PAGTAHAK SA HINDI MAKASARILING BUHAY
ako'y tumahak sa hindi makasariling buhay
pagkat hindi pagpapayaman ang sa puso'y taglay
buhay ko'y sa marangal na layunin inialay
lipunang makatao'y matayo ang aking pakay
bakit di ko nga ba isipin ang pagpapayaman?
ang mag-angkin ng mag-angkin ng yaman sa lipunan?
para ano? para kapwa ko'y pagsamantalahan?
ang maging sikat? sambahin ako ng mamamayan?
sayang ang buhay kung magpayaman lang ang isip mo
sayang ang buhay kung magpakabundat ka lang dito
sayang ang buhay kung magiging tuso sa negosyo
sayang ka kung wala kang banal na misyon sa mundo
bakit ka isinilang? upang yaman ay makamal?
mag-angkin ng milyong piso, maupo sa pedestal?
at magbababad sa bisyong babae, alak, sugal
ah, ganyan ba kababaw ang kasiyahan mo, hangal?
nasulat nga doon sa Kartilya ng Katipunan:
"Ang buhay na di ginugol sa banal na dahilan
ay kahoy na walang lilim kundi damong makamandag."
Kartilya'y gabay ko hanggang sa aking kamatayan
may esensya ang buhay kung sa masa'y naglilingkod
napagtanto ko bilang obrerong kayod ng kayod
at hindi sa walang kwentang buhay magpatianod
isang beses lang mabuhay, anong nakalulugod?
anong katuturan ng pagpapayaman sa mundo
at mag-angkin ng maraming pag-aaring pribado
wala, sayang ang buhay kung iyan lang ang layon mo
mabuti pang mamatay sa paglilingkod sa tao
oo, hanap ko'y katuturan, esensya ng buhay
kaya tinahak ay hindi makasariling buhay
sa pagtulong sa kapwa, sa pakikibakang tunay
na may silbi ako sa kapwa kahit na mapatay
- gregoriovbituinjr.