyang lumaya ang kapwa mahihirap
sa bulok na sistema ng burgesyang mapagpanggap
upang pangarap na sistema'y tuluyang malasap

- gregoriovbituinjr.

Maikling Kwento - Pagbaka sa Kontraktwalisasyon


PAGBAKA SA KONTRAKTWALISASYON
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Nakakainis talaga. Nagtatrabaho ka sa kumpanya tapos dahil kontraktwal ka, hindi ka ituturing na manggagawa ng kumpanya! Hay, naku, grabe na talaga ang pagkasalot ng salot na kontraktwalisasyon.” Gigil na sabi ni Inggo habang pigil ang kamaong nakakuyom.

“Sinabi mo pa. Problema talaga natin iyan sa kumpanya.” Pagsang-ayon ni Isko. Nag-uusap sila habang nakaupo sa karinderya ni Aling Iska.

Napamulagat naman ang nakikinig na si Aling Iska, “Ano na naman ba iyang pinag-uusapan ninyo? Buti nga, may trabaho kayo. Kahit ba kontraktwal ay may naiuuwi naman kayo sa pamilya ninyo, ah.”

“Hindi mo nauunawaan, Iska. Ang kontraktwalisasyon, kaya salot, ay iskema ng mga kapitalista upang bawasan o matanggalan ng mga benepisyo ang mga manggagawa. Imbes na dapat maregular na sa trabaho ang manggagawa ay hindi ginagawang regular.” Sagot agad ni Inggo. “Ang kontraktwal, kumbaga, ay pansamantalang trabaho, na bago sumapit ang ikaanim na buwan ay tatanggalin na lang sila sa trabaho, kahit gaano ka pa kahusay. Iniiwasan talaga ng kumpanya na maging regular ang mga manggagawa. Meron namang ilang taon na sa kumpanya, tulad ko, limang taon na subalit kontraktwal pa rin. Walang kasiguruhan sa trabaho ang mga kontraktwal.”

“Ang nais namin ay maging regular na manggagawa naman kami sa kumpanyang matagal na naming pinaglilingkuran.” Sabi naman ni Isko.

“Paano mangyayari iyan? Hihilingin ba ninyo sa kapitalista o sa manedsment n’yo na gawin kayong regular? Aba’y paano kung hindi kayo pakinggan? Pag nagprotesta kayo, baka tanggalin naman kayo sa trabaho.” Sabad muli ni Aling Iska. “Baka magandang humingi kayo ng tulong sa unyon, at baka naman makatulong ang mga regular na manggagawa sa inyong mga kontraktwal.”

“Magandang ideya iyan, Iska.” Sabi ni Inggo. “Dapat makatulong nga sa problema natin ang mga regular na kamanggagawa natin, di ba?”

“Diyan natin simulan. Kausapin natin ang pangulo ng unyon na si Ka Igme, at tanungin hinggil sa ating suliranin.” Sabi ni Isko. Kinabukasan, bago ang simula ng trabaho ay kinausap na nina Inggo at Isko si Ka Igme hinggil sa kanilang kalagayan.

“Limang taon na akong kontraktwal, habang si Isko naman ay apat na taon na. Anim na buwan lang ay dapat regular na kami, di ba? Kayong mga regular, paano ba ninyo kami matutulungan. Aba, ayaw naman naming habambuhay kaming kontraktwal at wala kaming kasiguruhan sa trabaho. Bukod sa mababa na ang sahod, wala pa kaming benepisyo, di tulad ninyong mga regular.” Ani Inggo kay Ka Igme.

“Tama ka, Inggo. Panahon na talagang mag-usap tayo. Salamat sa inisyatiba ninyo. Dapat talagang magsama ang mga regular at kontraktwal upang labanan iyang salot na kontraktwalisasyon. Ngunit dapat magsimula muna tayo sa isang pulong-pag-aaral upang suriin natin at pag-aralan kung bakit nga ba may kontraktwalisasyon, at ano ang mga dahilan niyan.” Ang agad tugon ng pangulo ng unyon.

“Aba’y talagang dapat naming malaman, mapag-aralan at maunawaan kung bakit nga ba sa tagal naming nagtatrabaho sa kumpanyang ito ay kontraktwal pa rin kami. Sige, kailan iyan upang sabihan ko ang ibang kontraktwal para sa pag-aaral nang maipaglaban namin, kung kinakailangan, na magkilos-protesta kami, o sa anumang paraan upang maparating namin sa kinauukulan na gawin kaming mga regular na manggagawa.” Sabi ni Inggo, habang tatango-tango si Isko.

Mungkahi ni Ka Igme ay sa susunod na Linggo, kung kaya ng mga kontraktwal, dahil walang pasok iyon. Isakripisyo muna ang araw ng pamilya upang mag-aral hinggil sa usaping kontraktwalisasyon. 

“O, paano, magkita-kita tayo sa Linggo.” Sabi ni Ka Igme. At agad nagtanguan ang dalawa na nangakong kakausapin nila ang kanilang mga kapwa manggagawang kontraktwal upang dumalo sa pag-aaral at talakayan.  Dama nila, iyon na ang simula ng kakaharapin nilang laban.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 1-15, 2021, pahina 18-19.