GAWING ANIM NA ORAS KADA ARAW ANG TRABAHO
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.
Nagkita-kita sa nakatakdang pagpupulong ng kanilang samahan ang ilang lider-maralita. Tinalakay nila ang mga isyu ng kanilang sektor na dapat iparinig sa pamahalaan. Nariyan ang usapin ng pabahay na lagi nilang isinisigaw sa kalsada. Para raw iyon sa mga maralitang walang sariling tahanan. Nakikitira lang kundi man nananahan sa mga danger zones o mga mapanganib na pook tulad ng tabing riles, tabi ng ilog, malapit sa bangin, tambakan ng basura, sa bangketa, o sa gilid ng kalsada.
Subalit natanong din nila sa isa’t isa bakit naman doon nakatira ang mga maralita - sa mga mapanganib na pook. Saan naman daw titira ang mga maralita? Sa mga paupahang bahay bang disente nga subalit kulang pa sa pagkain ng pamilya ang kinikita ng padre de pamilya? Wala rin silang regular na trabaho kundi dumidiskarte na lamang. Kung magkatrabaho naman, nabibiktima pa sila ng mga ilegal na rekruter, at ng salot at mapagsamantalang iskemang kontraktwalisasyon. Ang iba naman ay nangangamuhan, nagiging katulong sa mga bahay ng mga maykayang pamilya. Ang iba’y nag-aabang ng mga pagpag sa disoras ng gabi upang may maipakain sa pamilya. Ang iba’y nagtitinda ng mga kakanin, o kaya’y tuhog-tuhog na inilalako nila sa kalsada. Maswerte nang kumita ng kahit dalawang daang piso sa maghapon, pwera pa ang puhunan.
“Anong dapat nating gawin? Wala naman tayong maayos na hanapbuhay. Gasgas na sa pandinig ng pamahalaan ang laging isinisigaw nating abotkayang pabahay. Anong mga isyu ang dapat nating ikampanya upang hindi mabansagang hingi lang ng hingi tayong mga maralita?” ang tanong ng lider na si Ka Tuning.
Walang imikan. Mga ilang sandali pa ay nagsalita na si Pareng Dune. “Ang maganda yata, humingi tayo ng trabaho dahil wala tayong mga trabaho. Saka na natin hingin kung regular na trabaho iyon. Kung kontraktwal, may bago tayong isyung isisigaw – gawing regular ang mga manggagawang kontraktwal.”
“Tama. Subalit paano kung sabihin nilang walang bakante para sa atin. Pag-isipan natin ang mga isasagot, mga kasama. Maganda nang alam natin kung ano ang itutugon natin,” ani Kuya Berting.
“Mas magandang imungkahi natin sa pamahalaan na gawing anim na oras lang ang trabaho ng manggagawa, at ang natitirang dalawang oras ay ibigay sa maralita. Ganito iyon. Sa dalawampu’t apat na oras na trabaho ng manggagawa bawat araw sa pabrika, tatlong manggagawang tigwawalong oras ang salitan sa trabaho. May first shift, second shift at third shift sila. Kung gagawing anim na oras ang trabaho sa isang araw, aba’y apat na manggagawa na ang magtatrabaho. Madadagdag ang fourth shift. Ibig sabihin, may nadagdag na manggagawa.” mahabang paliwanag ni Mang Tano.
“Oo nga, ano?” ang sabi ng iba pang mga kasama.
Dagdag pa ni Mang Tano, “Sa ibang bansa nga, anim na oras na ang pagtatrabaho. Ipinaglaban talaga iyon ng mga manggagawa. Kahit ang walong oras na paggawa ay kinamatayan pa ng ilang manggagawa sa Haymarket Square sa Amerika nang magrali sila roon noong Mayo Uno ng 1886, at nakuha nila ang patakarang walong oras na paggawa mula sa labing-anim na oras na paggawa. Makasaysayan ang pakikibakang iyon!”
“Sang-ayon ako sa panawagang iyan. Subalit tanggalin din ang age limit, upang kahit may edad na ay magkatrabaho,” ani Ka Tuning.
Nagtanong si Pareng Dune, “Paano natin uumpisahan. Mungkahi ko, dahil trabaho para sa mga maralitang walang trabaho ang kahilingan natin, magsagawa tayo ng pagkilos sa harap ng tanggapan ng Kagawaran ng Paggawa. Iyon bang DOLE. Ang alam ko, Employment ‘yung E. Sila yata ‘yung takbuhan ng mga nag-eempleyo para magkatrabaho.”
“Tama ka, Pareng Dune. Ano mga kasama, planuhin na natin at ikasa natin ang kampanyang ito. Sugurin natin ang DOLE at manawagan tayo ng trabaho para sa maralita. Kuha na ng manila paper at isulat na natin ang plano. Kailan natin ito gagawin?” Ani Ka Tuning.
Nagkaisa ang mga maralita at lumakas ang kanilang pag-asa na sila’y pakikinggan ng pamahalaan sa kanilang kahilingan.
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 1-15, 2022, pahina 18-19.