Biyernes, Hunyo 30, 2023

Sa huling araw ng Hunyo

SA HULING ARAW NG HUNYO

katapusan na ng buwan ng Hunyo
aba'y kalahating taon na tayo
kulang pa ba ang sweldo ng obrero
ngayon ba'y kontraktwal pa rin ang uso

at mareregular pa kaya sila
kung dupang pa rin ang kapitalista
kongreso'y tadtad pa ba ng buwaya
trapo'y nang-uuto pa ba ng masa

uso pa rin ang kontraktwalisasyon
kapitalista'y sa ganyan nagumon
sa maralita'y panay ang ebiksyon
at nagpapatuloy ang demolisyon

mga bundat pa rin ang nasa tuktok
habang dalita'y lagi pa ring lugmok
sa kahirapang abot na sa rurok
ah, palitan na ang sistemang bulok

dapat walang pribadong ari't yaman
na dahilan ng laksang kahirapan
dapat walang mahirap o mayaman
dapat pantay ang lahat sa lipunan

dapat magkaisa ang manggagawa
bilang uri, kasama na ang dukha
dapat na sila'y magkaisang diwa
upang bagong mundo'y buuing sadya

- gregoriovbituinjr.
06.30.2023

Huwebes, Hunyo 29, 2023

Kwento - Ang Larawan

MAIKLING KWENTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

ANG LARAWAN

“Natuwa ako sa larawang aking nakita. Nakapagmumulat talaga. Magaling ang nagpinta niyon. Para bang tulad din nating aktibistang naghahangad ng pagbabago sa lipunan.” Ito ang sabi ni Igme kay Isay.

“Bakit? Saan ka ba nagpunta? Nakunan mo ba ng litrato sa selpon mo?” Sagot naman ni Isay. “Tingnan ko nga.”

Agad namang ipinakita ni Igme ang larawan sa kanyang asawa.

“Tingnan mo, Isay, hindi ba? Para bang iyan ang itinuro sa atin noon sa Aralin sa Kahirapan (ARAK), at sa Lunas sa Kahirapan, Landas sa Kaunlaran (LSK2) noong mga YS pa tayo. Kung paano ba nagpapasasa ang mga bundat na pulitiko at tusong negosyante sa pagsasamantala sa mga maliliit.” Pagpapatuloy ni Igme.

Maya-maya’y dumating ang kapitbahay nilang si Inggo na kolektibo rin nila noong mga estudyante pa sila.

“Ano na naman iyan, Igme. Para bang tungkol sa kasaysayan ang ibinibida mo ngayon, ah,” ani Inggo.

“Oo, pare. Nagandahan ako sa konsepto ng isang iginuhit na larawan na nakapaskil sa pader ng isang pagupitan. Nadaanan ko lang at nilitratuhan ko. Tingnan mo,” ang sabi naman ni Igme.

“Mapagmulat ang mensahe niyan, “sabi ni Inggo. “Matatapos na ang piging ng mga bundat na mayayaman, bukod sa mabulunan sila, ay kung titindig ang mga manggagawa’t maralitang matagal nang inaapi at pinagsasamantalahan ng naghaharing uri. Subalit kung titindig nga sila. Kung hindi sila tatayo, mangangalay lang sila at mapapagod sa pagsisilbi sa mga mayayamang nambabarat pa sa kanilang mga sahod.”

“Ibig sabihin niyan, pare,” sumabad si Isay, “kahit matatanda na tayo, hindi pa rin tapos ang ating gawain ng pagmumulat. Dapat patuloy tayong magmulat, at ipakita sa sambayanan na dapat silang manindigan at sama-samang kumilos kung nais nilang mabago ang kalagayan nila, at mabago ang sistemang umiiral.”

“Ibig sabihin ba niyan, babalik tayo sa kilusan, gayong mayroon na tayong naipanalong relokasyon at may sariling bahay?” Tanong ni Inggo.

“Ano pa nga ba,” si Isay uli. “Nang makita ko ang larawang iyan,  nabuhay muli ang nais kong tumulong upang magmulat at magpakilos. Hindi pa naman natin nakakamit ang lipunang asam natin.”

“Nakakagalit nga ang larawang iyan. Nakatukod ang likod ng mga manggagawa, magsasaka, at karaniwang tao sa hapag kainan ng mayayaman. Para silang mga paa ng lamesa.” Sabi ni Igme. “Inilalarawan lang niyan ang tunay na kalagayan nating mga maliliit. Kung ang larawang iyan ang muling magpapakilos sa atin sa katotohanan ng buhay at pagnanasang makamit ang isang lipunang makatao, lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, aba’y magsikilos muli tayo. Kakausapin ko si Ka Kokoy upang makipagpulong  tayo sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), o sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Ano, sasama ba kayo?”

“Dati akong nasa Sanlakas,” ani Isay, “sasama ako sa plano ninyo.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 16-30, 2023, pahina 18-19.

Huwebes, Hunyo 8, 2023

Sa sama-samang pagkilos magtatagumpay

SA SAMA-SAMANG PAGKILOS MAGTATAGUMPAY

di ako naghihintay sa sinumang manunubos
na di darating, laksa-laksa ang naghihikahos
na obrero't masang patuloy na binubusabos
katubusan nila'y mula sama-samang pagkilos

sagipin ang uri mula sa pagsasamantala
ng uring kapitalista, elitista, burgesya
mamatay man ako'y may patuloy na mag-aalsa
hangga't may tusong mang-aapi't bulok ang sistema

walang Superman, Batman, Robin, o iisang tao
ang tutubos sa aping uri kundi kolektibo
nilang pagkilos upang pangarap ay ipanalo
maitayo ang asam na lipunang makatao

O, manggagawa't dukha, ngayon ang tamang panahon
upang magkaisang iguhit sa historya ngayon
ang pagbaka't maipagwagi ang lipunang layon
pag watak-watak tayo'y di natin kakamtin iyon

huwag umasa sa manunubos na di darating
na may mahikang lahat tayo'y biglang sasagipin
tanging asahan ay sama-samang pagkilos natin
bilang uri upang makataong sistema'y kamtin

- gregoriovbituinjr.
06.08.2023

Pangarap

PANGARAP

oo, pinangarap ko ring gumanda yaring buhay
ngunit di pansarili kundi panlahatang tunay
uring manggagawa't dukha'y giginhawa ng sabay
dahil bulok na sistema'y nabaon na sa hukay

yaman sa mundo'y aanhin kung mamamatay ka rin
buti nang may pinaglalaban kang prinsipyong angkin
punong-puno man ng sakripisyo'y may adhikain
upang lipunang makatao'y maitayo natin

at pagka gayon, alam mong nasa landas kang wasto
sayang lamang kung mayaman kang lagi sa kasino
sayang ang buhay kung nagdodroga lang o may bisyo
minsan ka lang mabuhay, kaya tumpak na'y gawin mo

aanhin mo ang magandang buhay kung nangmamata
ng dukha, at sa kapwa tao'y nagsasamantala
gusto mong pulos sarap? ay, sige lang, sumige ka
habang kami'y patuloy sa paghanap ng hustisya

ako'y isinilang na di para lang sa sarili
kundi para sa uri't bayan ay makapagsilbi
ako'y aktibistang Spartan na di mapakali
sa pag-iral ng pagsasamantala't pang-aapi

kaya huwag mong hanapin sa akin ang di ako
o ako'y iuugit mo sa nais mong modelo
tanggapin mong aktibista akong taas-kamao
pagkat ako na'y ganyan, ako iyan, iyan ako

- gregoriovbituinjr.
06.08.2023

Miyerkules, Hunyo 7, 2023

Mabuhay ang mga migranteng manggagawa!

MABUHAY ANG MGA MIGRANTENG MANGGAGAWA!

tinaguriang bayani dahil nagsakripisyo
pamilya'y iniwanan upang makapagtrabaho
ng kung ilang taon sa malayong bansa dumayo
kahit na ma-homesick ay nagsisikap umasenso

nangibang-bayan na't kulang ang trabaho sa bansa
kayraming nilang nagtrabaho para sa banyaga
sa maraming bayan sa kanluran, timog, hilaga
habang iniwanang tiwangwang ang tigang na lupa

huwag lang sa illegal recruiter ay magpaloko
ibinenta ang kalabaw upang ipambayad mo
sa samutsaring papeles o mga dokumento
dito pa lang, nagsakripisyo na silang totoo

lumipat ng lugar nang makapagtrabaho roon
o kaya'y upang sila'y manirahan na rin doon
magandang bukas ang hinahanap ng mga iyon
kaginhawahan ng pamilya ang kanilang layon

oo, magandang buhay ang malimit sinasabi
na marahil di maranasan sa bansang sarili
kaya ang mga migrante ba'y ating masisisi
kung sa ibang bansa na'y naakit sila't pumirmi

pumirmi nang pansamantala o panghabambuhay
pasiya nila iyang di mapipigilang tunay
O, migrante, kami po'y taospusong nagpupugay!
sana, sakripisyo ninyo'y magbunga ng tagumpay!

- gregoriovbituinjr.
06.07.2023

* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 7, 2023, pahina 5