Lunes, Setyembre 30, 2024

Pagsusunog ng kilay

PAGSUSUNOG NG KILAY

"The first duty of a revolutionary is to be educated." ~ Che Guevara

nagsusunog pa rin nitong kilay
upang pagsusuri ko'y humusay
maraming inaaral na tunay
samutsaring paksang naninilay

di lang sa eskwela makukuha
ang mga natutunan ng masa
ang dunong at pag-aanalisa
ay sa paligid din makikita

tayo'y magbasa ng dyaryo't aklat
kayraming isyung mahahalungkat
na makatutulong din ng sukat
upang mahasa't makapagmulat

ika nga, una nating tungkulin
ay matuto ng laksang aralin
lalo't sistema'y nais baguhin
nang lipunang makatao'y kamtin

- gregoriovbituinjr.
09.30.2024

Huwebes, Setyembre 26, 2024

Mula sinapupunan hanggang hukay

MULA SINAPUPUNAN HANGGANG HUKAY

sa aking ugat ay nananalaytay
ang dugong bayani ngunit may lumbay
dapat na mayroong pagkakapantay
mula sinapupunan hanggang hukay

kaya patuloy kaming nangangarap
ng isang sistemang di mapagpanggap
kundi lipunang walang naghihirap
pagkat ginhawa na'y danas nang ganap

kaibigan, maaari ba nating
sabay-sabay na ito'y pangarapin
ang pagsasamantala'y gagapiin
at lipunang may hustisya'y kakamtin

kaya ipaglaban nating totoo
maitayo'y lipunang makatao
may pagkakapantay-pantay ang tao
at walang sinumang api sa mundo

- gregoriovbituinjr.
09.26.2024

Sabado, Setyembre 14, 2024

Sa ikatatlumpu't isang anibersaryo ng BMP

SA IKA-31 ANIBERSARYO NG BMP

bumabating taospuso't taas-kamao
sa ikatatlumpu't isang anibersaryo
ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino
tuloy ang laban, kasama, mabuhay kayo!

magpatuloy tayo sa misyon at adhika
na pagkaisahin ang uring manggagawa
kumikilos tayo sa layuning dakila
na bulok na sistema'y wakasan nang sadya

pangarap na sistema'y walang hari't pari
walang tusong kapitalista't naghahari
di na iiral ang pribadong pag-aari
na dahilan ng pagkaapi nitong uri

sulong, itayo ang sosyalistang lipunan
na walang elitista't burgesyang gahaman
lipunang walang pinagsasamantalahan
at umiiral sa bansa ang katarungan

- gregoriovbituinjr.
09.14.2024

Martes, Setyembre 10, 2024

Ano raw propesyon ko?

ANO RAW PROPESYON KO?

nag-fill up the form ako doon sa dentista
subalit natigilan ako sa tanong na -
profession: inhinyero, doktor, abogado
empleyado, guro, hardinero, bumbero

architect, baker, chief executive officer
accountant, art director, chef, civil engineer
tanong ni Leonidas, "what is your profession?"
"Ahu! Ahu!" tatlong daang kawal tumugon 

nais ko lang namang magpapasta ng ngipin
pagsagot sa form ay akin pang iisipin
doon sa others, ang naisagot ko na lang
ay writer, imbes na aktibistang Spartan

ano nga bang propesyon ko? full time activist
di engineer, actor, chef, o data analyst
pastahan kaya ako pag iyon ang sagot?
o pag nagsabi ng totoo'y malalagot?

- gregoriovbituinjr.
09.10.2024

Sabado, Setyembre 7, 2024

Nais ko'y kalayaan

NAIS KO'Y KALAYAAN

nais ko'y kalayaan
ng bayan, uri't masa
laban sa kaapihan
at pagsasamantala
ng kuhila, gahaman
at tiwaling burgesya
ang aming panawagan:
baguhin ang sistema

aming pinapangarap
ang paglaya ng tao
laban sa pagpapanggap
ng dinastiya't trapo
pinairal nang ganap
negosyo, di serbisyo
silang di nililingap
ang dalita't obrero

nais ko'y kalayaan
ng uring manggagawa
palayain ang bayan
lalo ang mga dukha

- gregoriovbituinjr.
09.07.2024

Pagbaka para sa alternatiba

PAGBAKA PARA SA ALTERNATIBA

tadtad na ng pagsasamantala
at laksang kaapihan ang masa
dahil din bulok na ang sistema
marapat lang may alternatiba

laksa-laksa ang nahihirapan
habang may bilyonaryong iilan
di lang ang kalaban ay dayuhan
kundi mga tusong kababayan

ugat ay pribadong pag-aari
kaya mapang-api'y nagwawagi
dapat ibagsak ang hari't pari
nang paghahari'y di manatili

dapat mayroong pagkakapantay
ng kalagayan ng ating buhay
walang mayaman o dukhang tunay
kundi nililingap tayong sabay

kaya sistema'y dapat baguhin
pagpapakatao'y pagyamanin
pakikipagkapwa'y pairalin
alternatibang sistema'y kamtin

- gregoriovbituinjr.
09.07.2024

Lunes, Setyembre 2, 2024

Edgar Jopson

EDGAR JOPSON
(Setyembre 1, 1948 - Setyembre 21, 1982)

matanda si Dad ng pitong taon kay Edjop
trese anyos ako nang mapatay si Edjop
pareho kaming taga-Sampaloc, Maynila
napakabata ko noong siya'y mawala
anang ulat, siya'y binaril nang tumugis
ang kasama niya'y nakawalang mabilis

bata pa lang ay alam ko na iyang Jopson
di si Edjop, kundi groserya nila noon
minsan, sa Jopson supermarket sa Bustillos
kami ni ama namimili pagkatapos
naming magtungo sa simbahan ng Loreto
panahong nasa elementarya pa ako

tulad ni Edjop, ako'y naging aktibista
na animo'y sumusunod sa yapak niya
gawain ko'y magsulat, bumanat, magmulat
makauring prinsipyo'y ikalat sa lahat

Edgar Jopson, taaskamaong pagpupugay
dapat pangarap nati'y maipagtagumpay
asam na lipunang makatao'y matayo
at sa ipinaglalaban ay di susuko

- gregoriovbituinjr.
09.02.2024

* ang litrato ay selfie ng makatang gala sa loob ng Bantayog ng mga Bayani, ilang taon na ang nakararaan