Martes, Agosto 17, 2021

Munting piging sa ika-27

MUNTING PIGING SA IKA-27

tulad ng pagbaka sa naglilipanang halimaw 
silang sa dugo ng mga tao'y uhaw na uhaw
paslang dito, tokhang doon, pulos bala't balaraw
ang pinantugis sa masa't inosenteng pumanaw

at ako'y nakiisa sa mga inang lumuha
pagkat di pa handang mga anak nila'y mawala
gayundin naman, may mangangalakal na kuhila
na pinagsamantalahan ang dukha't manggagawa

nakiisa ako sa naghahanap ng hustisya
sumama ako sa bawat nilang pakikibaka
hanggang sa ako'y sumumpang aking idadambana
ang karapatang pantao't kagalingan ng masa

balang araw, itayo ang lipunang makatao
habang yakap-yakap ang mapagpalayang prinsipyo
"Iisa ang pagkatao ng lahat!" ni Jacinto
tangan ang pakikipagkapwa't pagpapakatao

tanda ko ang petsang iyon, kaya pinagdiriwang
munting piging, tagay, pulutan, kahit mag-isa lang 
ang maging kasama sa pagbabaka'y karangalan
isang tagay para sa akin, ah, isang tagay lang

- gregoriovbituinjr.
08.17.2021

Pagdalo sa rali

PAGDALO SA RALI

ang pagdalo sa rali'y dahil sa paninindigan
na aking niyakap sapul nang nasa paaralan
noong maging staffwriter pa lang ng pahayagan
magtatatlong dekada na rin ang nakararaan

sa rali'y umaasam ng lipunang makatao
inilalabas ang saloobin sa mga isyu
hindi lang pulos batikos doon, batikos dito
ang rali'y pakikibaka ng mga prinsipyado

ang kongkretong sitwasyon ay kongkretong sinusuri
naniniwalang walang burgesyang dapat maghari
ugat ng kahirapan ay pribadong pag-aari
ng mga gamit sa produksyon, dapat walang uri

pagsama ko sa rali'y kusang loob at tanggap ko
ito'y ekspresyon din ng dignidad at pagkatao
pakikiisa rin sa laban ng dukha't obrero
at sa mga pinagsasamantalahang totoo

hindi libangan ang rali, ito'y pakikibaka
hindi pasyalan ang rali, ito'y pakikiisa
rali'y pananawagan ng panlipunang hustisya
rali'y pagsasatinig ng mga isyu ng masa

- gregoriovbituinjr.
08.17.2021

* litrato'y selfie ng makatang gala noong SONA 2021

Huwebes, Agosto 12, 2021

Pasasalamat


"Everyone you meet has something to teach you." - quotation mula sa fb page na "I Love Martial Arts"

PASASALAMAT

Salamat sa lahat ng nakakasalubong
at nakasalamuha sa daan at pulong
lalo't sama-samang hinarap ang daluyong
upang sa bawat pakikibaka'y sumulong

Sa anumang panganib na ating sinuong
ay kapitbisig tayong sadyang tulong-tulong
di nagpapatinag kahit ito'y humantong
sa rali sa lansangan, o kaya'y makulong

Salamat sa inyong naibahaging dunong
mula sa kwento, danas, hapdi, payo't bulong
para sa hustisya'y di tayo umuurong
hangga't lipunang makatao'y sinusulong

- gregoriovbituinjr.
08.12.2021

* litrato mula sa fb page ng "I Love Martial Arts"

Linggo, Agosto 8, 2021

Tanong ng manggagawa


TANONG NG MANGGAGAWA

"Bakit manggagawa ang unang magsasakripisyo
para isalba ang negosyo?" tanong ng obrero
ito ba'y nakaliligalig na tanong sa iyo?
ah, dapat pag-isipang mabuti ang tugon dito

nang magkapandemya, sinara ang mga pabrika
ekonomya'y bumagsak, di napaikot ang pera
tila hilong talilong ang mga ekonomista
kung paano ibangon ang nasaktang ekonomya

trabaho'y tigil, sa manggagawa'y walang pansahod
kayraming apektado, gutom ay nakalulunod
ayuda'y minsan lang natanggap, ngayon nakatanghod
saan kukuha ng ipangkakain sa susunod

nang magluwag ang lockdown, tila nagbalik sa normal
pinapasok ng kapitalista'y mga kontraktwal
halos di papasukin ang manggagawang regular
kontraktwalisasyon na pala'y muling pinairal

pamahalaan naman, negosyo'y inayudahan
bine-bail out upang negosyo'y di raw magbagsakan
bilyon-bilyon sa negosyo, sa obrero'y libo lang
baka ekonomya'y maiangat daw ng tuluyan

lumilikha ba ng ekonomya'y kapitalista
di ba't manggagawa ang lumikha ng ekonomya
kaya bakit negosyo ang unang isinasalba
na para bang ating mundo'y pinaiikot niya

"Bakit manggagawa ang unang magsasakripisyo
para isalba ang negosyo?" tanong ng obrero
isang tanong pa lang ito, na napakaseryoso
na dapat sagutin nang husay ng ating gobyerno

kung di iyan matugunan pabor sa manggagawa
ang bulok na sistema'y dapat nang baguhing sadya
halina't patuloy kumilos tungo sa adhika
na lipunang makatao'y itatag ng paggawa

- gregoriovbituinjr.
08.08.2021

* mga litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos ng manggagawa sa harap ng DOLE sa Intramuros noong Hulyo 23, 2021

Sabado, Hunyo 26, 2021

Itigil ang torture!

ITIGIL ANG TORTURE
alay na tula para sa International Day in Support of Victims of Torture
Hunyo 26, 2021

"Itigil ang tortyur!" ang marami'y ito ang sigaw
sapagkat pag sinaktan ka'y sadyang mapapalahaw
animo ang likod mo'y tinarakan ng balaraw
dahil sa bali't bugbog ay di ka na makagalaw

ang tanging alam mo lamang, isa kang aktibista
na ipinagtatanggol ang kapakanan ng masa
na ipinaglalaban ang panlipunang hustisya
na paglilingkod sa madla'y pagbibigay-pag-asa

ngunit minamasama ito ng pamahalaan
at ayaw ng burgesya sa salitang katarungan
subalit tibak kaming ayaw magbulag-bulagan
sa mga nangyayaring inhustisya sa lipunan

kaya kami'y naglilingkod, patuloy sa pagkilos
lalo't pag puno na ang salop, dapat lang makalos
subalit kami'y hinuli dahil prinsipyo'y tagos
sa puso ng masang ayaw naming binubusabos

at sa loob ng kulungan ay doon na dinanas
yaong pananakit ng ulupong na mararahas
nang mapatigil ang prinsipyadong tibak sa landas
ng katarungan kung saan may lipunang parehas

"Itigil ang tortyur!" at may batas na ukol dito
sigaw din naming asam ay lipunang makatao
nang walang pagsasamantala ng tao sa tao
ito'y dakilang hangarin ng tibak na tulad ko

- gregoriovbituinjr.
06.26.2021
* litratong kuha noong 2016 sa harap ng Korte Suprema sa pagkilos laban sa paglilibing sa dating diktador sa LNMB

Pagbabalik sa gunita

Tula batay sa kahilingan ng mga kasama para sa isang pagkilos mamayang gabi

PAGBABALIK SA GUNITA
alay na tula para sa International Day in Support of Victims of Torture
Hunyo 26, 2021
(8 syllables per line, 12 stanza)

1
ahhh, nararamdaman ko pa
panahon mang kaytagal na
ang tortyur na naalala
na akala mo'y kanina
2
lamang nangyari sa akin
gayong anong tagal na rin
nang ito'y aking danasin
pipisakin ang patpatin
3
latay sa bawat kalamnan
pasa sa buong katawan
tila muling naramdaman
di mawala sa isipan
4
tinanggal ang aking kuko
tinusukan ang bayag ko
nilublob sa inidoro
ang aking ulo't tuliro
5
ako'y aktibistang sadya
na kampi sa manggagawa
kasangga ng maralita
sa bawat nilang adhika
6
ako'y nagpapakatao
pagkat aktibista ako
na pangarap na totoo
ay lipunang makatao
7
nais ko lang ay magsilbi
sa bayang nagsasarili
ngunit dinampot sa rali
nitong nakauniporme
8
hanggang ako'y akusahan
pinag-init daw ang bayan
upang magsipag-aklasan
yaong nasa pagawaan
9
kinasuhan nila ako
nitong gawa-gawang kaso
natigil ang aktibismo
at natigilan din ako
10
hanggang ako'y ikinulong
tinadyakan pa sa tumbong
sa piitan ay naburyong
na laging bubulong-bulong
11
takot ngunit di natakot
prinsipyo ko'y di baluktot
ako'y pilit pinalambot
lagi nang binabangungot
12
mabuti na lang lumaya
dahil sa obrero't dukha
nagpatuloy sa adhika
para sa hustisya't madla

- gregoriovbituinjr.
SecGen, Ex-Political Detainees Initiative (XDI)

Lunes, Hunyo 14, 2021

Kwento: Bakit may kahirapan?

BAKIT MAY KAHIRAPAN?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Bakit may kahirapan?” Isa ang tanong na iyan sa ayaw tugunan ng nasa kapangyarihan o kaya’y ayaw nilang pag-usapan. Mas nais lang nilang maglimos kaysa malaman ang ugat ng kahirapan. Natatandaan ko pa ang sinabi ni Bishop Helder Camara ng Brazil, "When I give food to the poor, they call me a saint. When I ask why the poor have no food, they call me a communist. (Kapag nagbibigay ako ng pagkain sa mahihirap, tinatawag nila akong santo. Kapag tinatanong ko kung bakit walang pagkain ang mga mahihirap, tinatawag nila akong komunista.)"

Kaya nang minsang magkaroon ng pag-aaral ng mga maralita hinggil sa ugat ng kahirapan, ibinungad agad ng tagapagpadaloy ang sinabing ito ni Obispo Camara. “Balido ang sinabi ni Obispo Camara, may tumututol ba rito?” Walang nagtaas ng kamay, pawang nag-iisip.

Hanggang sa tumayo si Mang Igme, isang lider-maralita sa Tondo, “Kayganda ng sinabi ng Obispo. Talagang mapapaisip tayo. Pag nagbigay ka ng pagkain sa dukha, banal ka, subalit pag tinanong mo ang dukha bakit sila mahirap, aba’y masama ka na! Komunista agad ang tingin sa iyo! Aba’y magaling kung komunista ka pala pagkat palatanong ka, at hindi tango nang tango na lang sa kung anong dikta sa iyo.”

“Aba’y maganda ang iyong tinuran, Manong Igme,” sabi naman ni Mang Inggo. “Natandaan ko tuloy ang kwento ng binatang si Archimedes Trajano, na biktima ng marsyalo! Alam n’yo ba ang kwento niya. Aba’y nang tinanong lang niya noon sa isang talakayan si Imee Marcos kung bakit siya ang pangulo ng Kabataang Barangay, aba’y nairita si Imee, at ang kanyang mga tao ay biglang dinaluhong si Archimedes. Itinapon pa raw sa bintana kaya namatay. Aba’y masama pala magtanong kung kaharap mo ay may kapangyarihan!”

“Kaya nga dapat baguhin ang bulok na sistema. Ito ang panawagan namin noon pa, upang maitayo natin ang isang lipunang makatao,  walang pagsasamantala ng tao sa tao, walang pang-aapi, kundi lipunang kumikilala sa dignidad ng bawat tao kahit pa siya’y maralita. Subalit bago natin iyon magawa nang sama-sama, dapat ay nauunawaan natin bakit nga ba may kahirapan. Magtanong kayo dahil diyan magiging mabunga ang ating talakayan.” Sabad ni Mang Kulas, ang tagapadaloy.

“Alam n’yo, noong ako’y bata pa, nagisnan ko nang mahirap ang buhay nina Itay at Inay. Hindi nila ako napag-aral noon, subalit kahit paano naman ay nakaabot ako ng Gred Wan.” Sabi ni Isko.

“Ang ganda pa naman po ng pangalan ninyo, Mang Isko, Parang iskolar ng bayan. Subalit iyan ba ang dahilan bakit kayo mahirap, gayong may karunungan kayong di basta nakukuha sa pag-aaral sa eskwelahan. Karunungang mula karanasan. Ang sinabi ninyo’y di ugat na kahirapan. Dii lang po kayo nabigyan ng pagkakataong makapag-aral.” Ani Kulas.

Nagtaas ng kamay si Iking, “Sabi po ng iba, katamaran daw po ang ugat ng kahirapan. Kaya lang po, hindi ko maubos-maisip na tama nga iyon, dahil si Tatang naman ay kaysipag sa bukid. Maagang gumigising upang mag-araro at magtanim, ngunit kami’y mahirap pa rin. Si Kuya Atoy naman ay kay-agang pumasok sa pabrika at hindi lumiliban sa trabaho ngunit mahirap pa rin kami.”

“Tama ka, Iking, ang katamaran ay hindi ugat ng kahirapan.”

“Populasyon po ba?” Tanong ni Aling Telay, “Pag maraming anak ay naghihirap. Pag kaunti ang anak ay kaunti lang ang pakakainin. O kaya kapalaran na talaga naming maging mahirap.”

“Pag naniwala kang ang populasyon at kapalaran ang ugat ng kahirapan, aba’y hindi na pala uunlad ang may maraming anak, kahit anong sipag pa ang kanyang gagawin.” Ani Kulas.

“Ang totoong ugat ng kahirapan ay ang pagkakaroon ng isang tao o grupo ng mga pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon tulad ng pabrika, makina at mga lupain. Tulad sa lugar natin, ang nag-aari ng lupa ay si Don Ogag, na imbes na tayo ang makinabang sa ating pinagpaguran, ibibigay pa natin ang mayorya ng pinagpawisan natin sa kanya, dahil lang sa pribilehiyo niyang siya ang may-ari. Upang mawala ang kahirapan dapat mawala ang ganyang konsepto ng pribadong pag-aari upang makinabang ang lahat sa kanilang pinagpaguran. Tanggalin sa kamay ng iilan ang pag-aaring yamang kinamkam nila upang ang lahat naman ay makinabang.”

Tatango-tango lahat ng naroon. Naunawaan na nilang ang pribadong pag-aari pala ng mga pabrika, makina’t lupain ang ugat ng kahirapan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2021, pahina 18-19.