Huwebes, Mayo 26, 2022

Dignidad

DIGNIDAD

wala sa pagsasalita ng Ingles ang dignidad
kundi sa pagpapakatao't kabutihang hangad
kaygandang payo ni Lola Flora ay inilantad
ni Carlo Dalisay, sa burol nito'y inilahad

ang dignidad ay nasa pakikipagkapwa-tao
di iyon nakikita sa pagiging Inglesero
kunwa'y may pinag-aralan, Ingles doon at dito
ngunit ganid, sa Ingles nanghihiram ng respeto

kapwa Pinoy ang kaharap ngunit pa-Ingles-Ingles
nasaan na ang dignidad kung ganito ang nais
mayabang, palalo, sukaban, ah, nakakainis
sa Kartilya ng Katipunan, ito:y nagkahugis

kamahalan ng tao'y wala sa pagkahari nga
o sa pagkapari, tangos ng ilong, puting mukha;
kahit laking gubat, batid lang ay sariling wika
ngunit nakikipagkapwa'y may dignidad ngang sadya

ang payong iyon ni Susan Roces kay Coco Martin
ay magandang aral para sa henerasyon natin
ang Kartilya't payo ni Susan pag sinabuhay din
tunay na malaking tulong sa bayan at sa atin

- gregoriovbituinjr.
05.26.2022

Lunes, Mayo 23, 2022

Manggagawa

MANGGAGAWA

manggagawa, mundo'y likha ninyo
kayo ang bumubuhay sa mundo
ngunit dahil sa kapitalismo
kayo'y api, kinawawa kayo

ito'y dahil kayo'y naisahan
nitong kapitalistang iilan
ginawa kayong tau-tauhan
kayo'y napagsasamantalahan

sa ganyan, huwag kayong pumayag
magkapitbisig kayo't pumalag
ang sistema kunwa'y di matinag
kaya kayo ang unang bumasag

kung wala kayo, walang Kongreso
walang gusali, tulay, Senado
Simbahan, at Malakanyang dito
walang pag-unlad kung wala kayo

binubuhay ninyo ang daigdig
ekonomya'y umunlad ng liglig
likha ninyo'y dapat isatinig
lipunang asam ay iparinig:

lipunan ng uring manggagawa
na ang pagsasamantala'y wala
walang kapitalistang sugapa
sa tubo, walang api't dalita

- gregoriovbituinjr.
05.23.2022

Linggo, Mayo 22, 2022

Pambura

PAMBURA

buburahin ba nila ang totoong kasaysayan
ng bayan upang isulat ang kasinungalingan?

buburahin ba nila ang naganap sa kahapon
upang mag-imbento ng bagong kasaysayan ngayon?

buburahin ba nila ang nakaraang nangyari
na kalagayan daw noong diktadura'y mabuti?

buburahin ba nila yaong totoong salaysay
na panahong yao'y walang iwinala't pinatay?

buburahin ba nila ang himagsik na sumilang
dahil sa galit ng bayan sa diktadurang halang?

anong klaseng pambura ang kanilang gagamitin
upang nakasulat na kasaysayan ay pawiin?

napupudpod din ang pambura sa dulo ng lapis
pag sa kasinungalingan madla'y di makatiis

di nila hahayaang mangyari ang mga ito
di payag burahin ang kasaysayan ng bayan ko

- gregoriovbituinjr.
05.22.2022

Sabado, Mayo 21, 2022

Halibyong

HALIBYONG

nagwagi nga ba dahil sa matitinding halibyong
o fake news nang mismong masa ang ginawang panggatong
daranasin bang muli ng baya'y pawang linggatong
kasinungalingang kunwa'y totoo ang uusbong

ah, sumasapit muli sa ating bayan ang dilim
nasa dapithapon tayo't mamaya'y takipsilim
matatalos ba natin bawat nakaamba't lihim
mangyayari bang muli ang nagbabantang rimarim

papayag ba tayong yurakan ang katotohanan
hawak nila ang pambura tungo sa kadiliman
anumang marapat gawin ay ating pag-usapan
nang di nila mapawi ang bakas ng  nakaraan

mga halibyong ay patuloy na labanan natin
pati nagbabantang historical revisionism
huwag nating hayaang ito'y kanilang baguhin
na kunwari'y di nangyari ang diktadura't lagim

- gregoriovbituinjr.
05.21.2022

* HALIBYONG - fake news, pagkukwento ng isang pangyayari subalit taliwas sa tunay na nangyari, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 426

Huwebes, Mayo 19, 2022

Tau-tauhan

 

TAU-TAUHAN

sa pagdatal ng bagong lipunan
masa'y magiging tau-tauhan
ba ng halimaw na dinuduyan
sa gintong nahukay ng sukaban?

bagong historya'y ipalalamon
sa diwa ng bagong henerasyon
babalewalain ang kahapon
ng bayang sa Edsa nagkatipon

isusubo'y tabletang mapait
upang sa ama't ina'y magalit
ni ayaw iparinig ang impit
ng masa sa rehimeng kaylupit

bagong kasaysayan ang pagkain
sa laksang diwang pabubundatin
ng historical revisionism
ah, nilulusaw ang diwang angkin

tila tinarak sa ating likod
ay matinding kamandag ng tunod
nais nilang tayo'y manikluhod
sa bagong poon na kunwa'y lingkod

bayang ito'y ipagtanggol natin
habang sinisigaw: Never Again!
at sa paparating na rehimen
ay muling ihiyaw: Never Again!

- gregoriovbituinjr.
05.19.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa harap ng CCP, Roxas Blvd., 05.13.2022

Tula 101

TULA 101

nais kong matuto ng pagkatha
mula sa kilala kong makata
na ang layon at inaadhika
ay bayang may hustisya't paglaya

diona, tanaga, dalit, gansal
hanguin ang salitang may busal
at mga katagang isinakdal
upang ihampas sa mga kupal

na sa bayan ay nagpapahirap
pagsasamantala'y anong saklap;
habang buhay na aandap-andap
ng dukha'y mapaunlad, malingap

tugma't sukat na di makabikig
musa ng panitik ang kaniig
kahit na nagbibilang ng pantig
ang asam: obrero'y kapitbisig

lipunang makatao'y itayo
isulat ang nadamang siphayo
simbolo ng salita'y simbuyo
ng damdami't diwang di natuyo

iyan ang niyapos kong tungkulin
sa bawat taludtod na gagawin
sa mga saknong na lilikhain
kahit sa kangkungan pa pulutin

- gregoriovbituinjr.
05.19.2022

Linggo, Mayo 15, 2022

Magkatoto

MAGKATOTO

I

sa saknong bilang isangdaan apatnapu't siyam:
tila si Florante'y inabot na ng siyam-siyam
nakagapos sa puno't baka papakin ng langgam
nang dumating si Aladin, mabuti't di nasuklam

si Florante ay Kristyano, si Aladin ay Moro
subalit nangyari sa kanila'y tila pareho
sabi pa'y "taga-Albanya ka, at ako'y Persyano"
dagdag pa "ikaw ay kaaway ng baya't sekta ko"

"sa lagay mo ngayo'y magkatoto tayo" ang sabi
ni Aladin sa nakagapos doong si Florante
itinuring na katoto, kaibigan, kumpare
iniligtas si Florante sa leyong sisila dine

II

katatapos lamang ng halalan sa aking bayan
at tila ba may nagbabanta sa katotohanan
mawawasak nga ba ang historya't paninindigan
kinakaharap na ito'y paano lalabanan

sa panahon ngayon, nais kitang maging katoto
upang katotohanan ay ipaglabang totoo
historical revisionism ba'y makakapwesto
upang baguhin ang kasaysayan ng bansang ito

O, mga katoto, ano bang dapat nating gawin
upang magapi ang historical revisionism
aba'y tinding banta nito sa kasaysayan natin
iligtas ang bayan sa ganitong banta't usapin 

- gregoriovbituinjr.
05.15.2022
* litrato mula sa aklat na Florante at Laura, at sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 597

Biyernes, Mayo 13, 2022

Muling pagbabasa

MULING PAGBABASA

nais kong magbasa-basa, matapos ang halalan
kahit mag-isa, basahin muli ang kasaysayan
di lang kabisaduhin kundi ang maunawaan
bakit ganito o ganyan ang naganap sa bayan

historical revisionism ba'y papalaot na?
babaguhin ba ang kasaysayan para sa kanila?
iwawaksi ba ang totoong naganap sa Edsa?
at ipagmamalaki'y Golden Age ng diktadura?

dapat paghandaan ang mga labanang susunod
pag-isipang mabuti, di basta sugod ng sugod
dapat batid lumangoy, sumisid, nang di malunod
sa sagupaang ang kaalaman ang bala't buod

tara, muli tang magbasa ng ating kasaysayan,
panitikang proletaryo't aralin ang lipunan
bakit laksa'y mahihirap, sandakot ang mayaman
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan

- gregoriovbituinjr.
05.13.2022

Lipunang Makatao: Sagot sa Kantang "Bagong Lipunan"

LIPUNANG MAKATAO: SAGOT SA KANTANG "BAGONG LIPUNAN"
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kampanyahan pa lang ay pinatutugtog na sa trompa o MPT ng BBM ang "Bagong Lipunan". Ang kantang pinauso noong panahon ng batas-militar, noong panahon ng diktadura. At ngayong malaki ang kalamangan ni BBM kay Leni sa halalan, at pag sumumpa na bilang pangulo si BBM, tiyak muling iilanglang sa himpapawid ang kanta ng diktadura - ang "Bagong Lipunan".

Nakakasuka, pag alam mo kung ano ang awiting iyon. Ideyolohikal, kanta ng panahon ng diktadura, noong panahong maraming paglabag sa karapatang pantao, maraming tinortyur, kinulong at iwinala na hanggang ngayon ay hindi pa nakikita. Kumbaga, labanan din ito ng kultura. Kaya balikan natin ang isa pang awiting mas nararapat na kantahin ng ating mamamayan, ang "Lipunang Makatao". Lagi itong inaawit sa mga pagtitipon ng manggagawa't maralita. Lagi itong inaawit ng grupong Teatro Pabrika sa mga pagkilos, bagamat karaniwang ang salitang "kaibigan" ay pinapalitan nila ng "manggagawa". Lagi namin itong inaawit. Lagi ko itong inaawit.

Dalawang magkaibang kanta - Bagong Lipunan at Lipunang Makatao. Anong klaseng lipunan nga ba ang nais tukuyin ng magkatunggaling awiting ito? Magkaibang liriko ng awitin. Kanta upang disiplinahin ang mamamayan. Awit hinggil sa kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan ng mamamayan. Dalawang magkatunggaling awit. Labanan ng mga uri. Kapitalista laban sa manggagawa. Burgesya laban sa dukha. Trapo laban sa tinuturing na basahan. Mapagsamantala laban sa pinagsasamantalahan. Mapang-api laban sa inaapi.

Mas matindi rin ang "Lipunang Makatao" kaysa "Bayan Ko" na sinulat ni Jose Corazon de Jesus. Ang lipunan ay pandaigdigan, hindi lang pambayan. Dapat palitan ang sistema ng lipunan, hindi lang paalisin ang dayuhan. Dapat lumaya sa pagsasamantala, hindi lang paglaya sa kuko ng agila o dragon.

Ang awiting "Lipunang Makatao" ay titik ni Resty Domingo na nagwagi ng unang gantimpala sa isang patimpalak ng awit noong 1988. Awitin itong makabagbag-damdamin pag iyong naunawaan ang ibig sabihin ng awit. Talagang titindig ka para sa prinsipyo ng isang lipunang malaya at makatao, isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Bilang aktibistang makata, nais kong balikan, ituro, at ipabatid sa mga manggagawa't maralita ang awit na "Lipunang Makatao" bilang pangontra sa "Bagong Lipunan". Narito po ang liriko ng awit, na sinipi mula sa cover ng cassette tape album na pinamagatang "Haranang Bayan", na inihandog ng Teatro Pabrika sa pakikipagtulungan ng Philippine Educational Theater Association (PETA), na inilunsad noong mga unang bahagi ng 1990s.

Awit:
LIPUNANG MAKATAO

Solo:
Luha'y dumadaloy sa mugto mong mga mata
Larawan mo'y kalungkutan at kawalan ng pag-asa
Magagandang pangarap sa buhay mo'y di makita
Nabubuhay ka sa panahong mapagsamantala.

Koro:
Gumising ka, kaibigan, ang isip mo'y buksan
Dapat mong tuklasin ang tunay na kadahilanan
Bakit may naghihirap na gaya mo sa lipunan
At sa dako roo'y hanapin ang kasagutan.

Tama ka, kaibigan, sila nga ang dahilan
Ang mapagsamantalang uri sa lipunan
Likhang yaman natin, sila ang nangangamkam
Na dapat mapasaatin at sa buong sambayanan.

Koro:
Tumindig ka, kaibigan, tayo nang magpasya
Panahon nang wakasan ang pagsasamantala
Sa diwa ng layunin tayo'y magkaisa
Lipunang makatao'y itindig ng buong sigla
Buong Sigla.

(Instrumental)
(Acapela ng koro)
(Ulitin ang koro kasama ng instrumento)

Tumindig ka, kaibigan, tayo nang magpasya.

Miyerkules, Mayo 11, 2022

Huwag makalimot

HUWAG MAKALIMOT

binagsak ng taumbayan ang diktadura noon
huwag tayong makalimot sa kasaysayang iyon
pinalaya ang bayan sa bangungot ng kahapon
muli nating gawin sa kasalukuyang panahon

huwag nating hayaang baguhin ang nakaraan
na rerebisahin nila ang ating kasaysayan
mga aral ng historya'y muli nating balikan
at ating labanan ang mga kasinungalingan

tuloy ang laban, di tayo basta magpapahinga
ating lalabanan ang pagrebisa ng historya
upang katotohanan ay di  mawawasak nila
upang kamtin ng bayan ang panlipunang hustisya

huli na ito, buhay ko na'y aking gugugulin
para sa manggagawa, upang tagumpay ay kamtin
para sa makataong lipunang pangarap man din
para sa katotohanan, ipaglalaban natin

- gregoriovbituinjr.
05.11.2022
* ang litrato'y selfie ng makatang gala sa Bantayog ng mga Bayani noong 02.25.2022, ika-36 na anibersaryo ng unang pag-aalsang Edsa

Martes, Mayo 10, 2022

Boto

BOTO

pinagmamalaki kong lubos
di ko ibinoto si Marcos
kahit sa buhay ako'y kapos
prinsipyo'y tinanganang taos

may pag-asa pa rin ang bukas
di man ito magkulay rosas
sa puso't diwa'y mababakas
binoto ko'y lipunang patas

oo, tapos na ang halalan
tumatak: Manggagawa Naman
di man nanalo si De Guzman
pagboto'y isang karangalan

tandaan n'yong pluma ko'y sigwa
lumaban sa trapo't kuhila
ibinoto ko'y manggagawa
at ang dignidad ng paggawa

di pa tapos ang laban, di pa
tuloy pa sa pakikibaka
tungong panlipunang hustisya
tungong pagbago ng sistema

- gregoriovbituinjr.
05.10.2022
(sa anibersaryo ng pagpaslang kay Gat Andres Bonifacio)

Biyernes, Mayo 6, 2022

Plataporma

PLATAPORMA NG ATING MGA KANDIDATO

minsan, isang hamon ang pagsusulat ng plataporma
ng patula, lalo na sa pantigang labinlima
upang maisagawa ito'y talagang binasa
ang plataporma ng ating kandidatong talaga

hinabi ang mga salita habang nakatitig
sa mga patay na letrang bubuhayin ng tinig
ng pasulat, ng pabigkas, ng pagkakapit-bisig
upang mabatid ng bayan ang isyu't ating tindig

disente't abot-kayang pabahay sa mamamayan
sapat na panlipunang serbisyong pangkalusugan
pagbaka sa diskriminasyon sa kababaihan
may kumprehensibo't sustenableng City Land Use Plan

abot-kaya ang presyo ng pangunahing bilihin
suporta sa mga kababaihan, single parent
suporta sa may kapansanan at senior citizen
murang tubig at kuryente sa mamamayan natin

buwagin ang mga manpower agencies na iyon
upang tiyak na matigil ang kontraktwalisasyon
buwagin ang liberalisasyon, deregulasyon
at pribatisasyon na dulot ng globalisasyon

tunay na security of tenure law ay gawin na
proteksyon sa unyon, karapatang mag-organisa
public protection guarantee sa mayorya ng masa
gobyerno ang magbibigay ng trabaho sa kanila

tuluyan nang tatanggalin iyang Regional Wage Board
upang obrero'y makatanggap ng pantay na sahod
sa lahat ng probinsya kapantay sa punong lungsod
sevenfifty national living wage ang isusunod

sa mga magsasaka'y ipamahagi ang lupa
sahod na nakabubuhay sa mga manggagawa
wealth tax sa mga bilyonaryo ay marapat lang nga
tapyasin ang yaman nila't makatulong sa madla

dapat ding i-repeal na ang Rice Tariffication Law
murang bigas, kita ng magsasaka'y masiguro
i-repeal din ang mapangyurak na Anti-Terror Law
at matiyak na karapatan ay nirerespeto

fossil-fuel phase out with just transition ay gagawin
upang krisis sa klima't kalikasan ay pigilin
upang magmura ang kuryenteng ginagamit natin
renewable energy, tulad ng solar, gamitin

ang SOGIE protection bill ay dapat maisabatas
gawing legal ang diborsyo sa bansang Pilipinas
idekriminalisa ang aborsyon, isabatas
ayusin din ang mga batas na kayraming butas

itigil ng limang taon ang pagbabayad-utang
upang gamitin ang pondo sa kagalingang bayan
Automatic Appropriation Law, i-repeal naman
mag-impose ng wealth tax sa limangdaang mayayaman

tuluyan nang i-repeal ang Oil Deregulation Law
gobyerno na ang magtakda ng presyo ng petrolyo
pagbawal sa dinastiya'y gawan ng enabling law
sa korte, appointing power alisin sa pangulo

ibalik, sadyang kahulugan ng party-list system
at bilang nito sa Kongreso'y dapat paramihin
pagkapantay ng kasarian ay palaganapin
magpatupad ng proce control sa presyo ng pagkain

ah, kayraming dapat gawin upang sistemang bulok
ng naghaharing uri't kapitalismo'y mauk-ok
ayon sa isang awit, dukha'y ilagay sa tuktok
subukan ang manggagawa't bayan ay di malugmok

- gregoriovbituinjr.
04.27.2022

* Unang nalathala sa aklat na 101 Red Poetry para kina Ka Leody, Walden, at sa kanilang line-up, mp. 96-97

Martes, Mayo 3, 2022

Dalawang aklat ng tula

DALAWANG AKLAT NG TULA

100 Pink Poems para kay Leni, ng 67 makata
101 Red Poetry para kina Ka Leody, Walden, at sa kanilang line-up, ng 6 na makata

dalawa itong magkaibang aklat ng tula
katha ng mga hinahangaan kong makata
marami man sa kanila'y nasa toreng garing
ilan nama'y dukha't manggagawa ang kapiling

tinatahak man nila'y magkakaibang landas
ay magkakampi sa asam na magandang bukas
kathang mula sa puso, nangangarap ng wagas
ng isang lipunang pamamalakad ay patas

di lipunan ng bilyonaryo't trapong kuhila
di bayang kapitalistang sa tubo sugapa
kundi bansang matitino ang namamahala
at marahil, gobyerno ng uring manggagawa

magkaiba man, may respeto sa bawat isa
may rosas ang bukas, mayroong tunay na pula
di dilim ng diktador, di kawalang pag-asa
kundi liwanag sa dilim, may bagong umaga

pagpupugay sa mga makatang naririto
iba'y idolo ko, ilan ay kaibigan ko
magkaiba man ng kulay, nagkatagpo tayo
sa panahong hanap nati'y matinong pangulo

- gregoriovbituinjr.
05.03.2022