Miyerkules, Hulyo 31, 2024

Ang tungkulin ng makata

ANG TUNGKULIN NG MAKATA

"Poets are the unacknowledged legislators of the world." ~ Percy Byshe Shelley

ako'y naaalatan sa maraming paksa
na para bang minsan, ayoko nang tumula
pangit na isyu't paksa, nakakatulala
di matanggap ng loob, nakakaasiwa

nariyan ang ginagawa ng trapong bulok
at mga naghahari sa sistemang bulok
patayan, dungisan ng dangal, mga hayok
na sa ating lipunan ay talagang dagok

subalit ang mga makata'y may tungkulin
sa masa ng sambayanan at mundo natin
mga makatang may kakaibang pagtingin
upang ilarawan ang nangyayari man din

kaya narito pa rin akong nagninilay
na aking mga tula'y nagsisilbing tulay
upang masa'y mamulat sa kanilang lagay
sa sistemang itong dapat palitang tunay

di lang namin tungkulin ang pananaludtod
o masdan ang patak ng ulan sa alulod
makata'y para ring kalabaw sa pagkayod
na tangan ang isyu ng pabahay at sahod

ang makata'y tinig ng mga walang boses
ng dukhang sa pagkaing pagpag nagtitiis
ng manggagawang dapat magkabigkis-bigkis
palitan ang lipunang di kanais-nais

- gregoriovbituinjr.
07.31.2024

Huwebes, Hulyo 25, 2024

Balitang Carina

BALITANG CARINA

tinunghayan ko ang pahayagan
ngayong araw, kaytitinding ulat
ng unos na naganap kahapon

nagbaha ang buong kalunsuran
nilampasan na ang bagyong Ondoy
sa buong pagluha ni Carina

baha sa maraming kabayanan
mga pamilya'y sinaklolohan
dahil nagsilubog ang tahanan

nilikha iyon ng kalikasan
ipinakita ang buong ngitngit
nagngangalit ang klima at langit

climate action na nga'y kailangan
upang matugunan ang naganap
subalit anong gagawing aksyon

makipag-usap sa P.M.C.J.,
K.P.M.L., Sanlakas, B.M.P.,
S.M. ZOTO, CEED, A.P.M.D.D

samahan natin sila sa rali
panawagan: climate emergency
mag-shift sa renewable energy

climate adaptation, mitigation
ipagbawal na ang mga coal plant
pati ang liquified natural gas

kontakin ang Bulig Pilipinas
para sa ating maitutulong
sa mga biktima ni Carina

kailangan ng kongkretong aksyon
para sa sunod na henerasyon
na may ginawa rin tayo ngayon

- gregoriovbituinjr.
07.25.2024

* litrato ay mga headline ng pahayagang Abante Tonite at Pilipino Star Ngayon, Hulyo 25, 2024
* PMCJ (Philippine Movement for Climate Justice)
* KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod)
* BMP (Bukluran ng Manggagawang Pilipino)
* SM-ZOTO (Samahan ng Mamamayan - Zone One Tondo Organization)
* CEED (Center for Energy, Ecology, and Development)
* APMDD (Asian People's Movement on Debt and Development)

Martes, Hulyo 23, 2024

Pagpupugay sa pagwawagayway

PAGPUPUGAY SA PAGWAWAGAYWAY

isang karangalang mabidyuhan
ang pagwawagayway ng bandila
ng samutsaring mga samahan,
ng guro, obrero, masa, dukha

na ginawan ko ng pagpupugay
at tulang makabagbag-damdamin
sumusuot sa kalamnang taglay
at yaring puso'y papag-alabin

binanggit ng tagapagsalita
sa rali yaong mga pangalan
ng mga samahang ang adhika
itayo'y makataong lipunan

sa kanila, mabuhay! MABUHAY!
iyan ang tangi kong masasabi
taaskamao pong pagpupugay
sapagkat sa masa'y nagsisilbi

mabuhay kayo, mga kasama!
kayong tunay naming inspirasyon
para sa karapatan, hustisya
at lipunan nating nilalayon

- gregoriovbituinjr.
07.23.2024

* bidyong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa SONA, 07.22.2024

^ ang bidyo ay mapapanood sa: https://www.facebook.com/reel/1143756510213675

Linggo, Hulyo 14, 2024

Kwento - Bakit laban din ng maralita ang sahod, eh, wala nga silang regular na trabaho?

BAKIT LABAN DIN NG MARALITA ANG SAHOD, EH, WALA NGA SILANG REGULAR NA TRABAHO?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pulos diskarte na lang ang mga maralita, o yaong mga mahihirap, isang kahig, isang tuka. Lalo na’t wala naman silang regular na trabaho. Nariyan ang mga nagtitinda ng bananakyu at kamotekyu, ng mga tuhog-tuhog tulad ng pusit, isaw, atay, at barbekyu. May pedicab driver, barker sa dyip, atbp. Ang matindi ay ang mga nagbabantay ng tinapong pagkain mula sa mga fastfood, pinipili ang pwede pa, pinapagpag, hinuhugasan, saka muling iniluluto upang maging pamatid-gutom ng kanilang pamilya.

Ang karamihan ay pawang dating manggagawang kontraktwal, na matapos ang kontrata, ay hindi na nakabalik sa kanilang trabaho, at nauwi na lang sa pagtitinda, magbabalut, o dumiskarte sa kalsada. Dating may tiyak na sinasahod, subalit ngayon ay kumikita na lang sa diskarte sa araw-araw. Noong nasa pabrika pa sila, bagamat kontraktwal, ay may regular na sahod sa loob ng limang buwan nilang kontrata. Ngayong natapos na ang kontrata at hindi na sila kinuhang muli ng kumpanya, wala na silang sahod.  Ang iba’y natutong mamasada ng traysikel o dyip. Hanggang nagtungo sa kanila ang isang dating katrabaho, si Igme,  upang hingan ng tulong sa kampanya para sa pagtaas ng sahod.

Nagtanong si Inggo, “Kasamang Igme, wala na kaming regular na trabaho ngayon, kaya wala na rin kaming regular na sahod. Kumikita na lang kami sa pabarya-baryang diskarte sa kalsada. Ako nga ay naglalako na lang ng mani sa araw at penoy-balot at tsitsarong bulaklak sa gabi. Bakit sasama ako sa pangangampanya at pagkilos para sa dagdag-sahod gayong wala na akong sweldo? Pasensya na. Di ko lang maintindihan.”

Sumabad naman si Isay, katabi ang katsikahang si Ines, na dati ring katrabaho ni Igme, “Ako rin ay nahihiwagaan. Dapat ilinaw sa amin ang panawagang iyan. O baka dahil wala nang manggagawang sumasama sa pagkilos ninyo ay yaong mga hindi na manggagawa ang napapakiusapan ninyong sumama sa laban na iyan? Ano ba talaga, Igme?”

Sumagot naman si Igor na kasama ni Igme sa pangangampanya para sa dagdag-sahod. “Hindi naman sa ganoon, Isay. Sa totoo lang, ang laban sa sahod ng mga manggagawa ay laban din ng maralita. Alam n’yo kung bakit? Pag tumaas ang sahod ng mga manggagawa, may sapat na siyang pambili ng pangangailangan. Kanino naman karaniwang bumibili ang mga manggagawa, kundi sa mga vendor na katulad ninyo, sa kagaya nating maralitang nabubuhay ng marangal. Kaya iikot ang ekonomiya natin dahil sa ating pag-uugnayan. Isa pa, umuuwi ang mga manggagawa sa komunidad ng maralita. Iisa lang ang ating interes, ang guminhawa ang buhay nang walang pinagsasamantalahan, walang inaapakan, walang kaapihan, at walang pagsasamantala ng tao sa tao.  Sino pa bang magtutulungan kundi tayong walang pribadong pag-aari kundi  ang ating lakas-paggawa.”

“Sabagay, tama ka naman, Igor. Isa rin iyan sa napag-aralan namin noon sa pabrika. May polyeto ba kayong dala?” Sabi ni Aling Isay. 

Sumagot si Igme, “Meron. Mungkahi ko, magpatawag na tayo ng pulong upang masabihan ang mga kapitbahay hinggil sa isyu ng sahod at nang maipaunawa sa kanilang kahit tayo’y maralita ay laban din natin ang laban ng manggagawa, lalo na sa isyu ng sahod! Magandang ipatampok ang usaping magkakauri tayo, hindi burges, hindi kapitalista, kundi KAURI! Mungkahi ko, sa araw ng Linggo, ikalawa ng hapon, ay magdaos dito ng pulong dahil narito ang mga manggagawa.”

Kumasa sina Isay. “Sige, sa pulong sa Linggo, dadalo kami.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo 1-15, 2024, pahina 18-19.

Ang sining ng digma

ANG SINING NG DIGMA

may aklat akong Art of War ni Sun Tzu
pati Book of Five Rings ni Miyamoto
Musashi, ang On War in Karl Von Clauswitz
at may koleksyon din ng mga tula
noong World War One, sadyang binasa ko
pati na ang Limang Silahis ni Mao
at ngayon, akin pang naaalala
ang tatlong panuntunang disiplina
pati na walong punto ng atensyon
bawat tibak na Spartan ay alam
lalo't marahas ang mga kalaban
na mapang-api't mapagsamantala
habang patuloy ang pakikibaka
habang makauring misyon ang tangan

- gregoriovbituinjr.
07.14.2024

* larawan mula sa app game na Word Connect

Biyernes, Hulyo 12, 2024

Sinong pipigil?

SINONG PIPIGIL?

kung walang nagbabasa sa akin
sinong sa pagtula ko'y pipigil
ang bawat isyu ay papaksain
tutula ako ng walang tigil

nais ni amang ako'y mag-aral
ng inhinyero sa pamantasan
nais ko namang tula'y maaral
upang maging makata ng bayan

nais ni inang ako'y magtapos
at itayo'y sariling negosyo
ngunit iba'y ginawa kong lubos
ang tumulong sa dukha't obrero

pag pinatula ako sa rali
entablado ko na'y ang lansangan
makata man, ako'y nagsisilbi
sa api't pinagsamantalahan

- gregoriovbituinjr.
07.12.2024

Huwebes, Hulyo 11, 2024

Di na lang antas-dalo

DI NA LANG ANTAS-DALO

tapos na ako sa panahong antas-dalo
di tayo flower base lang, aking napagtanto
sa anumang pagkilos na kasama tayo
di maaaring nakatunganga lang ako

may isang rali na ako'y nabugbog naman
isang kakilala ang ako'y pinayuhan
ang sabi niya, "huwag ka kasi sa front line!"
ano ako, tuod? doon lang sa likuran?

di tayo dumadalo upang pamparami
kundi tiyaking naroon tayong may silbi
sa samahan, bayan, ngunit di pahuhuli
nais ko'y may tangan laging plakard sa rali

ayokong dadalo lang at nakatunganga
na sa isyu't usapin ay natutulala
kung may matututunan ay pupuntang sadya
upang pagtingin sa isyu'y maisadiwa

minsan, sa mga forum naiimbitahan
ayos lang dumalo't may napag-aaralan
ngunit ngayon, ayokong antas-dalo na lang
kundi may naiaambag sa talakayan

noong kabataan ko'y antas-dalo lagi
nabatid na trapo'y di dapat manatili
kaya nais kong tumulong upang magwagi
ang dukha't manggagawa sa laban ng uri

- gregoriovbituinjr.
07.11.2024

Biyernes, Hulyo 5, 2024

Ang esensya ng buhay

ANG ESENSYA NG BUHAY

anong esensya ng buhay? / bakit ako aktibista?
ang pagpapayaman nga ba / sa buhay itong esensya?
maging makapangyarihan / sa bansa't sa pulitika?
esensya na ba ng buhay / pag marami ka nang pera?

ako'y naging aktibistang / may prinsipyong tinataglay
sapagkat sa nangyayari / sa mundo'y di mapalagay
adhika kong makatulong / sa nahihirapang tunay
sa ganyan ko nakikita / ang esensya ko sa buhay

kahit gaano karami / ang yaman ko't pag-aari
kung nakuha ko lang ito / sa paggawa ng tiwali
sinayang ko ang buhay kong / sira ang dangal o puri
na nabubuhay sa mali't / sa tanang pagkukunwari

aanhin kong nakatira / sa mansyon man o palasyo
kung kapwa ko maralita'y / hinahamak pa ring todo
kung kapwa ko manggagawa'y / lagi nang iniinsulto
habang wala akong kibo / na dapat kumibo ako

ako'y pipikit na lang bang / marami'y kinakawawa
alam kong may inaapi 'y / di na lang magsasalita
anong klaseng tao ako / na kapwa'y binalewala
di ako paparis diyan / sa mga tuso't kuhila

kaya ako aktibista / dahil dito ko nagagap
ang esensya nitong buhay / at sa lipunang pangarap
may pagkakapantay-pantay, / bawat isa'y lumilingap
na tumutulong sa kapwa / at di lilo't mapagpanggap

subalit di kawanggawa / ang adhika kong pagtulong
kundi bulok na sistema'y / nagkakaisang ibaon
sa hukay ng mga gutom / at sama-samang ituon
ang lakas sa pagtatayo / ng lipunang sinusulong

- gregoriovbituinjr.
07.05.2024

Ang tatak sa poloshirt

ANG TATAK SA POLOSHIRT

"Nagkakaisang Lakas"
ay "Tagumpay ng Lahat!"
sa poloshirt ay tatak
ito'y nakagaganyak

upang ako'y kumilos
kahit madalas kapos
sa buhay na hikahos
naghahandang makalos

ang bulok na sistema
habang inaasam na'y
panlipunang hustisya
para sa aping masa

gabay na't inspirasyon
sa pagkilos ko't layon
ang natatak na iyon
upang tupdin ang misyon

- gregoriovbituinjr.
07.05.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos tungong Mendiola, 06.12.24

Miyerkules, Hulyo 3, 2024

Hinagpis ng masa

HINAGPIS NG MASA

madalas, ang masa'y naghihinagpis
sa maraming problemang tinitiis
bahay ng maralita'y inaalis
buhay ng manggagawa'y tinitiris

paghihinagpis ba'y palaisipan
dukha'y laksa't mayaman ay iilan
kayraming hirap at pinahirapan
ng sistemang tadtad sa kabulukan

ang malupit at mapagsamantala
ay dapat lamang talunin ng masa
lalo't elitista't kapitalista
ang yumuyurak sa dignidad nila

ah, di tayo dapat maghinanakit
sa mga trapo't burgesyang kaylupit
sa masa, halinang magmalasakit
upang karapatan nila'y igiit

halina't magpatuloy sa pagkilos
at maghanda sa pakikipagtuos
sa mga sakim at mapambusabos
upang sistemang bulok na'y matapos

- gregoriovbituinjr.
07.03.2024