Miyerkules, Disyembre 28, 2022

Tsapa

TSAPA

pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan
sa produksyon ang talagang ugat ng kahirapan
iyan lang ang tsapa ng may-ari ng pagawaan
upang obrero'y maapi't mapagsamantalahan

dapat itong mapagtanto ng manggagawa't dukha
upang pagsasamantala'y tuluyan nang mawala
upang sila'y magsikilos sa layuning dakila:
ang itayo ang lipunan ng uring manggagawa

- gregoriovbituinjr.
12.28.2022

* litrato mula sa google

Linggo, Disyembre 25, 2022

Pagsasalin

PAGSASALIN

ako'y nagsisikap na makatapos
ng pagsasalin ng marubdob, taos
salit-salit, panaho'y binubuhos
upang magawa ang salin ng lubos

maraming nakalinyang pagsasalin
akda nina Fidel, Che, Marx at Lenin
akda ni Engels ngayon tatapusin
gawing aklat pag natapos isalin

pati tula ng Ingles, Ruso, Pranses
Shakespeare, Mayakovsky, Rimbaud, endares
binabasa't inuunawang labis
may editing, proofreading, kinikinis

pangarap sa mambabasang madla
ang salin ng mga paksa't may-akda
handog sa maralita't manggagawa
upang sa hinaharap maging handa

- gregoriovbituinjr.
12.25.2022    

Miyerkules, Disyembre 21, 2022

Tibak

TIBAK

mula noong estudyante'y naging tibak na
nang magkauban ay tibak pa ring talaga
buhay na payak, puspusang pakikibaka
iyan ang prinsipyong sa puso't diwa'y dala

di mo ba nauunawaan ang tulad ko
bata pa'y misyon ko nang maglingkod sa tao,
sa uri't sa bayan, kahit na may delubyo
itatag ang nasang lipunang makatao

labanan ang katiwalia't kasakiman
di lang ng dayuhan kundi ng kababayan
inadhika'y maglingkod sa uri at bayan
at bulok na sistema'y tuluyang palitan

ganyan ang buhay ko'y nais maisalaysay
sa dukha't uring obrero'y lingkod na tunay
nais kong magkaroon ng lipunang pantay
tutuparin ang pakay hanggang sa mamatay

- gregoriovbituinjr.
12.21.2022

Saysay

SAYSAY

di ko hanap noon kung ano ang saysay ng buhay
di ako pilosopikal na tao, siyang tunay
nang maging aktibista'y nakita ko na ang saysay
di na ako naghanap pa't narito na ang pakay

payak na pamumuhay, puspusang pakikibaka
diyan umiinog ang prinsipyo ko't kaluluwa
alay na ang buhay upang mabago ang sistema
at paglaban sa mga tuso't mapagsamantala

di ko pinili ang magpayaman nang magpayaman
kundi guminhawa pati ang buong sambayanan
ang yaman o kayabangan ay aanhin ko naman
kung dangal ng kapwa'y aapakan at yuyurakan

unawa mo ba ang katulad ko't iyo bang watas
sa mga gatla sa noo ko'y iyong mababakas
kaya hayaan lamang sa aking piniling landas
upang aking matupad ang adhika hanggang wakas

- gregoriovbituinjr.
12.21.2022

Huwebes, Disyembre 15, 2022

Karapatan ng tao't kalikasan

KARAPATAN NG TAO'T KALIKASAN

siyang tunay, may karapatan din ang kalikasan
tulad ng karapatang pantaong dapat igalang
kaylangan para sa batayang pangangailangan
para sa malinis na tubig, ligtas na tahanan,
karapatan sa pagkain, mabuting kalusugan

sa ganito raw matitimbang ang ating daigdig
sa karapatan ng tao't kalikasan tumindig
halina't kumilos at ito'y ating isatinig
upang mapangalagaan, tayo'y magkapitbisig
upang ang sinumang sumisira nito'y mausig

- gregoriovbituinjr.
12.15.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa Human Rights Festival, na pinangunahan ng grupong IDEFEND, 12.10.2022

Miyerkules, Disyembre 14, 2022

Kaming mga aktibistang Spartan

KAMING MGA AKTIBISTANG SPARTAN

buhay ng aktibistang Spartan ay naiiba
kumikilos kahit maysakit man at matanda na
walang retirement kapag di nabago ang sistema
hanggang kamatayan ay tuloy ang pakikibaka

sinasabuhay ang pagpapakatao't pagtulong
sa kapwa, ang hiwa-hiwalay ay pinagdudugtong
inoorganisa ang masa ng pulu-pulutong
walang pamasahe? lalakarin papuntang pulong

sa harap man ng gutom, dusa't laksang kahirapan
itinataguyod ang Kartilya ng Katipunan
at yakap ang diwa ng makauring tunggalian
upang kamtin ng bayan ang hustisyang panlipunan

nakikipagkapitbisig sa uring manggagawa
nakikipagtulungan sa hukbong mapagpalaya
kaming aktibistang Spartan ay sumasagupa
at nabubuhay upang kamtin ang bunying adhika

- gregoriovbituinjr.
12.14.2022

Kwento - Kahalagahan ng Pagkilos

KAHALAGAHAN NG PAGKILOS
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Ay sos, rali na naman. Wala na ba kayong kapaguran diyan? Wala naman kayong kinikita diyan, ah! Pulos kayo reklamo! Bakit hindi kayo magtrabaho at magbanat ng buto?” ang sermon na naman ni Aling Ligaya sa kanyang anak na si Maningning.

“Tumaas na naman kasi ang presyo ng bilihin, at hindi na makasabay ang sahod ng mga manggagawa, Inay! Magkano na ang isang kilong sibuyas ngayon, triple na po sa dating presyo! Nakakaiyak na, inay! Pati ang panggatas ni beybi, apektado! Kailangan na itong tutulan!” ang sagot naman ni Maningning.

“Aber, mapapababa ba ninyo ang presyo niyan? Aba’y kailan pa sa kasaysayan nagbabaan ang mga presyo ng bilihin? Tumigil nga kayo diyan, at alagaan mo na lang ang anak mo? Nagpapakapagod ka lang diyan, masisira pa ang kutis mo sa araw.”

“Sandali lang naman ang pagkilos na ito, Inay. Pagkatapos po nito ay uuwi na ako,” muling sagot ni Maningning.

“Tama naman ang anak mo, Ligaya. Aba’y kung hindi ipinaglaban noon ng mga manggagawa sa Haymarket Square sa Chicago ang walong oras na paggawa mula sa labing-anim o labingwalong oras na paggawa kada araw, aba’y baka hanggang ngayon ay wala pang batas para sa otso-oras na paggawa. Kung wala ang mga protesta ng mamamayan laban sa mga mapaniil na batas o pangit na kalagayan, aba’y walang magagawang batas sa ating bansa. Dati hindi pwedeng magbuo ng unyon, ngayon ay nakalagay na ito sa ating Saligang Batas dahil ipinaglaban ito.” Ito naman ang sinabi ni Mang Igme.

Si Aling Ligaya ay nagtitinda sa palengke, at naghuhulog din sa SSS para raw may makuha sakaling kailanganin. Si Mang Igme naman ay dating manggagawa sa pabrika, na noong pandemya ay nawalan ng trabaho. Si Maningning naman ay manggagawa sa patahian ng pantalon.

Noong isang araw lang ay nabalitaan nilang may panukalang batas sa Kongreso hinggil sa Maharlika Wealth Fund, kung saan kukunin ang pondo ng pamahalaan sa kontribusyon ng mga miyembro ng SSS at GSIS. 

Nagulat si Aling Ligaya, at sinabi niyang bakit pera ng mga kontribyutor sa SSS at GSIS ang pagkukunan ng pondo, gayong maraming mayayaman sa bansa, tulad ng mga pulitiko at bilyonaryo na dapat kunan ng pondo kung magiging maayos lamang ang pagbubuwis. Dapat nga ay mas buwisan ang mayayaman, at hindi ang mga mahihirap.

Kaya nang mabatid ni Aling Ligaya na sasama ang kanyang anak sa rali laban sa bantang pagsasabatas ng Maharlika Wealth Fund, agad siyang nagboluntaryong sumama. Sabi niya sa anak, “Oo lang ako ng oo sa mga nangyayari noon. Subalit kung gagalawin na nila ang mga ipon naming mga kontribyutor sa SSS, aba’y hindi na maaari iyan. Hindi ako sanay sa rali, anak, subalit sa pagkakataong ito, sasama ako sa rali ninyo upang isatinig ang aking nararamdaman, at tutulan ang ganyang panukala.” Ikapito ng Disyembre ay sumama silang mag-ina sa rali sa SSS. 

Pagkauwi sa bahay ay ibinalita na sa telebisyon ang pag-atras ng mga kongresista sa pagsasabatas ng panukalang Maharlika Wealth Fund dahil daw baka magalit ang tao sa gagawin nila.

“Tama ka, anak, kung hindi tayo kikilos ngayon, at oo lang tayo ng oo, aba’y baka nagalaw na nila ang aming pinaghirapang hulugan sa SSS. Salamat at may katulad ninyong sama-samang kumikilos at  tumututol sa mga maling gawain at katiwalian. Mabuhay kayo, anak!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2022, pahina 18-19.

Martes, Disyembre 13, 2022

Di lang dayuhan

DI LANG DAYUHAN

di lamang mapang-aping dayuhan
kundi mapang-aping kababayan
at mapagsamantalang iilan
ang dahilan niring kahirapan

at sanhi ng ligalig sa masa
pati kabulukan ng sistema
di lang dayuhan, kababayan pa
ang sanhi ng pagsasamantala

EspaƱa't Amerika'y nanakop
dayuhang mula ibang lupalop
Hapon at marsyalo'y sumalikop
turing sa ati'y para bang hayop

kaya sa mga awit at tula
ay tukuyin ang sanhi sa akda
di lang dayuhan kundi kuhila
at ang sistemang kasumpa-sumpa

- gregoriovbituinjr.
12.13.2022

Tikom at kuyom

TIKOM AT KUYOM

nais nilang tikom ang bibig ko
at manahimik na lamang ako
hindi maaari ang ganito
ayokong mabilog itong ulo

kaya di titikom yaring bibig
sa mga nangyayaring ligalig
marapat lang isinasatinig
ang anumang dapat inuusig

kaya di pwedeng bibig ko'y tikom
laban sa dusa, hirap at gutom
lalo't kamao ko'y nakakuyom
diyan ang buhay ko malalagom

ang kamao kong kuyom ay tanda
ng pagbaka sa tuso't kuhila
sistemang bulok nga'y sadyang banta
sa buhay ng manggagawa't dukha

- gregoriovbituinjr.
12.13.2022

Lunes, Disyembre 12, 2022

Habambuhay na mithi

HABAMBUHAY NA MITHI

di magmamaliw ang habambuhay na mithi
upang mapawi ang pribadong pag-aari
na pang-aapi't pagsasamantala'y sanhi
kahit karapatang pantao'y napalungi

dapat bawiin ang dignidad ng paggawa
sa kapitalismo'y huwag nang magparaya
dapat walang pribadong pag-aari, wala
nang walang ganid sa salapi, dusa't luha

dapat walang pag-aari, walang gahaman
at nang-aapi dahil sa kanilang yaman
dapat igalang ang pantaong karapatan
ng lahat, kahit dukha, di ng iilan lang

dapat ay walang nagmamay-ari ng lupa,
o gamit sa produksyon sa anumang bansa
dapat lang pamahalaan ito ng tama
upang walang nagsasamantalang kuhila

ah, darating din ang panahong mapapawi
iyang lahat ng pribadong pagmamay-ari
kung obrero'y magkakaisa bilang uri
upang itayo ang lipunang minimithi

- gregoriovbituinjr.
12.12.2022

Sabado, Disyembre 10, 2022

Prinsipyo

PRINSIPYO

tangan ko sa puso'y adhika
niring hukbong mapagpalaya
silang kamay na pinagpala
silang nagpaunlad ng bansa
sila ang uring manggagawa

matagal na silang siphayo
magkaisa na silang lalo
nang kapitalismo'y masugpo
sistemang bulok ay igupo
nang lipunan nila'y itayo

makamanggagawang lipunan
may paggalang sa karapatan
sistemang wala nang gahaman
at kamtin ng api ang asam
nilang hustisyang panlipunan

tangan sa puso ang prinsipyo
na makadalita't obrero
na pinapangakong totoo
mula dibdib, tiyan, at ulo
ito'y tangan ko hanggang dulo

- gregoriovbituinjr.
12.10.2022

Martes, Disyembre 6, 2022

Talumpati

TALUMPATI

madalas tayong makinig sa talumpati
ng ating magigiting na lider ng masa
binabanggit bakit dukha'y namimighati
bakit may nang-aapi't nagsasamantala
ipinaliliwanag pati isyu't mithi
bakit babaguhin ang bulok na sistema
salamat sa kanilang ibinabahagi
upang masa'y magkaisa't maorganisa

- gregoriovbituinjr.
12.06.2022