Linggo, Agosto 18, 2024

Mag-inang natutulog sa bangketa

MAG-INANG NATUTULOG SA BANGKETA

natutulog sa bangketa silang mag-ina
na habang lulan ng dyip ay aking nakita
kalsada na ba ang tahanan ng pamilya
dahil ba sa hirap ay doon na tumira?

pasimple ko silang kinunan ng litrato
sa kanila'y walang magawa ang gobyerno?
kundi bigyan ng limos o ayuda ito?
imbes na paalwanin ang buhay ng tao?

bakit walang magawa ang pamahalaan?
sa mga naghihirap nating mamamayan?
silang mga matakaw sa kapangyarihan
na nais lang gawin yata'y katiwalian!

dahil utak negosyante ang namumuno
na nais lang mangyari'y paano tumubo
serbisyo'y ninegosyo ng trapong hunyango
gayong "pinuno" silang di dapat maupo

pag daw maraming pulubi sa isang bansa
ang gobyerno raw nila'y walang ginagawa
gobyernong walang paki sa buhay ng dukha
ay dapat sama-samang ibagsak ng madla

- gregoriovbituinjr.
08.18.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa Roces Avenue sa Lungsod Quezon, Agosto 16, 2024

Sabado, Agosto 17, 2024

Mag-isang nagdiriwang

MAG-ISANG NAGDIRIWANG

kalmado lang akong umiinom
ng Red Horse dito sa munting silid
pangatlong dekada'y nilalagom
katapatan ko'y di nalilingid

tatlong dekada na sa lansangan
tatlumpung taon na ng pag-iral
na yaring puso't diwa'y nahinang
sa pagbaka kahit napapagal

ah, sino kayang mag-aakala
sa dami ng dinaanang sigwa
sa rali'y ilang beses nadapa
narito pa ring lapat sa lupa

patalim man, balaraw o baril
sa pagbaka'y walang makapigil
hangga't prinsipyo'y nakaukilkil
tibak na makata'y walang tigil

- gregoriovbituinjr.
08.17.2024

Agosto 17, 1994

AGOSTO 17, 1994

iyan ang petsa noong ako'y tanggapin nang ganap
at sumumpang sa masa't uri'y maglingkod ng tapat
ilang taon na akong tibak bago pa matanggap
petsang iyan ang birthday ko sa prinsipyong akibat

ngayong araw ay ikatlong dekada nang Spartan
pagbati sa sarili'y "Maligayang Kaarawan!"
patuloy lang sa tungkuling niyakap kong lubusan
tangan ang prinsipyo maging kapalit ay buhay man

patuloy sa pakikibaka, tuloy ang pagkatha
bilang Spartan, bilang atleta, bilang makata
bawat tula'y tulay ko sa paglilingkod sa dukha,
babae, vendor, bata, magsasaka, manggagawa

ah, tatlong dekada na nga ako sa araw na 'to
madalas, ipinagdiriwang ko ito ng solo
ngayon, isang tagay para sa iyo, katoto ko
sa samboteng serbesa'y magtig-isang baso tayo

- gregoriovbituinjr.
08.17.2024

Huwebes, Agosto 15, 2024

Sigaw ng Taumbayan: Sweldo ng Mambabatas, Bawasan!

SIGAW NG TAUMBAYAN: 
SWELDO NG MAMBABATAS, BAWASAN!

sa isang artikulong showbiz sa Bulgar na pahayagan
ay nakapukaw agad ng pansin ang pamagat pa lamang:
"Sigaw ng Madlang Pipol: Sweldo ng Mambabatas, Bawasan!"
showbiz ngunit pulitikal ang laman, aba'y kainaman

artista kasi ang asawa ng pinuno ng Senado
kaya nga pinupusuan na rin ng showbiz si Heart mismo
local holidays ay nais bawasan ni Chiz Escudero
kayrami raw holidays sa bansa, dapat bawasan ito

sagot ng madla: Ang bawasan n'yo'y sweldo ng mambabatas!
ang mababawas ay ilagay sa bawat kilo ng bigas
baka mapababa rin ang presyong pataas ng pataas
bumaba ang presyo ng kamatis, galunggong at sardinas 

iparehas ang sweldo ng mambabatas sa manggagawa
minimum wage plus seven hundred fifty pesos, ipasa nga!
mambabatas sana'y pakinggan ang panawagan ng madla
at ipakita nilang sila'y tunay na kumakalinga

- gregoriovbituinjr.
08.15.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Agosto 14, 2024, p.7

Miyerkules, Agosto 14, 2024

Yes sa wage increase!

YES SA WAGE INCREASE!

sa tanong nilang "Pabor ka ba sa wage increase?"
OO ang sagot ng obrerong mapagtiis
HINDI sa kapitalistang mapagmalabis
at HINDI rin sa negosyanteng mapantikis

anong klaseng tanong iyan? nakamumuhi!
pinakita lang nilang wala silang budhi
sa kayod-kalabaw na manggagawa kundi
ang mga tusong negosyante'y ipagwagi

kung obrero ka't nag-HINDI, aba'y gago ka!
tataasan ka na ng sahod, ayaw mo pa?!
kung kapitalista kang nag-OO, santo ka
lalamunin ka ng ibang kapitalista

tanga lang ang aayaw sa umentong iyon
kung obrero kang sa hirap at utang baon
kaya bakit Wage Board iyan ay itinanong
sila nga ba'y makakapitalista't buhong?

kapitalista'y palamunin ng obrero
kaya may tubo dahil sa nagtatrabaho
tengga ang pabrika kung wala ang obrero
panahon nang taasan ang kanilang sweldo

- gregoriovbituinjr.
08.14.2024

Lunes, Agosto 12, 2024

Edukadong nagnanakaw sa bayan?

EDUKADONG NAGNANAKAW SA BAYAN?

tanong: "Kung edukasyon ang sagot sa kahirapan
ay bakit edukado ang nagnanakaw sa bayan?"
sa isang pader ay malaking sulat ng sinuman
tanong iyong marahil ay di na palaisipan

dahil talamak ang katiwalian sa gobyerno
kung saan naroon ang mga lider-edukado
nasa poder ng kapangyarihan ang mga tuso
na pag-aaring pribado sa kanila'y sagrado

ah, naging edukado ba sila upang salapi
sa kabang bayan ay kanilang maging pag-aari?
bakit ba pawang edukado ang mga tiwali?
na sa pwesto'y nagkamal ng pribadong pag-aari

bakit ba edukado ang nagnanakaw sa bayan?
silang mga dahilan ng sukdulang karukhaan!
paumanhin po kung aming pinaniniwalaan:
pribadong pag-aari ang ugat ng kahirapan!

kung mga ito'y tatanggalin sa kanilang kamay
tulad ng lupang dapat ay pakinabangang tunay
tiyak mawawala ang ganid sa kanilang hanay
at may bagong umagang sa daigdig ay sisilay

- gregoriovbituinjr.
08.12.2024

* litrato mula sa google

Makiisa sa Laban ng Tsuper ng UP Community

MAKIISA SA LABAN NG TSUPER NG UP COMMUNITY

upang magpagawa ng dyaryong Taliba'y nagtungong UP
mula Cubao-Philcoa, sumakay ng dyip biyaheng UP
may paskil sa tatangnan ng dyip na ito ang sinasabi:
"Makiisa sa Laban ng Tsuper ng UP Community"

kaya ang panawagang iyon ay agad kong binidyuhan
upang maibahagi ko sa kapwa natin mamamayan
tagos sa aking puso't diwa ang kanilang panawagan
na dapat tayong lumahok upang ipagwagi ang laban

bagamat wala mang paliwanag sa kanilang polyeto
panawagan iyon sa tulad nating karaniwang tao
lalo't mga tsuper ay kauri, manggagawa, obrero
kausapin lang sila upang mabatid natin ang isyu

di dapat mawalan ng trabaho o ng pinapasada
ang mga tsuper dahil modernisasyon ang polisiya
halina't kampihan ang pinagsasamantalahang masa
kaya ating dinggin ang daing at pinaglalaban nila

- gregoriovbituinjr.
08.12.2024

* binidyo ng makatang gala noong Sabado, Agosto 10, 2024, habang nakasakay ng dyip biyaheng UP Philcoa
* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://fb.watch/tVdIKRY2lk/ 

Huwebes, Agosto 8, 2024

3,000 ektarya ng WPS, naangkin na ng China

3,000 EKTARYA NG WPS, NAANGKIN NA NG CHINA

isa iyong matinding balitang ating nakalap
tatlong libong ektarya natin ay naangking ganap
ng China, anong salitang iyong maaapuhap
pag ganyang balita'y nabasa mo, iyo bang tanggap?

ganyan daw kalaki ang inaangking teritoryo
ng China sa West Philippine Sea, gera na ba ito?
subalit ano nang gagawin ng ating gobyerno?
magpapadala ba roon ng pulis at sundalo?

Panganiban Reef, Mabini Reef, Subi Reef, sakop na
at pinagtayuan ng base militar ng Tsina
tatlo lang iyan, siyam ang EDCA ng Amerika
Pinas ay pinag-aagawan ng Oso't Agila

may kasaysayan ang Vietnam na dapat aralin
nang Pransya at Amerika ay kanilang talunin
mamamayan nila ang may misyon at adhikain
nang walang tulong ng dayuhan, na dayo'y gapiin

ganyan sana, sama-sama ang mamamayan, madla
na talunin ang U.S. at Tsina sa ating bansa
talunin din ang kababayang burgesya't kuhila
at itayo ang lipunan ng uring manggagawa

- gregoriovbituinjr.
08.08.2024

* ulat mula sa headline at pahina 2 ng pahayagang Pilipino Star Ngayon, Miyerkules, Agosto 7, 2024

Huwebes, Agosto 1, 2024

Ang mahabang paglalakad

ANG MAHABANG PAGLALAKAD

ang mahabang paglalakad / ay sadyang nakakapagod
ngunit kung sa bawat hakbang / ay may itinataguyod
na isyu ng dukha, masa, / klima, ako'y nalulugod
tulad na lang ng Climate Walk, / ah, di ako mapapagod

sasamahan ko rin pati / nagmamartsang magsasaka
maging mga katutubong / hustisya ang ninanasa
na ang lupaing ninunong / ipinaglalaban nila
ay maipagtagumpay na't / karapata'y makilala

patuloy ako sa lakad / at tatahakin ang landas
daan mang masalimuot, / bawat gubat ma'y may ahas
tag-init man o tag-ulan / o sa panahong taglagas
pangarap ay aabutin, / may bungang sana'y mapitas

parang si Samwel Bilibit / na sa lakad ay patuloy
lakad lang ako nang lakad / nang walang paligoy-ligoy
at magtatanim ng binhi / sa lupa, di sa kumunoy
upang lumago't mamunga, / mukha man akong palaboy

kahit nakakapagod man / ang paglalakad na ito
ay magpapatuloy pa rin / tungo sa pupuntahan ko
ang pagkabigo't pagsuko'y / wala sa bokabularyo
tanging kamatayan lamang / ang pipigil sa tulad ko

- gregoriovbituinjr.
08.01.2024

Upang magwakas ang kahirapan

UPANG MAGWAKAS ANG KAHIRAPAN

"But kings and mightiest potentates must die,
for that's the end of human misery."
~ from Henry VI, by William Shakespeare

sinulat na noon ni Shakespeare ang katotohanan
dapat elistista't burgesya'y mawalang tuluyan
nang magwakas ang pagsasamantala't kaapihan
na dinaranas ng sinuman at ng aping bayan

aniya, patayin ang mga trapo, hari't pari
silang nagpapasasa sa pribadong pag-aari
silang dahilan ng hirap ng inaaping uri
silang mapagsamantala'y sadyang kamuhi-muhi

ngunit may batas silang mga mapagsamantala
korte, senado, kongreso, pulis, ay kontrol nila
pati iyang simbahan, paaralan, at masmidya
upang mamamayang inaapi ay di mag-alsa

kaya dapat tayong kumilos tungong rebolusyon
upang mapagsamantalang uri'y mawala ngayon
kung nais nating mawala ang kahirapang iyon
dapat tigpasin ang ulo ng naghaharing leyon

baligtarin ang tatsulok, kalusin silang todo
salamat, William Shakespeare, at nauunawaan mo
gamit ang panitikan, sinulat mo ang totoo
kaya tulad kong makata sa iyo ay saludo

- gregoriovbituinjr.
08.01.2024