Miyerkules, Disyembre 29, 2021

Panawagan

PANAWAGAN

napadaan lang ako noon sa U.P. Diliman
nang makita yaong nakasulat na panawagan
"Contractual, Gawing Regular", aba'y marapat naman
lalo na't islogang makatao't makatarungan

panawagan nilang ito'y sadyang napapanahon
anuman ang kanilang unyon o organisasyon
kabaong sa manggagawa ang kontraktwalisasyon
kapitalistang pandaraya ang iskemang iyon

kaya nag-selfie ako sa islogang nakasulat
bilang pakikiisa sa manggagawa, sa lahat
ng nakikibaka, lalo sa mga nagsasalat
sa mga obrero'y taas-noong pasasalamat

O, mga manggagawang kontraktwal, magkapitbisig
manggagawang regular ay kakampi ninyo't kabig 
kayong iisang uri'y magturingang magkapatid
iskemang kontraktwalisasyon nga'y dapat mapatid

- gregoriovbituinjr.
12.29.2021

Anibersaryo



ANIBERSARYO

kaunti lang kami sa tanggapan ng mga dukha
nang anibersaryo'y ipinagdiwang ng dalita
iba'y sa zoom online nagbigay ng pananalita
maraming di nakadalo nang tamaan ng sigwa

bagamat kaunti ang nagsama-samang nagdiwang
subalit diwa nito sa bawat isa'y may puwang
habang patuloy sa nasang makataong lipunan
upang bawat isa sa lipunan ay makinabang

sa kakaunting handa bawat isa'y salu-salo
nag-awitan, nagtugtugan, nagsayawan, nagkwento
nagpahayag ang mga lider ng dukha't obrero
pinataas ang moral, pinalapot ang prinsipyo

taas-kamaong pagbati sa lahat ng kasama
habang nagpapatuloy ang ating pakikibaka
para sa pangarap na mapagpalayang sistema
kung saan umiiral ang panlipunang hustisya

- gregoriovbituinjr.
12.29.2021

* Ang litrato'y kuha noong Disyembre 18, 2021 sa ika-35 anibersaryo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa tanggapan nito sa Lungsod ng Pasig