Miyerkules, Enero 24, 2024

Pagkain ng buhay-Spartan

PAGKAIN NG BUHAY-SPARTAN

kapag wala si misis, balik sa buhay-Spartan
pagkat bilang aktibista, ito'y nakasanayan
kaya wala munang masarap na pananghalian
kundi ang naisipa'y pagkaing pangkalusugan

sibuyas, bawang, kamatis, at talbos ng kamote
pampalakas ng katawan, ganito ang diskarte
pawang mga gulay, prutas, isda, at walang karne
kahit sa kapwa tibak, ito'y munti kong mensahe

mahirap man ang buhay-Spartan na binabaka
ang bulok na sistema't mga pagsasamantala
dapat handa't malakas sa pagharap sa problema
lalo't asam itayo ang lipunang makamasa

mga payak na pagkain ngunit nagpapalakas
ng diwa't katawan, paghahanda sa bagong bukas

- gregoriovbituinjr.
01.24.2024

Lunes, Enero 22, 2024

Pagbigkas ng tula sa rali

PAGBIGKAS NG TULA SA RALI

ah, patuloy akong bibigkas ng tula sa rali
pagkat kayraming isyu ng masa'y dapat masabi
kahit makasagasa man nang walang pasintabi
ay tutula ako ng walang pag-aatubili
nang sa uring manggagawa't masa'y makapagsilbi

pagkat wala rin akong ibang entabladong alam
kundi sa mga pagkilos ng masa sa lansangan 
wala ring toreng garing na sana'y mapupuntahan
kundi sa lupang dahop sa anumang karangyaan
upang ipagtanggol ang pinagsasamantalahan

pagpupugay sa lahat ng makatang mambibigkas
na tila mga apo nina Batute't Balagtas
habang atin namang tinatahak ang wastong landas
tungo sa asam na pagtatag ng lipunang patas

- gregoriovbituinjr.
01.22.2024

Martes, Enero 16, 2024

Ang siyam kong aklat ng maikling kuwento

ANG SIYAM KONG AKLAT NG MAIKLING KUWENTO
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa sa aking paboritong basahin at pagpalipasan ng oras ay ang pagbabasa ng maikling kwento, lalo na sa magasing Liwayway. Isa rin sa madalas kong isulat, bukod sa sanaysay at tula, ang maikling kwento, tulad ng inilalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Sa munti kong aklatan ay may may siyam na pala akong aklat ng maikling kwento. Sa siyam na iyon, ang apat na aklat ay inilathala ng Ateneo de Manila University Press, at tig-isa naman ang University of the Philippines Press, Pantas Publishing, National Book Store, Bookman, Inc., at Psicom Publishing.

Ang apat na inilathala ng Ateneo ay ang Landas sa Bahaghari at Iba Pang Kuwento ni Benjamin P. Pascual, Alyas Juan de la Cruz at iba pang Kuwento ni Placido R. Parcero Jr., Mga Piling Katha ni Liwayway A. Arceo, at Si Juan Beterano at Iba Pang Kuwento ni Rosario De Guzman-Lingat.

Inilathala naman ng UP Press ang Paglawig ng Panahon: 20 Maiikling Kuwento ni Gloria Villaraza Guzman. National Book Store naman ang naglathala ng Tuhug-Tuhog ni Frank G. Rivera, 25 Maiikling Kuwento ng Pag-ibig at Pakikipagsapalaran ng OFWs. Inilathala naman ng Pantas Publishing ang Mga Kuwento Mula sa Lipunan, 12 Maikling Kuwento, ni Edberto M. Villegas, habang ang Mga Kuwento ni Lolo Imo, na siyang salin mula sa Ingles ng mga kuwento ni Maximo Ramos, ay inilathala naman ng Bookman, Inc. Isinalin nina Ma. Veronica U. Calaguas at Ma. Jessica H. Tolentino. Ang BASAG: Modernong Panitikan ng mga Kuwentistang Wasak na pinamatnugutan ni Juan Bautista ay inilathala naman ng Psicom Publishing.

Kapansin-pansin na hindi gaya ng inilalathala ko sa Taliba na maikling kwento, sa pamagat ng mga aklat ay may u ang kwento, kaya kuwento. Marahil ito ang wastong pagbaybay, subalit nasimulan ko na sa Taliba ang kwento, na marahil ay modernong baybay ng salita.

Bukod sa siyam na aklat na nabanggit ko, may iba pa akong aklat ng kuwento na nasa lalawigan, tulad ng Sa Aking Panahon, 13 Piling Katha (at Isa Pa!) ni Edgardo M. Reyes. Pati na ang aklat na 60-40 at Iba Pang Akda ni Mabini Rey Centeno, na natatandaan kong nabigay ng Introduksyon ay si Liwayway Arceo. Tanda kong dito ko nabatid ano ang balantukan, sa kuwentong Maghilom Ma'y Balantukan ni Centeno. Ibig sabihin, sugat na naghilom na sa labas, ngunit sariwa pa sa loob, tulad ng pag-ibig.

Hindi ko na matandaan ang iba pang aklat na nabili ko na nasa lalawigan. Subalit dahil hindi ko hawak at wala sa aking aklatan ang mga iyon ay nabanggit ko na lang. Kung idadagdag pa ang dalawa, aba'y labing-isa pala ang aklat ko ng maikling kuwento.

Ano ba ang nasa maikling kuwento at bakit ko ba nakahiligan ang pagbabasa niyon? Una, lagi kong nababasa ang maikling kuwento sa magasing Liwayway, at sa totoo lang, mas kinagigiliwan kong magbasa ng maikling kuwento kaysa magbasa ng tula. Buhay na buhay kasi ang mga karakter at akala mo'y kuwento lang sa tabi-tabi kung saan ako naroon.

Ikalawa, nagbabasa ako ng maikling kuwento bilang paraan ko ng paghahasa ng sariling kakayahan, lalo na't may dalawang pahinang espasyong nakalaan sa maikling kuwento sa aming publikasyong Taliba ng Maralita.

Ikatlo, ang pagsusulat ko ng maikling kuwento ay bilang paghahanda sa mas mahaba-habang kuwento o nobela na maraming kabanata. Pangarap ko kasing maging nobelista balang araw. Sa mga susunod pang aakdaing sanaysay, balak kong isa-isahing talakayin ang mga aklat na ito ng maiikling kuwento.

Bagamat mas kinagigiliwan kong magbasa ng maikling kuwento kaysa tula, nais ko namang maghandog ng tula hinggil sa maikling kuwento.

SA PAGKATHA NG MAIKLING KUWENTO

maikling kuwento'y inaakda ko sa Taliba
na munting publikasyon ng samahang maralita
na kinagigiliwan kong isulat, di lang tula
at makabagbag-damdamin kung mabasa ng madla

maikling kuwento'y nakakatulong sa pagmulat
hinggil sa lipunan at mga isyung mabibigat
pinapaksa'y pakikibaka't pagsasabalikat
ng mga layunin laban sa isyung maaalat

di malagay sa Taliba ang maikling kuwento
kapag ang paksa'y di pangmaralita o obrero
sa blog ko na lang ng kuwento inilalagay ko
nang matipon din at balang araw maisalibro

may nabili't natipon akong libro sa aklatan
hinggil sa maiikling kuwentong kagigiliwan
o marahil kuwentong ikagagalit mo naman
dahil kaytindi ng banghay at pagsasalarawan

maraming salamat sa mga aklat kong nabili
kaya sa pagbasa't pagsulat nito'y nawiwili
uupakan ko sa kuwento ang tuso't salbahe
habang bida naman ang dukha, obrero't babae

01.16.2024 

Lunes, Enero 15, 2024

Pagbaka

PAGBAKA

di ka pa ba nagagalit niyan?
na buhay mo'y pinaglalaruan
ng halal na bentador ng bayan

may People's Initiative na ngayon
upang baguhin ang Konstitusyon
pang-interes ba ng bayan iyon?

o tagilid lang muli ang masa?
sa saliwang indak nitong ChaCha
pakana ng mga kongresista

sandaang porsyentong pag-aari
ng dayuhan ay napakasidhi
na nais mangyari nila't mithi

sa kapangyarihan nilang angkin
termino'y balak pang palawigan
na kanilang lulubus-lubusin

binebenta tayo sa dayuhan
ng halal na bentador ng bayan
di ka pa ba magagalit niyan?

- gregoriovbituinjr.
01.15.2024

Linggo, Enero 14, 2024

Ang pitong nobela ni Faustino Aguilar

ANG PITONG NOBELA NI FAUSTINO AGUILAR
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakabili ako noon ng aklat-nobelang Pinaglahuan ni Faustino Aguilar, na kulay pula ang pabalat. Bukod doon ay may iba pa pala siyang nobela. Ito'y ang Busabos ng Palad, Nangalunod sa Katihan, Sa Ngalan ng Diyos, Sa Lihim ng Isang Pulo, at Kaligtasan, na tinalakay bilang kabanata sa aklat. Mayroon pang Ang Patawad ng Patay, subalit nabanggit lang ito bilang huling nobela ni Aquilar, ngunit walang bukod na kabanata na tumalakay dito.

Nabatid ko ito nang mabili ko ang librong Faustino Aguilar: Kapangyarihan, Kamalayan, Kasaysayan, Isang Komentaryo sa mga Nobela ni Faustino Aguilar. Sinulat ito ni E. San Juan Jr. Nabili ko ang aklat sa Solidaridad Bookshop sa Ermita, Maynila sa halagang P500 noong Pebrero 11, 2022.

Ang nobelang Pinaglahuan ay sinulat niya noong 1906 at isinaaklat noong 1907. Nauna lang ng isang taon dito ang unang sosyalistang nobela sa bansa, ang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos na nalathala ng serye noong 1905 sa pahayagang Muling Pagsilang bago isinaaklat noong 1906.

Ayon sa aklat ni San Juan, ang Busabos ng Palad ay nalathala noong 1909, at dalawang nobela ni Aguilar ang nalathala noong 1911, ang Sa Ngalan ng Diyos, at ang Nangaluhod sa Katihan.

Noong 1926 naman nalathala ang nobelang Ang Lihim ng Isang Pulo. Matapos ang halos dalawampu't limang taon ay magkasunod namang nalathala ang mga nobelang Kaligtasan (1951) at Ang Patawad ng Patay (1952).

Gustong-gusto ko ang sinabi ni San Juan sa kanyang Introduksyon sa aklat tungkol kay Aguilar: "Higit na karapat-dapat sa kaniya ang karangalang-bansag na "National Artist" kaysa sa mga ibang nagtamasa ng biyaya noon o ngayon."

Dagdag pa niya, "Opinyon ng piling dalubhasa na si Aguilar, sampu ng kaniyang mga kontemporaneo, ang pinakamasugid na "tagapaglahad ng katotohanan at tagamungkahi ng kalutasan" habang maalab niyang binuhay "ang pagdurusa ng kaluluwa" ng sambayanang Filipino."

Sino si Aguilar? Ito ang ilan sa isiniwalat ni San Juan hinggil sa talambuhay ni Aguilar: "Ipinanganak si Aguilar noong 15 Pebrero 1882 sa Malate at namatay noong 24 Hulyo, 1955 sa Sampaloc, Maynila. Naging kasapi siya ng Katipunan sa gulang na 14 taon. Di naglaon, nahirang siya  bilang kawani ng Kalihim ng Digmaan at Kalihim Panloob ng Republikang Malolos, kaya siya ibinilanggo ng mga Amerikano noong 1899."

Bilang manunulat, si Agular, ayon kay San Juan: "Naging editor siya ng seksyong Tagalog ng pahayagang La Patria at pangkalahatang editor ng pahinang Tagalog ng El Renacimiento. Siya ang kahuli-hulihang editor ng pahayagang Muling Pagsilang at naging editor ng pumalit na pahayagang Taliba."

Bilang manggagawa, si Aguilar naman ay: "Masigasig si Aguilar sa usaping pangmanggagawa. Hinirang siya bilang pangalawang direktor ng Bureau of Labor noong 1913 at pagkaraan umangat bilang direktor nito sa panahong 1918-1923. Naging kalihim siya ng Senado mula 5 Enero 1923 hanggang mabalik siya sa Kagawaran ng Paggawa at maging pangalawang kalihim sa mga taong 1933-1939. Ang mga huling katungkulan niya ay miyembro ng Board ng Rural Progress Administration noong Abril 1947 at ng Philippine Homesite and Housing Corporation."

Hinggil sa pitong nobela ni Aguilar, ayon pa kay San Juan, "Bagamat apat na nobela lamang ang naisaaklat, matayog at manining pa rin sa lahat ang kagalingan ni Aguilar sa uri ng sining na pinagsikhayan niya." Tinutukoy niya marahil sa apat na nang magsaliksik ako sa internet ay may larawan ng pabalat ng aklat - ang Pinaglahuan, Busabos ng Palad, Sa Ngalan ng Diyos, at Ang Lihim ng Isang Pulo. Ayon pa kay Sa Juan, "Pambihirang makakita ng lumang edisyon ng Ang Lihim ng Isang Pulo (1926) na itinuturing na pinakamasining sa paghawak ng dalisay na artikulasyon ng wika." Kung gayon, hindi pa naisaaklat ang mga nobelang Nangalunod sa Katihan, Kaligtasan, at Ang Patawad ng Patay? Nawa'y proyektuhin din itong malathala.

Mabuti't nakapagsulat si San Juan ng sinasabi niyang metakomentaryo sa mga nobela ni Aguilar. Kundi'y hindi natin mababatid na may iba pa pala siyang nobela bukod sa Pinaglahuan. Kailangan pa natin hanapin at basahin ang kanyang mga nobela upang mas malasahan pa natin ang himagsik ng kanyang panulat. Ito ang isa sa mga mithiin ko ngayon, ang basahin ang kanyang nobela at magbigay ng komentaryo, o kaya'y gawan ng sanaysay, ang mga ito.

Minsan, naiisip ko, magandang isalin sa Ingles ang lahat ng nobela ni Aguilar, subalit habambuhay itong gawain kung gagawin ko. Marahil isa o dalawa lamang ang kakayanin ko, kung sisipagin. At mailathala ang bersyong Ingles nito, halimbawa, sa Collins Classics sa Amerika. Gayunman, pangarap pa lang itong mananatiling pangarap kung hindi ako kikilos. Dapat mapagtuunan ito ng pansin at bigyan ng oras upang maisakatuparan.

Naisipan kong gawan ng tula ai Aguilar, tulang may tugma't sukat na labinlimang pantig bawat taludtod, bilang alay sa kanya.

FAUSTINO AGUILAR, NOBELISTANG MANGGAGAWA

Faustino Aguilar, magaling na nobelista
inilarawan ang lagay ng bayan sa nobela
ikinwento ang pagkaapi't himagsik ng masa
pati na ang kahilingang panlipunang hustisya

ang nobela'y Busabos ng Palad, Pinaglahuan,
Ang Patawad ng Patay, Nangalunod sa Katihan,
nariyan ang Sa Ngalan ng Diyos, ang Kaligtasan,
Ang Lihim ng Isang Pulo, sadyang makasaysayan

di dapat mawala na lang ang kanyang mga akda
lalo't nobela hinggil sa manggagawa't dalita
dapat siyang basahin at sa atin manariwa
ang lagay noon na hanggang ngayon ay di nawala

nagsamantala ang kapitalista't asendero
nilarawan niya noon ay di pa rin nagbago
may pagsasamantala pa rin sa dukha't obrero
hustisya noon ay panawagan pa ring totoo

maraming salamat, taoskamaong pagpupugay
kay Faustino Aguilar, na nobelistang tunay
basahin siya't samahan natin sa paglalakbay
hanggang mabago ang sistemang bulok at mabuway

01.14.2024

Sabado, Enero 13, 2024

Komyuter ako, ang laban ng tsuper ay laban ko!

KOMYUTER AKO, ANG LABAN NG TSUPER AY LABAN KO!

kaisa ako sa laban ng mga tsuper ng dyip
dyip na ang sinasakyan ko mula nang magkaisip
ngayon, balak nang i-phase out, dapat itong masagip
sa pakanang ito, komyuter na tulad ko'y hagip

tiyak, apektado ang pamilya ng mga tsuper
pati na libo-libo kundi man milyong kompyuter
lalo ang simpleng trabahador, waiter, writer, welder
dyip ang pangmasang transportasyon nina mother, father

tinawag na e-jeep ang minibus na ipapalit
sa madla, tawag na ito'y tinaguyod na pilit
may dahilan pala, e-jeep na ang iginigiit
upang tradisyunal na dyip ay mawala, kaylupit!

tila kapitalista ang talagang may pakana
imo-modernisa raw, kaya hindi mo halata
na sila palang kapitalista'y kikitang sadya
kapag tradisyunal na dyip na'y tuluyang nawala

kaya "NO to jeepney phase out" ay naging panawagan
ng tulad kong komyuter at ng kapwa mamamayan
dyip nating karamay sa hirap, saya't kakapusan
sasakyan ng dukha'y di dapat mawalang tuluyan

- gregoriovbituinjr.
01.13.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa terminal ng dyip

Biyernes, Enero 12, 2024

Bawat tula'y tulay sa paglaya

BAWAT TULA'Y TULAY SA PAGLAYA

tutulaan kita kahit himbing
o pag nananaginip ng gising
kumakatha habang naglalambing
sa banig man ay pabiling-biling

sasabihin ko sa iyong ganap
anong nasa kabila ng ulap
ano bang mga pinapangarap
nang buhay ay di aandap-andap

na parang kandilang nauupos
dahil sa mga pambubusabos
ng uring gahaman, tuso't bastos
na mapangmata sa dukha't kapos

bawat tula'y tulay sa paglaya
ng dalita't uring manggagawa
ito ang sa buhay ko'y adhika
bilang tibak at makatang gala

- gregoriovbituinjr.
01.12.2024