Martes, Pebrero 27, 2024

Ituloy ang pangarap

ITULOY ANG PANGARAP

patuloy pa rin akong nangangarap
na lipunang makatao'y maganap
kaya kumikilos at nagsisikap
bagamat búhay ay aandap-andap

madama man ang hirap sa gawain
ipaglalaban ang prinsipyong angkin
ipagpapatuloy ang adhikain
tutuparin ang atang na tungkulin

nang lipunang pangarap ay maabot
nang mahusay at walang pag-iimbot
nang mapayapa at walang hilakbot
nang taas ang noo at walang takot

pangarap mag-aral sa kolehiyo
pangarap ding maglingkod sa obrero
pangarap magtapos ng isang kurso
upang may ipagmalaking totoo

di ko man hangad marating ang buwan
itong pangarap ay pagsisikapan
kung uring obrero'y magkaisa lang
matatayo ang asam na lipunan

- gregoriovbituinjr.
02.27.2024

Lunes, Pebrero 26, 2024

Panawagan ni Tita Flor ng Oriang

PANAWAGAN NI TITA FLOR NG ORIANG

narinig ko ang panawagan ng magiting
na lider-kababaihan, tumataginting
ang kanyang tinig, may galit ngunit malambing
na sa gobyerno't pulitiko'y may pahaging

salitang binitiwan niya'y ninamnam ko:
dapat nating gawing maayos ang gobyerno
wala raw tayong maaasahan sa trapo
patuloy ang pagsasamantala sa tao

demokrasya ngayon ay para lang sa ilan
kayraming nagaganap na katiwalian
na ginagawang negosyo ng pamunuan
ang kanilang paglilingkod dapat sa bayan

patuloy na magmulat at mag-organisa
upang makamit ang tunay na demokrasya
na tunay na makatarungan, masagana
para sa manggagawa, magsasaka, masa

magbalangkas ng alternatibong gobyerno
na maglilingkod ng tunay sa mga tao
ang gobyerno ng masa'y itayong totoo
makatarungang hamon na sinaloob ko

- gregoriovbituinjr.
02.26.2024

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-38 anibersaryo ng Unang Pag-aalsang Edsa, Pebrero 25, 2024
* ang Oriang ay isang kilusang kababaihan na ipinangalan mula kay Gregoria De Jesus na Lakambini ng Katipunan at naging asawa ni Gat Andres Bonifacio
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/qs6MjIapMj/

Sabado, Pebrero 24, 2024

Pagtitig sa kisame

PAGTITIG SA KISAME

at muli, nakatitig ako sa kisame
pinagnilayan ang nadinig na mensahe
bakit kayraming tiwali, trapo't salbahe
bakit ba api ang dukha, bata't babae

sa ganyang sistema, ayokong manahimik
anumang puna't nakita'y isasatitik
marami man silang sa isyu'y walang imik
habang masa'y parang bawang na dinidikdik

ano bang meron sa kisame kundi sapot
marahil ng gagamba o baka may surot
subalit ang lipunan ay tadtad ng sapot
ng mga tuso't tiwali, nakalulungkot

kayraming trapong nang-iisa, nanggigisa
ng mga dukhang sa kanila umaasa
akala sila'y mga diyos at diyosa
na kaligtasan ng bayan ay tangan nila

walang dapat mang-api o mambubusabos
walang isang tagapagligtas, manunubos
masa't uring manggagawa na'y magsikilos
nang sistemang bulok ay tuluyang matapos

- gregoriovbituinjr.
02.24.2024

* litrato ng kisame mula sa naganap na Labor Forum on ChaCha sa UP, Pebrero 22, 2024

Biyernes, Pebrero 23, 2024

Pag-awit ng Manggagawa

PAG-AWIT NG MANGGAGAWA

naroon sa entablado ang Teatro Pabrika
at ang Teatro Proletaryo, sabay kumakanta
ng awitin sa Manggagawa, kahali-halina
sadyang tagos sa puso't diwa ang inawit nila

nagsiawit sila habang nasa kalagitnaan
ng Labor Forum on ChaCha, mahabang talakayan
hinggil sa nagbabagang isyu sa ating lipunan
sasayaw ba tayo sa ChaCha at sa papirmahan?

patuloy kong dininig ang awit na Manggagawa
sa kasalukuyang rehimen ba'y anong napala?
bakit ibubuyangyang sa dayo ang ating bansa
na siyang nais ng mga kongresista't kuhila?

tila ba ako'y hinehele sa kanilang awit
tinig nila'y may lungkot subalit nakakaakit
prinsipyo't paninindigan sa awit nila'y bitbit
"Mabuhay ang manggagawa!" ang tangi kong nasambit

- gregoriovbituinjr.
02.23.2024

* binidyo ng makata habang sila'y umaawit sa UP nang ilunsad ang Labor Forum on ChaCha, Pebrero 22, 2024
* mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://fb.watch/qo4KiowwaT/

Huwebes, Pebrero 22, 2024

Di pa napapanahon ang ChaCha

DI PA NAPAPANAHON ANG CHACHA

nagtatago sa ngalang People's Initiative
na pinapipirma kahit ang nasa liblib
ginagamit ang masa sa ambisyong tigib
ang totoo, iyan ay Trapo Initiative

ano bang nais baguhin sa Konstitusyon?
o gaya ng dati, nais ay term extension?
gagalawin daw ang economic provision
upang sa dayuhan buksan ang bansa ngayon

kayrami nang iskwater sa sariling lupa
ay gagawin pang sandaang poryentong sadya
ang pag-aari ng dayo sa ating bansa
sandaang porsyentong iskwater malilikha

subalit bakit nagsimula nito'y trapo
kongresista, meyor, ang nanguna umano
pumirma ka, pagkat may ayuda raw ito
tila baga sila'y bumibili ng boto

aba'y inuuto ang masang maralita
na sa lipunan ay nakararaming sadya
walang papel dito ang dukha't manggagawa
at di rin ito inisyatibo ng madla

kaya dapat lang tutulan ang ChaCha ngayon
di pa marapat baguhin ang Konstitusyon
pagkat ang ChaCha ay di pa napapanahon
mabuti kung ito'y bunga ng rebolusyon

wawakasan ang elitistang paghahari
at ugat ng hirap - pribadong pag-aari
itatayo natin yaong lipunang mithi
na makikinabang ay bayan, uri't lahi

lilikhain dito'y bagong Saligang Batas
na uring manggagawa ang dito'y kukumpas
habang tinatayo'y isang lipunang patas
na palakad sa tao'y sistemang parehas

isang Konstitusyong likha ng sambayanan
di ng mayayaman, elitista't gahaman
ipapamahagi ang yaman ng lipunan
ng pantay, walang mahirap, walang mayaman

- gregoriovbituinjr.
02.22.2024

* Kinatha at binigkas ng makata bilang reaktor sa FDC Forum on ChaCha sa umaga, at sa Labor Forum on ChaCha sa hapon ng Pebrero 22, 2024.

Lunes, Pebrero 19, 2024

Ako'y aktibista, may dugong bayani

AKO'Y AKTIBISTA, MAY DUGONG BAYANI

ako'y aktibista, / may dugong bayani
lahing Bonifacio, / Rizal, at Mabini
diwang Che at Lenin / idolong matindi
na sadyang sa uri't / bayan nagsisilbi

di lang lumalaban / sa tusong dayuhan
kundi mapang-api, / burgesyang gahaman,
sa kapitalistang / kunwa'y makabayan,
at sa naghaharing / buwayang iilan

nais ko'y lipunang / sadyang makatao
nais na hustisya'y / makamtang totoo
nais na pawiin / pag-aring pribado
ibahaging pantay / ang yaman ng mundo

ako'y aktibista, / hindi makabayan
na internasyunal / ang paninindigan
pag may api kahit / hindi kababayan
ay kauri silang / dapat ipaglaban

naririto pa rin, / wala mang salapi
sa rali't pagkilos / ay mananatili
sadyang naglilingkod / sa masa't kauri
aming ibabagsak, / uring naghahari

ako'y aktibista, / puso'y pandaigdig
uring manggagawa / ang kakapitbisig
sa internasyunal, / api'y kapanalig
sa mapambusabos / ay di palulupig

- gregoriovbituinjr.
02.19.2024

Biyernes, Pebrero 16, 2024

Upang

UPANG

ano bang aking gagawin o iisipin
upang mapagtanto ang misyon ko't layunin
upang ang bawat pakikibaka'y asamin
upang mga isyu ng bayan ay dibdibin
upang mga buktot at tiwali'y lipulin

upang planong nobela'y talagang makatha
upang akdain ang naisip na pabula
upang malinang ang kaalaman sa tula
upang maisatitik ang balak na dula
upang sumulat ng dagli't kwentong pambata

upang makapagpatuloy sa nilalandas
upang mapigilan ang mga talipandas
upang makaiwas sa mga tuso't hudas
upang batas ay mapatupad ng parehas
upang makapagtatag ng lipunang patas

- gregoriovbituinjr.
02.16.2024

Nagigising ng madaling araw

NAGIGISING NG MADALING ARAW

nagigising ng madaling araw
ako nga'y naaalimpungatan
pagkat may paksang biglang lilitaw
na punong-puno ng katanungan

maralita ba'y kaawa-awa
pinagsasamantalahan lagi
ito'y lipunan ng manggagawa
subalit kaapiha'y masidhi

binubuhay nila ang lipunan
binubundat ang kapitalista
ang ganito ba'y makatarungan?
ah, bakit ba bulok ang sistema?

kayraming paksa pag nahihimbing
sa akin animo'y nanggigising

- gregoriovbituinjr.
02.16.2024

Martes, Pebrero 13, 2024

Sa Daang Masikap at Marunong

SA DAANG MASIKAP AT MARUNONG

sa Daang Masikap at Marunong
Pagsisikap ay nakasalubong
magtatagumpay ang Edukasyon
kung patuloy pa rin sa pagsulong

pangarap kong maging inhinyero
kaya sipnaya'y inaaral ko
pangarap ding itayong totoo
asam na lipunang makatao

dapat aralin din nating lubos
ang lipunang kayrami ng kapos
dapat ding magsikap at kumilos
laban sa mga pambubusabos

sa daang Marunong at Masikap
ay tutupdin natin ang pangarap
lipunang asam ay maging ganap
bagamat di mangyari sa iglap

tara sa Masikap at Marunong
at magkapitbisig sa pagsulong
pagsikapang makamtan ang layon
nating lipunan at edukasyon

- gregoriovbituinjr.
02.13.2024

Huwebes, Pebrero 8, 2024

Manipesto

MANIPESTO

ang manipesto ay pahayag na pambayan
o maaari namang pangsangkatauhan
sapagkat gabay sa maraming mamamayan
na mithi'y maging makatao ang lipunan

mayroong ding makasariling manipesto
tulad ng librong Unabomber's manifesto
ng nakilala ring gurong matematiko
nang sa sistema'y ipilit ang pagbabago

Capitalist Manifesto ay nariyan din
na mga nilalaman ay dapat alamin
baka kakontra sa lipunang asam natin
na makinabang ay elitista't salarin

Communist Manifesto ang para sa bayan
pagsusuri sa kalagayan ng lipunan
na malinaw ang makauring tunggalian
pribadong pag-ari'y ugat ng kahirapan

kayraming manipestong kaya isinulat
upang sa kanilang kapwa'y makapagmulat
hinggil sa adhikaing isinabalikat
na umaasam na matatanggap ng lahat

- gregoriovbituinjr.
02.08.2024

Miyerkules, Pebrero 7, 2024

Kandila

KANDILA

kagabi, kayrami naming nagsindi ng kandila
sa marker na malapit sa kinatumbahang sadya
sa tinuring na bayani ng uring manggagawa
kasama'y iba't ibang sektor, pawang maralita

humihiyaw ng hustisya ang mga talumpati
dahil wala pang hustisya sa bayani ng uri
"Hustisya kay Ka Popoy Lagman!" sigaw na masidhi
pati kandila'y lumuha, tila nagdalamhati

sinipat ko ang mga naroon, may kabataan
na di naabutang buhay ang pinararangalan
habang ang mga matatanda'y ikinwento naman
ang kanilang pinagsamahan, ang kabayanihan

tinitigan ko ang mga kandila, nauupos
hanggang nagsayawang apoy ay nawala, naubos

- gregoriovbituinjr.
02.07.2024

Martes, Pebrero 6, 2024

Napaaga ng dating sa U.P.

NAPAAGA NG DATING SA U.P.

napaaga ng dating sa U.P.
subalit ano pang dapat gawin
ah, marahil ay magmuni-muni
hinggil sa sistemang babaguhin

sa harap ng marker ng bayani
lugar kung saan siya bumagsak
sa manggagawa dapat masabi
sistemang bulok ating ibagsak

trapo't elitistang mapanghamak
ay dapat lang labanan nang ganap
sa kapitalismong mapangyurak
ipalit ay lipunang pangarap

mamaya'y magsisidatingan na
ang mga kasamang matatatag
sa laban, muling nagkita-kita
upang makinig at magpahayag

- gregoriovbituinjr.
02.06.2024
* kuha ng makatang gala sa gilid ng UP Bahay ng Alumni, sa ika-23 anibersaryo ng pagpaslang sa lider-manggagawang si Ka Popoy Lagman; alas-dos ay nasa venue na, alas-tres pa ang usapang dating ng mga kasama

Salin ng tatlong akdang Lenin

SALIN NG TATLONG AKDANG LENIN

Mamayang hapon sa isang munting pagtitipon, ipamamahagi ko ang tatlong akdang aking isinalin: ang sulatin ni Lenin na 3 sources and 3 component parts of Marxism, ang akda ni Leon Trotsky na Talambuhay ni Vladimir Ilyich Lenin, at ang akda ni Ho Chi Minh na Ang Landas na Gumiya sa Akin sa Leninismo.

Magdadala rin ako ng munting lata na ang nakasulat: "Munting ambag sa gawaing translation at dyaryo. Maraming salamat po!" Ito'y upang makapagparami pa ng gawa, at maraming mabahaginan nito. Mahirap din kasi ang pultaym, pulos sariling gastos at walang balik na salapi. Kaya mag-ambag ng munting kakayanan. Pasensya na.

Ito ang munti kong tula hinggil dito:

ANG TATLO KONG SALIN NG AKDANG LENIN

may sulatin si Lenin na isinalin ko:
Ang Tatlong Pinagmulan at Magkakasamang
Bahagi ng Marxismo, kaygandang basahin
na handog sa mga aktibistang tulad ko

ikalawa'y ang sinulat ni Leon Trotsky:
ang Talambuhay ni Vladimir Ilyich Lenin;
ikatlo'y Ang Landas na Gumiya sa Akin
sa Leninismo, na sinulat ni Ho Chi Minh

sa pagtitipon mamaya, abangan ninyo
O, kapwa Leninista, kapwa aktibista
munting ambag lang upang maparami ito
ay sapat na para sa pultaym na tulad ko

ngayong taon, sentenaryo ng kamatayan
ni Lenin kaya mga akdang saling ito
sana'y mabasa at mahanguan ng aral
tungong panlipunang pagbabago, salamat

- gregoriovbituinjr.
02.06.2024

Linggo, Pebrero 4, 2024

Dalawa sa isinalin kong akda

DALAWA SA ISINALIN KONG AKDA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Marami na rin akong akda at tulang isinalin. At kalakip nga sa litratong ito ang dalawa sa mga iyon - ang akda nina Leon Trotsky at Ho Chi Minh. Naisalin ko na ito ilang taon na ang nakararaan. Subalit nais kong bigyang pansin ang mga ito ngayon dahil ngayong 2024 ang sentenaryo ng kamatayan ni V.I. Lenin.

Isinalin ko mula sa wikang Ingles ang "Talambuhay ni Vladimir Ilyich Lenin" na sinulat sa wikang Ruso ni Leon Trotsky, subalit may salin sa Ingles, kaya ating nabatid at nabasa ang kasaysayan ni Lenin. Ang ikalawa'y ang sulatin ng rebolusyonaryong Vietnames na si Ho Chi Minh, na pinamagatang "Ang Landas na Gumiya sa Akin sa Leninismo" na isinalin rin mula sa Ingles. Nang matapos ang salin ay ginawa kong pamphlet na maipapamahagi.

Ang dalawang aklat naman sa itaas ng dalawang salin ay ang "Lenin's Last Struggle" na nabili ko sa aklatan sa Baguio City noong 2019, habang ang "Gabay sa Pag-aaral ng Leninismo" ay aklat na inilathala noong 2007 ng Aklatang Obrero Publishing Collective, na pinamamahalaan ng inyong lingkod. Gayunman, ang nakataas-kamao sa baso ay hindi si Lenin kundi si Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Minsan, masarap ding magkape habang nagsusulat.

Ginawan ko ng munting tula ang dalawang salin:

SALIN NG AKDA HINGGIL KAY LENIN

maraming akdang dapat isalin sa Filipino
sa gawaing ito'y tila ba naipako ako
nang di sadya kaya pinagbutihan nang totoo
heto, tuloy-tuloy na ako sa tungkuling ito

kaya dalawang akda hinggil kay Vladimir Lenin
at sa Leninismo'y pinagtyagaan kong isalin
baka maraming katotohanang dapat alamin
at matutunan ng kauri't kababayan natin

sa atin ba'y sino si Ho Chi Minh? si Leon Trotsky?
sila ba sa bansa nila'y tinuring na bayani?
sila ba sa manggagawa'y dapat ipagmalaki?
silang si Lenin ay kilalang sa uri nagsilbi?

kaya aking isinalin ang kanilang sinulat
upang api't pinagsamantalahan ay mamulat
sa sistemang bulok ay paano lalaya lahat
at isang lipunang patas ay maitayong sukat

02.04.2024

Sabado, Pebrero 3, 2024

Ang makatâ

ANG MAKATÂ

"Poets are the unacknowledged legislators of the world." ~ Percy Byshe Shelley 
"A poet must leave traces of his passage, not proof." ~ Rene Char
"At the touch of love, everyone becomes a poet." ~ Plato

mula raw salitang 'makathâ' ang makatâ
aba, ako naman ay talagang namanghâ
pagkat makata'y kathâ ng kathâ ng tulâ
para sa masa, sa bayan, sa sintang mutyâ

kanyang inilalarawan ang kalikasan
at lahat ng makita sa kapaligiran
tingin ng obrero, babae, dukha, tanan
hinggil sa di pagkakapantay sa lipunan

sa dilag ay di pulos tsokolate't rosas
ang inaalay kundi tula'y binibigkas
sa bawat salita'y sinasahod ang katas
tungo sa pangarap na kalagayang patas

kayganda ng paligid, kayputi ng langit
hinatid ng wika ang pagmamalasakit
itinutula'y ginhawa't pagmamalupit
ng sistema sa mga dalita't ginipit

parang mula sa ulap ang abang makatâ
na misyong tumulong sa manggagawa't dukhâ
ibabagsak ang burgesyang kasumpa-sumpâ
obrero'y samahang bagong mundo'y malikhâ

- gregoriovbituinjr.
02.03.2024

Biyernes, Pebrero 2, 2024

Reserbadong upuan

RESERBADONG UPUAN

reserbado ang upuan
pang-espesyal o mayaman
marahil may katungkulan
o mukhang kagalang-galang

minsan, ganyan din sa buhay
may silya para kay nanay
o sa amang tumatagay
upang sila'y mapalagay

may upuan sa palasyo
nakalaan sa pangulo
pinag-aagawan ito
ng mga kuhila't tuso

may laang silya din kaya
para sa obrero't dukha
ito'y dapat maihanda
tungong lipunang malaya

- gregoriovbituinjr.
02.02.2024