Miyerkules, Enero 31, 2024

Pag-aralan ang lipunan

PAG-ARALAN ANG LIPUNAN

bata pa'y akin na silang kinariringgan
ang payo nila'y "Pag-aralan ang lipunan!"
bakit laksa'y mahirap, may ilang mayaman
bakit daw di pantay-pantay ang kalagayan

nang lumaki na ako't nasa kolehiyo
payo nilang iyon ay nakasalubong ko
kaya lipunan ay inaral kong totoo
mula primitibo hanggang kapitalismo

sistema'y nagbago, api pa rin ang masa
naghihirap ang masipag na magsasaka
sahod ng manggagawa'y kaybaba talaga
salot na kontraktwalisasyon umiral pa

kaya ako'y nakiisa na sa pagkilos
upang mapigil ang mga kuhila't bastos
pati pagsasamantala't pambubusabos
natantong uring manggagawa ang tutubos

kaya napagpasyahan kong makibaka rin
palitan ang sistemang bulok ang layunin
pagkakapantay sa lipunan ang mithiin
isang magandang daigdig ang lilikhain

- gregoriovbituinjr.
01.31.2024

Martes, Enero 30, 2024

Nang nilampasan niya ang tulay ng bahaghari

NANG NILAMPASAN NIYA ANG TULAY NG BAHAGHARI

naaalala ko pa rin ang katoto't kauri
nilampasan na niya ang tulay ng bahaghari
sa kabaitan niya'y di pa ako nakabawi
kapara ko, lipunang makatao'y kanyang mithi

sa dulo raw ng bahaghari ay may mga ginto
subalit ang aking natanaw ay isang kulambo
nang namayapa'y di lamukin sa nasabing dako
ngunit malikmata lang pala't kulambo'y naglaho

tanging alaala na lang ng mga nakalipas
naming pinagsamahan ang sa diwa'y naglalandas
pinangarap naming likhain ay lipunang patas
at nagsikilos upang kamtin ang magandang bukas

maraming salamat, katoto ko, sa iyong gabay
noong hinahanap ko ang landas patungong tulay
ng paglilingkod sa masa, doon tayo pinanday
nawala ka man, mithi'y itutuloy naming tunay

- gregoriovbituinjr.
01.30.2024

* litrato mula sa google

Linggo, Enero 28, 2024

Patutunguhan

PATUTUNGUHAN

nais kong magtungo / sa pinapangarap
mabago ang buhay / na aandap-andap
ang bawat kahapo'y / di na malalasap
kaya tutunguhi'y / yaong hinaharap

kaya naglalayag / akong taas-noo
at nakikibaka / ng taas-kamao
nakikipamuhay / sa dukha't obrero
habang tinangana'y / yakap na prinsipyo

patutunguhan ko'y / masukal na gubat
na siatemang bulok / sa masa'y ilantad
na kapwa't kauri / sa isyu'y imulat
saanmang lunan pa / sila namumugad

kaya heto ako, / di nakalilimot
harapin ang unos, / labanan ang buktot
iunat, ituwid / ang mga baluktot
at purgahin yaong / tiwali't kurakot

pangarap itatag / ang sistemang pantay
walang nang-iisa't / kaapihang tunay
dapat lang kumilos / upang mapalagay
yaring diwa't loob, / bansa'y mapahusay

- gregoriovbituinjr.
01 28 2024

* litrato kuha ni misis habang ako'y naglalakad

Sabado, Enero 27, 2024

Hindi titikom

HINDI TITIKOM

hindi titikom ang aking pluma
sa pagsulat ng isyu ng masa,
obrero, babae, magsasaka
nang mabago'y bulok na sistema

hindi titikom ang aking bibig
upang mga api'y bigyang tinig
mga isyu nila'y iparinig
sa sana'y marunong ding makinig

mata't tainga ko'y hindi titikom
upang itala ang isyu ngayon
upang mga dukha'y makaahon
sa luha't dusa'y hindi makahon

titikom lang ang aking kamao
upang ipagtanggol ang bayan ko
hustisya't karapatang pantao'y
ipaglalaban nating totoo

-: gregoriovbituinjr.
01.27.2024

Miyerkules, Enero 24, 2024

Pagkain ng buhay-Spartan

PAGKAIN NG BUHAY-SPARTAN

kapag wala si misis, balik sa buhay-Spartan
pagkat bilang aktibista, ito'y nakasanayan
kaya wala munang masarap na pananghalian
kundi ang naisipa'y pagkaing pangkalusugan

sibuyas, bawang, kamatis, at talbos ng kamote
pampalakas ng katawan, ganito ang diskarte
pawang mga gulay, prutas, isda, at walang karne
kahit sa kapwa tibak, ito'y munti kong mensahe

mahirap man ang buhay-Spartan na binabaka
ang bulok na sistema't mga pagsasamantala
dapat handa't malakas sa pagharap sa problema
lalo't asam itayo ang lipunang makamasa

mga payak na pagkain ngunit nagpapalakas
ng diwa't katawan, paghahanda sa bagong bukas

- gregoriovbituinjr.
01.24.2024

Lunes, Enero 22, 2024

Pagbigkas ng tula sa rali

PAGBIGKAS NG TULA SA RALI

ah, patuloy akong bibigkas ng tula sa rali
pagkat kayraming isyu ng masa'y dapat masabi
kahit makasagasa man nang walang pasintabi
ay tutula ako ng walang pag-aatubili
nang sa uring manggagawa't masa'y makapagsilbi

pagkat wala rin akong ibang entabladong alam
kundi sa mga pagkilos ng masa sa lansangan 
wala ring toreng garing na sana'y mapupuntahan
kundi sa lupang dahop sa anumang karangyaan
upang ipagtanggol ang pinagsasamantalahan

pagpupugay sa lahat ng makatang mambibigkas
na tila mga apo nina Batute't Balagtas
habang atin namang tinatahak ang wastong landas
tungo sa asam na pagtatag ng lipunang patas

- gregoriovbituinjr.
01.22.2024

Martes, Enero 16, 2024

Ang siyam kong aklat ng maikling kuwento

ANG SIYAM KONG AKLAT NG MAIKLING KUWENTO
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa sa aking paboritong basahin at pagpalipasan ng oras ay ang pagbabasa ng maikling kwento, lalo na sa magasing Liwayway. Isa rin sa madalas kong isulat, bukod sa sanaysay at tula, ang maikling kwento, tulad ng inilalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Sa munti kong aklatan ay may may siyam na pala akong aklat ng maikling kwento. Sa siyam na iyon, ang apat na aklat ay inilathala ng Ateneo de Manila University Press, at tig-isa naman ang University of the Philippines Press, Pantas Publishing, National Book Store, Bookman, Inc., at Psicom Publishing.

Ang apat na inilathala ng Ateneo ay ang Landas sa Bahaghari at Iba Pang Kuwento ni Benjamin P. Pascual, Alyas Juan de la Cruz at iba pang Kuwento ni Placido R. Parcero Jr., Mga Piling Katha ni Liwayway A. Arceo, at Si Juan Beterano at Iba Pang Kuwento ni Rosario De Guzman-Lingat.

Inilathala naman ng UP Press ang Paglawig ng Panahon: 20 Maiikling Kuwento ni Gloria Villaraza Guzman. National Book Store naman ang naglathala ng Tuhug-Tuhog ni Frank G. Rivera, 25 Maiikling Kuwento ng Pag-ibig at Pakikipagsapalaran ng OFWs. Inilathala naman ng Pantas Publishing ang Mga Kuwento Mula sa Lipunan, 12 Maikling Kuwento, ni Edberto M. Villegas, habang ang Mga Kuwento ni Lolo Imo, na siyang salin mula sa Ingles ng mga kuwento ni Maximo Ramos, ay inilathala naman ng Bookman, Inc. Isinalin nina Ma. Veronica U. Calaguas at Ma. Jessica H. Tolentino. Ang BASAG: Modernong Panitikan ng mga Kuwentistang Wasak na pinamatnugutan ni Juan Bautista ay inilathala naman ng Psicom Publishing.

Kapansin-pansin na hindi gaya ng inilalathala ko sa Taliba na maikling kwento, sa pamagat ng mga aklat ay may u ang kwento, kaya kuwento. Marahil ito ang wastong pagbaybay, subalit nasimulan ko na sa Taliba ang kwento, na marahil ay modernong baybay ng salita.

Bukod sa siyam na aklat na nabanggit ko, may iba pa akong aklat ng kuwento na nasa lalawigan, tulad ng Sa Aking Panahon, 13 Piling Katha (at Isa Pa!) ni Edgardo M. Reyes. Pati na ang aklat na 60-40 at Iba Pang Akda ni Mabini Rey Centeno, na natatandaan kong nabigay ng Introduksyon ay si Liwayway Arceo. Tanda kong dito ko nabatid ano ang balantukan, sa kuwentong Maghilom Ma'y Balantukan ni Centeno. Ibig sabihin, sugat na naghilom na sa labas, ngunit sariwa pa sa loob, tulad ng pag-ibig.

Hindi ko na matandaan ang iba pang aklat na nabili ko na nasa lalawigan. Subalit dahil hindi ko hawak at wala sa aking aklatan ang mga iyon ay nabanggit ko na lang. Kung idadagdag pa ang dalawa, aba'y labing-isa pala ang aklat ko ng maikling kuwento.

Ano ba ang nasa maikling kuwento at bakit ko ba nakahiligan ang pagbabasa niyon? Una, lagi kong nababasa ang maikling kuwento sa magasing Liwayway, at sa totoo lang, mas kinagigiliwan kong magbasa ng maikling kuwento kaysa magbasa ng tula. Buhay na buhay kasi ang mga karakter at akala mo'y kuwento lang sa tabi-tabi kung saan ako naroon.

Ikalawa, nagbabasa ako ng maikling kuwento bilang paraan ko ng paghahasa ng sariling kakayahan, lalo na't may dalawang pahinang espasyong nakalaan sa maikling kuwento sa aming publikasyong Taliba ng Maralita.

Ikatlo, ang pagsusulat ko ng maikling kuwento ay bilang paghahanda sa mas mahaba-habang kuwento o nobela na maraming kabanata. Pangarap ko kasing maging nobelista balang araw. Sa mga susunod pang aakdaing sanaysay, balak kong isa-isahing talakayin ang mga aklat na ito ng maiikling kuwento.

Bagamat mas kinagigiliwan kong magbasa ng maikling kuwento kaysa tula, nais ko namang maghandog ng tula hinggil sa maikling kuwento.

SA PAGKATHA NG MAIKLING KUWENTO

maikling kuwento'y inaakda ko sa Taliba
na munting publikasyon ng samahang maralita
na kinagigiliwan kong isulat, di lang tula
at makabagbag-damdamin kung mabasa ng madla

maikling kuwento'y nakakatulong sa pagmulat
hinggil sa lipunan at mga isyung mabibigat
pinapaksa'y pakikibaka't pagsasabalikat
ng mga layunin laban sa isyung maaalat

di malagay sa Taliba ang maikling kuwento
kapag ang paksa'y di pangmaralita o obrero
sa blog ko na lang ng kuwento inilalagay ko
nang matipon din at balang araw maisalibro

may nabili't natipon akong libro sa aklatan
hinggil sa maiikling kuwentong kagigiliwan
o marahil kuwentong ikagagalit mo naman
dahil kaytindi ng banghay at pagsasalarawan

maraming salamat sa mga aklat kong nabili
kaya sa pagbasa't pagsulat nito'y nawiwili
uupakan ko sa kuwento ang tuso't salbahe
habang bida naman ang dukha, obrero't babae

01.16.2024 

Lunes, Enero 15, 2024

Pagbaka

PAGBAKA

di ka pa ba nagagalit niyan?
na buhay mo'y pinaglalaruan
ng halal na bentador ng bayan

may People's Initiative na ngayon
upang baguhin ang Konstitusyon
pang-interes ba ng bayan iyon?

o tagilid lang muli ang masa?
sa saliwang indak nitong ChaCha
pakana ng mga kongresista

sandaang porsyentong pag-aari
ng dayuhan ay napakasidhi
na nais mangyari nila't mithi

sa kapangyarihan nilang angkin
termino'y balak pang palawigan
na kanilang lulubus-lubusin

binebenta tayo sa dayuhan
ng halal na bentador ng bayan
di ka pa ba magagalit niyan?

- gregoriovbituinjr.
01.15.2024

Linggo, Enero 14, 2024

Ang pitong nobela ni Faustino Aguilar

ANG PITONG NOBELA NI FAUSTINO AGUILAR
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakabili ako noon ng aklat-nobelang Pinaglahuan ni Faustino Aguilar, na kulay pula ang pabalat. Bukod doon ay may iba pa pala siyang nobela. Ito'y ang Busabos ng Palad, Nangalunod sa Katihan, Sa Ngalan ng Diyos, Sa Lihim ng Isang Pulo, at Kaligtasan, na tinalakay bilang kabanata sa aklat. Mayroon pang Ang Patawad ng Patay, subalit nabanggit lang ito bilang huling nobela ni Aquilar, ngunit walang bukod na kabanata na tumalakay dito.

Nabatid ko ito nang mabili ko ang librong Faustino Aguilar: Kapangyarihan, Kamalayan, Kasaysayan, Isang Komentaryo sa mga Nobela ni Faustino Aguilar. Sinulat ito ni E. San Juan Jr. Nabili ko ang aklat sa Solidaridad Bookshop sa Ermita, Maynila sa halagang P500 noong Pebrero 11, 2022.

Ang nobelang Pinaglahuan ay sinulat niya noong 1906 at isinaaklat noong 1907. Nauna lang ng isang taon dito ang unang sosyalistang nobela sa bansa, ang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos na nalathala ng serye noong 1905 sa pahayagang Muling Pagsilang bago isinaaklat noong 1906.

Ayon sa aklat ni San Juan, ang Busabos ng Palad ay nalathala noong 1909, at dalawang nobela ni Aguilar ang nalathala noong 1911, ang Sa Ngalan ng Diyos, at ang Nangaluhod sa Katihan.

Noong 1926 naman nalathala ang nobelang Ang Lihim ng Isang Pulo. Matapos ang halos dalawampu't limang taon ay magkasunod namang nalathala ang mga nobelang Kaligtasan (1951) at Ang Patawad ng Patay (1952).

Gustong-gusto ko ang sinabi ni San Juan sa kanyang Introduksyon sa aklat tungkol kay Aguilar: "Higit na karapat-dapat sa kaniya ang karangalang-bansag na "National Artist" kaysa sa mga ibang nagtamasa ng biyaya noon o ngayon."

Dagdag pa niya, "Opinyon ng piling dalubhasa na si Aguilar, sampu ng kaniyang mga kontemporaneo, ang pinakamasugid na "tagapaglahad ng katotohanan at tagamungkahi ng kalutasan" habang maalab niyang binuhay "ang pagdurusa ng kaluluwa" ng sambayanang Filipino."

Sino si Aguilar? Ito ang ilan sa isiniwalat ni San Juan hinggil sa talambuhay ni Aguilar: "Ipinanganak si Aguilar noong 15 Pebrero 1882 sa Malate at namatay noong 24 Hulyo, 1955 sa Sampaloc, Maynila. Naging kasapi siya ng Katipunan sa gulang na 14 taon. Di naglaon, nahirang siya  bilang kawani ng Kalihim ng Digmaan at Kalihim Panloob ng Republikang Malolos, kaya siya ibinilanggo ng mga Amerikano noong 1899."

Bilang manunulat, si Agular, ayon kay San Juan: "Naging editor siya ng seksyong Tagalog ng pahayagang La Patria at pangkalahatang editor ng pahinang Tagalog ng El Renacimiento. Siya ang kahuli-hulihang editor ng pahayagang Muling Pagsilang at naging editor ng pumalit na pahayagang Taliba."

Bilang manggagawa, si Aguilar naman ay: "Masigasig si Aguilar sa usaping pangmanggagawa. Hinirang siya bilang pangalawang direktor ng Bureau of Labor noong 1913 at pagkaraan umangat bilang direktor nito sa panahong 1918-1923. Naging kalihim siya ng Senado mula 5 Enero 1923 hanggang mabalik siya sa Kagawaran ng Paggawa at maging pangalawang kalihim sa mga taong 1933-1939. Ang mga huling katungkulan niya ay miyembro ng Board ng Rural Progress Administration noong Abril 1947 at ng Philippine Homesite and Housing Corporation."

Hinggil sa pitong nobela ni Aguilar, ayon pa kay San Juan, "Bagamat apat na nobela lamang ang naisaaklat, matayog at manining pa rin sa lahat ang kagalingan ni Aguilar sa uri ng sining na pinagsikhayan niya." Tinutukoy niya marahil sa apat na nang magsaliksik ako sa internet ay may larawan ng pabalat ng aklat - ang Pinaglahuan, Busabos ng Palad, Sa Ngalan ng Diyos, at Ang Lihim ng Isang Pulo. Ayon pa kay Sa Juan, "Pambihirang makakita ng lumang edisyon ng Ang Lihim ng Isang Pulo (1926) na itinuturing na pinakamasining sa paghawak ng dalisay na artikulasyon ng wika." Kung gayon, hindi pa naisaaklat ang mga nobelang Nangalunod sa Katihan, Kaligtasan, at Ang Patawad ng Patay? Nawa'y proyektuhin din itong malathala.

Mabuti't nakapagsulat si San Juan ng sinasabi niyang metakomentaryo sa mga nobela ni Aguilar. Kundi'y hindi natin mababatid na may iba pa pala siyang nobela bukod sa Pinaglahuan. Kailangan pa natin hanapin at basahin ang kanyang mga nobela upang mas malasahan pa natin ang himagsik ng kanyang panulat. Ito ang isa sa mga mithiin ko ngayon, ang basahin ang kanyang nobela at magbigay ng komentaryo, o kaya'y gawan ng sanaysay, ang mga ito.

Minsan, naiisip ko, magandang isalin sa Ingles ang lahat ng nobela ni Aguilar, subalit habambuhay itong gawain kung gagawin ko. Marahil isa o dalawa lamang ang kakayanin ko, kung sisipagin. At mailathala ang bersyong Ingles nito, halimbawa, sa Collins Classics sa Amerika. Gayunman, pangarap pa lang itong mananatiling pangarap kung hindi ako kikilos. Dapat mapagtuunan ito ng pansin at bigyan ng oras upang maisakatuparan.

Naisipan kong gawan ng tula ai Aguilar, tulang may tugma't sukat na labinlimang pantig bawat taludtod, bilang alay sa kanya.

FAUSTINO AGUILAR, NOBELISTANG MANGGAGAWA

Faustino Aguilar, magaling na nobelista
inilarawan ang lagay ng bayan sa nobela
ikinwento ang pagkaapi't himagsik ng masa
pati na ang kahilingang panlipunang hustisya

ang nobela'y Busabos ng Palad, Pinaglahuan,
Ang Patawad ng Patay, Nangalunod sa Katihan,
nariyan ang Sa Ngalan ng Diyos, ang Kaligtasan,
Ang Lihim ng Isang Pulo, sadyang makasaysayan

di dapat mawala na lang ang kanyang mga akda
lalo't nobela hinggil sa manggagawa't dalita
dapat siyang basahin at sa atin manariwa
ang lagay noon na hanggang ngayon ay di nawala

nagsamantala ang kapitalista't asendero
nilarawan niya noon ay di pa rin nagbago
may pagsasamantala pa rin sa dukha't obrero
hustisya noon ay panawagan pa ring totoo

maraming salamat, taoskamaong pagpupugay
kay Faustino Aguilar, na nobelistang tunay
basahin siya't samahan natin sa paglalakbay
hanggang mabago ang sistemang bulok at mabuway

01.14.2024

Sabado, Enero 13, 2024

Komyuter ako, ang laban ng tsuper ay laban ko!

KOMYUTER AKO, ANG LABAN NG TSUPER AY LABAN KO!

kaisa ako sa laban ng mga tsuper ng dyip
dyip na ang sinasakyan ko mula nang magkaisip
ngayon, balak nang i-phase out, dapat itong masagip
sa pakanang ito, komyuter na tulad ko'y hagip

tiyak, apektado ang pamilya ng mga tsuper
pati na libo-libo kundi man milyong kompyuter
lalo ang simpleng trabahador, waiter, writer, welder
dyip ang pangmasang transportasyon nina mother, father

tinawag na e-jeep ang minibus na ipapalit
sa madla, tawag na ito'y tinaguyod na pilit
may dahilan pala, e-jeep na ang iginigiit
upang tradisyunal na dyip ay mawala, kaylupit!

tila kapitalista ang talagang may pakana
imo-modernisa raw, kaya hindi mo halata
na sila palang kapitalista'y kikitang sadya
kapag tradisyunal na dyip na'y tuluyang nawala

kaya "NO to jeepney phase out" ay naging panawagan
ng tulad kong komyuter at ng kapwa mamamayan
dyip nating karamay sa hirap, saya't kakapusan
sasakyan ng dukha'y di dapat mawalang tuluyan

- gregoriovbituinjr.
01.13.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa terminal ng dyip

Biyernes, Enero 12, 2024

Bawat tula'y tulay sa paglaya

BAWAT TULA'Y TULAY SA PAGLAYA

tutulaan kita kahit himbing
o pag nananaginip ng gising
kumakatha habang naglalambing
sa banig man ay pabiling-biling

sasabihin ko sa iyong ganap
anong nasa kabila ng ulap
ano bang mga pinapangarap
nang buhay ay di aandap-andap

na parang kandilang nauupos
dahil sa mga pambubusabos
ng uring gahaman, tuso't bastos
na mapangmata sa dukha't kapos

bawat tula'y tulay sa paglaya
ng dalita't uring manggagawa
ito ang sa buhay ko'y adhika
bilang tibak at makatang gala

- gregoriovbituinjr.
01.12.2024

Paano ba tatapusin ang kwento?

PAANO BA TATAPUSIN ANG KWENTO?
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kailangan bang matapos agad ang kwento? Iyan ang tanong ko minsan, lalo na sa pagbabasa lang sa isang upuan. Mahalaga ito lalo't bukod sa tula ay nagsusulat ako ng maikling kwento, dahil inaalagaan ko ang dalawang pahina sa pinagsusulatan kong pahayagan upang paglathalaan ng sinusulat kong kwento.

Noong bata pa ako, nagbabasa kami ng komiks na madalas ay serye kaya itutuloy sa susunod na labas. Kung gayon, hindi mo agad nababatid ang buong kwento dahil dapat mong abangan ang susunod na kabanata. Nariyan naman noon ang Wakasan Komiks na talagang sa apat na pahina ay tapos na agad ang kwento. Subalit sa Aliwan komiks, halimbawa, dahil nobela, aabangan mo ang bawat labas. Noon nga ay di mo pa kailangang bilhin ang komiks, kundi arkilahin lang, at doon mo basahin sa tabi ng tindera ng komiks. Ibabalik mo rin pagkatapos mong basahin at magbayad.

Sa radyo, inaabangan namin noon ang Simatar na aabangan mo rin kada araw upang masundan mo ang kwento. Kumbaga, sa haba ng kwento, o sabihin na nating nobela, hindi mo agad mababatid ang rurok o ang katapusan ng kwento. Ang mahalaga'y napapakinggan mo ito at nasusubaybayan.

Karaniwan naman sa pelikula, natatapos mo ang kwento sa isang upuan, at nababatid mo ang kabuuan ng kwento. Tulad na lang ng mga kwento sa pelikula ni FPJ. May simula, may bakbakan ng bida at kontrabida, at kung paano tinapos ang kwento. Kumbaga, hindi bitin ang manonood.

Sa serye ng pelikulang Lord of the Rings, bitin ang manonood sa unang dalawang pelikula, lalo na yaong hindi nakabasa ng aklat ni J.R.R. Tolkien. Sa Fellowship of the Ring (2001) pa lang ay bitin dahil hindi tapos ang kwento. Sumunod ay ang Two Towers (2002), na maganda ang pagkakasalaysay, subalit bitin pa rin dahil hindi tapos ang kwento. Nabatid na lang natin ang katapusan ng kwento sa The Return of the King (2003) nang mahulog na sa kumukulong laba ng Mordor ang singsing na pinagsikapang dalhin doon ni Frodo, at ng kanyang kaibigang si Sam, kasama si Gollum.

Sa munti naming pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), ang pahina 18-19 nito ay itinalaga na para sa maikling kwento. Subalit paano mo tatapusin ang maikling kwento sa gayong maliit na espasyo. Ang bawat pahina ay kalahati ng short bond paper. Kaya ang kwento mo talaga ay ipinasok mo sa isang pahina lang ng short bond paper. Gayong pag nagbabasa tayo halimbawa ng mga maikling kwento sa magasing Liwayway, maraming pahina ang kailangan, na minsan ay umaabot ng lima o anim na pahina sa bagong anyo nito ngayon. Sa dating malaking anyo nito, na malaki pa sa short bond paper bawat pahina, ang maikling kwento ay umaabot pa minsan ng dalawa hanggang tatlong pahina.

Mahalaga kasi, hindi lang sa manunulat, kundi sa mambabasa, na mabatid agad niya ang nais iparating ng kwento, na hindi bitin ang mambabasa. Kumbaga, natapos agad niya ang kwento. Maaari namang subukang gawing serye ang kwento sa Taliba, subalit mas pinili kong bawat kwento ay wakasan upang di sila mabitin. Nalalathala ang Taliba ng dalawang beses kada buwan, kaya dalawang maikling kwento ang ating ginagawa sa bawat buwan.

Dagdag pa riyan ang kalagayang kaunti lang ang nalalathalang Taliba, wala pang isangdaang kopya bawat isyu, depende kasi sa kung magkano ang hawak na salapi, at sa mga lugar ng maralita na pagdadalhan ng Taliba dahil kung saan lang mapadapo ang organizer ay doon lang nagkakaroon ng pahayagang Taliba ang mga maralita, o nabebentahan. Kailangang ibenta upang may balik sa puhunan at makagawa uli ng pahayagan. Ang 20-pahinang Taliba ay P10. Kung walang pera ang maralita, ibinibigay na lang natin, o kaya'y donasyon batay sa kanilang kakayanan. Minsan may nagbibigay ng P5, at tinatanggap na natin basta magkaroon sila ng kopya ng Taliba. Hindi na natin pinipilit na mabayaran dahil pangkain nga lang, kulang pa sa kanila, sisingilin mo pa. Subalit meron pa rin talagang nagbibigay. Ang pahayagang Taliba naman ay hindi negosyong dapat pagkakitaan kundi babasahing katuwang ng maralita sa kanilang laban.

Sa Taliba, mas ang isyu ng maikling kwento ay batay sa kalagayan at pakikibaka ng maralita, dahil nga pahayagan iyon ng maralita. Kaya kung hindi kaugnay sa isyu nila, hindi ko roon inilalathala ang nakatha kong maikling kwento kundi sa aking blog. Sa isang iglap, tingin agad natin ay hindi isyu ng maralita ang nagbabagong klima o climate change, subalit isyu rin ng maralita ang klima, hindi lang pabahay, kahirapan, at pagiging iskwater sa sariling bayan, kundi pati na rin karapatang pantao, hustisyang panlipunan, ang ugnayan sa uring manggagawa, taas ng presyo ng bilihin, at mga isyung panlipunan.

Kaya sa tanong sa pamagat na "Paano ba tatapusin ang kwento?" Payak lang ang aking tugon. Sa kabuuan ng kwento ay nasabi ko ang isang paksa nang sa palagay ko'y hindi bitin ang mambabasa. Bagamat marahil ay bitin pa sila, depende marahil sa kanilang hinahanap o iniisip, dahil maraming paksa talaga ang nangangailangan ng detalye, malaliman at mahabang paliwanag, lalo na't isyu ito ng maralita o panlipunan, subalit baka hindi na maikling kwento iyon kundi nobela na ang kailangang sulatin. Nawa'y nakamit ko ang layuning ito sa mga kinatha kong maikling kwento.

Gayunpaman, sinasanay ko ang pagsusulat ng maikling kwento bilang paghahanda sa mahaba-habang kwento o nobela na nais kong kathain. Pangarap kong maging nobelista rin balang araw. Maraming salamat sa Taliba ng Maralita at binigyan ako ng pagkakataong malinang ang aking kakayahang kumatha ng kwento at mailathala ang mga iyon.

Talagang malaking hamon sa akin ang pagsusulat ng maikling kwento sa pahayagang Taliba, kung paano ba sisimulan ang kwento, paano padadaluyin ang usapan at banghay, at paano ko ba ito tinapos sa gayong kaliit lang na espasyo ng pahayagan.

01.12.2024

Kwento - Makikisayaw ka ba sa ChaCha?

MAKIKISAYAW KA BA SA CHACHA?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Nagsasayaw ka pa rin ba ng ChaCha, mareng Isay?” Tanong ni Ina kay Isay, na dati niyang kasama sa pagsasayaw noong kanilang kabataan.

“Ano ka ba naman, Ina? May mga anak na ako, ano? Pero kagaya noong hayskul tayo, alam ko pa rin ang mga hakbang sa pagsasayaw ng ChaCha, Ikaw ba, mare?” Sagot naman ni Isay.

“Hindi na rin ako nagsasayaw, at wala na akong praktis, mare. Si Pare mo naman, walang hilig sa pagsasayaw. Subalit kanina, napadaan ako sa kanto, maraming tao, may pipirmahan daw. Para raw sa ChaCha, Aba’y nag-usyoso nga ako at baka mabigyan din ako ng ayuda pag nakisayaw ako sa kanila ng ChaCha. Aba’y ibang ChaCha pala iyon. Iyon bang Charter Change?” Sabi naman ni Ina.

“Haynaku, mare. Iyang napapabalitang Charter Change na iyan ay ang pagbabago ng ating Konstitusyon. Nakiusyoso rin ako kanina riyan. Subalit hindi ako pumirma. Aba’y hindi naman nila pinaliliwanag ng maayos kung bakit dapat palitan ang Konstotusyon. Ang sabi lang, basta pumirma lang daw at may kapalit na ayuda. Aba’y pandaraya na iyan, ha? Tulad ng nakaraang halalan na may bilihan din ng boto.” Sabi ni Isay.

Napanganga si Ina, “Ano bang mali sa pagpirma roon, kung kapalit naman ay ayuda. Kailangan nga natin ng ayuda dahil mahirap lang tayo at maliit lang ang kita ng aking asawang tsuper. May banta pang mawalan siya ng trabaho pag natuloy iyang jeepney phaseout.”

“Alam mo ba, mare, ang sinasabi mo? Ang sa akin lang, huwag tayong padenggoy na naman sa mga pulitikong ang hangad ay taliwas sa ating mga mahihirap. Nais nilang baguhin ang Konstitusyon, para ano, para pahabain ang termino nilang mga nanunungkulan. Eto ang naririnig ko. Nais nilang tanggalin ang 60-40 na pag-aari sa bansa. Sa Saligang Batas, animnapung porsyento dapat ang pag-aari ng Pilipino habang apatnapung porsyento lang sa dayuhan. Ngunit nais nilang tanggalin iyon upang maging maluwag sa mga dayuhang kapitalista ang patakaran sa bansa, Nais nilang sandaang porsyento ay maaari nang mag-ari ang mga dayuhan sa Pilipinas. Halimbawa, ng lupa, masmidya, paaralan, at anumang negesyo. Mantakin mo iyan. Tayo nga na iskwater na sa saring bayan, ibebenta mo pa ang buo mong kaluluwa sa dayuhan. Saan na tayo pupulutin niyan kung ginawa nang sandaang porsyento na pag-aari ng dayuhan ang mga lupain sa Pilipinas.” Mahabang paliwanag ni Isay.

“Nakupo, ibang ChaCha pala iyan. Buti, hindi pa ako nakapirma. Mahaba kasi ang pila kanina. Akala ko pa naman, may pa-kontest ng ChaCha at baka mag-tsampyon ako ay magkaroon din ako ng pera, di lang ayuda. Kung ganyang kapakanan at kinabukasan natin ang nakataya, hindi na ako makikisayaw sa ChaCha nila.” Sabi ni Ina.

Maya-maya ay dumating si Igme, na asawa ni Isay, kasama naman ang kumpareng Inggo nito. Galing lang sila sa pamamasada. Narinig nina Isay at Ina ang usapan ng dalawa.

Ani Igme. “Hay, matapos kaming harangin sa Mendiola sa aming tigil pasada kanina, narinig kong may bago na namang pakana. Iyon bang People’s Initiative daw na patawag ni Kongresman. Pumirma raw tayo para sa Charter Change. E, ang tanong ko nga, paanong naging People’s Initiative iyon kung atas ni Congressman? Baka naman Trapo Initiative iyon. Klaro naman sa pangalan pa lang, People’s Initiative, dapat inisyatiba na kusa mula sa tao, mula sa mamamayan, di sa mga trapo, di ba? Mantakin mo, pirma natin kapalit ng ayuda. Ano iyon? Pag-aralan muna natin iyan. Huwag muna  tayong pumirma.”

“Hoy, Igme,” sabad ni Isay, “Iyan din ang pinag-uusapan namin ni mare. Iyang ChaCha o Charter Change. Akala niya, tulad ng isinasayaw namin noon. Di pala.”

“Pumirma ba kayo?” Tanong ni Inggo.

“Hindi. Mahaba ang pila kanina.” Sagot ni Ina.

Si Igme. “Aba’y huwag kayong pumirma dahil hindi pa natin alam talaga iyan. Baka isinusubo na naman natin sa kapahamakan ang ating sarili. Pati kinabukasan ng mga bata ay maapektuhan. Lalo na’t mga pulitiko ang may pakana niyan. Mabuti sana, kung papalitan lang ang Saligang Batas, ay kung manggagawa’t maralita na mismo ang may inisyatiba at humihiling niyan. At mangyayari lang iyan marahil pag naitayo na natin ang gobyerno ng masa.”

Si Isay, “Aba’y kailan pa? Pag napalitan ng ng mamamayan ang bulok na sistema? Matagal pa iyon, ngunit tatrabahuhin natin.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 1-15, 2024, pahina 18-19.

Miyerkules, Enero 10, 2024

Pamahiin

PAMAHIIN

huwag magwalis sa gabi
paniwala bang may silbi?
ikaw ba'y mapapakali
kung katulugan mo'y dumi

sa gabi'y huwag magwalis?
sa dumi'y makakatiis?
kung gabok sana'y mapalis
matutulog kang kaylinis

nag-aalis daw ng swerte
ang pagwawalis sa gabi
swerte pala'y nasa dumi
basura'y dalhin mo dini

mga ganyang pamahiin
ay parang amag sa kanin
di masarap kung nguyain
at tiyan mo'y sisirain

- gregoriovbituinjr.
01.10.2024

Sabado, Enero 6, 2024

Kung bakit hindi Goldilocks cake ang binili ko para sa bday ni misis?

KUNG BAKIT HINDI GOLDILOCKS CAKE ANG BINILI KO PARA SA BDAY NI MISIS?
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ikaapatnapung kaarawan ni Misis ngayong Enero 6, 2024. Kabertdey niya ang mga artistang sina Sharon Cuneta, at Casey Legaspi na anak nina Zoren at Carmina. Kabertdey din niya ang namayapa nang si Nida Blanca. Aba, kabertdey din niya ang bayaning Katipunera na si Tandang Sora. At ang pangalan ni Misis ay Liberty. Kasingkahulugan ng inaasam nating Freedom, Independence, Kalayaan, Kasarinlan, di lang mula sa dayuhan, kundi sa pang-aapi at pagsasamantala ng tao sa tao.

Sa birthday niyang ito, ibinili ko siya ng cake. Subalit hindi kagaya ng nakagawian niya, hindi ako bumili ng cake sa Goldilocks. Dahil ako ang bibili ng cake, sinabi ko sa kanyang hindi Goldilocks cake ang bibilhin ko. Kaya nag-ikot kami sa Cubao, at napili ni Misis ang cake mula sa TLJ (hindi TVJ o Tito, Vic and Joey) Bakery, o The Little Joy Bakery. Siya ang pumili ng flavor.

Nais kong kahit sa pagbili ng cake ay maipakita ko ang katapatan sa uring manggagawa. Dahil noong taon 2010, nakiisa ako sa welga ng unyon ng Goldilocks. Nagwelga ang mga kasapi ng BISIG (Bukluran ng Independentang Samahang Itinatag Sa Goldilocks) dahil sa isyu ng retrenchment. Ako ay staff naman noon ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Sa laban nga ni Pacquiao kay Joshua Clottey ng Ghana, doon kami sa piketlayn ng Goldilocks sa Shaw Blvd. nanood.

Natatandaan ko't nasaksihan ko, madaling araw nang itinirik ng mga manggagawa ang welga. Natatandaan ko, isa sa isyu ang pagkatanggal ng 127 manggagawa, na nais nilang maibalik sa trabaho. Natatandaan ko, nakiisa at natulog din ako sa piketlayn nila. Naglabas din kami ng nasa 100-pahinang aklat hinggil sa nasabing welga. Natatandaan ko, naroon kami hanggang matapos ang welga.

Bagamat matagal nang tapos iyon, hindi pa rin ako bumibili ng cake sa Goldilocks. Ni anino ko ay ayokong makitang nasa loob ng bilihan ng Goldilocks. Nais kong maging tapat sa aking sarili at sa manggagawa. Kaya ngayong kaarawan ni Misis, sinabi ko sa kanyang huwag kaming bibili ng cake sa Goldilocks, bagamat hindi ko siya sinasaway kung bumibili siya minsan ng cake sa Goldilocks, lalo't hindi naman ako kasama.

Marahil, mabubuhay pa ako ng ilang taon, at mamamatay nang hindi tumutuntong at bumibili sa Goldilocks upang ipakita na hanggang ngayon, nananatiling may bahid ng dugo ng manggagawa ang bawat cake doon, upang ipakitang sa ganito mang paraan ay maipakita ko ang aking puso, pagdamay at pakikiisa sa laban ng uring manggagawa. Ang paninindigang ito'y kinathaan ko ng tula.

di Goldilocks cake ang binili ko
para kay misis sa birthday nito
hanggang ngayon ay nadarama ko
bawat cake na nagmumula rito'y
may bahid ng dugo ng obrero

lalo't kaisa ako ng unyon
nang sila'y magsipagwelga noon
ni-retrench ang manggagawa roon
hanggang ngayon, ito'y aming layon
paglaya ng manggagawa'y misyon

01.06.2024

Biyernes, Enero 5, 2024

Enero 21, 2024, Sentenaryo ng kamatayan ni V.I.Lenin


ENERO 21, 2024, SENTENARYO NG KAMATAYAN NI V.I.LENIN
Sanaysay at mga tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa ika-21 ng Enero ngayong 2024 ay aalalahanin natin ang ika-100 anibersaryo ng kamatayan ni Vladimir Ilyich Lenin. Tanong: Bakit natin aalalahanin ang sentenaryo ng kamatayan ni Lenin? Sino ba siya? Ano bang mga aral ang ating nasisilip sa kanyang buhay?

Noong 2007 ay nakapaglathala ang Aklatang Obrero Publishing Collective, na aking pinangangasiwaan, ng aklat na pinamagatang "Gabay sa Pag-aaral ng Leninismo" kung saan binuod ang apat na sulatin ni Lenin na nakasulat sa wikang Filipino. Ito ang "Ano ang Dapat Gawin? (What is to be done?), Dalawang Taktika (Two Tactics), Kaliwang Komunismo - Sakit ng Musmos (Left Wing - An Infantile Disorder), at Estado at Rebolusyon (State and Revolution). Naglalaman iyon ng 100 pahina. Sa mga sumunod na edisyon ng aklat ay nilagyan ko na iyon ng mga katha kong tula hinggil kay Lenin. Ang paglalathala ng kanyang mga tinagalog na sulatin ang munti nating ambag sa kanyang kadakilaan.

Subalit sino nga ba si Lenin? At bakit isa ang tulad kong aktibista sa nagpapahalaga sa kanyang alaala? Ayon sa Britannica.com, "Si Vladimir Lenin (ipinanganak noong Abril 10 [Abril 22, Bagong Estilo], 1870, Simbirsk, Russia—namatay noong Enero 21, 1924, Gorki [na ngayon ay Gorki Leninskiye], malapit sa Moscow) tagapagtatag ng Russian Communist Party (Bolsheviks), tagapagpasigla at pinuno ng Rebolusyong Bolshevik (1917), at ang arkitekto, tagabuo, at unang pinuno (1917–24) ng estadong Sobyet. Siya ang nagtatag ng samahang kilala bilang Comintern (Communist International) at ang pinagmulan ng salitang "Leninismo," ang doktrinang pinagsama ang mga gawa ni Karl Marx ng mga kahalili ni Lenin upang mabuo ang Marxismo-Leninismo, na naging pandaigdigang pananaw."
https://www.britannica.com/biography/Vladimir-Lenin

Ibig sabihin, isinilang si Lenin ng Abril 10, 1870 sa Julian Calendar, subalit dahil ginagamit na natin ngayon ay Gregorian Calendar, tumatama iyon sa Abril 22, 1870. Kaya huwag tayong malito pag alam natin ay Abril 22 ang kanyang kaarawan subalit Abril 10 ang naisusulat.

Dagdag pa ng Britannica, "Kung ang Rebolusyong Bolshevik — gaya ng tawag dito ng ilang tao — ang pinakamahalagang kaganapang pampulitika ng ika-20 siglo, kung gayon si Lenin ay dapat ituring sa mabuti o masama bilang pinakamahalagang pinunong pulitikal ng nasabing siglo. Hindi lamang sa sirkulo ng mga iskolar ng dating Unyong Sobyet kundi maging sa maraming di-Komunistang iskolar, siya ay itinuring na kapwa pinakadakilang rebolusyonaryong pinuno at rebolusyonaryong lingkod-bayan sa kasaysayan, gayundin ang pinakadakilang rebolusyonaryong palaisip mula pa kay Marx."

Ngunit paano ba namatay si Lenin? Ayon sa history.com, "Si Vladimir Lenin, ang arkitekto ng Bolshevik Revolution at ang unang pinuno ng Unyong Sobyet, ay namatay dahil sa pagdurugo ng utak (brain hemorrhage) sa edad na 54." https://www.history.com/this-day-in-history/vladimir-lenin-dies

Dagdag pa sa ulat, "Isinabansa ng pamahalaan ni Lenin ag industriya at namahagi ng lupa, at noong Disyembre 30, 1922, itinatag ang Union of Soviet Socialist Republics (USSR). Sa pagkamatay ni Lenin noong unang bahagi ng 1924, ang kanyang katawan ay inembalsamo at inilagay sa isang mausoleo malapit sa Kremlin, Moscow. Ang Petrograd ay pinangalanang Leningrad bilang pagpupugay sa kanya. Ang kapwa rebolusyonaryong si Joseph Stalin ang humalili sa kanya bilang pinuno ng Unyong Sobyet."

Subalit may kumalat na balita noong 2012 na nilason daw ni Stalin si Lenin. Ang pamagat ng artikulo ay "Was Lenin poisoned to death by Stalin?" https://www.ndtv.com/world-news/was-lenin-poisoned-to-death-by-stalin-481030

Ayon sa ulat, "London: Si Vladmir Lenin, ang nagtatag ng komunismo ng Russia, ay nilason hanggang sa mamatay ng kanyang kahalili sa pulitika na si Joseph Stalin, isang kahindik-hindik na bagong teorya ang inilabas."

"Ang mananalaysay na Ruso na si Lev Lurie, ay naniniwala na habang si Lenin ay nasa mahinang kalusugan na dumanas ng ilang stroke, maaaring pinatay siya ni Stalin pagkatapos ng isang matinding away."

"Si Lenin, na sa simula ay sumuporta sa pag-angat ni Stalin sa kapangyarihan, nang lumaon ay pumanig kay Leon Trotsky."

Bagamat nabatid natin ito, kung nilason nga ba o hindi si Lenin, ang mahalaga'y ano ba ang mga aral sa atin sa kasalukuyan ni V.I.Lenin?

Ayon sa socialistworker.org, "Ang pinakabatayang ugnayan ay ito: Sa pinakapuso ng tradisyong Bolshevik at Leninismo ay ang pakikibaka laban sa pang-aapi. Ang paglaganap ng gayong mga pakikibaka ay lumikha ng kapaligirang malamang ay may lumalagong interes sa mga rebolusyonaryong ideya at tradisyon na nauugnay kay Lenin." "https://socialistworker.org/2017/04/24/how-is-leninism-relevant-today

Dagdag pa ng socialistworker.org, "Ang isa pang ugnayan: Si Lenin at ang kanyang mga kasama ay nagsalita sa mga pinakakagyat na pag-isipang magapi ang pagsasamantala. Kasunod ni Marx, nakabuo sila ng malalim na pag-unawa sa pagkakaugnay sa pagitan ng likas na pagasasamantala at dinamismo ng kapitalismo, ang sukat ng tunggalian ng mga uri at kung paano ito mabubuo sa mga epektibong pakikibaka para sa reporma at rebolusyon, at kung paano maaayos ng mga sosyalista ang kanilang mga sarili sa paraan upang magawa ito."

Mula sa ilang pananaliksik na ito, nais kong magsagawa, kalahok ang malaking bilang nga mga kasama, upang pagpugayan si Lenin, o kaya'y kahit isang munting programa, kasama ang mga manggagawa't maralita, sa sentenaryo ng kanyang kamatayan. Kaya sa Enero 21 na darating ay ating siyang alalahanin, hindi lang dahil sa kanyang pagkamatay, kundi dahil sa mga ambag niya upang magsilbing inspirasyon ng uring manggagawa sa pagbaka laban sa mapang-api't mapagsamantalang sistema ng kapitalismo.

Dagdag pa rito, sa mga nagdaang panahon ay kumatha ako ng mahigit sampung tula hinggil kay Lenin, na nais kong ibahagi ang ilan sa inyo:

AKO'Y LENINISTA, TAGAPAGTAGUYOD NI LENIN

Ako'y Leninista, tagapagtaguyod ni Lenin
Pinag-aaralang mabuti ang kanyang sulatin
Kasaysayan niya sa kapwa'y tinuturo man din
Upang lider na ito'y mas kilalanin pa natin

Siya'y magaling na lider ng partidong Bolshevik
Mga nagawa sa rebolusyon ay natititik
Sa mga manggagawa't dukha'y duminig ng hibik
Tinulungan ang mga ito upang maghimagsik

Nagtagumpay ang mga Bolshevik sa rebolusyon
Kaya't aral ni Lenin ay inaaral din ngayon
Tinawag na Leninismo ang diwa niyang iyon
Kaya ang tagumpay nila't nagawa'y inspirasyon

Nais nating itayo ang lipunang manggagawa
Kaya aral ng Leninismo’y aralin nang kusa
Halina’t aralin ang kanyang mga halimbawa
At durugin na ang kapitalismong dala’y sigwa

Kaya manggagawa, halina’t maging sosyalista
At buuin ang mga Buklod sa bawat pabrika
Ang Marxismo’t Leninismo’y aralin sa tuwina
At tayo’y sumumpa bilang ganap na Leninista

11/09/2019

SI LENIN, DAKILANG BOLSHEVIK

Si Vladimir Lenin ay isang dakilang Bolshevik
Na dapat nating aralin ang kanyang hinimagsik
Anong pamana niya upang madurog ang lintik
Na kaaway ng bayang masa’y nilublob sa putik

Bayani si Lenin para sa uring manggagawa
At isang inspirasyon ang kanyang mga nagawa
Obrero’y mulatin para sa sosyalistang diwa
At sa rebolusyon, manggagawa’y ating ihanda

Sa pagkilala kay Lenin, ang rebolusyonaryo
Ating itaguyod ang kapakanan ng obrero
Ibagsak ang bulok na sistema sa ating mundo
Pagkaisahin ang masa para sa sosyalismo

Aral ni Lenin at ng Bolshevik ay inspirasyon
Sa bulok na sistema’y huwag tayong magpakahon
Halina’t makibaka, sa hirap tayo’y aahon
Aral ng Leninismo’y aralin na natin ngayon

11/07/2019

PAGPUPUGAY SA IKA-150 KAARAWAN NI VLADIMIR ILYICH LENIN
(Abril 22, 1970 - Enero 21, 1924)

sa pangsandaan limampung kaarawan ni Lenin
halina't taas-kamao siyang alalahanin
tunay siyang inspirasyon ng rebolusyon natin
pinuno ng Bolshevik, bayaning tunay, magiting

mga aral niya't sulatin ay ating balikan
kunan natin ng aral ang kanilang kasaysayan
paano nanalo sa Tsar at sa mga gahaman?
anong niyakap nilang prinsipyo't paninindigan?

nagtagumpay sila kasama ang obrero't masa
dahil sa kanya, ang prinsipyo'y di na lang Marxista
Marxismo'y sinabuhay, pinaunlad ang teorya
kaya yumakap doon ay Marxista-Leninista

mabuhay ka, Vladimir Lenin, mabuhay! Mabuhay!
inorganisa'y Bolshevik, proletaryo'y kaugnay
para sa uring manggagawa, buhay ay inalay
sa iyong kaarawan, taospusong pagpupugay!

04.22.2020

TAYO'Y INTERNASYUNALISTA, ANI LENIN

"Capital is an international force. To vanquish it, an international workers' alliance, an international workers' brotherhood, is needed. We are opposed to national enmity and discord, to national exclusiveness. We are internationalists." ~ Lenin, Letter to the Workers and Peasants of the Ukraine (1919)

isang liham sa manggagawa't pesante sa Ukraine
ang pinadala ng rebolusyonaryong si Lenin

naglalaman ang liham ng mensaheng matalisik
na sa linamnam ay tiyak sa utak nga'y sisiksik:

"ang kapitalismo'y isang pandaigdigang pwersa
na patuloy na yumuyurak sa dangal ng masa

upang pandaigdigang kapitalismo'y mawala
isang pandaigdigang samahan ng manggagawa

ang dapat mabuo bilang matatag na samahan
manggagawang nagkasama sa isang kapatiran

tayo'y laban sa pambansang mga away at alit
at pambansang pagkakabukod na di naman sulit

pagkat tayong rito'y mga internasyunalista
obrero'y walang bansa, daigdig ang bansa nila"

napakagandang mensahe at pamana sa atin
kapwa'y walang limitasyon ng bansa, ani Lenin

sa pinakapayak, di sapat maging makabayan
pagkat bawat tao'y may pakialam kaninuman

kaya makipagkaisa tayo sa manggagawa
sa lahat ng bansa't dapat makipag-isang diwa

at ibagsak ang pandaigdigang kapitalismo
at itayo ng manggagawa ang lipunan nito

isaisip ang pagiging internasyunalista
isapuso rin at sa kapwa'y ating ipakita

02/01/2014 

ILANG PITIK NG DIWA NINA BALAGTAS AT LENIN

Balagtas: "sa loob at labas ng bayan kong sawi"
noon pa'y "kaliluha'y siyang nangyayaring hari"
ani Lenin: "nangyayari'y tunggalian ng uri"
"sa kongkretong kalagayan, dapat tayong magsuri"

noon pa'y problema na ang kahirapan ng buhay
dahil may naghaharing uring nagdulot ng lumbay
di pinauunlad ang magsasakang nagsisikhay
di umunlad ang manggagawang kaysipag na tunay

patuloy na namumuno ang lilong pulitiko
patuloy ang pananagana ng kapitalismo
namamayagpag din ang mga negosyanteng tuso
pigang-piga na ang lakas-paggawa ng obrero

nais ng mga kapitalista'y "industrial peace"
habang karapatan ng manggagawa'y tinitiris
bawal magreklamo kung hindi'y dapat kang umalis
karapatang mag-unyon ay agad na pinapalis

dapat pag-aralan ang lipunang kinasadlakan
aralin paano lipunang bulok ay palitan
huwag tayong mabubuhay ng walang pakialam
habang nagpapasasa sa yamang bayan ang ilan

bakit ba tunggalian ng uri'y patuloy pa rin
habang iilan sa yaman ng mundo'y umaangkin
mayorya'y naghihirap, ngunit sino ang salarin?
kundi ang bulok na sistemang dapat nang baguhin!

02/02/2020

ANG BILIN NI LENIN

minsan ay ibinilin ni Lenin sa obrero:
"babagsak lang itong sistemang kapitalismo
kung may panlipunang pwersang magbabagsak nito
at ang may misyon nito'y kayong proletaryado!"

ang kapitalismo ang sistemang pumipiga
sa lakas-paggawa nitong bawat manggagawa
kapitalismo rin ang lipunang kumawawa
sa kayraming naghihirap sa maraming bansa

masaganang buhay ay pinagkakait nito
lalo sa mayorya ng mga tao sa mundo
binabagsak rin nito ang dignidad ng tao
pati nga serbisyo'y ginawa nitong negosyo

hinahasik nito'y pawang mga kahirapan
pati na rin karahasan sa sangkatauhan
unti-unti ring sumisira sa kalikasan
at tayong mamamayan ang pinagtutubuan

sistemang kapitalismo ay talagang salot
nagpapasasa lang dito'y pawang mga buktot
dahil sa tubo pati batas binabaluktot
tayo'y dapat lang sa sistemang ito'y mapoot

kaya dapat nating pag-aralan ang lipunan
nang malaman kung paano ito papalitan
bilin ni Lenin ay mahusay nating gampanan
nang kapitalismo'y maibagsak nang tuluyan

09/21/2009

ENERO 21, 1924
(sa biglang pagpanaw ni V. I. Lenin)

Siya ang rebolusyon
kaya kinainggitan ng Hudyong
ngala’y Dora Kaplan na nagbaon
sa kanyang leeg ng isang punglong
pamatay, makalipas ang isang taon
ng tagumpay ng pag-aaklas
mabuti’t siya’y nakaligtas

Nunit siya, na nagsilbing
ningas sa mga Bolsheviks
upang mag-aklas sa Pulang Oktubre
at maitayo ang Unyon ng Sobyet
ay di nakaligtas sa ikatlong atake
ng sakit sa puso doon sa Gorki
na isang bayan sa labas ng Moscow

Panahon iyon ng panibagong Commune
na agad na sinaklot ng dilim
sa kanyang dagliang pagkawala
ngunit siya, ang rebolusyon,
ay mananatiling buhay
sa pamamagitan ng apatnapu’t
limang tomo ng kanyang mga akda.

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo VIII, Blg. 1, Taon 2003, p.8.

Nawa'y maging kaganapan o matupad ang isang plano ng programa ng pagpupugay kay Lenin sa sentenaryo ng kanyang kamatayan, nilason man siya ni Stalin o hindi. Ang mahalaga'y mabalikan natin ang kanyang mga aral, at muling patibayin ang ating pagtaya o commitment sa pakikibaka ng uring manggagawa upang itayo ang kanyang sariling pamahalaan, upang itatag ang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Nawa'y makasama namin kayo sa pagtitipong iyon sa Enero 21, 2024.

Maraming salamat. Mabuhay kayo, mga kasama!

01.05.2024

Lunes, Enero 1, 2024

Bagong Taon, Lumang Sistema

BAGONG TAON, LUMANG SISTEMA

bagong taon, lumang sistema
mayroon pa kayang pag-asa
upang makabangon ng masa
upang maibangon ang masa
mula pagkalugmok at dusa

ano ang ating hinaharap
nang sistema'y mabagong ganap
at lipunang pinapangarap
na pagkapantay ay malasap
at di lang hanggang sa hinagap

masa'y di dapat mabusabos
ng sistemang dapat makalos
patuloy pa rin ang pagkilos
upang kabuluka'y matapos
at ginhawa'y makamtang lubos

- gregoriovbituinjr.
01.01.2024