Martes, Marso 29, 2022

Kwento - Rali para sa P750 minimum wage

RALI PARA SA P750 MINIMUM WAGE
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa sumali sa rali ng mga manggagawa upang madagdagan ang sahod ng bawat manggagawa bawat araw, hindi lamang dito sa Pambansang Punong Rehiyon o NCR, kundi sa buong bansa. Sa ngayon kasi, iba-iba ang sahod ng manggagawa sa rehiyon. Kausap ko ang isang kasama at ipinaliwanag niya sa mga nagraraling tulad ko bakit nga ba pitumpu't limang daang piso ang dapat maging sahod ng manggagawa. Minimum wage pa lang daw iyon, hindi pa iyon living wage o nakabubuhay na sahod? Ha? Sabi ko. Magkaiba pa pala iyon...

Sabi ng kasama, "Minimum na sweldong P750 sa buong bansa para sa ating kapwa obrero! Di gaya ngayon, umiiral pa ang Regional Wage Board kaya iba ang sahod ng manggagawa sa probinsya. Sa N.C.R. nga, P537 na, habang P300 lang doon sa Cordillera. P420 sa Gitnang Luzon at P400 naman sa CALABARZON. Sa MIMAROPA, P320. Sa Bicol, P310!"

Patuloy niya: "Mas mataas sa BARMM kaysa Bicol ng kinse pesos. Parang Eastern Visayas, three hundred twenty five pesos. Sa Western Visayas ay three hundred ninety five pesos. Sa rehiyon ng Davao, three hundred ninety six pesos. Gayong halos pare-pareho ang presyo ng bigas sa lahat ng rehiyon, kahit presyo ng sardinas. Bakit sweldo'y magkaiba pa, dapat iparehas. Ganito ang nais natin, isang lipunang patas."

Napaisip ako, "Ibig sabihin, dapat buwagin ang Regional Wage Board." At sagot ng kasama, "Kung iyan ang nararapat, dahil matagal nang instrumento iyan ng kapitalista upang pagsamantahan ang mga manggagawa. At mula sa rali, kami'y umuwing dala ang adhikaing ipanalo ang P750 minimum wage across the board. 

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Marso 16-31, 2022, pahina 16.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento