Sabado, Agosto 28, 2021

Diwang mapagpalaya

DIWANG MAPAGPALAYA

simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka
ang isinasabuhay ng tulad kong aktibista
patuloy na kumikilos at nag-oorganisa
tungo sa pagtatayo ng lipunang ninanasa

binabasa ang akda't kasaysayan ng paggawa
upang tuluyang tagpasin ang gintong tanikala
tungo sa adhikang pagbabagong mapagpalaya
tungo sa lipunang ang bawat isa'y maginhawa

tungo sa asam na lipunang walang mga uri
lipunang hindi hinahati, walang naghahari
ugat ng kahirapan ay pribadong pag-aari
nitong kasangkapan sa produksyon, dapat mapawi

lipunang bibigkis sa matinding pagkakaisa
ng sangkatauhan laban sa pagsasamantala
lipunang nakatindig sa panlipunang hustisya
at karapatang pantao, na pantay bawat isa

tara't magbasa ng mga mapagpalayang akda
tungo sa pagkakaisa ng uring manggagawa
upang lipunang hangad nila'y maitayong sadya
at lahat ay makinabang sa bunga ng paggawa

- gregoriovbituinjr.
08.28.2021

Martes, Agosto 24, 2021

Pagbati

pagbati ng makata'y maligayang kaarawan
asam kong lagi kang nasa mabuting kalagayan
di nagkakasakit, malusog ang puso't isipan
kumikilos pa rin kahit nasa malayong bayan

lalo na't matibay kang moog sa kilusang masa
habang nagpapatuloy pa rin sa pakikibaka
sa dukha't manggagawa'y patuloy na nakiisa
upang uring proletaryo'y umagos sa kalsada

maganda ang iyong tinuturo sa kabataan
nang sistemang bulok ay kanilang maunawaan
upang lipunang ito'y kanilang maintindihan
balang araw, sila'y magiging manggagawa naman

muli, maligayang kaarawan, aming kasama
tuloy ang laban, kamtin ang panlipunang hustisya

- gregoriovbituinjr.
08.24.2021

Sabado, Agosto 21, 2021

Lipunang pangarap

LIPUNANG PANGARAP

isang sistemang parehas, lipunang manggagawa
ang pangarap naming itayo, kasama ng dukha
kami'y kumikilos tungo sa lipunang malaya
at walang kaapihan, lipunang mapagkalinga

kaya ngayon ay nakikibaka kaming totoo
upang itayo'y asam na lipunang makatao
na walang pagsasamantala ng tao sa tao
kalagayan ng tao sa mundo'y sosyalisado

ang kapitalistang sistema'y tuluyang palitan
nang mas abante't patas na sistema ng lipunan
anupaman ang tawag, kung sosyalismo man iyan
mahalaga'y pantay at parehas ang kalakaran

papalit sa uring kapitalista'y ang obrero
na siyang mamumuno sa lipunang makatao
walang maiiwan, pulubi man, sa pagbabago
lahat ay nakikipagkapwa't nagpapakatao

kung ugat ng kahirapa'y pribadong pag-aari
di na iyan dapat pang umiral ni manatili
pagsulpot ng iba't ibang uri'y dapat mapawi
pakikibaka mang ito'y pagbabakasakali

iyan ang pangarap ko't pangarap din ng marami
kaya sa pakikibaka'y nagpapatuloy kami
upang sa kahirapan, ang tao'y di na sakbibi
may paggalang sa dignidad, bawat isa'y kasali

- gregoriovbituinjr.
08.21.2021

Babasahin sa paggawa

BABASAHIN SA PAGGAWA

kung mababasa lang ang lathalaing paggawa
baka naghimagsik na ang nagtatrabahong madla
laban sa sistemang pinaiiral ng kuhila
o mga taksil na tubo lang ang inaadhika

samahan sa paggawa'y patuloy na umiiral
habang lipunang pangarap nila'y pinangangaral
mula sa primitibo komunal, alipin, pyudal
at paano palitan ang sistema ng kapital

mayroong hanggang reporma lang ang inaadhika
animo'y pinakikintab ang gintong tanikala
nais ng marami'y rebolusyon ng manggagawa
at itayo ang isang lipunang mapagkalinga

ang mga araling ito'y dapat nating basahin
mga babasahin itong dapat nating aralin
at kung kaya, bawat manggagawa'y pagkaisahin
patungo sa lipunang makatao'y pakilusin

- gregoriovbituinjr.
08.21.2021

* litratong kuha ng makatang gala mula sa mga nasaliksik na babasahin sa aklatan ng opisina ng paggawa

Huwebes, Agosto 19, 2021

Ang estado

ANG ESTADO

napaka-teyoretikal ng mga pag-usisa
ano ba ang estado o yaong pamamahala
ng isang teritoryo, rehiyon, o kaya'y bansa
o pangkat ng mga taong nabuhay ng malaya

anong kasaysayan ng Atlantis, ayon kay Plato
bakit nga ba ito ang ideyal niyang estado
si Engels naman, sinuri'y pag-aaring pribado
pati na pinagmulan ng pamilya't ng estado

ang isa pa'y ang Estado't Rebolusyon ni Lenin
hinggil sa estadong dapat pag-aralang taimtim
anong kakapal ang mga librong dapat basahin
nakakatuwa kung buod nito'y malaman natin

anong mga nangyari sa primitibo komunal
bakit nawala't lipunang alipin ang umiral
bakit panginoong maylupa'y naghari sa pyudal
paanong lipuna'y binago ng mangangalakal

bakit ang aring pribado'y ugat ng kahirapan
bakit laksa'y mahihirap, mayaman ay iilan
bakit may inaapi't pinagsasamantalahan
paano itatayo ang makataong lipunan

paano sumulpot ang mga uri sa estado
bakit may watawat, pulis, teritoryo't husgado
paano sumulpot ang diktadura't ang gobyerno
anong halaga ng pakikibaka ng obrero

mga inaral na ito'y ibahagi sa masa
lalo't inaasam nila'y karapata't hustisya
paano kamtin ang lipunang para sa kanila
kung saan pantay, parehas at patas bawat isa

- gregoriovbituinjr.
08.19.2021

Martes, Agosto 17, 2021

Munting piging sa ika-27

MUNTING PIGING SA IKA-27

tulad ng pagbaka sa naglilipanang halimaw 
silang sa dugo ng mga tao'y uhaw na uhaw
paslang dito, tokhang doon, pulos bala't balaraw
ang pinantugis sa masa't inosenteng pumanaw

at ako'y nakiisa sa mga inang lumuha
pagkat di pa handang mga anak nila'y mawala
gayundin naman, may mangangalakal na kuhila
na pinagsamantalahan ang dukha't manggagawa

nakiisa ako sa naghahanap ng hustisya
sumama ako sa bawat nilang pakikibaka
hanggang sa ako'y sumumpang aking idadambana
ang karapatang pantao't kagalingan ng masa

balang araw, itayo ang lipunang makatao
habang yakap-yakap ang mapagpalayang prinsipyo
"Iisa ang pagkatao ng lahat!" ni Jacinto
tangan ang pakikipagkapwa't pagpapakatao

tanda ko ang petsang iyon, kaya pinagdiriwang
munting piging, tagay, pulutan, kahit mag-isa lang 
ang maging kasama sa pagbabaka'y karangalan
isang tagay para sa akin, ah, isang tagay lang

- gregoriovbituinjr.
08.17.2021

Pagdalo sa rali

PAGDALO SA RALI

ang pagdalo sa rali'y dahil sa paninindigan
na aking niyakap sapul nang nasa paaralan
noong maging staffwriter pa lang ng pahayagan
magtatatlong dekada na rin ang nakararaan

sa rali'y umaasam ng lipunang makatao
inilalabas ang saloobin sa mga isyu
hindi lang pulos batikos doon, batikos dito
ang rali'y pakikibaka ng mga prinsipyado

ang kongkretong sitwasyon ay kongkretong sinusuri
naniniwalang walang burgesyang dapat maghari
ugat ng kahirapan ay pribadong pag-aari
ng mga gamit sa produksyon, dapat walang uri

pagsama ko sa rali'y kusang loob at tanggap ko
ito'y ekspresyon din ng dignidad at pagkatao
pakikiisa rin sa laban ng dukha't obrero
at sa mga pinagsasamantalahang totoo

hindi libangan ang rali, ito'y pakikibaka
hindi pasyalan ang rali, ito'y pakikiisa
rali'y pananawagan ng panlipunang hustisya
rali'y pagsasatinig ng mga isyu ng masa

- gregoriovbituinjr.
08.17.2021

* litrato'y selfie ng makatang gala noong SONA 2021

Huwebes, Agosto 12, 2021

Pasasalamat


"Everyone you meet has something to teach you." - quotation mula sa fb page na "I Love Martial Arts"

PASASALAMAT

Salamat sa lahat ng nakakasalubong
at nakasalamuha sa daan at pulong
lalo't sama-samang hinarap ang daluyong
upang sa bawat pakikibaka'y sumulong

Sa anumang panganib na ating sinuong
ay kapitbisig tayong sadyang tulong-tulong
di nagpapatinag kahit ito'y humantong
sa rali sa lansangan, o kaya'y makulong

Salamat sa inyong naibahaging dunong
mula sa kwento, danas, hapdi, payo't bulong
para sa hustisya'y di tayo umuurong
hangga't lipunang makatao'y sinusulong

- gregoriovbituinjr.
08.12.2021

* litrato mula sa fb page ng "I Love Martial Arts"

Linggo, Agosto 8, 2021

Tanong ng manggagawa


TANONG NG MANGGAGAWA

"Bakit manggagawa ang unang magsasakripisyo
para isalba ang negosyo?" tanong ng obrero
ito ba'y nakaliligalig na tanong sa iyo?
ah, dapat pag-isipang mabuti ang tugon dito

nang magkapandemya, sinara ang mga pabrika
ekonomya'y bumagsak, di napaikot ang pera
tila hilong talilong ang mga ekonomista
kung paano ibangon ang nasaktang ekonomya

trabaho'y tigil, sa manggagawa'y walang pansahod
kayraming apektado, gutom ay nakalulunod
ayuda'y minsan lang natanggap, ngayon nakatanghod
saan kukuha ng ipangkakain sa susunod

nang magluwag ang lockdown, tila nagbalik sa normal
pinapasok ng kapitalista'y mga kontraktwal
halos di papasukin ang manggagawang regular
kontraktwalisasyon na pala'y muling pinairal

pamahalaan naman, negosyo'y inayudahan
bine-bail out upang negosyo'y di raw magbagsakan
bilyon-bilyon sa negosyo, sa obrero'y libo lang
baka ekonomya'y maiangat daw ng tuluyan

lumilikha ba ng ekonomya'y kapitalista
di ba't manggagawa ang lumikha ng ekonomya
kaya bakit negosyo ang unang isinasalba
na para bang ating mundo'y pinaiikot niya

"Bakit manggagawa ang unang magsasakripisyo
para isalba ang negosyo?" tanong ng obrero
isang tanong pa lang ito, na napakaseryoso
na dapat sagutin nang husay ng ating gobyerno

kung di iyan matugunan pabor sa manggagawa
ang bulok na sistema'y dapat nang baguhing sadya
halina't patuloy kumilos tungo sa adhika
na lipunang makatao'y itatag ng paggawa

- gregoriovbituinjr.
08.08.2021

* mga litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos ng manggagawa sa harap ng DOLE sa Intramuros noong Hulyo 23, 2021