Lunes, Pebrero 6, 2023

Ka Popoy

 =

KA POPOY

dalawampu't dalawang taon na ang nakararaan
nang bigla kang nawala dahil ikaw ay pinaslang
ng mga salaring kaaway nitong sambayanan
dahil pinalakas mo ang 'yong pinamumunuan

taas-kamaong pagpupugay, lider at kasama
ang mga aral mo'y aming isinasapraktika
upang tuluyang baguhin ang bulok na sistema
at mawala ang pang-aapi't pagsasamantala

sinabi mong dapat class line, di mass line, ang tunguhin
ng uring manggagawang pagkakaisa'y kakamtin
ang pag-oorganisa ng uri ang adhikain
makauring kamalayan ay sadyang patampukin

sa mga aral at karanasan nga'y napapanday
kasama ng manggagawang sosyalismo ang pakay
tanging masasabi ko'y taospusong pagpupugay!
tinutuloy namin ang laban mo, kasamang tunay!

- gregoriovbituinjr.
02.06.2023

Linggo, Pebrero 5, 2023

Kita

KITA

paano makakita ng kita
kung di matanggap ang aktibista
baka obrero'y maorganisa?
sa unyon ay mapagsama-sama?

ang mag-organisa'y karapatan
bakit hindi pahihintulutan?
ayaw magkaroon ng samahan?
baka ba pabrika'y pagwelgahan?

maging matino na kasing sadya
iyang kapitalistang kuhila
lakas-paggawa'y bayarang tama
huwag mang-api ng manggagawa

subalit dupang sila sa tubo
na limpak-limpak kung mapalago
habang obrero nila'y siphayo
upang buhay lang ay maihango

ang kapitalista'y palamunin
ng manggagawang inaalipin
dapat obrero'y makaalpas din
sa kadena ng pagkaalipin

- gregoriovbituinjr.
02.05.2023

Sabado, Pebrero 4, 2023

Paghahanap ng kita

PAGHAHANAP NG KITA

ayokong mangutang, ang kailangan ko'y trabaho
ayokong manghingi na lamang kung kani-kanino
kailangan ko ng pampagawa ng mga libro
magkatrabaho kahit tagalagay ng turnilyo

ayoko namang lagi lang nanghihingi kay misis
tangan ko pa ang dignidad ko't ayokong lumabis
aktibistang Spartan na buhay ay binubuwis
upang lipunang makatao'y mabigyan ng hugis

makita kaya ang hanap na trabahong may kita
basta nakakapagpatuloy bilang aktibista
basta di maninikluhod sa bulok na sistema
at basta sa kapwa tao'y di magsasamantala

dapat kumita upang may pampagawa ng aklat
habang nag-oorganisa ng dukha't nagmumulat
habang sa maraming isyu'y may isinisiwalat
habang sa niyakap na prinsipyo'y nanghihikayat

sa aktibistang pultaym na tulad ko'y anong bagay
tiyak mo bang sa ganyang trabaho'y mapapalagay
ang kalooban kong tila sakbibi na ng lumbay
dahil mga gawain ay di matustusang tunay

maaari rin ang trabahong pagsasaling-wika
mula sa wikang Ingles ay Tatagaluging sadya
masipag tumula ngunit walang kita sa tula
na tanging sinasahod lang ay sangkaterbang luha

- gregoriovbituinjr.
02.04.2023

Biyernes, Pebrero 3, 2023

Wari sa di mawari

WARI SA DI MAWARI

sa may liblib na pook
may haring nakaluklok
na kung umasta'y hayok
tingin sa masa'y ugok

bakit may naghahari?
panginoon ng uri?
at diyos na pinili?
bakit mapang-aglahi?

dapat nang mawakasan
ang ganyang kalagayan:
paghahari ng ilan
sa kapwa't mamamayan

kahit sa bawat tula,
sanaysay, kwento't dula
sila'y burahing sadya
pagkat mga kuhila

bakit may mayayaman?
laksa'y nahihirapan?
bakit kubkob ang yaman
nitong buong lipunan?

kalabisan na ito!
kailan matututo
na ang sistemang ito'y
kakalusing totoo!

- gregoriovbituinjr.
02.03.2023

Pambihirang pagkakataon

PAMBIHIRANG PAGKAKATAON

bihira ang nabibigyang / pagkakataong bumaka
upang tuluyang palitan / iyang bulok na sistema
mabuti't sa akin noon / ay mayroong nag-anyaya
maging kasapi ng unyon, / hanggang maging unyonista

may plano akong tumakbo/ bilang pangulo ng unyon
subalit aking tiyuhin / ay agad napigil iyon
assistant manager siya / sa kawaksing institusyon
nang matunugan ay agad / ang tindi niyang reaksyon

at bago ko maipasa / ang aking pagkandidato
ay sinundo ng kasamang / doon din nagtatrabaho
pinatatawag daw ako / nitong butihin kong tiyo
kinausap, pinakain, / at pinatagay pa ako

ako'y talagang nilasing / hanggang sa kinabukasan
di na naabot ang deadline / noong papel sa pasahan
ng aking kandidaturang / sa aking buhay ay minsan
lang mangyari kaya ako'y / lubos na nanghihinayang

at tatlong taon matapos / sa pinagtatrabahuhan
sa pabrika't katrabaho'y / talaga nang nagpaalam
may separation pay naman / matapos ang isang buwan
at muli akong nag-aral / ng kurso sa pamantasan

at doon ko naramdaman / ang isang bagong simula
sa panulatang pangkampus / ay nag-aambag ng akda
naging kasapi ng dyaryo't / nagsulat ng kwento't tula
naging features literary / editor, kaysayang sadya

hanggang aking makilala / sa pahayagang pangkampus
ilang mga aktibistang / katulad ko rin ay kapos
pinakilala ang grupo / nila't tinanggap kong lubos
niyakap ang aktibismo, / kolehiyo'y di natapos

umalis sa paaralan / at nakiisa sa dukha
nang maging organisador / ay nakibaka ring lubha
at minsan ding naging staff / ng grupo ng manggagawa
nag-sekretaryo heneral / ng samahang maralita

sumulat at nag-layout din / sa pahayagang Obrero,
Taliba ng Maralita, / Ang Masa't iba pang dyaryo
at naging propagandista / ng tinanganang prinsipyo
upang matayo ang asam / na lipunang makatao

nasubok ang katatagan, / maraming isyu'y inaral
minsan ding nakulong dahil / sa gawaing pulitikal
tatlong dekada nang higit, / dito na ako tumagal
hiling ko lang pag namatay, / alayan din ng parangal

- gregoriovbituinjr.
02.03.2023

Huwebes, Pebrero 2, 2023

Taliba

TALIBA

ako'y propagandista nitong maralita
pinagsusulatan ay ang dyaryong Taliba
ng Maralita, na publikasyon ng dukha
dalawang beses sambuwan nalalathala

doon nilalagay ang mga isyu't tindig
hinggil sa mga usaping dapat marinig
binibigyang-buhay ang mga walang tinig
panawagang bawat dukha'y magkapitbisig

di dapat balewalain ang mahihirap
pagkat sila'y kauri, dapat nililingap
bagamat ang buhay nila'y aandap-andap
kaginhawaa'y nais din nilang malasap

bilang propagandista'y aming adhikain
kapwa dukha'y maging kaisa sa mithiin
isang makataong lipunan ay likhain
makataong mundo'y maging tahanan natin

- gregoriovbituinjr.
02.02.2023

* ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)

Miyerkules, Pebrero 1, 2023

Tulang bakal

TULANG BAKAL

"Poetry should also contain steel and poets should know how to attack." ~ Ho Chi Minh, lider-rebolusyonaryo ng Vietnam

isa iyong magandang payo sa mga makata
dapat may bakal at sintigas ng bakal ang tula
makata'y batid din kung paano ba sumagupa
sa mga kalabang mapagsamantala't kuhila

isa iyong magandang payo sa mga tulad ko
upang tanganan habambuhay ang diwa't prinsipyo
kasangga ang mga maralita't uring obrero
upang itayo ang isang lipunang makatao

magandang payo iyong aakma sa minimithi
laban sa ugat ng kahirapa't mapang-aglahi
laban sa pag-aangkin ng pribadong pag-aari
ng kasangkapan sa produksyon at ng naghahari

magandang payo ng rebolusyonaryong Ho Chi Minh
na sa araw at gabi'y tatanganan at tutupdin
isa sa umuugit sa diwa ko't saloobin
upang ipagtagumpay ang misyon at adhikain

- gregoriovbituinjr.
02.01.2023