Linggo, Abril 30, 2023

Mahabang manggas, sumbrero't tubig sa Mayo Uno

MAHABANG MANGGAS, SUMBRERO'T TUBIG SA MAYO UNO

bilin sa lalahok sa Mayo Unong papalapit
magsuot ng sumbrero't manggas, magdala ng tubig
papalo na raw ng fifty degrees Celsius ang init
baka sa matinding init, ma-heat stroke, mabikig

pampalit na tshirt at bimpo'y magdala rin naman
bakasakaling sa pawis, likod ay matuyuan
labanan ang heat stroke, isipin ang kalusugan
sabihan din natin ang ating mga kasamahan

nawa'y maging matagumpay ang ating Mayo Uno
pati na ang pagsama-sama ng uring obrero
sana bilin sa init ay mapakinggang totoo
lalo na't nasa climate emergency na ang mundo

taospusong pagpupugay sa Uring Manggagawa! 
bati'y taaskamao sa Hukbong Mapagpalaya!

- gregoriovbituinjr.
04.30.2023

Sabado, Abril 29, 2023

Kwento - Hindi Bakasyon ang Mayo Uno

HINDI BAKASYON ANG MAYO UNO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Wala tayong pasok sa Mayo Uno dahil holiday. Mungkahi kong magtungo tayo sa isang beach, mag-party, at bibili ako ng isang buong litson upang ating pulutan. Sang-ayon ba kayo, mga kasama, sa aking mungkahi?” Ito ang tanong ni Ka Mulong habang nanananghalian sa loob ng pabrikang pinapasukan. “Minsan lang naman sa isang taon tayo magsaya at magsama-sama nang nagkakasiyahan.”

Agad na sumagot si Manong Kadyo, “Walang pasok ang Mayo Uno dahil deklarado itong holiday sa bansa, pagkat kinikilala ng pamahalaan ang isang araw na ito ng mga manggagawa. Kaya sa ibang araw na natin idaos ang sinasabi mong party. Dapat makiisa tayo sa pagdiriwang ng Labor Day sa bansa.”

“Ano namang mapapala natin diyan?” Tanong ni Ka Mulong. “Aba’y magpapainit lang tayo sa matinding sikat ng araw. Matindi na ang klima ngayon dahil sa climate change. Ayon sa balita, pumalo na sa 50 degri Celsius ang init ng panahon kaya pinag-iingat tayo. Tapos dadalo tayo riyan sa sinasabi ninyong Mayo Uno? Paano kung ma-heat stroke ako? Sasagutin ba ninyo?”

“Magdala ka ng payong at tubig, magsupot ka ng sumbrero at ng tshirt na may mahabang manggas. Hindi natin maaaring palampasin ang pagdiriwang ng Mayo Uno dahil nakikinabang tayo sa naging tagumpay ng mga manggagawa noon kaya may otso oras na paggawa tayo. Otso oras na paggawa, otro oras na pahinga o tulog, at otso oras sa iba pang gawain.” Sabi ni Lara, manggagawang lider-kababaihan sa pabrika nila.

“Dapat tayong maghanda sa pagkilos sa araw na iyan, kasama ang iba pang mga manggagawa sa iba pang pabrika. Isang napakahalagang araw itong dapat pinaghahandaan ng manggagawa taon-taon: ang makasaysayang Mayo Uno, na itinuturing na Dakilang Araw ng Paggawa.” Ito ang paliwanag ni Ka Igme. “Tama si Lara. Makasaysayan dahil naipagtagumpay ng manggagawa noon ang walong oras na paggawa. Kaya lalahok tayo. Ang sinasabi ni Mulong na party ay sa ibang araw na natin gawin, huwag sa mismong Mayo Uno dahil araw nating mga manggagawa iyon. Ibigay na natin ang araw na iyon para sa ating mga kapwa manggagawa. Lalahok tayo sa sama-samang pagkilos ng mga manggagawa upang ipakita ang ating lakas at pagkakaisa, hindi lang bilang karaniwang empleyado kundi bilang uri - uring manggagawa.”

“Anong ibig mong sabihin ng pagkilos bilang uri? At saka bakit uring manggagawa?” Tanong muli ni Mulong na tila nagugulumihanan.

“Alam mo, Mulong?” Ang sabi ni Ka Igme, “Mahalaga ang pagkilala ng manggagawa sa kanyang mga kamanggagawa bilang kauri dahil iisa tayo ng uring pinanggagalingan, ang uring walang pag-aari kundi tanging ang lakas-paggawa. Hindi tayo kabilang sa uring iilan, tulad ng kapitalista, asendero, o elitista. Kaya tayo manggagawa ay dahil ibinebenta natin ang ating lakas-paggawa sa kapitalista kapalit ng ilang barya o sahod upang mabuhay tayo at ang ating pamilya. Halos lahat ng pakinabang ng manggagawa ngayon ay ipinaglaban ng manggagawa, at hindi naman ito kusang ibinigay sa kanila. Benepisyo’t batas na dapat pang ipaglaban ng manggagawa upang matamasa, tulad ng otso oras na paggawa, sick leave, maternity leave, right to organize, karapatang mag-aklas, health benefits, retirement benefits, collective bargaining at marami pang iba.”

Sumagot din si Lara, “Noong panahon ng martial law na bawal ang magwelga, ipinutok ng mga manggagawa ng La TondeƱa ang welga, kung saan naipanalo nilang maregular ang mga nasa 600 kaswal na manggagawa. Ah, talagang sa paglaban nating manggagawa nakukuha ang mga benepisyong kailangan natin dahil hindi ito kusang ibibigay ng mga tuso, dupang, at nagpapakabundat na kapitalista dahil makakabawas ito sa kanilang kinakamal na tubo galing sa dugo’t pawis ng manggagawa.”

“Kumbinsido na ako sa mga sinasabi ninyo. O, sige,” ani Mulong, “Sasama na ako sa pagkilos sa Mayo Uno.”

“Salamat. Ito ang mga detalye ng pagkilos.” Sabi ni Lara.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 16-30, 2023, pahina 18-19.

Biyernes, Abril 28, 2023

Alalahanin sila ngayong Abril Bente Otso

ALALAHANIN SILA NGAYONG ABRIL BENTE OTSO

alalahanin ang Abril Bente Otso taon-taon
dahil sa World Day for Safety and Health at Work
at International Day for Dead and Injured Workers
na tinatawag ding Workers' Memorial Day

mababanggit sa ating bansa ang mga trahedya
tulad ng Manila Film Center Tragedy kung saan
isandaan animnapu't siyam na manggagawa yaong
nabaon sa lupa nang ginagawang gusali'y gumuho

sampung manggagawa sa Eton construction sa Makati
ang nahulog at namatay sanhi ng isang aksidente
at ang pitumpu't dalawang manggagawang namatay
sa sunog sa pabrika ng tsinelas na Kentex

may mga lider-manggagawang binaril at pinaslang
ng marahil ay utusan ng kapitalistang halang
sa araw na ito sila'y ating alalahanin
upang di na mangyari muli, sistema na'y baguhin

itayo ang pangarap na lipunang makatao
kung saan wala nang pagsasamantala ng tao sa tao
iyan muna, mga kababayan, ang ibabahagi ko
alalahanin ang araw na ito bago mag-Mayo Uno

- gregoriovbituinjr.
04.28.2023

Lunes, Abril 24, 2023

Mithi

MITHI

nagpapatuloy ang ating buhay
upang tupdin ang napiling pakay
upang lasapin ang saya't lumbay
upang sa kapwa ay umalalay
habang yakap ang prinsipyong lantay

dinaranas nati'y laksa-laksa
paano ba babangon sa sigwa
paano ba lulusong sa baha
paano magkaisa ang dukha
pati na kauring manggagawa

bakit dapat dukha'y irespeto
pati na kapatid na obrero
bakit ang karapatang pantao
at hustisya'y ipaglalaban mo
pati ang tahanan nating mundo

sariling wika ang patampukin
sa mga tula't ibang sulatin
laksang masa ang dapat mulatin
upang kalagayan ay baguhin
at lipunang makatao'y kamtin

lipunan ay ating sinusuri
bakit ba may naghaharing uri
bakit may pribadong pag-aari
na kahirapan ay siyang sanhi
ah, sistema'y baguhin ang mithi

- gregoriovbituinjr.
04.24.2023

Biyernes, Abril 14, 2023

Kwento - Poor Mindset versus Rich Mindset nga ba?

POOR MINDSET VERSUS RICH MINDSET NGA BA?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabigla ako sa sinabing iyon ng isang matagal nang kakilala. Ang sabi niya, “Kaya naman ganyan ang mga mhihirap na iyan kaya di umaasenso ay dahil sa poor mindset. Kung sila ay may rich mindset, aba’y di sila ganyan. Iyon ngang kapitbahay kong magbobote, noong bata pa ako ay magbobote na, ngayong matanda na ako, magbobote pa rin. Para bang wala silang pangarap, kaya di sila umasenso. Ngayon, pati anak niya ay magbobote na rin.”

Napatunganga ako sa kanyang sinabi. Isa kasi siyang entrepreneur, o yaong may maliit na negosyong pinagkakakitaan. Gayunpaman, batid niyang nasa kilusan ako ng mga maralita, na para bang sinasabi niyang “Bakit iyan ang mga kasama mo? Dapat sumama ka sa mga may rich mindset upang umasenso ka rin.” Subalit hindi niya iyon sinabi sa akin,

Ang tangi kong nasabi sa kanya, “Ako naman ay hindi sang-ayon diyan, dahil kahit nasa maralita man ako, di naman ako poor mindset, bagamat di rin naman ako rich mindset, na ang iniisip lagi ay paano magnenegosyo upang kumita. Ayokong tingnan ang tao sa dalawang iyan, poor mindset versus rich mindset. Dahil kaming mga aktibista, kaya naging aktibista, ay dahil sa good-of-all mindset.”

“Ano naman iyon?” ang agad niyang tanong.

“Pasensya na,” tugon ko, “na hindi ko talaga nabasa ang Rich Dad, Poor Dad, ni Robert Kiyosaki, na marahil ay binasa mo, at batayan mo ng poor mindset at rich mindset. Ang ibig kong sabihin sa good-of-all mindset ay ang kabutihan ng lahat, hindi lang ng iilan, hindi lang ng iisang pamilya, hindi lang ng pag-asenso ng pamilya ko, kundi sabayang pag-unlad ng lahat.”

“Paano naman mangyayari iyon?” ang agad tanong niya.

Agad din naman akong tumugon, “Kaya ako naging aktibista ay dahil sa paniniwalang iyan, good-of-all, kabutihan ng lahat. Dapat walang maiiwan, walang nagsasamantala ng tao sa tao. Sa pananaw ko, iyang rich mindset na sinasabi mo ay pansariling pag-asenso lang, na iyan ay makukuha mo sa sipag at tiyaga. Nagbi-breed iyan ng pagkamakasarili, at nawawala ang pakikipagkapwa sa ngalan ng tubo o malaking kita. Sa good-of-all mindset, laging dignidad ng tao ang una, nakikipagkapwa tao at nagpapakatao. Kaya pangarap namin ay maitayo ang isang lipunang makatao na ang lahat ay nakikinabang. Walang maiiwan sa pag-unlad.”

“Mahirap iyang sinasabi mo. Hindi ko kaya. Bakit ko iisipin ang ibang tao? Sarili nga nila, hindi nila iniisip. Baka nagbi-breed naman ng katamaran iyang gusto niyong good-of-all minset? Matapos magtrabaho ng manggagawa, saan sila madalas pumunta? Hindi ba sa inuman? Imbes na mag-isip pa sila ng mga bagay na makakatulong sa pamilya, sa inuman ang tuloy nila. Tapos pag-uwi ng bahay, matutulog na lang. Pag nagutom siya dahil lasing, maghahanap ng pagkain. Pag walang luto, aba, bugbog-sarado pa si misis.” Ang ganting sagot ng aking kausap.

Sabi ko, “Hindi naman lahat ng manggagawa ay ganyan. Hindi ba’t matapos ang maghapong pagnenegosyo ng mga negosyante, aba’y saan sila pumupunta? Hindi ba’t sa casino? Dahil maraming pera, doon inuubos ang pera nila? Pag kinapos, at ayaw matalo, pati sariling bahay at kotse ay isinasangla, makabawi lang. Subalit huwag na nating palawigin pa sa ganyang patutsadahan ang ating pagtatalo. Ang mahalaga naman ay ang pananaw natin sa ating kapwa tao, mahirap man o mayaman. Tingin ko, bayanihan, damayan, tulungan, at tangkilikan ang buod ng good-of-all mindset. At iyan sana ang mangibabaw na kaisipan. Gayunman, tama ka, hindi lahat ay kaya ang aming ginagawa, dahil ang uunahin nila ay ang kapakanan ng kanilang pamilya. Nauunawaan ko kayo doon. Subalit kung iyan ang magiging dahilan upang mang-api at magsamantala ng tao, aba’y kakampihan talaga namin ang mahihirap at manggagawa na nagsisikap upang mapakain nila ang kanilang pamilya.”

“O, sige,” aniya, “nauunawaan din naman kita. Kaya lang, di talaga iyan ang plano ko. Pag-iisipan ko pa rin lahat ng sinabi mo. Susubukan kong unawain. Kita na lang tayo sa susunod at usap pa tayo. Salamat.”

“Sige,” tugon ko. “Maraming salamat din sa pakikinig.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 1-15, 2023, pahina 18-19.