Martes, Setyembre 8, 2026

Batas sa ating bansa

BATAS SA ATING BANSA

ginagawa / ng agila'y / batas para / sa tilapya
lawin nama'y / nagsabatas / ng pambiya't / labahita
batas niyong / uwak, para / sa kanduli't / hasa-hasa 
nililikha / ng kuwago'y / batas para / sa pugita

bakit gayon / ang nangyari / ay di naman / magkauri
kapara rin / ng Kongresong / dinastiya / yaong hari
pawang batas / ay patungkol / sa pribadong / pag-aari
silang tingin / sa obrero't / maralita / ay kadiri

ang serbisyo / ay nagosyo / nitong ibong / malalakas
kaya anong / aasahan / nitong isda / kundi dahas
mga isda / yaong dapat / na gumawa / nitong batas
nang tiyaking / batas para / sa isda'y di / butas-butas

pag di tayo / namumulat, / dinastiyang / pulitikal
ang sa masa't / dukha'y lagi / nang sisiil / at sasakal

- gregoriovbituinjr.
09.08.2026

Biyernes, Setyembre 4, 2026

Ako man ay makatang wala sa akademya

AKO MAN AY MAKATANG WALA SA AKADEMYA

Ako'y isang makatang / wala sa akademya.
Kaya nakatutuwang / kapwa ko'y makasama
sa pagkatha ng tula. / Sila'y mga guro pa
habang ako'y wala lang / pagkat nangangalsada.

Tula'y nakahiligan / ng abang maglulupa,
lalo't isyu at buhay / ng masang maralita,
kababaihan, bata, / obrero, baha, sigwa,
kurapsyon, at lipunan / ang madalas kong paksa.

Ako'y isang makatang / tumutula sa rali.
Lagi man sa kalsada, / ngunit di pahuhuli.
Tula'y tulay sa api, / dukha't walang sinabi.
Sa mga lumalaban, / tula'y pinagbubuti.

Ayokong magmasid lang / sa mga nagaganap
kundi makipamuhay / sa mga nagsasalat,
sa dukha, manggagawa't / masang hirap ang lasap.
Ang tulang mapagmulat / sa laban nila'y ambag.

Di man akademiko't / maglulupa mang tunay,
ang bawat kong pagkatha'y / aking pinaghuhusay!
At sa makatang nasa / akademya, mabuhay!
Taospuso po't taas-/kamaong pagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
09.04.2026

Biyernes, Agosto 21, 2026

Ang mga ibon ang lumilikha ng batas para sa mga isda

ANG MGA IBON ANG LUMILIKHA NG BATAS PARA SA MGA ISDA

Ang mga ibon / ang lumilikha / ng batas para / sa mga isda.
Iyan ay isang / katotohanang / aking nabatid / sa matatanda.
Ang dinastiya / ang gumagawa / ng batas para / sa mga dukha.
Kapitalista / ang umaakda / ng batas para / sa manggagawa.

Tanong ko lamang: / Bakit ba ganyan / ang kabulukan / sa ating bayan?
Nasaan na ba / ang kabuluhan / ng pagkatao't / ng katauhan?
Ang tusong trapo / ang pinupuri, / dinarakila, / pinagpugayan!
Gayong obrero / ang lumilikha / ng buong yaman / nitong lipunan!

Ang pangnegosyo'y / sinasabatas. / Paanong bansa'y / ipagbibili.
Gagawa sila / ng batas ngunit / tao'y di man lang / sinasangguni!
Ngayon, alam na! / Huwag iboto / ang tusong trapo't / mga dynasty
na kumawawa / sa masa, dukha, / sa manggagawa, / bata't babae!

Kaya dapat lang / baguhin nating / tuluyan iyang / sistemang bulok
at silang uring / obrero't dukha'y / ating ilagay / doon sa tuktok!

08.21.2026

* dadalawampuin, sesura 5/5/5/5, antas-karaniwan, soneto

Linggo, Abril 12, 2026

Gender equality

GENDER EQUALITY
‎
‎galing ka raw sa tadyang ko, ngunit
‎iba yaong nais kong igiit
‎pantay tayo, anang kwentong bayan
‎nang sabay lumabas sa kawayan
‎
‎karapatan nati'y magkapantay
‎pagkat minulan ay magkasabay
‎noon pa'y may gender equality
‎pantay ang babae at lalaki
‎
‎mulâ sa katutubong alamat
‎ngalan ay Maganda at Malakas
‎tulad ko, katutubò rin sila
‎pagkapantay ay kinikilala
‎
‎salamat sa alamat na ito
‎na pinanghawakan kong totoo
‎para sa pantay na karapatan
‎patungo sa patas na lipunan
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.12.2026
‎
‎* litrato nina Maganda at Malakas sa UP Vargas Museum sa Diliman, QC

Lunes, Marso 30, 2026

Sakaling mawalâ ang tulâ

SAKALING MAWALÂ ANG TULÂ
‎
‎darating din ang panahong mawawalâ ang tulâ
‎ng makatang taring na itinutulâ ang dukhâ
‎tumitindi ang nakaambang panganib ng digmâ
habang nadudungisan ang dangal ng maralitâ
‎
‎mga nalathalang tula'y tulay ko sa pangarap
‎na payapang bansa't mundo, dukha'y di naghihirap
‎na karapatang pantao't hustisya na'y malasap
‎ganyan pa ngayon ang makatang taring kung mangusap
‎
‎oo, pagkawala niring mga tula'y darating
‎kung ako'y mamatay na't mga tulâ ko'y sunugin
"subersibo", makapangyarihan ay sasabihin
"filibustero" ang tawag ng gobyerno sa akin

pag nawalâ ang tulâ, ang makata'y isinumpà
ng mga balakyot at kurakot na pinagpalà
at ang buong buhay kong pinaghirapang makathâ
hinggil sa manggagawa't dukha'y mababalewalâ

- gregoriovbituinjr.
03.30.2026

Huwebes, Marso 26, 2026

Sa paglubog ng araw

‎SA PAGLUBOG NG ARAW
‎
‎sa paglubog ng araw, kami'y liwanag sa gabi
‎huwag ituring na malamlam na ilaw sa poste
‎kahit inuuban na, kami pa rin ay may silbi
‎upang labanan ang mga kurakot at salbahe
‎
‎matikas pa rin kami pag kumilos o gumalaw
‎mga panawagan ay kaya pa naming isigaw
matatag, kahit kain lang ay sampung pisong lugaw
‎nagsisilbi sa masa, maghapon man ay kaypanglaw
‎
‎mabuhay ang mga tulad kong tibak na may uban
‎pagpupugay sa lahat ng mandirigmang Spartan 
‎pagkilos nami'y di mapipigil ng katandaan
‎tungong pinapangarap na makataong lipunan
‎
‎araw na'y palubog, may uban na ang aming buhok
subalit umiiral pa rin ang sistemang bulok,
‎dinastiya, kurakot, mandarambong, trapong bugok
‎patuloy kaming kikilos upang sila'y ilugmok
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.26.2026

Biyernes, Marso 13, 2026

Rebolusyonaryo tulad ni Bonifacio - tanaga baybayin

isang rebolusyonaryo
tulad ni Bonifacio
ganyan kung ituring ko
ang yakap na prinsipyo

- gbj/03.13.2026
tanaga-baybayin

Miyerkules, Enero 14, 2026

Ang tatlo kong aklat ng U.G.

ANG TATLO KONG AKLAT NG U.G.
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dapat sana'y apat na ang aklat ko hinggil sa underground, subalit hindi ko na makita ang kopya ko ng Notes from the Underground ng Rusong manunulat na si Fyodor Dostoevesky. Ang mayroon ako ngayon ay ang tatlong aklat hinggil sa mga rebolusyonaryong Pilipino.

Ang dalawa'y nakadaupang palad ko ng personal noong sila'y nabubuhay pa, at ang isa'y di ko nakilala subalit kapwa ko taga-Sampaloc, Maynila. Si Ka Popoy Lagman (Marso 17, 1953 - Pebrero 6, 2001) ay naging pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Si Dr. Francisco "Ka Dodong" Nemenzo (Pebrero 9, 1935 - Disyembre 19, 2024) naman ay pangulo ng Laban ng Masa (LnM), at dating pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas (UP). Habang si Edgar Jopson (Setyembre 1, 1948 - Setyembre 21, 1982) ay isang dating lider-estudyante noong panahon ng Batas Militar. Noong bata pa ako'y bumibili kami ng tatay ko sa kanilang grocery, ang Jopson Supermarket sa Bustillos, matapos naming magsimba sa Loreto Church.

Kaya malaking karangalan na magkaroon ng kanilang mga aklat, o aklat tungkol sa kanila.

Ang una'y ang Ka Popoy: Notes from the Underground, Collected Writings of a Working Class Hero. Nabili ko ito sa opisina ng Partido Manggagawa (PM) noong Agosto 11, 2006 sa halagang P300. May sukat itong 5.5" x 8.5" at umaabot ng tatlong daang pahina, kasama na ang naka-Roman numeral. Naglalaman ito ng walong kabanata, kabilang ang tinatawag na counter thesis.

Ang ikalawa'y ang Notes from the Philippine Underground ni Ka Dodong Nemenzo. Nabili ko ito sa Philippine Book Festival sa SM Megamall noong Marso 14, 2025 sa halagang P550. Inilathala ito ng UP Press. May sukat itong 6" x 9", at naglalaman ng 368 pahina, kasama na ang naka-Roman numeral. Ang naritong labintatlong kabanata ay hinati sa tatlong bahagi: I. Histories; II. Political Conjunctures; at III. Perspectives.

Ang ikatlo'y ang U.G. The Underground Tale, The Life and Struggle of Edgar Jopson, Third Edition, na sinulat ni Benjamin Pimentel. Nilathala ng Anvil Publishing, nabili ko ito sa National Book Store sa Malabon City Square nito lang Enero 8, 2026 sa halagang P395. May sukat itong 5" x 8" at naglalaman ng 256 pahina, kabilang ang naka-Roman numeral na 28 pahina. Binubuo ito ng siyam na kabanata. May mga dagdag na sulatin din ang dalawang anak ni Edjop na sina Joyette at Teresa Lorena, akda ng asawa niyang si Joy, sulatin ng direktor ng pelikulang Edjop na si Katski Flores, sanaysay ng aktor na si Elijah Canlas na gumanap na Edjop, sanaysay ni Kakie Pangilinan na gumanap na Joy, sulatin ni Oscar Franklin Tan, at sulatin ni Pete Lacaba. Sa dulo ng aklat ay mga litrato mula sa Edjop: The Movie.

Tatlong mahahalagang aklat, para sa akin, na dagdag sa munti kong aklatan.

01.14.2026

Ang matulain

ANG MATULAIN

tahimik na lang akong namumuhay
sa malawak na dagat ng kawalan
habang patuloy pa ring nagninilay
sa maunos na langit ng karimlan

panatag ang loob na binabaka
ang mga tampalasan, lilo, sukab
lalo na't kurakot at palamara
habang yaring dibdib ay nag-aalab

tahimik lamang sa sulok ng lunggâ
inaalagatâ bawat mithiin
tinitiis bawat sugat at luhâ
inuukit sa tulâ ang panimdim

sa makatâ, tula'y sagradong sining
pagkat tulâ ang aking pagkatao
bagamat wala man sa toreng garing
tula'y aking tulay sa bansa't mundo

kayâ naririto't nagpapatúloy
sa sagradong sining na binabanggit
mga tula'y dahong di naluluoy
sa paglalakbay ay lagi kong bitbit

- gregoriovbituinjr.
01.14.2026

* sa Tanay, Rizal ang civil wedding namin ng namayapa kong misis noong 2018

Martes, Disyembre 16, 2025

Ang tungkulin bilang makatâ ng bayan

ANG TUNGKULIN BILANG MAKATÂ NG BAYAN

minsang tinuring na / makatâ ng bayan
nang tula'y binigkas / sa isang pagkilos
karangalang pag may / rali sa lansangan
patutulain ka't / dapat handang lubos

may ilang tungkuling / isinasabuhay
lalo't tinuring kang / makatâ ng bayan
pinahalagahan / kayâ nagsisikhay
nang tungkuling ito'y / sadyang magampanan

alamin ang datos / at isyu ng madlâ
sapagkat lalamnin / ng tulang gagawin
tutulâ sa rali / ng obrero't dukhâ
nang kanilang diwa't / puso'y pag-alabin

tulang karaniwang / may tugmâ at sukat
pinagbuti bawat / taludtod at saknong
madaling araw pa'y / mumulat, susulat
sa isyu ng masa / laging nakatuntong

kung may kathang tulâ / ang mga kasama
hihingi ng kopya / nang aking matipon
upang balang araw / ay maisasama
sa maraming akda't / isaaklat iyon

matinding tungkulin / subalit marangal
gagawin ng husay / ang bawat gampanin
kakathâ akong may / buong pagmamahal
na para sa bayan, / tula'y bibigkasin

- gregoriovbituinjr.
12.16.2025

* salamat sa kasamang kumuha ng litrato

Huwebes, Disyembre 4, 2025

Tungkulin nating di manahimik

TUNGKULIN NATING DI MANAHIMIK

batid mo nang korapsyon ang isyu ng bayan
subalit pinili mong manahimik na lang
huwag makisali sa rali sa lansangan
dahil tingin mo, ikaw lang ay madasaktan

ito na lang ang meron tayo: boses, TINIG
kung galit ka rin sa korapsyon, IPARINIG
ang mga kurakot ang nagpapaligalig
sa ating bayan, dukha'y winalan ng tinig

pakinggan natin ang lumalaban sa korap
si Catriona Gray, talumpati'y magagap
si Ka Kokoy Gan, na tinig ng mahihirap
si Atty. Luke Espiritu kung mangusap

dinggin mo ang tinuran ni Iza Calzado
na talumpati'y tagos sa pusò, totoo
pakinggan mo ang tinig ni Orly Gallano
ng lider-maralitang Norma Rebolledo

ilabas mo rin ang galit mo sa korapsyon
at likhain ang bagong kasaysayan ngayon
huwag nang manahimik sa silid mong iyon
makipagkapitbisig tayo't magsibangon

- gregoriovbituinjr.
12.04.2025

* litrato kuha ng makatang galâ sa Bahâ sa Luneta, Maynila, 11.30.2025

Pagsasabuhay ng pagiging pultaym

PAGSASABUHAY NG PAGIGING PULTAYM

ako'y isang tibak na Spartan
gaya noong aking kabataan
sinabuhay ang pagiging pultaym
bilang makata't tibak ng bayan

ang prinsipyo'y simpleng pamumuhay
pakikibaka'y puspusang tunay
sa ganyan ang loob ko'y palagay
sa prinsipyo ako pinatibay

pag sa pagiging tibak nawalâ
di na ako ang ako, tunay ngâ
sa anumang rali, laging handâ
pagkat lingkod ng obrero't dukhâ

di lang ako tibak sa panulat
kundi sa gawâ at nagmumulat
sa rali makikita mong sukat
kahit magutom o magkasugat

tumubo't laki sa aktibismo
ang makatang rebolusyonaryo
hangad ay lipunang makatao
na lahat ay nagpapakatao

ako'y ako, oo, ako'y tibak
sistemang bulok ay ibabagsak
pinagtatanggol ang hinahamak
kahit ako'y gumapang sa lusak

- gregoriovbituinjr.
12.04.2025

Pagtindig sa balikat ng tandayag

PAGTINDIG SA BALIKAT NG TANDAYAG

"If I have seen further, it is by standing on the shoulders of giants. (Kung mas malayò pa ang aking natanaw, iyon ay dahil sa pagtayô sa balikat ng mga tandayag.)" ~ Isaac Newton 

isa iyon sa natutunan kong prinsipyo
mula sa agham na hanggang ngayon, dala ko
sa rali man o pagkathâ ng tula't kwento
sa paglalakad man ng kilo-kilometro
sa paglalakbay man habang sakay ng barko
sa pangibang bayan sakay ng eroplano

nasa balikat ng tandayag o higante
nakatayong kaytatag, búhay man ay simple
kayraming paksa'y yakap sa araw at gabi
kayraming isyu kayâ sa bayan nagsilbi
sa mga walang-wala, laging sinasabi:
sistema'y baguhin, nang walang inaapi

nakatindig pa rin ako ng buong tapat
sa balikat ng tandayag at nagmumulat
sa masa na pakikipagkapwa'y ikalat
dapat ikulong na 'yang mga rapong bundat
na pondo ng bayan ang kanilang kinawat
bitayin sila kung kulong ay di na sapat

- gregoriovbituinjr.
12.04.2025

* litrato mula sa google

Linggo, Nobyembre 30, 2025

Pagpunta sa apat na lugar ng protesta

PAGPUNTA SA APAT NA LUGAR NG PROTESTA

mula Luneta, Mendiola, Edsa Shrine hanggang PPM
ay inikot ko ang mga iyon upang ikampanya
ang December 9 International Anti-Corruption Day
nagbabakasakaling mapabatid sa taumbayan
ang pandaigdigang araw laban sa katiwalian

ang apat na lugar ng protesta'y aking pinuntahan
habang tangan ko yaong tarpolin na magkabilaan
nalitratuhan, nabasa ng tanan, kinapanayam
paalalang ang UN ay may petsang pandaigdigan
laban sa mga mandarambong, kurakot at gahaman

umaga, Luneta; tanghali, Mendiola; hapon, Edsa
Shrine at PPM hanggang gabi, sana nama'y magbunga
ang kapangahasan ko't magsilabasan sa kalsada
lahat ng galit sa kurakot at bulok na sistema
wakasan ang korapsyon, hanggang makamtan ang hustisya

- gregoriovbituinjr
11.30.2025

* ang unang litrato ay kuha ni kasamang Warren nang magkita kami sa People Power Monument (PPM) ng hapon ng Kaarawan ni Bonifacio, ang ikalawa'y selfie ng makatang galâ

Miyerkules, Nobyembre 26, 2025

Bawat araw, may tulâ

BAWAT ARAW, MAY TULÂ

kahit nasa rali sa lansangan
o kaya'y pagbangon sa higaan
pagkakain ng pananghalian
o kaya'y matapos ang hapunan
titiyaking may tulâ na naman

araw at gabi, ako'y kakathâ
madaling araw, babangon sadyâ
upang kathain ang nasa diwà
nasa kaloobang lumuluhà
samutsaring paksâ, lumilikhâ

bawat araw ay may tulang handog
sa ganyan, pagkatao'y nahubog
sa tula, sarili'y binubugbog
paksa'y bayan, kalikasan, irog
misyon hanggang araw ko'y lumubog

- gregoriovbituinjr.
11.26.2025

Martes, Nobyembre 25, 2025

Pangangarap ng gising

PANGANGARAP NG GISING

patuloy ang pangangarap ng gising
mabuti't nangangarap, di na himbing
lalo't pakikibaka'y tumitining
laban sa korapsyon ng magagaling

dapat may pagbabago na sa bayan
lalo na't galit na ang sambayanan
sa trapo't oligarkiyang gahaman
sa dinastiya't burgesyang kawatan

itayo ang lipunang makatao
walang pagsasamantala ng tao
sa tao, di naghihirap ang tao
ang bawat isa'y nagpapakatao

talagang mayaman ang Pilipinas
ngunit kayhirap ng bayang dinahas
hinalal na pulitiko'y naghudas
na pondo'y ninakaw nilang madalas

kaya baguhin natin ang sistema
wakasan ang dinastiya, burgesya,
elitista't tusong oligarkiya
silang yumaman sa likha ng masa

- gregoriovbituinjr.
11.25.2025

Lunes, Nobyembre 24, 2025

Hustisya'y bakit pangmayaman lang?

HUSTISYA'Y BAKIT PANGMAYAMAN LANG?

"At ang hustisya ay para lang sa mayaman!"
- mula sa awiting Tatsulok ng Buklod

buti pa ang / mayayaman, / may due process
kapag dukha, / kulong agad, / anong bilis
nalaglag na / sampung piso / ang pinulot
ninakaw na! / kulong agad / at nanagot!

isang balot / lang na monay / o pandesal
dahil gutom / yaong anak / niyang mahal
ang hiningi, / ninakaw daw / ng kriminal
ba't pag dukha, / turing agad / ay pusakal?
 
bilyong bilyong / pisong pondo / nitong bayan
na ninakaw / ng senaTONg / at TONGgresman
may due process, / di makulong / ang kawatan
hay, sa bansa / ang hustisya'y / bakit ganyan?

baguhin na / itong bulok / na sistema
pagkat tila / pangmayaman / ang hustisya
ang bulok na / lipunan ay / palitan na
nang hustisya'y / matamo rin / nitong masa

- gregoriovbituinjr.
11.24.2025

* litrato kuha sa Fiesta Carnival, Cubao, QC    

Linggo, Nobyembre 23, 2025

Ako ma'y isang tinig sa ilang

AKO MA'Y ISANG TINIG SA ILANG

ako'y isa raw tinig sa ilang
walang nakikinig, tila hunghang
kayraming tao sa kalunsuran
ay tila ba nasa kaparangan 
salitâ nang salitâ nang gising
tulâ ng tulâ ay nanggigising
ng mga tulog na kaisipan
ng mga himbing pa sa higaan
sumisigaw laban sa kurakot
na di napapakinggan ng buktot
na trapo, burgesya, dinastiya,
tusong kuhilà, oligarkiya
nananatiling tinig sa ilang
ang makatang di pinakikinggan 

- gregoriovbituinjr.
11.23.2025

Huwebes, Nobyembre 20, 2025

Hilakbot ng kurakot

HILAKBOT NG KURAKOT

hilakbot ng kurakot
ay nakapanlalambot
dapat silang managot
sa inhustisyang dulot

sa bayang binabalot
ng sistemang baluktot,
oligarkiyang buktot
dinastiyang balakyot

sadyang nakatatakot
ang gawa ng kurakot:
krimeng may pahintulot
di man lang nagbantulot

batas na'y binaluktot
ang kaban ay hinuthot
ang buwis ay dinukot
bilyong piso'y hinakot

ng mga trapong buktot
at kuhilang balakyot
na dapat lang managot
at walang makalusot

bansa'y nangingilabot
sa mga ganyang gusot
krimen nilang dinulot
sa bansa nga'y bangungot

- gregoriovbituinjr.
11.20.2025

* litrato kuha sa Plaza Bonifacio sa Pasig noong Nobyembre 8, 2025, bago magsimula ang Musika, Tula, Sayaw sa "Pasig Laban sa Korapsyon"

Biyernes, Nobyembre 7, 2025

Paalala para sa Disyembre 9: International Anti-Corruption Day

PAALALA PARA SA DISYEMBRE 9: INTERNATIONAL ANTI-CORRUPTION DAY

higit isang buwan pa ang palilipasin
ay talagang pinaghahandaan na natin
ang araw laban sa korapsyon at kurakot
na pondo ng bayan ang kanilang hinuthot

batid nating pinaghahandaang totoo
ay yaong araw ng karapatang pantao;
ang nakakatakot ay baka malimutan
ang mismong isyung kinagagalit ng bayan:

ang korapsyon, kurakutan ng mandarambong
sa pondo ng bayan, kaya isinusulong
kilalanin ang araw laban sa kurakot
pandaigdigang araw laban sa balakyot

ang araw bago Universal Human Rights Day
ay ang International Anti-Corruption Day
ito ang isyu ngayon,  at matinding isyu
dapat tayong lumabas sa araw na ito

huwag nating hayaang basta makalampas
ang Disyembre Nuwebe, at huwag lumipas
na parang pangkaraniwang araw, dapat ngâ
tayo'y magrali, kurakot ay matuligsâ

- gregoriovbituinjr.
11.07.2025