Linggo, Hulyo 27, 2025

Ang misyon

ANG MISYON

mabigat ang misyon ng mga tibak na Spartan
buhay na'y inalay upang baguhin ang lipunan
nang kamtin ng bayan ang asam na kaginhawahan
at pagkakapantay, walang dukha, walang mayaman

hindi sila rebelde, kundi rebolusyonaryo
di man naapi, sa api'y nakiisang totoo
pinag-aralan ang lipunan, kalakaran nito
primitibo komunal, alipin, piyudalismo

ang kapitalismo sa kasalukuyang panahon
ay bulok na sistemang dapat nang kalusin ngayon
pangarap ay pantay na lipunan anuman iyon
magpakatao, walang pagsasamantala roon

ngunit niyakap nilang misyon ay di imposible
kung sama-sama ang mga manggagawa, pesante
maralita, vendor, kabataan, bata, babae
lalo na't nagkakaisang diwa, kilos, diskarte

mabigat ang misyon pagkat para sa santinakpan
na pinag-aalsa ang pinagsasamantalahan
niyayakag itayo ang makataong lipunan
para sa bukas ng salinlahi't sandaigdigan

- gregoriovbituinjr.
07.27.2025

Miyerkules, Hulyo 23, 2025

Sino ang mabuting tao?

SINO ANG MABUTING TAO?

yaon bang pagiging mabuting tao
ay parang mabuting Samaritano?
tulad ba ng sabi ni Mayor Vico?
di tulad ng mga salbaheng trapo?

sakaling nagtagumpay ka't yumaman
ngunit mayroon namang naapakan
sa mahihirap ay walang paggalang
masasabi bang matagumpay iyan

tulad nitong mga kapitalista
na tinitingnang mapagsamantala
sweldo'y kaybaba ng obrero nila
obrerong nagpaunlad sa pabrika

mataas nga ang kinita mo't sahod
subalit manggagawa mo'y hilahod
kabutihan ba rito'y mahahagod
sitwasyong ito ba'y nakalulugod

iskwater pa rin ang maraming dukha
artistang sumikat pala'y sugapa
halal na trapo pala'y dalahira
ang mabuting tao ba'y sinong sadya

- gregoriovbituinjr.
07.23.2025

* litrato mula sa dyaryong Philippine Star

Sa SONA

sa SONA
itsura
baha ba?
wala na?

sa SONA
problema
lutas ba?
lubog na?

sa SONA
kakanta
trapo na
wa wenta?

ay, SANA
sa SONA
ang masa
okay pa

- gbj
07.23.2025

* litratong kuha ng makatang gala sa Commonwealth Avenue na kadalasang nilalakad ng masa patungo sa SONA

Huwebes, Hulyo 17, 2025

Kayrami pang digmang kakaharapin

KAYRAMI PANG DIGMANG KAKAHARAPIN

kayrami pang digmang kakaharapin
kayrami pang dagat na tatawirin
kayrami pang bundok na aakyatin
kayrami pang nobelang susulatin

ano nga ba ang aking magagawa
sa kinaharap na krisis at sigwa
gayong isa lang tibak na makata
naritong madalas na naglulupa

gayong simpleng pamumuhay lang naman
ang nais ng aking puso't isipan
nais ko'y kaginhawahan ng bayan
makibaka di para sa iilan

subalit darating din ang panahon
mga api na'y magrerebolusyon
habang nagbabangga ang mga alon
at kumaripas ng takbo ang leyon

- gregoriovbituinjr.
07.17.2025

Biyernes, Hulyo 11, 2025

Sa kabila ng lahat

SA KABILA NG LAHAT

sa kabila ng lahat, patuloy pa ring kikilos
upang sa trapo't sistemang bulok makipagtuos

sa kabila ng lahat, patuloy pa ring kakatha
ng mga makabuluhang sanaysay, kwento't tula

sa kabila ng lahat, patuloy ang pag-aaral
di man sa eskwela ay sa pagbabasa ng aklat

sa kabila ng lahat, patuloy din sa paglinang
ng bukirin ng kaalaman sa malayong ilang

sa kabila ng lahat, patuloy ang paglalakad
bakasakaling nakatagong paksa'y magalugad

sa kabila ng lahat, patuloy na magkukwento
upang maisiwalat ang nalilingid sa mundo

sa kabila ng lahat, patuloy akong tatahak
sa mga tiwangwang upang taniman ang pinitak

sa kabila ng lahat, ako'y naririto pa rin
ganap na haharapin anumang alalahanin

- gregoriovbituinjr.
07.11.2025

Huwebes, Hulyo 10, 2025

Pilipino, Palestino

PILIPINO, PALESTINO

oo, isa akong Pilipino
nakikiisa sa Palestino
na nakikibaka ngang totoo
upang paglaya'y makamtan nito

Pilipino, Palestino, tugma
nais kamtin ang sariling lupa
Palestino, Pilipino, tula
nakikibaka, dugo'y sariwa

sigaw: mula ilog hanggang dagat
Palestno'y lalaya ring lahat
sa paglaban sila na'y namulat
sana kanilang dugo na'y sapat

upang mananakop na'y magapi
upang susunod na salinlahi
ay bagong mamamayan ng lipi
kapayapaan na'y maghahari

- gregoriovbituinjr.
07.10.2025

* litrato mula sa google

Sabado, Hulyo 5, 2025

Walang pagod sa pagkilos

WALANG PAGOD SA PAGKILOS

walang pagod pa rin sa pagkilos
ang tulad kong makatang hikahos
nakikibaka pa rin ng taos
kikilos kahit walang panggastos

basta lang tula pa rin ng tula
ang prinsipyado't abang makatâ
paksa'y dukha't problema ng bansa
at kasanggang uring manggagawa

tuloy ang pagkilos sa kalsada
patuloy pa ring nakikibaka
asam ay makamtan ang hustisya
para sa obrero't aping masa

puso'y maalab, kapara'y apoy
nadarama ma'y hirap at kapoy
pasan man ay mabigat na kahoy
pagkilos dapat ay tuloy-tuloy 

- gregoriovbituinjr.
07.05.2025

Huwebes, Hulyo 3, 2025

Pahimakas kay kasamang Rod

PAHIMAKAS KAY KASAMANG ROD
(binigkas ng makatang gala sa pugay-parangal)

sa iyo, kasama, pagpupugay
sa pagpapatibay mo ng hanay
sa adhikaing lipunang pantay
para sa masa, misyon mo'y lantay

ating kasamang Rod Guarino
mahusay makitungo sa tao
kasama ng guro, prinsipyado
organisador siyang totoo

naging secgen namin sa BMP
naging pangulo namin sa XD
organisador pa ng TDC
at sa Ating Guro pa'y nagsilbi

salamat sa lahat ng nagawa
pinaglaban ang isyu ng madla
kasangga ng uring manggagawa
kaisa ng guro't maralita 

pakikibaka ang ibinunsod
ng pagkilos mo at paglilingkod
ginhawa ng masa'y tinaguyod
taasnoong pagpupugay, Ka Rod

- gregoriovbituinjr.
07.03.2025

* BMP - Bukluran ng Manggagawang Pilipino
* XDI - Ex-Political Detainees Initiative
* TDC - Teachers Dignity Coalition 
* Ating Guro party list