BAGONG TAON, LUMANG SISTEMA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
“Kumusta, pare! Happy New Year! Ano ba ang New Year’s Resolution mo? Natupad mo ba ang dati mong mga resolusyon?” Tanong ni Igme kay Igor, habang nakikinig si Ingrid.
“Alam mo, ‘tol, hindi naman ako mahilig sa ganyang mga new year’s resolution kahit noon pa. Nagbago lang naman ay petsa, subalit hindi naman nagbabago ang sistema. Mas lumala pa. Di hamak na mas mataas na ang presyo ng isang kilong sibuyas kaysa minimum wage natin dito sa Maynila,” ang sagot naman ni Igor.
“Ay, oo nga, tama ka. Subalit isang kasiyahan na ang pagsasama-sama ng pamilya tuwing sasapit ang Bagong Taon. Sama-samang sasalubungin ang Bagong Taon nang masigla, maliwanag, nag-iingay, nagkakainan, nagkukwentuhan kung kumusta na ba ang bawat isa.” Ang sabi muli ni Igme.
“Isa pa iyan. Sinasalubong natin ang Bagong Taon nang may putukan. May nagsisindi ng lusis, may nagpapaputok ng labintador na may iba’t ibang pangalan, tulad ng PlaPla, Goodbye Philippines, at iba pa. Ang wala pa ay ang tawagin ang paputok na Goodbye Daliri, dahil marami nang nawalan ng daliri sa paputok, gayong ang iniisip lang ay masiyahan. May maling kultura na apektadp ay ang kinabukasan ng kabataang naputukan at nawalan ng daliri.” Sabi pa ni Mang Igor.
Sumabad si Ingrid, “May punto ka, Igor. May napapaputok pa ng baril pag Bagong Taon, kaya may mga batang namatay sa tama ng ligaw na bala. Iyon nga pala ang ikinampanya namin nitong bago mag-Bagong Taon, ang huwag magpaputok ng ligaw na bala. Hanggang ngayon kasi’y hindi pa natin nalilimot na namatay ang pitong taong gulang na batang babae, na nagngangalang Stephanie Nicole Ella, na namatay sa ligaw na bala noong Bagong Taon ng 2013 sa Caloocan. Ang apat na taong gulang na si Ranjelo Nimer ay sinumpak, Bagong Taon ng 2013 din iyon. Doon naman sa Mandaluyong. Mabuti ay nahuli ang suspek.”
“Naku, Ingrid,” dagdag pa ni Igor, “balita nga noong 2021 lang, Bagong Taon din, namatay sa ligaw na bala ang isang edad 12 babae sa Lanao del Norte, at nasaktan ang isang edad anim na batang lalaki sa Santa Catalina, Negros Oriental, at isa pa mula sa Dagupan City sa Pangasinan. Isa namang pulis-Malabon ang kinasuhan dahil sa indiscriminate firing. Hay naku, Bagong Taon! Kailan tayo titino?”
“Ano ang punto ninyo, mga igan? Huwag na tayong magdiwang ng Bagong Taon? Ang OA n’yo naman?” Sabi ni Igme.
“Hindi naman sa ganoon, ‘tol. Ang sinasabi lang natin, nagbago ang petsa, subalit hindi naman nagbago ang sistema ng ating lipunan. Kahit sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon, imbes na pangunahin ay ang kaligtasan ng pamilya, ang daming nasasaktan. Mas nangingibabaw ang komersyalismo, na kahit wala kang pera, naoobligado kang magbigay sa mga namamasko sa iyo, lalo na sa mga inaanak. Sa ganang akin, nagbago lang ang petsa, subalit ganoon pa rin tayo, mga kontraktwal. Ang ating management, mahilig magpamisa sa pabrika dahil blessing daw, subalit hindi naman magawang regular ang kanilang mga manggagawang kaytagal nang nagtatrabaho sa kanila, lalo na’t ang trabaho ay “usually necessary or desirable” sa takbo ng kumpanya. Nagbabait-baitan sila, nagpapamisa, subalit hindi nila makita ang sarili sa pagmamalupit sa manggagawa. Hindi kasi nila tayo kauri. Ang tingin nila sa atin ay manggagawa lang na ekstensyon ng makina.” Ito ang himutok ni Igor.
Napaisip si Igme, “Tama ka, Igor. Kaya kung mayroon man akong New Year’s resolution, aba’y ang resolusyon ko ay dapat tumulpng tayo at maging aktibo upang gumanda ang kalagayan natin sa pabrika, ang ipaglaban na maging regular tayo sa kumpanya, at pag-aralan natin ang lipunan. Tama, sumapi tayo sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino o BMP at nang may kakampi tayo na ating mga kauri.”
“Magandang New Year’s resolution iyan, Igme. Iyan na rin ang magiging New Year’s resolution ko, at dapat ipasa natin iyan sa unyon ng mga regular sa ating kumpanya.” Ang nakangiting sabi ni Ingrid.
“Okay din ako, sama ako riyan. At sana maging New Year’s resolutuon din natin na tumulong upang baguhin ang sistema ng lipunang pahirap sa manggagawa’t sa malawak na mamamayan.” Ang pagtatapos naman ni Igor. “Tara, kumain muna tayo. Libre ko kayo!”
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 1-15, 2023, pahina 18-19.