Lunes, Oktubre 31, 2022

Pagpupugay sa manggagawa

PAGPUPUGAY SA MANGGAGAWA

O, manggagawa, kayo ang dapat na pagpugayan
kayo ang lumikha ng tulay, gusali't lansangan
Kongreso, Senado, Malakanyang, at paaralan
nilikha'y lungsod, bansa, ekonomya't kaunlaran

kung walang manggagawa, tiyak walang mga lungsod
mula sa mapagpala ninyong kamay ay hinagod
ang bawat pilas ng daigdig na kinalulugod
ngunit sa sistema ng lipunan, kayo'y binukod

pagkat kayo pa ang patuloy na naghihikahos
sweldo'y di na sapat, kontraktwal pa't binubusabos
nilikha ninyo ang yaman ng mayayamang lubos
ah, kailan ba paghihirap ninyo'y matatapos

baka walang katapusan ang inyong pagpapagal
pagkat misyon ninyong mga manggagawa'y imortal:
ANG BUHAYIN ANG DAIGDIG! kaya di ang magkamal
ng salapi na nagpabundat sa mangangalakal

sa inyo, manggagawa, ang taasnoong papuri
inyong organisahin ang sarili bilang uri
upang maging malakas pang pwersa ng bawat lahi
kayo'y tunay na bayani sa bawat bansa't lipi

- gregoriovbituinjr.
10.31.2022

Linggo, Oktubre 30, 2022

Habambuhay na tungkulin

HABAMBUHAY NA TUNGKULIN

ito ang aking kinagiliwan
bisyo mula aking kabataan
magsulat para sa taumbayan
sa karapatan, sa katarungan

tumula para sa manggagawa
magsulat para sa mga bata
mag-ulat para sa maralita
magmulat para sa kapwa't dukha

mula hilig, ito'y naging layon
ang pag-akda'y niyakap nang misyon
hanggang maging tungkulin na ngayon
upang kapwa dukha'y maiahon

paglilingkod na ang pagsusulat
naging tungkulin na ang magmulat
lipuna'y dapat araling sukat
inuunawa't dinadalumat

pangyayari'y inilalarawan
sa kwento, sanaysay, panulaan,
talakayan, pagbabalitaan
almusal, tanghalian, hapunan

sa banig ng sakit man maratay
sa harap man ng punglo o hukay
ito'y tungkulin na habambuhay
oo, tungkulin hanggang mamatay

- gregoriovbituinjr.
10.30.2022

Biyernes, Oktubre 28, 2022

Salin ng akda hinggil kay Fidel at sa Cuba

SALIN NG AKDA HINGGIL KAY FIDEL AT SA CUBA

akdang sinulat sa Ingles ni Ka Dodong Nemenzo
ay sinikap kong isalin sa Wikang Filipino;
ang "Si Fidel Castro at ang Rebolusyong Cubano"
ay mahalagang ambag sa kasaysayan ng mundo

aking isinalin nang higit pang maunawaan
sa ating bansa ang Cuba't kanilang kasaysayan
paano sila nagtagumpay laban sa kalaban
bansa'y napanatiling di nasakop ng dayuhan

sa kabila ng economic embargo sa bansa
ay nagpatuloy sila sa misyon nila't adhika
silang may pagrespeto sa karapatan ng madla
at di nagugutom ang magsasaka't manggagawa

pagkasalin, ni-layout, dinisenyo ang pabalat
pampletong may dalawampung pahina pag binuklat
salamat po, O. Ka Dodong, sa iyong isinulat
na talagang sa kapwa dukha'y makapagmumulat

- gregoriovbituinjr.
10.28.2022

* Si Fidel Castro at ang Rebolusyong Cubano
Akda ni Dr. Francisco "Ka Dodong" Nemenzo
Isinalin mula sa Ingles ni Gregorio V. Bituin Jr.

Huwebes, Oktubre 27, 2022

Salamat sa mga tumatangkilik

SALAMAT SA MGA TUMATANGKILIK

pasasalamat naming pawa
sa lahat ng tumatangkilik
sa Taliba ng Maralita
na sa ulat at akda’y siksik

sa mga dukha’y aming handog
ang munti naming pahayagan
isyu nilang iniluluhog
mababasa rito ng tanan

dito’y pinapakita naming
sila'y may dignidad na tangan
na dapat nirerespeto rin
ng mahirap man o mayaman

pinaglalaban namin sila
tungo sa lipunang maayos
upang ang bulok na sistema'y
mapawi't tuluyang matapos

- gregoriovbituinjr.
10.27.2022

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, isyu ng Oktubre 16-31, 2022, pahina 20

Aklat

AKLAT 

sadyang kaysaya ko / sa bigay na aklat
ng isang kasama, / maraming salamat
sa pakiwari ko'y / makapagmumulat
nang umunlad yaring / prinsipyo't dalumat

munting libro itong / kaysarap namnamin
na makatutulong / sa iwing mithiin
upang puso't diwa'y / sadyang patibayin
sa mga prinsipyo't / yakap na layunin

mapaghiwalay man / ang balat sa buto
nawa'y ating kamtin / ang asam sa mundo:
pakikipagkapwa't / pagpapakatao
itayo'y sistema't / bayang makatao

paksa't nilalaman / nito'y mahalaga
na kung maunawa'y / susulong talaga
isinasabuhay / ang pakikibaka
at muli, salamat / sa aklat, kasama

- gregoriovbituinjr.
10.27.2022

Huwebes, Oktubre 20, 2022

Sa bawat hakbang

SA BAWAT HAKBANG

sa bawat hakbang, patuloy pa ring nakikibaka
upang kamtin ng bayan ang panlipunang hustisya
itatag ang sistemang walang pagsasamantala
ng tao sa tao, walang kaapihan ang masa

sa bawat hakbang, kinakapa anong nasa budhi
kundi ang kabutihan ng kapwa't bayan kong sawi
durugin ang mapagsamantalang sistemang sanhi
ng laksa-laksang kahirapan ng maraming lipi

sa bawat hakbang, kalikasa'y pangangalagaan
kapaligiran ay di dapat maging basurahan
huwag minahin ang lupang ninuno't kabundukan
lutasin ang polusyon sa hangin at kalunsuran

sa bawat hakbang, sinasabuhay, sinasadiwa
ang prinsipyong makatao't makauring adhika
di nakalutang sa hangin, ang paa'y nasa lupa
para sa bayan, kapwa dukha't uring manggagawa

sa bawat hakbang, naglalakad sa daang maputik
o sa tigang na lupang pagkadukha'y natititik
sa kawalan ng hustisya, puso'y naghihimagsik
katarungan para sa lahat yaring aking hibik

- gregoriovbituinjr.
10.19.2022    

Martes, Oktubre 11, 2022

Komunal

KOMUNAL

mabigat ang imaheng umuukilkil sa isip
kapara ng balaraw na sa likod ko'y humagip
may pag-asa bang ang bayang nagdurusa'y masagip
sa kuko't bituka ng mapagsamantala't sipsip

noong primitibo komunal, walang pang-aapi
lahat ay nagbibigayan, walang makasarili
may paggagalangan, kapwa'y di isinasantabi
tribu'y pinangangalagaan ng mga bagani

sa panahon ngayon ng paghahari ng agila
kapitalistang nabundat na'y nais bumundat pa
habang manggagawa'y tila langgam sa sipag nila
mababang sweldo'y pinagtitiyagaan talaga

pribadong pag-aari ang ugat ng kahirapan
kaya mayamang iilan ay lalong yumayaman
habang laksang dukha'y batbat pa rin ng karukhaan
anumang sipag at tiyaga'y di pa rin umalwan

abanteng lipunang komunal ang pinapangarap
matayo ang lipunang makatao't mapaglingap
upang dukha'y maiahon sa kumunoy ng hirap
lalo't uring manggagawa'y magkakaisang ganap

- gregoriovbituinjr.
10.11.2022

Sabado, Oktubre 8, 2022

Kami

KAMI

totoo kami sa pakikibaka
seryoso kami sa pakikibaka
matapat kami sa pakikibaka
narito kami sa pakikibaka

kaya huwag nila kaming gaguhin
ang masa'y huwag nilang gagaguhin
uring manggagawa'y huwag gaguhin
kaming mga dukha'y huwag gaguhin

patuloy kami sa aming layunin
patuloy kami sa aming mithiin
patuloy kami sa aming hangarin
hanggang asam na tagumpay ay kamtin

kumikilos kami ng buong tapat
kumikilos kami ng nararapat

- gregoriovbituinjr.
10.08.2022

Biyernes, Oktubre 7, 2022

Buhay bilang makata ng maralita

BUHAY BILANG MAKATA NG MARALITA

simula nang magkaisip ako na'y nagmakata
bata pa lang, kapatid at magulang na'y natuwa
sa dyaryong pangkampus nang magsimulang malathala
ang aking mga kwento, sanaysay, payak na akda

mga katropa'y nagpapagawa noon sa akin
ng tulang kaibig-ibig para sa susuyuin
kinatha ko ang marapat upang sila'y sagutin
ng sinisinta nilang ang puso'y nabihag man din

hanggang maging tibak, nagpatuloy sa pagsusulat
na layuning sa dukha't obrero'y makapagmulat
maambag ang kaya sa mga isyung sumambulat
nang makaipon ay naglathala na rin ng aklat

mula istap, nahalal sa mataas na posisyon
bilang sekretaryo heneral ng organisasyon
ng maralita, misyong labanan ang demolisyon
depensahan ang maralita'y aming nilalayon

dyaryong Taliba ng Maralita'y pinanghawakan
dahil tanging pahayagang pinaglalathalaan
ng mga kwento, sanaysay at tula ko sa bayan
litrato't ulat ko'y dito ninyo matutunghayan

minsan ay bumibigkas ng tula sa mga rali
sa samutsaring isyu, mahal na tubig, kuryente
pagtula na ang aking bisyo sa araw at gabi
itinutula'y maraming paksa't bagay na simple

salamat sa pagtanggap bilang makata ng dukha
ito'y taospusong paglilingkod sa maralita
lalo na sa kapatid at kauring manggagawa
maraming salamat sa pagtanggap sa aking tula

- gregoriovbituinjr.
10.07.2022

Huwebes, Oktubre 6, 2022

Bakit?

BAKIT?

bakit pinagpipitagan ang mga masalapi?
dahil ba mayaman, ugali ma'y kamuhi-muhi?
bakit ginagalang ang may maraming pag-aari?
lupa'y inagaw man sa magsasaka't aping lahi?

bakit yaong may mga salapi'y nirerespeto?
ginto't pilak na ba ang batayan ng pagkatao?
balewala magsamantala man ang donya't donyo?
ginagalang ang mapera kahit asal-demonyo?

ah, nasaan na ang pakikipagkapwa kung ganyan?
na kaya ka lang nirerespeto'y dahil sa yaman?
habang dangal ng obrero't dukha'y niyuyurakan
ang mga walang-wala'y tinuturing na basahan!

maraming nagsisipag ngunit iba'y mauutak
upang yumaman, makamit ang respeto't palakpak
kahit ang kapwa'y hayaan lang gumapang sa lusak
basta makuha lang ang tatlumpung pirasong pilak

ayoko ng ganyang lipunang mapagsamantala!
na pulos kaplastikan ang umiiral talaga
nais kong matayo'y mapagkapwa-taong sistema
lipunang makataong may panlipunang hustisya!

mabigat ang kahilingan ngunit dapat kumilos
upang mawakasan ang sistemang mapambusabos
sinasapantaha kong darating ang pagtutuos
upang pagsasamantala'y tuluyan nang matapos

- gregoriovbituinjr.
10.06.2022