Huwebes, Oktubre 6, 2022

Bakit?

BAKIT?

bakit pinagpipitagan ang mga masalapi?
dahil ba mayaman, ugali ma'y kamuhi-muhi?
bakit ginagalang ang may maraming pag-aari?
lupa'y inagaw man sa magsasaka't aping lahi?

bakit yaong may mga salapi'y nirerespeto?
ginto't pilak na ba ang batayan ng pagkatao?
balewala magsamantala man ang donya't donyo?
ginagalang ang mapera kahit asal-demonyo?

ah, nasaan na ang pakikipagkapwa kung ganyan?
na kaya ka lang nirerespeto'y dahil sa yaman?
habang dangal ng obrero't dukha'y niyuyurakan
ang mga walang-wala'y tinuturing na basahan!

maraming nagsisipag ngunit iba'y mauutak
upang yumaman, makamit ang respeto't palakpak
kahit ang kapwa'y hayaan lang gumapang sa lusak
basta makuha lang ang tatlumpung pirasong pilak

ayoko ng ganyang lipunang mapagsamantala!
na pulos kaplastikan ang umiiral talaga
nais kong matayo'y mapagkapwa-taong sistema
lipunang makataong may panlipunang hustisya!

mabigat ang kahilingan ngunit dapat kumilos
upang mawakasan ang sistemang mapambusabos
sinasapantaha kong darating ang pagtutuos
upang pagsasamantala'y tuluyan nang matapos

- gregoriovbituinjr.
10.06.2022    

Miyerkules, Setyembre 14, 2022

Kwento: Magrarali ang maralita sa DOLE


MAGRARALI ANG MARALITA SA DOLE
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napagkaisahan ng mga maralitang magsagawa ng pagkilos sa harap ng Kagawaran ng Paggawa. Inanyayahan nila ang iba pang lider-maralita upang pag-usapan ang pagkilos.

Dumating si Aling Ligaya sa pulong. Ang agad niyang tanong: “Bakit sa DOLE? Hindi ba’t isyu ng maralita ay pabahay? Hindi ba’t sa matagal na panahon ay pabahay ang ating panawagan? Kaya bakit sa kagawarang iyan tayo magrarali?”

“Tama ka, Ligaya.” Ang sabad ni Mang Bitoy, “Lumaki na akong nasa barungbarong nakatira, at sumasama sa mga pagkilos na pabahay ang isinisigaw. Bakit ngayon, sa DOLE? Hindi naman tayo manggagawa.

Agad naman siyang sinagot ni Aling Luningning, “Iyan nga ang punto, eh. Alam nyo, Ligaya, Bitoy, ang isyu ng maralita kaya siya tinawag na maralita ay hindi lamang pabahay, kundi ang karalitaan, kahirapan, pagdaralita, karukhaan. Karamihan sa ating mga maralita ay walang trabaho. Kaya heto sina Mang Igme na nagmungkahi ng malaking pagkilos sa DOLE para ipanawagan ang Trabaho Para sa Maralita.”

“Dagdag pa riyan, Ligaya,” si Mang Igme, “sabi ng pamahalaan na kulang daw ang trabaho. Kaya ang nakikita nating solusyon diyan, gawing anim na oras na lang ang otso oras na paggawa upang ang natitirang oras ay ibigay sa maralita. Kung sa loob ng 24 oras sa isang araw ay may tatlong manggagawang tigwawalong oras ang trabaho, na legal ayon sa batas, aba, kung magiging anim na oras ang paggawa sa isang araw, sa loob ng 24 oras, may apat na manggagawa na ang nagtatrabaho. Yung nadagdag sa labor force sa bawat araw ay ang maralitang nabigyan ng trabaho.”

“Oo nga, ano,” pagsang-ayon naman ni Aling Ligaya. “Tama po kayo, mga kasama. Bakit hindi natin kaagad naisip iyan? Ibig lang sabihin, kung hindi kaya ng gobyerno makapagbigay ng solusyon, tayong mga maralita ang magsasabi ng solusyon sa kanila. Kung kulang ang trabaho sa paggawang otso oras kada araw, aba’y gawing anim na oras kada araw ang trabaho upang ibigay ang anim na oras pa para sa maralita. Nauunawaan ko na.”

“Sige, paano ang gagawin natin? Kunin muna ang manila paper at pentel pen para maisulat ang ating plano.” Ani Mang Igme.

Kaya sa isang malapad na tabla ay idinikit nila ang isang manila paper upang pagsulatan ng gagawin nilang plano ng pagkilos.

“Ang pangkalahatang layunin ng ating pagkilos,” isinulat ni Mang Igme sa manila paper, “ay maikampanya natin ang ating mga hinaing na magkaroon ng trabaho ang mga maralita. Ang mga isusulat nating islogan sa mga plakard ay:  Trabaho Para sa Walang Trabahong Maralita! Gawing Anim na Oras ang Otso Oras na Paggawa! Palagay ko ang dalawang islogan na iyan ay sapat na. Mga tigsasampung plakard bawat islogan. Ayos ba, mga kasama? Bago ang pagtatakda ng petsa, ilan sa inyo ang nais lumahok?”

Maraming nagtaasan ng kamay, nasa higit dalawampung katao.

“Ilan pa ang maaari ninyong pasamahin para mas marami tayo? Sa ngayon ay may badyet tayo para sa dalawang dyip.” Si Mang Igme pa rin.

“Hindi ba nakakatakot sumama sa rali?” Ani Inggo, na binatilyong sa murang edad ay nagtratrabaho na bilang magbabasura.

“Aba’y karapatan natin ang ating ipinaglalaban dito, kaya bakit ka matatakot, at kasama mo naman kami.” Agad na sabi ni Aling Tikya na dati ring unyonista sa pabrika nila bago iyon nagsara.

Nagtanong muli si Aling Ligaya, “Pwede ba nating imbitahan ang mga unyong kakilala natin upang samahan tayo sa ating pagkilos?”

“Aba’y maganda ang mungkahi mo, Ligaya. Hayo’t anyayahan natin silang samahan tayo.” Agad na pagsang-ayon ni Mang Kulas na isa ring lider sa kanilang purok. “Dagdag pa riyan ay isama natin sila sa ating mabubuong nego panel upang sakaling maharang tayo sa DOLE ay may kasama tayong mga manggagawa.”

“Ikaw na, Ligaya, ang magsabi sa unyon ng mga manggagawa. Sana’y hindi nila tayo tanggihan sa munti nating kahilingan.” Sabi ni Mang Igme. “Kailan ang mungkahi ninyong araw? Sinong gagawa ng panawagan sa midya? Sinong magsusulat ng ating pahayag? Baka ihanda muna natin ang polyeto na magpapaliwanag sa ating mga kapwa maralita kung bakit sa DOLE tayo magrarali.”

“Sige po, akuin ko na po ang pagsusulat,” Sabi ng dalagang si Juday.

“Aba’y maaasahan talaga ang mga kababaihan pagdating sa pagkilos nating maralita.” Pagmamalaki ni Aling Luningning sa kanyang anak.

Natapos ang pulong na may kislap ng pag-asa sa kanilang mga mata.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Setyembre 1-15, 2022, pahina 18-19

Martes, Setyembre 6, 2022

Tula sa kapayapaan

Di ako nakadalo sa miting ng PAHRA (Philippine Alliance of Human Rights Advocates) ng 2pm. May kasabay, nakadalo ako sa miting ng grupong PAGGAWA (Pagkakaisa ng Uring Manggagawa) sa Diokno Hall sa CHR (Commission on Human Rights). Trade Union Action Day for Peace ng WFTU (World Federation of Trade Unions). Sa talakayan ay nakagawa ako ng tula, at nang ako'y tinawag ay binigkas ko ang sumusunod na tula:

TULA SA KAPAYAPAAN
Alay sa Trade Union Action Day for Peace

kapayapaan, imperyalistang gera'y itigil
ang buhay ng tao'y di dapat basta kinikitil
digmaan ng mga bansa'y sinong makapipigil
baka nuclear misayl, gamitin ng bansang sutil

kaya nararapat lamang ang ating panawagan
na baguhin ang bulok na sistema ng lipunan
sa pangarap na mundo, hangad ay kapayapaan
may kaginhawahan ang lahat, di lang ang iilan

O, uring manggagawa, dapat tayong magtulungan
tayo'y magkapitbisig, imperyalismo'y labanan
ang mapagsamantalang kapitalismo'y wakasan
ang sosyalismo'y tahakin, baguhin ang lipunan

- gregoriovbituinjr.
09.06.2022



Martes, Agosto 23, 2022

Bukambibig

BUKAMBIBIG

bukambibig lagi nila'y paano ba yumaman
maging katulad sila ng bilyonaryong iilan
ganito'y naging takbo ng isip ng karamihan
upang pamilya nila'y iahon sa kahirapan

ang inaasam nila'y pansarili't pampamilya 
sa pangarap na tila ba di kasama ang kapwa
ano nga ba namang pakialam nila sa iba
gayong ang iba'y walang pakialam sa kanila

bukambibig ko nama'y ginhawa ng sambayanan
kolektibong pakikibaka, walang maiiwan
kung mababago ang sistemang para sa iilan
ay ating matatayo ang makataong lipunan

di pansarili kundi panlahatan ang pangarap
ng tulad kong tibak upang makaahon sa hirap
ang sambayanan, masa'y makatao't mapaglingap
at ang bawat isa'y nakikipagkapwa ng ganap

- gregoriovbituinjr.
08.23.2022m

Paglaban

PAGLABAN
Tulang TAGAIKU
(TAnaGA at haIKU)

i

sila'y nakikilaban
para sa kalayaan
ng tanang mamamayan
mula sa kaapihan

tanong ni pare
bakit sila inapi
ng tuso't imbi

ii

yaong lakas-paggawa'y
di binayarang tama;
ang bundat na kuhila'y
sa tubo nagpasasa

doon hinango
ng hayok na hunyango
ang laksang tubo

iii

kayraming mahihirap
na mayroong pangarap
anong gagawing ganap
nang dusa'y di malasap

mundo'y baguhin
tanikala'y lagutin
nang laya'y kamtin

- gregoriovbituinjr.
08.23.2022

TANAGA - tulang Pinoy, may pitong pantig bawat taludtod
HAIKU - tulang Hapon, may pantigang 5-7-5

Miyerkules, Agosto 17, 2022

Kwento: Limitahan ang ekta-ektaryang pag-aari


LIMITAHAN ANG EKTA-EKTARYANG PAG-AARI
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

May isang mayamang di man niya sabihin ay nagiging gipit ang mga mahihirap. Nakabili at napatituluhan niya ang nasa limang libong ektaryang lupa dahil na rin sa kayamanan niya at sa koneksyon niya sa pamahalaan. Magaling siyang mangangalakal. Tuso at magaling magmaniobra basta pagdating sa salapi.

Tila baga dinidiyos niya ang pera. Kaya pati ang relasyon niya sa kanyang kapwa ay nadungisan dahil sa ugali niyang pangmamata sa hindi niya kauri. Ligal naman daw niyang pinatituluhan ang kanyang lupain sa isang malayong lalawigan, at natamaan doon ang mga lupaing katutubo at mga sakahan. Kaya ang mga magsasakang dating may sinasakang lupa nang libre, ngayon ay nangangamuhan na sa kanya. Ang mga katutubo naman ay itinataboy sa kanilang lupang ninuno.

"Anong nangyari?" Sabi ng isang guro na anak ng isang magsasaka roon.

"May titulo kasi siya ng lupa na patunay na nabili niya ang lupaing iyon na nakapangalan na sa kanya," Sabi naman ng isang taga-pamahalaan, "kaya wala na tayong magagawa sa kanyang paghahari-harian sa kanyang lupain. Kanya iyon, e. Nakapangalan na sa kanya."

Patuloy pa ring bumibili ng ibang lupain ang nasabing mayaman. Tila ba hindi na nakuntento sa kinikita ng kanyang lupain. Nais pang sagpangin ang iba pang lupang kinatitirikan ng tahanan ng mga karaniwang tao. Nais niyang patayuan ng mga industriya, di pa upang magkatrabaho ang mga tao, kundi para ipagyabang ang dami ng kanyang ari-arian. Nang sa gayon ay igalang siya ng iba.

Naalala ko tuloy ang nakasulat sa Liwanag at Dilim ng bayaning si Gat Emilio Jacinto. Ang sabi roon: “Nagdaraan ang isang karwaheng maningning na hinihila ng kabayong matulin. Tayo’y magpupugay at ang isasaloob ay mahal na tao ang nakalulan. Datapwa't marahil naman ay isang magnanakaw; marahil sa ilalim ng kanyang ipinatatanghal na kamahalan at mga hiyas na tinataglay ay natatago ang isang pusong sukaban.”

“Nagdaraan ang isang maralita na nagkakanghihirap sa pinapasan? Tayo’y mapapangiti at isasaloob: Saan kaya ninakaw? Datapwa’t maliwanag nating nakikita sa pawis ng kanyang noo at sa hapo ng kanyang katawan na siya’y nabubuhay sa sipag at kapagalang tunay.”

“Ekta-ektarya na ang kanyang lupain. Hindi naman niya kailangan iyon. Tumatanda na siya. Aanhin naman niya iyon. Ang mga anak naman niya ay may sariling pamilya na at malayo sa kanya,” ayon sa magsasakang si Mang Igme, “Matagal na kaming nakatira sa lupaing ito, sapul pagkabata ay naririto na kami. Nagisnan na rin ng aking mga ninuno. At ngayon, nawala lahat ng karapatang iyon dahil lang nabili ng taong iyon at ipinangalan sa kanya ang lupang mula pa sa aming mga ninuno.”

Ganyan din ang sinasabi ng mga katutubo sa lugar. Kanila ang lupa. Naalala pa nila ang sinabi minsan ng bayaning pangat na si Macli-ing Dulag, “Bakit ninyo aangkinin ang lupang mas matagal pa sa inyo?”

Sa isang pagpupulong ng mga magsasaka, katutubo at maralitang naninirahan sa pook na iyon, napag-usapan nila ang kanilang kalagayan.

Nagmungkahi si Mang Kulas, isang lider-maralita, “Dapat tayong magmungkahi sa pamahalaan. Gawing batas na dapat limitahan ang pag-aari ng isang tao o korporasyon, upang huwag magalaw ang mga lupang ninuno, mga bukirin, at mga tahanan natin. Dapat hanggang isang libong ektarya lang ang pag-aaring lupa ng isang tao. Iyan ang mungkahi ko.”

“Dapat limang daang ektarya lang,” sabad naman ni Aling Tikay.

“Hanggang sandaang ektarya lang, masyado na sila,” ani Mang Hulo.

“Subalit paano natin sisimulan?” tanong ni Mang Ogor, “Dapat nang maisulat iyan at mapadala sa pamahalaan. May kakampi ba tayo sa Sangguniang Bayan, sa Kongreso, sa Senado? Dapat talaga limitahan ang pagmamay-ari ng isang indibidwal o korporasyon upang hindi nila magalaw ang ating mga lupang kinatitirikan ng ating bahay at mga kabuhayan. Sang-ayon ba kayo, mga kababayan.”

Ayon kay Tune, “May kakampi tayo sa Sangguniang Bayan. Tingin ko, pag lumakas ang ating pagkakaisa ay maipapanalo ang ating kahilingan.”

Dahil doon, nagkaisa silang magbuo ng isang drafting committee na magsusulat ng ihahaing petisyon o batas, nagkaisa silang planuhin na ang mga susunod na gagawin, sinong kakausapin, at ilulunsad nilang pagkilos.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 16-31, 2022, p. 18-19.

Sabado, Agosto 13, 2022

Ang libro

ANG LIBRO

thirty five pesos lang ang libro
sa BookSale ko nabili ito
bakasakali lang matuto
sa taong binabanggit dito

pamagat ng libro'y "Boy Genius"
hinggil sa nagpanalo kay Bush
anong prinsipyong tumatagos?
taktikang ginamit nang lubos?

sino si Karl Rove, busisiin
baka may matutunan man din
ito ba'y magagamit natin
upang tayo'y magpanalo rin

kabibili lang nitong aklat
di pa ito nabasang sukat
'yaan ito muna'y mabuklat
pag nabasa na'y iuulat

- gregoriovbituinjr.
08.12.2022

* nabili ko ang nasabing libro sa BookSale, Farmers, Cubao