Linggo, Marso 31, 2024

Pasasalamat (Grace Before Meals)

PASASALAMAT
(GRACE BEFORE MEALS)

tayo'y nasa harap nitong hapag-kainan
sabay nating bigkasin ang pasasalamat
sa mga naghanda ng pagkain ng bayan
sa mga nagtanim at nag-ani, salamat

salamat sa lahat ng mga magsasaka
mula binhi'y pinalago hanggang nag-uhay
silang sa lupang sakahan nakatali na
silang naglinang at nagpatubo ng palay

salamat sa lahat ng mga mangingisda
na nilalambat ang buhay sa karagatan
upang madala ang mga banyerang isda
sa pamilihan, at ating mabili naman

salamat sa lahat ng mga manggagawa
pagkain ay dinala sa bayan at lungsod
kay-agang gumising, kay-agang gumagawa
kayod ng kayod, kahit mababa ang sahod

salamat sa manggagawang tatay at nanay
na nagsikap upang pamilya'y mapakain
nang mga anak ay di magutom sa bahay
na para sa pamilya, lahat ay gagawin

salamat, binubuhay ninyo ang daigdig
uring manggagawa, hukbong mapagpalaya
kaya marapat lang tayo'y magkapitbisig
nang bulok na sistema'y tuluyang mawala

- gregoriovbituinjr.
03.31.2024

* mga larawan mula sa google

Biyernes, Marso 29, 2024

Sa tumatangkilik sa Taliba ng Maralita

SA TUMATANGKILIK SA TALIBA NG MARALITA

kami'y taospusong nagpapasalamat talaga
sa tumatangkilik sa Taliba ng Maralitâ,
ang publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa
ng Maralitang Lungsod, ang pahayagan ng dukhâ

sa loob ng dalawang linggo nakapaglalabas
ng isyu't balita hinggil sa laban nitong bayan
4PH, pabahay, sahod, ChaCha ng talipandas
kwento't mga tula, kolum ni Pangulong Kokoy Gan

patnugutan ay narito't tuloy sa pagsisilbi
sa maralita upang makamit ang ating layon
mulatin at pakilusin ang dukha, di lang rali
kundi matutong ipaglaban ang hustisyang misyon

ipabatid bakit dapat baguhin ang sistema
na siyang dahilan ng naranasang dusa't hirap
ang Taliba ng Maralita'y kanilang sandata
tungo sa pagtayo ng lipunan nilang pangarap

- gregoriovbituinjr.
03.29.2024

Linggo, Marso 24, 2024

Pangarap

PANGARAP 

pangarap ko'y lipunang makatao
ay maitayo ng uring obrero
walang pagsasamantala ng tao
sa tao, habang tangan ang prinsipyo

pangarap ko'y lipunang manggagawa
kung saan walang naapi't kawawa
lakas-paggawa'y binayarang tama
at di kontraktwal ang nasa paggawa

pangarap ko'y lipunang walang hari
walang tuso, kapitalista't pari
pangarap makapagtanim ng binhi
na ibubunga'y pantay, walang uri

pangarap ko'y makataong lipunan
na kung kikilos ay baka makamtan

- gregoriovbituinjr.
03.24.2024    

Huwebes, Marso 21, 2024

Alay sa World Poetry Day

ALAY SA WORLD POETRY DAY

matulain ang araw na kinakaharap
na puno ng awit sampu ng pinangarap
tila diwa'y nakalutang sa alapaap
bagamat tigib ng lumbay ang nasasagap

pinangarap ng makatang mundo'y masagip
sa unos ng luha't sa matang di masilip
laksang mga kataga'y di basta malirip
na mga talinghaga'y walang kahulilip

ipaglalaban ang makataong lipunan
nakakaumay man ang ganyang panawagan
subalit iyan ang adhikain sa bayan
pati tugma't sukat sa bawat panagimpan

sa mga manunula, ako'y nagpupugay
habang patuloy pa rin ditong nagninilay
lalo na't mga nakakathang tula'y tulay
sa pagitan ng madla't nagkaisang hanay

- gregoriovbituinjr.
03.21.2024

Lunes, Marso 18, 2024

"Ayoko sa sistemang bulok!" ~ Eugene V. Debs

"AYOKO SA SISTEMANG BULOK!" ~ EUGENE V. DEBS

"I am opposing a social order in which it is possible for one man who does absolutely nothing that is useful to amass a fortune of hundred of millions of dollars while millions of men and women who work all their lives secure barely enough for a wretched existence." ~ Eugene V. Debs, US Labor and Socialist Leader, Presidential Candidate, June 16, 1918

kaygandang sinabi ni Eugene V. Debs noon
na sa mga tulad ko'y isang inspirasyon
ayaw niya ng sistemang animo'y poon
ang isang tao na tangan ay milyon-milyong
dolyar habang milyong obrero'y hirap doon

habang pinapanginoon ang isang tao
dahil sa kanyang yaman at aring pribado
nagpapatuloy naman sa pagtatrabaho
ang milyong obrerong nagbabanat ng buto
upang pamilya'y buhayin sa mundong ito

inilarawan niya'y bulok na sistema
kung saan pinapanginoon ay burgesya
nais niyang lipunan ay sinabi niya
na lipunang walang panginoon talaga
walang poong maylupa at kapitalista

tulad ko, ang nais niya'y lipunang patas
na mga tao'y kumikilos ng parehas
walang mayaman, walang lamangan at hudas
walang pribadong pag-aari't balasubas
kundi pagpapakatao ang nilalandas

- gregoriovbituinjr.
03.18.2024

* litrato mula sa google

Sabado, Marso 16, 2024

Pangangalsada

PANGANGALSADA

ako'y maglulupa / at nangangalsada
nagtatanim-tanim / kausap ang masa
inaalam pati / ano ang problema
nang binhing ipunla'y / wasto sa kanila

ang gawaing masa'y / yakap na tungkulin
upang iparating / itong adhikain
dukha't manggagawa / ay organisahin
at nang sambayanan / ay mapakilos din

sa pangangalsada / ako'y nakatutok
adhika'y baguhin / ang sistemang bulok
misyong baligtarin / ang imbing tatsulok
upang mga dukha'y / mamuno sa tuktok

nangangalsada man / sa araw at gabi
tuloy ang pagbaka't / kaisa sa rali
isyu'y nilalantad / sa nakararami
sa laban ng masa'y / kasangga't kakampi

tibak na Spartan, / tangan ang prinsipyo
na naninindigan / sa sistemang wasto
asam ay lipunang / sadyang makatao
palakad ay patas / sa bayan at mundo 

- gregoriovbituinjr.
03.16.2024

Miyerkules, Marso 13, 2024

Huwag kang dadalaw sa aking burol, kung...

PAMBUNGAD

lahat naman tayo'y tiyak na mamamatay
bala ma'y tumama o sa banig naratay
ngunit sino bang kaibigan o kaaway
ay baka di na natin malalamang tunay
sino kayang duduraan ang aking bangkay
sino kayang kakilala ang malulumbay
kaya narito'y tulang aking inaalay:

HUWAG KANG DADALAW SA AKING BUROL, KUNG...

huwag kang dadalaw sa aking burol, kung
sa pesbuk ay di ka nag-like sa aking tula
sa rali ay di tayo nagkasamang sadya
di ka kaisa sa laban ng manggagawa
nang-aapi ka ng kapwa ko maralita
nagsasamantala ka sa babae't bata
dyaryo naming Taliba'y binabalewala

huwag kang dadalaw sa aking burol, kung
di ka nagbabasa ng tula ko sa pesbuk
di mo tinutuligsa ang sistemang bulok
di mo batid anong gagawin sa tatsulok
di mo alam bakit hinuhukay ang bundok
asam na lipunang makatao'y di arok
mula korupsyon sa bulsa mo'y isinuksok

huwag kang dadalaw sa aking burol, kung
di mo pa batid ang ugat ng kahirapan
dangal ng mahihirap ay niyuyurakan
walang pakialam sa panitikang bayan
makakapitalista ka't makadayuhan
mapagsamantala ka kahit kababayan
di ka payag sa living wage, ika'y kalaban

huwag kang dadalaw sa aking burol, kung
hanggang ngayon, di mo alam ang Climate Justice
hinahayaan mong maralita'y Just Tiis
ugali't diwa mo'y nananatiling burgis
sa manggagawa't dukha, ikaw ay mabangis
sa pagkupit sa kabang bayan ay mabilis
tuso ka't tiwali, kutis mo ma'y makinis

huwag kang dadalaw sa aking burol, kung
kabilang ka sa elitistang naghahari
kaya burgesya ay lagi mong pinupuri
sa rali nami'y puno ka ng pagkamuhi
sa binigay naming polyeto'y nandidiri
kabarkada mo ang mga sakim at imbi
at sa masa'y kilala kang mapang-aglahi

huwag kang dadalaw sa aking burol, kung
di kayang ipanawagan ang sosyalismo!
layunin mo'y pulos pag-aaring pribado!
ayaw itayo ang lipunang makatao!
wala kasi sa toreng garing ang tulad ko
kaya kaming makata'y minamaliit mo
binabalewala ang aming tula't libro

- gregoriovbituinjr.
03.13.2024

Linggo, Marso 10, 2024

"Karahasan, Wakasan!" ~ Oriang

"KARAHASAN, WAKASAN!" - ORIANG

"Karahasan, Wakasan!" ang panawagan ng Oriang
sa plakard na bitbit ay malinaw na makikita
ito'y mensaheng sa puso't diwa'y dapat malinang
nang karapata'y maipaglaban natin at nila

sadyang dapat wakasan ang anumang pandarahas
sa kababaihang kalarawan ng ating nanay
kaya dapat matayo ang isang lipunang patas
nagpapakatao't palakad ay sistemang pantay

iyon ay napapanahong mensaheng hindi kapos
kundi pangungusap na palaban, tagos sa diwa
na nananawagang tapusin ang pambubusabos
sa kababaihan, sa bata, dukha't manggagawa

mensahe iyong taaskamao nating yakapin
patuloy na mag-organisa, masa'y pakilusin

- gregoriovbituinjr.
03.10.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa Araw ng Kababaihan, Marso 8, 2024, sa Morayta, Maynila

Tulad ng ligaw na halaman

TULAD NG LIGAW NA HALAMAN

saanman mapadpad ang tibak na tulad ko
parang ligaw na halaman, tutubo ako
itatanim ko ang binhi ng sosyalismo
sa matabang lupa'y patutubuin ito

nais kong lipunang makatao'y malikha
habang nililipol bawat damong kuhila
sasagipin ang mga inang lumuluha
na mahal na anak ay in-EJK sadya

oorganisahin ang kapwa mahihirap
upang maitayo ang lipunang pangarap
lipunang ang lahat ng tao'y nagsisikap
nagpapakatao't sa kapwa'y mapaglingap

ganito mangusap ang tibak na Spartan
di dungo, masa'y tinuturuang lumaban
para sa kinabukasan at karapatan
upang makamit ang hustisyang panlipunan

- gregoriovbituinjr.
03.10.2024

Biyernes, Marso 8, 2024

Pagdalo sa pagkilos ng kababaihan

PAGDALO SA PAGKILOS NG KABABAIHAN

mula España ay nagmartsa papuntang Mendiola
ang kababaihan ngunit hinarang sa Morayta
ang mga nagmartsa ng dalawang trak ng pulisya
magkabila kaya doon na sila nagprograma

"Labanan ang Cha-Cha ng mga Trapo at Dayuhan!"
"Kilos Kababaihan, Labanan ang Kagutuman,
Kalamidad at Karahasan!" anong katugunan
nitong pamahalaan sa kanilang panawagan?

O, kababaihan, kami'y nagpupugay sa inyo
kayong nabubuhay na kalahati nitong mundo
tara, magkaisa't kumilos sa maraming isyu
at matinding labanan ang Cha-Cha ng trapo't dayo

may iba pang plakard at panawagang namataan:
"Makababae at makataong pamahalaan
Hindi gobyerno nitong mga trapo at dayuhan"
"Hustisyang panlipunan, hindi Cha-Cha ng iilan!"

panawagang kung isasaloob at maninilay
ay kikilos tayo at patitibayin ang hanay
sa kababaihan, taas-kamaong pagpupugay!
tuloy ang ating laban! mabuhay kayo! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
03.08.2024

Pagninilay sa madaling araw

PAGNINILAY SA MADALING ARAW

di ako kayod-kalabaw para lang magkakotse
para sabihin sa ibang ako'y may sinasabi
at magmukhang kapitalistang suot ay disente
habang niyuyurakan ang dangal ng masang api

ayokong matulad sa kuhila't makasarili
na tinutubo lang ang iniisip araw-gabi
na ninenegosyo ang dapat tapat na pagsilbi
sa bayan, subalit sa gawa'y tiwali't salbahe

hayaan akong maging prinsipyadong aktibista
na ginagawa ko na nang higit tatlong dekada
na pinaglalaban ang kaginhawahan ng masa
na lipunang makatao'y asam maitayo na

di ako manghihiram sa salapi ng respeto
wala sa marangyang kotse ang aking pagkatao
wala sa bara ng ginto at milyon-milyong piso
patuloy akong makikibaka nang taas-noo

- gregoriovbituinjr.
03.08.2024

Huwebes, Marso 7, 2024

Tungkulin

TUNGKULIN

isusulat ko pa rin ang kalagayan ng dukha
sa ulat, sanaysay, dagli, maikling kwento't tula
bibigkasin ko sa rali ang tulang makakatha
bilang munti kong ambag sa pagmumulat sa madla

hanggang ngayon ay pinag-aaralan ang lipunan
at maraming isyung tumatama sa sambayanan
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan
upang sa isyu'y mabatid ang wastong kalutasan

oo, simple lang akong manunula, yano, payak
pasya ko'y kumampi sa inaapi't hinahamak
sa winalan ng tinig at gumagapang sa lusak
asam na lipunang makatao ang tinatahak

nawa'y magampanan kong husay ang gintong tungkulin
na tungo sa lipunang asam, ang masa'y mulatin

- gregoriovbituinjr.
03.07.2024

Miyerkules, Marso 6, 2024

Pangarap

PANGARAP

Ano nga ba ang tinatawag na pangarap?
Ang magkaroon ng kotse sa hinaharap?
Ang biglaan kang yumaman sa isang iglap?
Ang guminhawa ang tulad nating mahirap?
Ang mga pulitiko'y di na mapagpanggap?
O ito'y produkto ng ating pagsisikap?

Sa simple, sa pag-aaral ay makatapos
Habang nilalabanan ang pambubusabos
Ng mga dayuhan at kababayang bastos
Sa munting sabi, makaipon ng panggastos
Nang sa hinaharap ay mayroong panustos
At kamtin ng masa'y kaginhawaang lubos

Pangarap ko'y isang lipunang makatao
Na itatayo ng dukha't uring obrero
Pangarap ko'y di pansarili, di pang-ako
Kundi pambayan, pandaigdigan, pangmundo
Ibagsak ang mapang-aping kapitalismo
Tungo sa lipunang walang lamangan dito

- gregoriovbituinjr.
03.06.2024

Paano ka naging mahirap?

PAANO KA NAGING MAHIRAP?
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Madalas, natatawa tayo sa katotohanan. Minsan, akala natin ay patawa ang katotohanan. Marahil, dahil masakit mabatid ang katotohanan.

Nang dinaan sa comic strip ang katotohanan, tayo na'y napapangiti. Tila ba binabalewala natin ang katotohanan, at marahil ay ayaw pag-usapan ng malaliman upang mabigyan ito ng kalutasan.

Makikita iyon sa isang comic strip kung saan nag-uusap ang dalawang taong namamalimos.

Tanong ng una: "Paano ka naging mahirap?"

Sagot naman ng ikalawa: "Panay ang boto ko sa kawatan."

Napakapayak lang ng kasagutan. Kaya siya mahirap ay dahil panay ang boto niya sa kawatan. Maiisip tuloy natin ang mga pulitiko sa kasalukuyan na pulos pangako lamang, subalit madalas napapako. Mga trapong namimigay ng ayuda para maiboto sa halalan. Mga mayayamang tumutuntong lang sa iskwater o sa mga mapuputik na lugar ng dukha dahil sa kampanyahan, at matapos manalo ay hindi na nila ito binabalikan.

Boto lang ang habol ng mga pulitiko sa mga dukha. Iyan ang katotohanan. Dahil silang mga maralita ay malaki ang bilang. Sila ang madalas nating marinig na nakakatanggap daw ng limang daang piso kapalit ng boto. Silang ipinagpapalit sa limang daang piso ang tatlong taon na pagdurusa, o marahil anim na taon, mairaos lang ang ilang araw na pangkain ng pamilya, lalo na ng mga anak.

Bakit nga ba sila mahirap? Bumoto daw kasi sa kawatan. Anong dapat gawin? Huwag nang bumoto sa kawatan. Paano mangyayari iyon kung lagi silang binibigyan ng ayuda ng sinasabi nilang kawatan?

May kinatha akong kwento noon na pinamagatang "Ang Ugat ng Kahirapan" na ang pambungad ay ganito: 

"Noong ika-19 dantaon, nag-usap-usap ang mga kilalang tao sa lipunan upang talakayin kung ano ang ugat ng kahirapan. Ito’y dahil na rin sa pagkairita nila sa mga nakikitang pagala-galang pulubi at mga tambay sa lansangan, at ito’y masakit sa kanilang mga mata. Pag nalaman nila ang ugat ng kahirapan ay baka mahanapan nila ito ng lunas."

"Ang sabi ng isang mayamang negosyante, ang kahirapan ay dahil sa katamaran."

"Ayon naman sa isang mataas na pinuno ng isang relihiyon, naghihirap ang mga tao dahil ito ang parusa sa kanila ng Maykapal."

"Ang sabi naman ng isang guro sa isang kilalang pamantasan, kaya naghihirap ang marami ay dahil sa kamangmangan."

"Ayon naman sa hari, iyan na kasi ang kanilang kapalaran."

"Ang sabi naman ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan, populasyon ang dahilan ng kahirapan."

"Ngunit lahat sila ay hindi magkasundo kung ano talaga ang ugat ng kahirapan. Kaya nagpasya silang magbuo ng komite para magsaliksik. Nagpunta sila sa iba’t ibang lupain upang hanapin at malaman ang kasagutan. Hanggang may nakapagsabi sa kanila na may isang mabuting taong nakaaalam ng ugat ng kahirapan at ano ang lunas dito. Kaya’t dagli nilang pinuntahan ang naturang tao. Paalis na ang taong iyon upang pumunta sa isang napakahalagang pagpupulong nang kanilang maabutan at abalahin. Agad namang nagpaunlak ang taong nasabi."

Sa kwento, may limang tinukoy na dahilan ng kahirapan - katamaran, parusa ng Maykapal, kamangmangan, kapalaran, at populasyon. At sa ngayon marahil ay maidaragdag natin bilang pang-anim ang pagboto sa kawatan kaya naghihirap ang tao. Mali ang kanilang ibinoto. Hindi nila kauri. Silang mga maralita ay bumoto ng mayayaman, masalapi, at makapangyarihan sa lipunan. Silang mga isda ay bumoto ng mga lawin upang mamuno sa kanila.

Hindi nila ibinoto ang mga kandidato nilang kauri, tulad ng manggagawa, maralita, vendor, driver, at kapwa nila mahihirap. Silang mga isda ay dapat bumoto sa kapwa nila isda upang pamunuan sila, dahil alam ng kapwa nila isda ang kanilang mga suliranin. Hindi tulad ng mga lawin o agila na binoto ng mga isda na walang alam sa pamumuhay at kalagayan ng kapwa nila isda.

PAANO KA NAGING MAHIRAP?

"Paano ka ba naging mahirap?"
ang tanong ng isang kaibigan
na tulad niya, hanap ay lingap
"Panay ang boto ko sa kawatan."

dahil komik istrip lamang iyon
ay natatawa tayo sa sagot
gaano katotoo ang tugon
ngiti nati'y wala na't bantulot

katotohanan ang kanyang sambit
na buto natin ay manginginig
pagkat sa kalooba'y masakit
pagkat dukha'y winalan ng tinig

kung isda ang mga maralita
at mga pulitiko'y agila
isda ba'y binoboto ng isda
o binoto'y di kauri nila

pag-isipan natin ng malalim
ang komiks na iyon ay matalim
pinakita gaano kalagim
ang sistemang karima-rimarim

03.06.2024