niyakap ko nang panuntunan bilang aktibista
sa loob ng nagdaang higit dalawang dekada
ang simpleng pamumuhay, puspusang pakikibaka
para sa karapatan at panlipunang hustisya
panuntunang yakap-yakap ng buong puso't diwa
upang makapaglingkod sa manggagawa'y dalita
upang maging bahagi ng hukbong mapagpalaya
upang makiisa rin sa bawat laban ng madla
nais kong ipakita ang buo kong katapatan
sa prinsipyo't adhika ng niyakap kong kilusan
kaya nag-oorganisa ng masa kahit saan
nagsusulat, kumakatha para sa uri't bayan
puspusan ang pakikibaka't simpleng pamumuhay
habang nagpopropaganda, tula man o sanaysay
na tinitiyak ang linya at direksyon ng hanay
sa mga kasama, tuloy ang laban, pagpupugay
- gregbituinjr.
07.20.2020
Lunes, Hulyo 20, 2020
Pahimakas na tula para kay Ka Miles
Pahimakas na tula para kay Ka Miles
isang taas-kamaong pagpupugay kay Ka Milo
lider ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino
noon at nagsilbing sekretaryo heneral nito
magaling na lider, organisador, at obrero
dating estudyante sa Feati University
na tulad ko'y namulat bilang tibak sa Feati
magaling siyang magsuri, marahil pa'y cum laude
inalay ang buhay at sa uri't bayan nagsilbi
batikan siyang organisador ng manggagawa
matalisik magsulat ng mga isyu ng madla
malinaw, madaling unawain ang kanyang akda
bagamat malalim na puso't diwa'y tinutudla
minsan, nabalita sa dyaryo ang kanyang pangalan
na inaakusahang rebelde ng kapulisan
sumama ako, apat kami, puntang Caloocan
una'y sa presinto, di doon, kundi sa kulungan
ang hepe sa balita'y naroon, kausap nila
naiwan ako sa sasakyan, di na pinasama
matagal sila sa loob, buti't naayos nila
ang gusot na iyon, nangyaring aking naalala
sa tanggapan ng B.M.P.'y nakasamang matagal
pansin kong isang kamay niya'y laging nangangatal
minsan, nagkakasabay sa pagkain ng almusal
sa mga rali pag kasama siya'y tila Marcial
kay Ka Milo nga'y kapansin-pansin ang kanyang ngiti
natutunan sa kanya'y inaral ko ring masidhi
taos-pusong pasasalamat sa huling sandali
pagpupugay sa iyo, Ka Milo, hanggang sa muli

Sabado, Hulyo 11, 2020
Mananatili akong tibak hanggang kamatayan
mananatili akong tibak hanggang kamatayan
at tutupdin ang misyon at tungkuling sinumpaan
tungkuling atang sa balikat na di iiwasan
bagkus ay gagampanan ng buong puso't isipan
kaya bilang propagandista'y kakatha't kakatha
angking pilosopiya'y iparating sa madla
itaguyod ang prinsipyong tangan sa kapwa dukha
baguhin ang sistemang bulok ang inaadhika
bawat sanaysay, tula't pahayag ay nakatuon
tungo sa minimithi't inaasam na direksyon
sa paggapi sa mapagsamantala't mandarambong
at kamtin ang hustisyang panlipunang nilalayon
payak na pangarap lang iyan ng tulad kong tibak
itinanim na binhi'y uusbong din sa pinitak
isipin paanong bulok na sistema'y ibagsak
upang manggagawa't dukha'y di gumapang sa lusak

Huwebes, Hulyo 9, 2020
Ang katwiran ng bituka
Ang katwiran ng bituka
anila, binigyan na ng bahay ang maralita
nang sa iskwater at barungbarong daw makawala
subalit nang nasa relokasyon na'y biglang-bigla
ibinenta ang bahay, bumalik sa dating lupa
ang ibang nakakaalam ay napapailing lang
lalo't di maunawaan ng kinauukulan
bakit muling pumaroon sa dating karukhaan
di pa ba sapat ang pabahay nilang inilaan
kung tinanong muna nila ang mga maralita
kung bahay ba ang problema kaya mukhang kawawa
upang tamang kalutasan sa problema'y magawa
at di sila itaboy sa malayong parang daga
bakit sila mahirap, hanapin ang kasagutan
bakit bahay na binigay ay kanilang iniwan
pagkat di sapat ang bahay kung walang kabuhayan
kayhirap kung danasin ng pamilya'y kagutuman
sa pinagtapunan sa kanila'y walang serbisyo
mag-iigib sila sa sapa o malayong poso
walang kuryente kaya di makapanood dito
mabuti kung may maayos kang de-bateryang radyo
ospital ay kaylayo, paano pag nagkasakit
walang palengke, paano ka kaya magpapansit
wala ring masasakyan, maglalakad ka sa init
sa daang baku-bako, pawis mo'y tiyak guguhit
walang paaralan, saan mag-aaral ang anak
malayo ang bayan, kilo-kilometrong di hamak
tila kayo dagang sa relokasyon itinambak
may pabahay nga, ngunit gagapang naman sa lusak
makakain ba nila ang ibinigay na bahay
di sapat ang may tahanang doon ka humihimlay
paano kung pamilya'y magutom, doon mamatay
kaya unahin ang katwiran ng bitukang taglay
mabuting may makakain, tahanan mo ma'y dampa
ang pamilya'y di magugutom, di kaawa-awa
dapat lagi kayong busog upang di namumutla
kahit bumalik sa iskwater na kasumpa-sumpa
iskwater kasi'y masakit sa mata ng mayaman
at ito'y inayunan naman ng pamahalaan
dahil daw walang bahay, bahay din ang kalutasan
di nakurong dapat unahin ang kalam ng tiyan
tinawag silang mahihirap dahil hirap sila
tinawag silang dukha dahil walang-wala sila
walang pribadong pag-aari, sarili lang nila
di bahay ang problema, kundi kakainin nila
busog kung may pagkukunan lang ng ikabubuhay
ito ang sa pamahalaan ay dapat manilay
at kung may trabahong sapat, di problema ang bahay
mabibili pa ang pagkaing may sustansyang taglay
ang katwiran ng bituka'y huwag balewalain
sa batas at patakaran, ito'y laging isipin
at sa relokasyon, di dapat mahal ang bayarin
ibatay sa kakayahan ng naninirahan din
pabahay, ikabubuhay, serbisyong panlipunan
sa mga negosasyon ay magkasamang tandaan
tatlong sangkap upang maralita'y di magbalikan
sa dating tirahang sa kanila'y pinag-alisan
- gregbituinjr.
07.09.2020
Maikling kwento: Pagdaluhong sa karapatan
Pagdaluhong sa karapatan
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
Hulyo 1, 2020
"Alam nyo, naulit na naman pala ang nangyari kay Winston Ragos, iyon bang sundalong sinita ng limang pulis noong Abril at binaril ng walang laban ng isang pulis," sabi ni Mang Kulas na naggugupit sa barberya.
"Oo nga, Mang Kulas. Narinig ko rin sa balita kanina," sabi ng estudyanteng si Roberto na ginugupitan ni Mang Kulas.
"Bakit? Anong nangyari? Hindi ko yata narinig sa radyo kanina..." sabat naman ni Mang Lando na isa ring barbero.
"Aba'y pinagbababaril ng mga pulis ang apat na sundalo ng walang laban. Nangyari sa Sulu. Isang major, isang kapitan, at dalawa pang sarhento ang pinaslang, ayon sa balita. Galit na galit nga ang pamunuan ng Philippine Army. Rubout daw," paliwanag ni Mang Kulas.
"Grabe na talaga ang nangyayari sa bayan natin. Sundalong walang laban pa ang pinaslang ng mga pulis. Tapos, sasabihin, nanlaban. Kung sila nga ay di nagkakakilanlanan na umabot pa sa patayan, paano pa ang simpleng mamamayang mapapagkamalan?" ang komento naman ni Mang Lando. "Lalo na ngayong nais isabatas ang Anti-Terror Bill?"
"Dapat nga po huwag maisabatas iyang Terror Bill, dahil marami na tayong batas laban sa krimen. Dadagdagan pa ng mapanggipit na batas sa ating kalayaang magpahayag at yaon bang 'dissenting opinion'." Sagot naman ni Roberto.

Dagdag pa niya, "Nabalita pang 122 kabataan pala ang napaslang ng walang proseso dahil sa War on Drugs, kabilang na sina Danica Mae Garcia, limang taon, at Althea Barbon, apat na taon."
"At ano naman ang kaugnayan niyan?" tanong ni Mang Kulas.
"Para bang polisiya na ng mga pulis ang pumaslang, dahil iyon naman ang sabi ng Pangulo. Ubusin lahat sa ngalan ng War on Drugs. Kaya paslang lang sila ng paslang, tulad ng pagpaslang sa mga sundalo. Kaya dapat huwag maisabatas ang Anti-Terror Bill, dahil baka maraming pagdudahan at mapaslang ng walang due process." Paliwanag pa ni Roberto.
"Kaisa mo ako riyan. Tama ka. Sana'y respetuhin ang karapatang pantao ng bawat mamamayan," sabi naman ni Mang Lando. "May pagkilos pala bukas laban sa Anti-Terror Bill. Nais mo bang sumama? Magkita tayo rito bukas ng alas-otso ng umaga."
"Kung wala pong gagawin, susubukan ko pong sumama. Salamat po sa paanyaya."
"Pupunta tayo sa CHR ground. Doon gagawin."
"Sige po. Salamat po, Mang Kulas, sa gupit. Ito po ang bayad."
"Salamat din sa paliwanag mo. Ingat."
Hulyo 2, 2020
Nagkita-kita sina Roberto at Mang Lando sa Bantayog ng mga Bayani. Doon sila magsisimulang magmartsa patungo sa CHR ground. Sa Commission on Human Rights nila napiling gawin ang pagkilos dahil maaaring di sila galawin pag dito nila ipinahayag ang kanilang damdamin laban sa Anti-Terror Bill, na instrumento ng rehimen, na maaaring yumurak sa kanilang karapatang magpahayag, at akusahang terorista dahil lumalaban umano sa rehimen.
Maya-maya lang ay nagmartsa na sila patungong CHR at doon ay nagdaos sila ng maikling programa, may mga talumpati at awitan.
Hulyo 3, 2020
Nabalitaan na lang nina Roberto sa telebisyon na pinirmahan na pala ng pangulo ang Anti-Terror Act of 2020, na mas kilala ngayon bilang Terror Law.
Hulyo 4, 2020
Agad na nagsagawa ng mga pagpupulong ang iba’t ibang grupo upang kondenahin ang anila’y batas na maaaring yumurak sa karapatang pantao. Ang petsang napagkaisahan nila ay Hulyo 7, 2020, kasabay ng ika-128 anibersaryo ng pagkakatatag ng dakilang kilusan ng Katipunan. Dito’y ipapahayag nila na ang Terror Law ang huling tangka ng rehimen upang depensahan ang administrasyon nito laban sa ngitngit ng mamamayan sa mga kapalpakan nito na mas inuna pa ang pagsasabatas ng Terror Law gayong walang magawa upang lutasin ang COVID-19.
Naghahanda na rin ang mamamayan upang depensahan ang bayan laban sa ala-martial law na karahasan sa hinaharap.
* Ang maikling kwentong ito'y unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 1-15, 2020, pahina 18-19.
Linggo, Hunyo 28, 2020
Maikling kwento: Paghuli sa mga tinuturing na pasaway
PAGHULI SA MGA TINUTURING NA PASAWAY
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.
"Galing lang ako sa botika upang bumili ng facemask, pero ubos na raw at walang stock. Kaya umuwi na ako. Sa paglalakad ay bigla na lang akong hinuli at pinalo ng yantok ng pulis. Pasaway daw ako at hindi sumusunod, dahil wala raw akong suot na facemask." Ito ang kwento ni Ka Kiko sa ilan pang nakakulong sa presintong iyon.
"Halos ganyan din ang nangyari sa akin. Wala rin akong mabilhan. Tapos sabi nila, dapat social distancing. Sinunod ko iyon. Pero silang mga alagad ng batas ang hindi sumusunod, dahil mismong dito sa kulungan ay walang social distancing. Para tayong sardinas dito." Ito naman ang sabi ni Efren na nakilala ni Ka Kiko sa loob.
Tahimik lang na nakikinig si Ka Dodong sa kanilang usapan. Subalit siya'y natanong. "Ikaw naman, anong kwento mo?"
Ayaw sana niyang sumabat sa usapan, ngunit nais na rin niyang ikwento ang nangyari sa kanya. Aniya, "May facemask ako, subalit wala akong quarantine pass. Taga-Malabon ako subalit nais kong bumili ng isda sa Navotas. Hinuli ako't ikinulong. Di pa alam ng pamilya ko ang nangyari sa akin."
Matitindi na ang mga usapan sa piitang iyon. Ikinulong sila sa salang walang suot na facemask, walang quarantine pass, at mga pasaway daw sila.
Sumabat naman si Ka Lito na isang manggagawa. Ang kwento niya, bilang lider-manggagawa, hindi niya kinakalimutan ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa na sumasapit tuwing unang araw ng Mayo. Tiniyak nilang may social distancing at sila’y nagpahayag sa social media ng mga panawagang tulad ng Free Mass Testing Now! na nakasulat sa kanilang plakard. Ayon pa sa kanya, walang masama roon dahil "Taon-taon naman ay ipinagdiriwang namin ang Mayo Uno. Ganoon din ngayon, na naka-facemask kami, nag-alkohol, at nag-social distancing, ngunit hinuli pa rin."
Sumabat uli si Ka Kiko, "Ano bang maaasahan natin sa ganitong gobyernong walang pakundangan sa karapatang pantao. Iyon ngang sundalong si Winston Ragos na sinita ng limang pulis ay pinaslang ng pulis, na may sayad din yata, dahil walang facemask. Meron pang batang pinalo ng yantok ng pulis dahil walang facemask. May hinuli ring twalya, imbes facemask, ang isinuot. Paano na ang due process at karapatang pantao?”
Narinig sila ng pulis na nagba-bantay sa kanila. "Mga pasaway kasi kayo, kaya dapat kayong hulihin."
Sinagot tuloy ni Ka Kiko ang pulis na bantay. "Paano kami naging pasaway? Naubusan nga ng facemask sa botika, pasaway?"
"Mas pasaway kayong mga pulis. Sabi ninyo, dapat social distancing, pero dito sa kulungan, naka-social distancing ba kami? Ang hepe nyo ngang si Debold Sinas, nakapag-manyanita pa. Nagkasayahan nang hindi naman nag-social distancing. Tapos, di nakasuhan. Basta pulis, lusot sa kaso kahit lumabag." Dagdag naman ni Efren.
Maya-maya, nakita rin ng mga kamag-anak ni Ka Dodong ang kanyang kinaroroonan. Akala nila'y tuluyang nawala ang kanilang ama. Ayon sa isang dating bilanggong pulitikal, isa itong kaso ng desaparesido dahil sapilitang siyang iwinala, at si Ka Dodong ay resurfaced pagkat muling nakita.
Ilang araw naman ang lumipas, dumating na ang abugadong sumaklolo kay Ka Lito. Laya na siya. Subalit paano ang ibang walang abugado?
Ang sabi ni Atty. Juan sa mga nabilanggo, "Hindi kayo mga pasaway, dahil ang palpak ay ang plano sa kwarantinang ito. Dapat maging makatao. Kung wala kayong facemask, bakit kayo ikukulong? Ang dali-dali, magbigay lang sila ng facemask, wala na sanang problema. Ang problema, imbes na mga doktor o kaya’y mga espesyalista sa karamdaman ang manguna sa pagbaka sa coronavirus na ito, bakit pulis at militar ang nangunguna? Anong malay ng mga iyan sa problema sa kalusugan? Ang dapat, serbisyong medikal, hindi militar. Checkup at hindi checkpoint. Kung walang facemask, dapat magbigay ng facemask. Tulong, hindi kulong. Paana lang kung maipasa ang Anti-Terror Bill? Baka mas tumindi pa ang mga paglabag sa karapatang pantao..."
Bukod sa mga bilanggo, medyo naliwanagan din ang ilang pulis. Humingi ng pasensya. "Sumusunod lang naman kami sa utos mula sa itaas. Sabi nga ni Presidente, shoot them dead laban sa mga pasaway. Mabait pa kami dahil hindi namin kayo pinatay. Sumusunod lang po kami sa utos."
Napailing na lang ang mga bilanggo at ang abugado sa palsong paliwanag ng pulis.
Bago umalis kasama ng abugado, isinigaw ni Ka Lito, "Karapatang pantao, ipaglaban! Free mass testing now!" na ikinagulat man ng mga naroon ay hinayaan na lang silang makaalis.
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 16-30, 2020, pahina 18-19.

Ang manipesto ng proletaryado
Ang manipesto ng proletaryado
magandang pagnilayan natin bawat sinasabi
ng isang manipestong sa atin ay kakandili
halina't basahin ito't unawaing maigi
kasulatan itong dapat nating ipagmalaki
pagnilayan natin ang apat nitong kabanata
ipinaliwanag ang lipunan, anong adhika
bakit may pinagsasamantalahan at kawawa?
bakit may mapagsamantala't nang-aping kuhila?
bakit pantay sa lipunang primitibo komunal?
bakit may lipunang aliping ang tao'y animal?
bakit ang magsasaka'y api sa lipunang pyudal?
bakit obrero'y alipin sa lipunang kapital?
bakit tinuring na ang kasaysayan ng lipunan
ay kasaysayan din ng makauring tunggalian?
bakit sistemang kapitalismo'y dapat palitan?
at ang uring manggagawa'y magkaisang tuluyan?
ang panawagan sa dulo ng aklat ay alamin
bakit uring manggagawa'y dapat pagkaisahin?
wala raw mawawala sa manggagawa, basahin
natin, kundi ang tanikala ng pagkaalipin
matapos mabasa ito'y magtalakayan tayo
naunawa mo ba ang papel ng proletaryado?
bakit papalitan ang sistemang kapitalismo?
anong lipunang ipapalit ng uring obrero?
- gregbituinjr.
06.28.2020

Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)