Biyernes, Enero 12, 2024

Kwento - Makikisayaw ka ba sa ChaCha?

MAKIKISAYAW KA BA SA CHACHA?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Nagsasayaw ka pa rin ba ng ChaCha, mareng Isay?” Tanong ni Ina kay Isay, na dati niyang kasama sa pagsasayaw noong kanilang kabataan.

“Ano ka ba naman, Ina? May mga anak na ako, ano? Pero kagaya noong hayskul tayo, alam ko pa rin ang mga hakbang sa pagsasayaw ng ChaCha, Ikaw ba, mare?” Sagot naman ni Isay.

“Hindi na rin ako nagsasayaw, at wala na akong praktis, mare. Si Pare mo naman, walang hilig sa pagsasayaw. Subalit kanina, napadaan ako sa kanto, maraming tao, may pipirmahan daw. Para raw sa ChaCha, Aba’y nag-usyoso nga ako at baka mabigyan din ako ng ayuda pag nakisayaw ako sa kanila ng ChaCha. Aba’y ibang ChaCha pala iyon. Iyon bang Charter Change?” Sabi naman ni Ina.

“Haynaku, mare. Iyang napapabalitang Charter Change na iyan ay ang pagbabago ng ating Konstitusyon. Nakiusyoso rin ako kanina riyan. Subalit hindi ako pumirma. Aba’y hindi naman nila pinaliliwanag ng maayos kung bakit dapat palitan ang Konstotusyon. Ang sabi lang, basta pumirma lang daw at may kapalit na ayuda. Aba’y pandaraya na iyan, ha? Tulad ng nakaraang halalan na may bilihan din ng boto.” Sabi ni Isay.

Napanganga si Ina, “Ano bang mali sa pagpirma roon, kung kapalit naman ay ayuda. Kailangan nga natin ng ayuda dahil mahirap lang tayo at maliit lang ang kita ng aking asawang tsuper. May banta pang mawalan siya ng trabaho pag natuloy iyang jeepney phaseout.”

“Alam mo ba, mare, ang sinasabi mo? Ang sa akin lang, huwag tayong padenggoy na naman sa mga pulitikong ang hangad ay taliwas sa ating mga mahihirap. Nais nilang baguhin ang Konstitusyon, para ano, para pahabain ang termino nilang mga nanunungkulan. Eto ang naririnig ko. Nais nilang tanggalin ang 60-40 na pag-aari sa bansa. Sa Saligang Batas, animnapung porsyento dapat ang pag-aari ng Pilipino habang apatnapung porsyento lang sa dayuhan. Ngunit nais nilang tanggalin iyon upang maging maluwag sa mga dayuhang kapitalista ang patakaran sa bansa, Nais nilang sandaang porsyento ay maaari nang mag-ari ang mga dayuhan sa Pilipinas. Halimbawa, ng lupa, masmidya, paaralan, at anumang negesyo. Mantakin mo iyan. Tayo nga na iskwater na sa saring bayan, ibebenta mo pa ang buo mong kaluluwa sa dayuhan. Saan na tayo pupulutin niyan kung ginawa nang sandaang porsyento na pag-aari ng dayuhan ang mga lupain sa Pilipinas.” Mahabang paliwanag ni Isay.

“Nakupo, ibang ChaCha pala iyan. Buti, hindi pa ako nakapirma. Mahaba kasi ang pila kanina. Akala ko pa naman, may pa-kontest ng ChaCha at baka mag-tsampyon ako ay magkaroon din ako ng pera, di lang ayuda. Kung ganyang kapakanan at kinabukasan natin ang nakataya, hindi na ako makikisayaw sa ChaCha nila.” Sabi ni Ina.

Maya-maya ay dumating si Igme, na asawa ni Isay, kasama naman ang kumpareng Inggo nito. Galing lang sila sa pamamasada. Narinig nina Isay at Ina ang usapan ng dalawa.

Ani Igme. “Hay, matapos kaming harangin sa Mendiola sa aming tigil pasada kanina, narinig kong may bago na namang pakana. Iyon bang People’s Initiative daw na patawag ni Kongresman. Pumirma raw tayo para sa Charter Change. E, ang tanong ko nga, paanong naging People’s Initiative iyon kung atas ni Congressman? Baka naman Trapo Initiative iyon. Klaro naman sa pangalan pa lang, People’s Initiative, dapat inisyatiba na kusa mula sa tao, mula sa mamamayan, di sa mga trapo, di ba? Mantakin mo, pirma natin kapalit ng ayuda. Ano iyon? Pag-aralan muna natin iyan. Huwag muna  tayong pumirma.”

“Hoy, Igme,” sabad ni Isay, “Iyan din ang pinag-uusapan namin ni mare. Iyang ChaCha o Charter Change. Akala niya, tulad ng isinasayaw namin noon. Di pala.”

“Pumirma ba kayo?” Tanong ni Inggo.

“Hindi. Mahaba ang pila kanina.” Sagot ni Ina.

Si Igme. “Aba’y huwag kayong pumirma dahil hindi pa natin alam talaga iyan. Baka isinusubo na naman natin sa kapahamakan ang ating sarili. Pati kinabukasan ng mga bata ay maapektuhan. Lalo na’t mga pulitiko ang may pakana niyan. Mabuti sana, kung papalitan lang ang Saligang Batas, ay kung manggagawa’t maralita na mismo ang may inisyatiba at humihiling niyan. At mangyayari lang iyan marahil pag naitayo na natin ang gobyerno ng masa.”

Si Isay, “Aba’y kailan pa? Pag napalitan ng ng mamamayan ang bulok na sistema? Matagal pa iyon, ngunit tatrabahuhin natin.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 1-15, 2024, pahina 18-19.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento