Martes, Setyembre 8, 2026

Batas sa ating bansa

BATAS SA ATING BANSA

ginagawa / ng agila'y / batas para / sa tilapya
lawin nama'y / nagsabatas / ng pambiya't / labahita
batas niyong / uwak, para / sa kanduli't / hasa-hasa 
nililikha / ng kuwago'y / batas para / sa pugita

bakit gayon / ang nangyari / ay di naman / magkauri
kapara rin / ng Kongresong / dinastiya / yaong hari
pawang batas / ay patungkol / sa pribadong / pag-aari
silang tingin / sa obrero't / maralita / ay kadiri

ang serbisyo / ay nagosyo / nitong ibong / malalakas
kaya anong / aasahan / nitong isda / kundi dahas
mga isda / yaong dapat / na gumawa / nitong batas
nang tiyaking / batas para / sa isda'y di / butas-butas

pag di tayo / namumulat, / dinastiyang / pulitikal
ang sa masa't / dukha'y lagi / nang sisiil / at sasakal

- gregoriovbituinjr.
09.08.2026

Biyernes, Setyembre 4, 2026

Ako man ay makatang wala sa akademya

AKO MAN AY MAKATANG WALA SA AKADEMYA

Ako'y isang makatang / wala sa akademya.
Kaya nakatutuwang / kapwa ko'y makasama
sa pagkatha ng tula. / Sila'y mga guro pa
habang ako'y wala lang / pagkat nangangalsada.

Tula'y nakahiligan / ng abang maglulupa,
lalo't isyu at buhay / ng masang maralita,
kababaihan, bata, / obrero, baha, sigwa,
kurapsyon, at lipunan / ang madalas kong paksa.

Ako'y isang makatang / tumutula sa rali.
Lagi man sa kalsada, / ngunit di pahuhuli.
Tula'y tulay sa api, / dukha't walang sinabi.
Sa mga lumalaban, / tula'y pinagbubuti.

Ayokong magmasid lang / sa mga nagaganap
kundi makipamuhay / sa mga nagsasalat,
sa dukha, manggagawa't / masang hirap ang lasap.
Ang tulang mapagmulat / sa laban nila'y ambag.

Di man akademiko't / maglulupa mang tunay,
ang bawat kong pagkatha'y / aking pinaghuhusay!
At sa makatang nasa / akademya, mabuhay!
Taospuso po't taas-/kamaong pagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
09.04.2026