Biyernes, Abril 9, 2021

Kwento: Ang umano'y kantyaw ng unggoy




ANG UMANO’Y KANTYAW NG UNGGOY
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napagkwentuhan ng mga manggagawa kung ano ang sinasabing kantyaw ng unggoy sa kanilang pagtalakay sa ARAK o Aralin sa Kahirapan. Isa iyong aklat na may ilang kabanata na inakda ni Ka Popoy Lagman, dating pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Ayon kay Ka Igme, ang tagapagpadaloy ng talakayan, "Alam n'yo, mga kasama, pag inaral natin ang kasaysayan ng sandaigdigan, hindi man umunlad ang mga unggoy sa gubat matapos ang daang milyong taon ng pag-iral, wala naman maituturing na "mayaman" at "mahirap" na mga unggoy. Pare-parehas lang sila sa kanilang katayuan sa gubat. Habang sa ating lipunan, hindi masasabing pare-parehas ang katayuan ng tao. May "mayamang" tao at "mahirap" na tao. Kung "humirap" man ang buhay ng mga unggoy sa kagubatan, kung nasa bingit man sila ng ekstinksyon, ito’y hindi nila kasalanan kundi kagagawan pa rin ng tao."

"Oo nga, ano, walang mayaman o mahirap sa daigdig ng mga unggoy sa totoong buhay." Sabi naman ni Inggo, isang manggagawa sa pabrika. "Kaiba iyan sa sineng napanood ko na may pamagat na Planet of the Apes. May naghaharing unggoy sa kanilang daigdig."

"Ito pa," pagpapatuloy ni Ka Igme, "at nais kong basahin: Kung ang unggoy ay marunong tumawa, ito’y maluluha sa kakatawa sa tao. Ang tao ay may kung anu-anong aparato sa produksyon. Siya’y intelihente, imbentor at produktibo. Nagtatayo ng nagtataasang mga gusali at magagarbong mga syudad. Maunlad ang imahinasyon, emosyon at lenggwahe. May konsepto ng moralidad, relihiyon at sibilisasyon. May syensya, sining at teknolohiya. May industriya, agrikultura at komersyo. May mga eroplano’t barko, may mga makina’t kompyuter. Lahat ng ito ay wala ang unggoy. Pero hindi maiingit ang unggoy sa klase ng paghihirap ng mayorya ng tao sa daigdig."

"Grabe naman po iyan, Ka Igme," sabi ni Teresa, na mananahi sa katabing pabrika. "Ikinukumpara ninyo ang ating lipunan sa unggoy. syempre, dahil hindi nakakapag-isip ng syensya ang unggoy, hindi sila nakakapagpatayo ng mga building o nakakagamit ng selpon o kompyuter. Tao lang ang nakakapag-isip."

"Iyon nga ang punto, iha." Sabi ni Ka Igme, “Dahil sa daigdig ng mga hayop ay walang pagsasamantala kaya walang mahirap at mayaman sa kanila. Hindi tulad sa ating mga tao na may mahirap at mayaman sa kabila ng kaunlarang inabot ng lipunan. Nakapunta na nga ang tao sa buwan at nakagawa na tayo ng sinasabi mong selpon at kompyuter, subalit hindi pa rin malutas ng tao ang laksang kahirapan. Kung kaya mang lutasin ay ayaw lutasin dahil may tatamaan sa kanila. Iyan ang punto, kaya kung makikita tayo ng unggoy ay baka tawanan lang tayo dahil may naghihirap na tao sa kabila ng pag-unlad ng buong lipunan.”

“Nauunawaan ko na po, Ka Igme, maraming salamat sa paliwanag. Kung masosolusyonan man ang kahirapan, dapat po hindi parang limos, di po ba? Limos sa mahirap, limos sa pulubi. Parang band aid solution lang po iyon, di po ba? Ang tanong ko na lang, paano natin malulutas ang kahirapang ayaw lutasin ng mayayaman kung sila ang tatamaan?”

“Hindi ang mayayaman ang lulutas, Ineng, dahil kontento na sila sa narating nila. Maliban doon sa mayayamang masisiba na di makuntento sa kung anong meron sila. Para iyang isang puno na punong-puno ng bunga, na ang lahat ng maparaan doon ay nakikinabang. Subalit nang inagkin na ng isang mangangalakal ang lupain ng mga punong iyon, at ibenta ang bunga ng mga puno, hindi na nakikinabang ang lahat sa bunga ng kalikasan, kundi ang dupang na mangangalakal na ang nakikinabang. Pinagtubuan niya ang punong iyon.”

“Kung tutuusin po, hindi naman masama iyon, di po ba?” Si Teresa.

“Hindi masama kung sa punto de bista ng mga mayayaman, dahil kumikita sila. Subalit masama dahil binakuran niya ang lupaing mapunong iyon at inangkin, kaya ang dating masaganang pamayanan, ngayon ang mga tao ay naghihirap, dahil hindi makakuha ng bunga ng puno. Kaya ang dapat tanggalin sa kamay ng masiba ang pribadong pagmamay-ari ng punong iyon upang muling makinabang ang pamayanan, at walang nagugutom,” ang mahabang paliwanag ni Ka Igme.

Natapos ang talakayan na nauunawaan nila kung bakit kantyaw ng unggoy ang paksa ng talakayan. Umuwi silang may dalang pag-asang may pagbabago pa kung sila’y kikilos ng sama-sama tungo sa pangarap nilang lipunang makatao at pantay-pantay na dapat maitayo.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 1-15, 2021, pahina 16-17.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento